Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Diyos?

Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Diyos?

KABANATA 36

Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Diyos?

Bakit kaya hindi mo masabi sa iyong kaklase ang tungkol sa pananampalataya mo?

□ Kulang ang kaalaman mo sa Bibliya

□ Takot kang mapagtawanan

□ Hindi mo alam kung paano sisimulan ang pag-uusap

Kung ikaw ang tatanungin, ano ang pinakamadaling paraan para sabihin sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya?

□ Kausapin ang isang kaklase

□ Magsalita sa harap ng klase

□ Sumulat ng report tungkol sa mga natutuhan ko sa Bibliya

Kung kaya mo nang ipakipag-usap ang isang paksa sa Bibliya, sino sa mga kaeskuwela mo ang sa palagay mo’y makikinig sa iyo? ․․․․․

MALAMANG na hindi masyadong pinag-uusapan ng mga kaeskuwela mo ang tungkol sa Diyos. Magsabi ka ng ibang mga bagay​—isport, damit, o mga di-kasekso​—at hindi kayo mauubusan ng pag-uusapan. Pero banggitin mo ang tungkol sa Diyos at bigla na silang tatahimik.

Ibig bang sabihin nito, hindi naniniwala sa Diyos ang mga kapuwa mo kabataan? Hindi naman. Marami nga sa kanila ang naniniwala sa Kaniya. Naaasiwa lamang ang ilan na pag-usapan ang paksang ito. ‘Ang corny naman,’ baka isipin nila.

Kumusta Ka Naman?

Kung naiilang kang kausapin ang mga kaeskuwela mo tungkol sa Diyos, madali namang maintindihan iyan. Sino ba naman ang gustong kainisan ng iba, at lalo na ang mapagtawanan! Kung sa bagay, puwede talagang mangyari iyan sa iyo kung ipakikipag-usap mo ang pananampalataya mo. Pero baka magulat ka sa ibang kabataang gaya mo. Marami sa kanila ang naghahanap ng kasagutan sa mga tanong na gaya ng: Ano na ang kahihinatnan ng ating daigdig? at Bakit napakaraming problema sa ngayon? Malamang na mas gusto ng mga kabataang tulad mo na pag-usapan ang mga paksang ito kasama ng isang kaedad nila sa halip na isang mas matanda sa kanila.

Pero parang mahirap pa ring ipakipag-usap sa mga kapuwa mo kabataan ang tungkol sa relihiyon. Ang totoo, hindi ka naman kailangang magmukhang panatiko. Hindi ka rin dapat mag-alala na baka magkamali ka sa sasabihin mo. Ang pakikipag-usap tungkol sa pananampalataya mo ay parang pagtugtog ng isang instrumentong pangmusika. Malamang na hindi ito madaling gawin sa umpisa. Pero kung magpapraktis ka, magiging madali na ito, at magiging sulit ang mga pagsisikap mo. Paano mo naman kaya pasisimulan ang isang pag-uusap?

Kadalasan na, puwede mo itong pasimulan sa isang bagay na madaling pag-usapan. Halimbawa, kapag pinag-uusapan sa klase ang tungkol sa isang kasalukuyang balita, puwede mong banggitin ang opinyon mong salig sa Bibliya. O puwede mong kausapin kahit isa lamang sa mga kaklase mo. Ang isa pang mas madaling paraan na ginagawa ng ilang kabataang Kristiyano ay ang basta paglalagay sa kanilang mesa ng isang publikasyong salig sa Bibliya para makita nila kung magiging interesado rito ang kaklase nila. Madalas na napapansin ito ng isang kaklase kaya napapasimulan ang pag-uusap!

Alin sa nabanggit na mga paraan ang puwede mong subukan? ․․․․․

May naiisip ka pa bang ibang paraan para masabi mo sa isang kaklase ang tungkol sa pananampalataya mo? Kung mayroon, isulat mo ito sa ibaba.

