Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masama sa Casual Sex?

Ano ang Masama sa Casual Sex?

KABANATA 26

Ano ang Masama sa Casual Sex?

“May mga kabataang nagsasama-sama para makahanap ng partner sa sex at makita kung makakarami sila.”​—Penny.

“Hindi nahihiya ang mga lalaki na pag-usapan ito. Ipinagyayabang nilang kahit may girlfriend na sila, nakikipag-sex pa rin sila sa ibang mga babae.”​—Edward.

IPINAGMAMALAKI ng maraming kabataan na nakikipag-sex sila kahit walang pagmamahal o pananagutang nasasangkot​—iyan ang tinatawag na casual sex. Ang ilan ay may mga kakilala pa nga na puwede nilang maka-sex kapag gusto nila.

Huwag kang magtaka kung natutukso ka ring gawin iyan. (Jeremias 17:9) Sinabi ni Edward, na binanggit kanina: “Marami nang babae ang nagyaya sa akin na makipag-sex, at ang pagtanggi ang pinakamahirap gawin bilang Kristiyano.” Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat tandaan kung may nagyayaya sa iyo na makipag-sex?

Kung Bakit Mali ang Casual Sex

Ang mga nakikiapid ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:​9, 10) Napakabigat ngang kasalanan ng pakikiapid, kahit pa sabihing “nagmamahalan” ang mga gumagawa nito. Para malabanan ang tukso, dapat mong tularan ang pananaw ni Jehova sa pakikiapid.

“Talagang naniniwala ako na ang pagsunod kay Jehova ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay.”​—Karen, Canada.

“May mga magulang ka, kaibigan, at mga kakongregasyon. Tiyak na malulungkot sila kapag nagpadala ka sa tukso!”​—Peter, Britanya.

Kapag tinularan mo ang pananaw ni Jehova sa pakikiapid, ‘kapopootan mo ang kasamaan,’ kahit pa natutukso ka.​—Awit 97:10.

Basahin ang Genesis 39:​7-9. Pansinin ang katatagan ni Jose na labanan ang tukso at kung ano ang tumulong sa kaniya na labanan ito.

Huwag Ikahiya ang Iyong mga Paniniwala

Karaniwan na, ipinaglalaban ng mga kabataan ang mga paniniwala nila. Pribilehiyo mong ipagtanggol ang pamantayan ng Diyos sa pamamagitan ng iyong paggawi. Huwag ikahiya ang pananaw mo tungkol sa pakikipag-sex nang di-kasal.

“Sa simula pa lang, ipaalam mo nang may sinusunod kang mga pamantayang moral.”​—Allen, Alemanya.

“Kilala ako ng mga lalaking naging kaeskuwela ko sa haiskul, kaya alam nilang hindi nila ako mapapapayag.”​—Vicky, Estados Unidos.

Kapag naninindigan ka sa iyong mga paniniwala, patunay iyan na nagiging may-gulang na Kristiyano ka na.​—1 Corinto 14:20.

Basahin ang Kawikaan 27:11. Pansinin ang madarama ni Jehova kung gagawin mo ang tama.

Maging Matatag!

Mahalagang tumanggi ka. Pero baka isipin ng iba na “pakipot” ka lang.

“Dapat makita sa iyong pananamit, pagsasalita, pinipiling kasama, at pakikitungo na matatag ka sa pasiya mo.”​—Joy, Nigeria.

“Kailangan mong linawin na hinding-hindi ka bibigay. Huwag kang tatanggap ng regalo sa mga nagyayayang makipag-sex sa iyo. Baka isumbat lang nila ito.”​—Lara, Britanya.

Magpakatatag ka at tutulungan ka ni Jehova. Napatunayan iyan ng salmistang si David. Sinabi niya tungkol kay Jehova: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.”​Awit 18:25.

Basahin ang 2 Cronica 16:9. Pansinin kung gaano kasabik si Jehova na tumulong sa mga gustong gawin kung ano ang tama.

Maging Maingat

Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Paano mo masusunod ang payong iyan? Maging maingat!

“Hangga’t maaari, iwasan ang mga taong mahilig mag-usap tungkol sa sex.”​—Naomi, Japan.

“Huwag magbigay ng personal na impormasyon, gaya ng adres o numero ng telepono.”​—Diana, Britanya.

Suriin kung paano ka nagsasalita at gumagawi, kung sinu-sino ang nakakasama mo, at kung saan ka madalas pumunta. Saka tanungin ang sarili, ‘May ikinikilos ba ako na maaaring magpalakas ng loob ng iba na yayain akong makipag-sex?’

Basahin ang Genesis 34:​1, 2. Alamin kung paano napahamak ang dalagang si Dina dahil sa pagpunta niya sa lugar na hindi niya dapat puntahan.

Tandaan, sa paningin ni Jehova, hindi laro ang casual sex; gayon din dapat ang pananaw mo. Kung maninindigan ka, mapapanatili mo ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ang respeto sa sarili. Gaya nga ng komento ng dalagang si Carly, “bakit ka ‘magpapagamit’ sa iba? Huwag mong sirain ang pinakaiingat-ingatan mong katayuan sa harap ni Jehova!”

SA SUSUNOD NA KABANATA

Ano ba talaga ang hinahanap ng mga lalaki sa mga babae? Baka magulat ka!

TEMANG TEKSTO

‘Gawin ninyo ang inyong buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan kayo ng Diyos na walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.’​—2 Pedro 3:14.

TIP

Pasulungin ang iyong personalidad. (1 Pedro 3:​3, 4) Miyentras sinisikap mong maging mabuting tao, mas mabubuting tao ang mapapalapit sa iyo.

ALAM MO BA . . . ?

Nilayon ni Jehova na masiyahan ka sa sex​​—kapag nag-asawa ka na. Gusto niyang ma-enjoy mo ito nang walang halong pangamba, pag-aalinlangan, at pagsisisi na karaniwang resulta ng pakikiapid.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para matularan ko ang determinasyon ni Jose na manatiling malinis sa moral, ang gagawin ko ay ․․․․․

Para maiwasan ko ang naging pagkakamali ni Dina, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Kahit natutukso kang subukan ang casual sex, bakit hindi mo ito dapat gawin?

● Ano ang gagawin mo kapag may nagyaya sa iyo na makipag-sex?

[Blurb sa pahina 185]

“Magpakatatag ka! Nang haplusin ng isang lalaki ang balikat ko, sinabi ko, ‘Huwag mo nga akong mahawak-hawakan ha!’ Tiningnan ko siya nang masama sabay alis.”​—Ellen

[Larawan sa pahina 187]

Pinapababa mo ang iyong halaga kung papayag ka sa casual sex