․․․․․

Kung minsan, dahil sa isang project sa eskuwela, nagkakaroon ka ng pagkakataong sabihin sa iba ang tungkol sa pananampalataya mo. Halimbawa, ano ang puwede mong gawin kapag pinag-uusapan sa inyong klase ang tungkol sa ebolusyon? Paano mo ipagtatanggol ang paniniwala mo tungkol sa paglalang?

Kung Paano Mo Ipagtatanggol ang Paglalang

“Nang pag-usapan sa klase ang tungkol sa ebolusyon, ibang-iba iyon sa mga itinuro sa akin [ng mga magulang ko],” ang sabi ng kabataang si Ryan. “Itinuro iyon [ng mga guro ko] na para bang napatunayan nang totoo iyon, kaya hindi na ako nakakibo.” Halos ganiyan din ang sinabi ni Raquel. “Kinabahan ako nang sabihin ng guro ko sa araling panlipunan na ebolusyon ang susunod naming pag-aaralan,” ang sabi niya. “Alam ko na kakailanganin kong ipaliwanag sa klase ang paninindigan ko sa kontrobersiyal na isyung ito.”

Ano ang nadarama mo kapag ebolusyon na ang pinag-uusapan sa klase? Naniniwala ka na “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Nakikita mo sa mga bagay sa palibot mo ang ebidensiya na may matalinong disenyador. Pero sinasabi sa mga aklat-aralin, pati na ng guro mo, na ang buhay ay dumaan sa proseso ng ebolusyon. Sino ka naman para kontrahin ang sinasabi ng mga diumano’y eksperto?

Makatitiyak kang marami rin ang hindi naniniwala sa teoriya ng ebolusyon. Sa katunayan, may mga siyentipiko pa ngang hindi rin naniniwala rito, kasama na ang maraming guro at mga estudyante.

Magkagayunman, para maipagtanggol mo ang paniniwala mo sa paglalang, kailangan mong malaman kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito. Hindi mo kailangang makipagtalo tungkol sa mga bagay na walang tuwirang sinasabi ang Bibliya. Tingnan ang ilang halimbawa.

Ayon sa aklat-aralin ko tungkol sa siyensiya, bilyun-bilyong taon nang umiiral ang lupa at ang sistema solar. Sinasabi ng Bibliya na umiiral na ang lupa at ang buong uniberso bago pa ang unang araw ng paglalang. Kaya malamang na mga bilyun-bilyong taon nang umiiral ang lupa at ang sistema solar.​—Genesis 1:1.

Sinasabi ng aking guro na imposibleng nilalang ang lupa sa loob lamang ng anim na araw. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang bawat isa sa anim na araw ng paglalang ay literal na 24 na oras.

Tinalakay sa klase namin ang maraming halimbawa kung paano nagbago ang anyo ng mga hayop at mga tao sa paglipas ng panahon. Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga bagay na may buhay “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:20, 21) Hindi nito sinusuportahan ang ideya na nagmula ang buhay sa mga bagay na walang buhay ni sinasabi man nito na sinimulan ng Diyos ang proseso ng ebolusyon sa pamamagitan ng isang selula. Pero ang bawat “uri” ay may potensiyal na maging sari-sari ang hitsura. Kaya ipinahihiwatig ng Bibliya na posibleng magkaroon ng mga pagbabago sa anyo ng mga nilalang, pero hindi nagbabago ang kanilang “uri.”

Matapos isaalang-alang ang mga tinalakay sa kabanatang ito, ano ang sasabihin mo kung isang guro o kaklase mo ang magsabi:

“Pinatutunayan ng siyensiya na tayo ay produkto ng ebolusyon.” ․․․․․

“Hindi ako naniniwala sa Diyos dahil hindi ko siya nakikita.” ․․․․․

Maging Kumbinsido sa mga Paniniwala Mo!

Kung Kristiyano ang mga magulang mo, baka naniniwala ka sa paglalang dahil lamang sa iyan ang naituro sa iyo. Pero ngayong malaki ka na, gusto mong sambahin ang Diyos ‘taglay ang kakayahan mo sa pangangatuwiran’ at gusto mo ring magkaroon ng matibay na pundasyon, o basehan, ang mga paniniwala mo. (Roma 12:1) Dahil diyan, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang nakakakumbinsi sa akin na mayroong Maylalang?’ Tinukoy ng 14-anyos na si Sam ang katawan ng tao. “Napakadetalyado at napakakomplikado nito,” ang sabi niya, “at napakahusay ng koordinasyon ng lahat ng bahagi nito. Hindi puwedeng produkto lamang ng ebolusyon ang katawan ng tao!” Ganito rin ang iniisip ng 16-anyos na si Holly. “Mula nang sabihin ng mga doktor na may diyabetis ako,” ang sabi niya, “marami akong natutuhan kung paano gumagana ang katawan ng tao. Halimbawa, napakahusay ng trabahong ginagawa ng lapay (pancreas)​—isang maliit na sangkap na nasa parteng likod ng tiyan​—para mapadaloy nang mahusay ang dugo at mapagana nang maayos ang ibang sangkap ng katawan.”

Ilista sa ibaba ang tatlong bagay na nakakumbinsi sa iyo na mayroong Maylalang.

1. ․․․․․

2. ․․․․․

3. ․․․․․

Hindi ka dapat mailang o mahiya dahil naniniwala ka sa Diyos at sa paglalang. Kung titingnan ang mga katibayan, talagang makatuwirang maniwala na ang tao ay ginawa ng isang matalinong disenyador.

Matapos tingnan ang lahat ng ebidensiya, masasabi natin na hindi ang paglalang kundi ang ebolusyon ang nangangailangan ng matinding pangungumbinsi. Sa ibang salita, ang papaniwalain ang iba sa isang himala nang wala namang naghimala! Pagkatapos mong pag-isipang mabuti ang bagay na ito gamit ang kakayahan mo sa pangangatuwiran, magkakaroon ka ng higit na kumpiyansa na ipagtanggol ang paniniwala mo sa Diyos.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Nakikita mong nagpapabautismo na ang mga kasing-edad mo. Handa ka na rin bang magpabautismo?

TEMANG TEKSTO

“Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.”​—Roma 1:16.

TIP

May malaking epekto ang paraan mo ng pakikipag-usap tungkol sa iyong mga paniniwala. Kung para kang nahihiya, mas malamang na kantiyawan ka lang nila. Pero kung magsasalita ka nang may kumpiyansa ​—gaya ng ginagawa ng mga kaeskuwela mo kapag sinasabi nila ang kanilang opinyon​—mas malamang na igagalang ka nila.

ALAM MO BA . . . ?

Kung minsan, kapag hinihiling sa mga guro na patunayan ang ebolusyon, hindi nila iyon magawa. Saka nila maiisip na kaya lang nila pinaniniwalaan ang teoriyang iyon ay dahil iyon ang naituro sa kanila.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para mapasimulan ko ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya sa isang kaklase, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kapag tinanong ako kung bakit naniniwala ako sa Maylalang, ang sasabihin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit importanteng sabihin sa iba ang iyong paniniwala?

● Kapag nasa eskuwela ka, ano ang ilang paraan para madali mong masabi ang iyong paniniwala tungkol sa paglalang?

● Paano mo maipapakita ang iyong pasasalamat sa Isa na lumalang ng lahat ng bagay?​—Gawa 17:26, 27.

[Blurb sa pahina 299]

“Ang eskuwelahan ay isang teritoryong kami lang ang puwedeng makapangaral.”​—Iraida

[Larawan sa pahina 298]

Parang pagtugtog ng isang instrumentong pangmusika ang pagsasabi sa iba tungkol sa pananampalataya mo. Nangangailangan ito ng kasanayan​—kung magpapraktis ka, magiging mahusay ka rito

[Larawan sa pahina 300, 301]

Puwede mong mapaglabanan ang iyong takot na ipagtanggol ang mga paniniwala mo