Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ako Makakalaya sa Droga?

Paano Ako Makakalaya sa Droga?

KABANATA 35

Paano Ako Makakalaya sa Droga?

LULONG ka ba sa droga? Malamang na alam mong masama ang epekto nito sa isip at katawan. Baka sinikap mo nang tigilan ang bisyo, pero balik ka pa rin sa dati. Huwag kang mawalan ng pag-asa. May mga dating naadik sa droga na nakalaya rito. Kaya mo rin iyan! Tingnan kung paano ito nagawa ng tatlong indibiduwal na iba-iba ang kinalakhan.

PANGALAN Marta

ANG NAKARAAN KO Anak ako sa pagkadalaga, kaya lumaki kaming magkapatid na walang tatay. Mga 12 pa lang ako, nagdi-disco na ako kasama ng auntie kong mahilig magsayaw. Palakaibigan ako pero sa masasamang kasama ako napabarkada. Nagsimula akong magdroga noong 13 ako. Pati cocaine nasubukan ko. Noong una, nag-e-enjoy ako. Pero di-nagtagal, kung anu-ano na ang nakikita ko at naririnig, at naging matatakutin ako. Kapag lumipas na ang epekto ng droga, naiisip kong magpakamatay. Gusto ko nang tumigil sa bisyo, pero hindi ko magawa.

KUNG PAANO AKO NAKALAYA Nagsimula akong mag-isip tungkol sa Diyos at nagsimba pa nga ng ilang beses. Pero lalo lang akong nawalan ng pag-asa. Sa edad na 18, nakipag-live-in ako sa boyfriend ko at nagkaroon kami ng isang anak. Naging inspirasyon ko sa pagbabagong-buhay ang anak ko. Pagkatapos, isang dati kong kaibigan ang lumipat ng bahay, sa tapat ng tinitirhan namin. Dumalaw siya para mangumusta. Ipinagtapat ko sa kaniya ang lahat ng pinagdaraanan ko. Sinabi niya na isa na siyang Saksi ni Jehova at handa niya akong turuan sa Bibliya. Pumayag ako.

Nalaman kong hindi natutuwa ang Diyos sa pamumuhay ko at kailangan kong tumigil sa pagdodroga at paninigarilyo. Pero matindi na ang kapit sa akin ng droga. Lagi kong ipinapanalangin sa Diyos na Jehova na tulungan akong maitigil ang bisyo ko. Gusto kong mapasaya siya. (Kawikaan 27:11) Pagkalipas ng anim-na-buwang pakikipag-aral at pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, nakalaya ako sa droga. May direksiyon na ngayon ang buhay ko. Hindi na ako laging depressed. Nakilala ko ang isang mahusay na Kristiyanong lalaki at nagpakasal kami. Napalaki ko ayon sa mga simulain ng Bibliya ang anak ko. Laking pasasalamat ko na sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko!

PANGALAN Marcio

ANG NAKARAAN KO Lumaki ako sa Santo André, isang mataong lunsod sa estado ng São Paulo, Brazil. Bata pa lang ako, marunong na akong gumamit ng tabako, magdroga, at magnakaw. Marami sa mga kaibigan ko ang carnapper at pusher. Isa sa kanila ang namimigay ng libreng droga sa mga kabataan sa lugar namin. Kapag naadik na sila, kailangan na silang bumili sa kaniya.

Laging nagpapatrol ang mga pulis sa lugar namin, at ilang beses akong naaresto dahil sa maliliit na paglabag at isang beses dahil napagsuspetsahan akong nagtutulak ng droga. Madalas kong itago sa bahay ko ang mga baril at mga ninakaw ng isang gang.

Takót sa akin ang mga tao. Laging mapula ang mata ko. Hindi ako ngumingiti. Sinasadya kong magmukhang papatay ng tao. “Tufão” (Bagyo) ang tawag nila sa akin kasi kahit saan ako pumunta, kabuntot ko ang gulo. Lasenggo ako at imoral. Patay na ang marami sa mga kaibigan ko, ang iba naman ay nabilanggo. Lungkot na lungkot ako kaya sinubukan kong magbigti.

KUNG PAANO AKO NAKALAYA Humingi ako ng tulong sa Diyos. Pagkatapos, may nakilala akong mga Saksi ni Jehova na nagturo sa akin ng Bibliya. Nalaman kong Jehova ang pangalan ng Diyos, mahal niya tayo, at tinutulungan niya ang mga nagsisikap na sumunod sa kaniya. (Awit 83:18; 1 Pedro 5:6, 7) Ang dami kong kailangang baguhin. Ang isa sa pinakamahirap? Ang pagngiti.

Lagi kong hinihingi ang tulong ni Jehova. Sinunod ko rin ang mga payo ng Bibliya. Halimbawa, nakipagkaibigan ako sa mga sumusunod sa Bibliya sa halip na makisama pa sa mga dati kong “kaibigan.” Iniwasan ko ring pumunta sa mga bar. Mahirap, pero nakapagbagong-buhay rin ako. Hindi na ako nagnanakaw at nanggugulo. At mahigit sampung taon na akong malaya sa droga.

PANGALAN Craig

ANG NAKARAAN KO Lumaki ako sa isang bukid sa Timog Australia. Alkoholiko ang tatay ko. Naghiwalay sila ng nanay ko noong walong taóng gulang ako. Nang mag-asawang muli si Nanay, sumama ako sa kaniya hanggang mag-17 ako. Nang taóng iyon, naging manggugupit ako ng tupa. Kasama ang iba pang manggugupit, palipat-lipat ako ng lugar kung saan may trabaho. Natuto akong maglasing at gumamit ng iba’t ibang droga. Pinahaba ko ang buhok ko, nilagyan ng wax, tinirintas, at nilagyan ng beads. Naging mainggitin ako, mapang-abuso, at magagalitin. Ilang beses akong nakulong.

Lumipat ako sa isang maliit na bayan sa Kanlurang Australia at nag-live in kami ng girlfriend ko, na isang bartender sa hotel. Pareho kaming umiinom at nagdodroga, at may sarili kaming taniman ng marijuana.

KUNG PAANO AKO NAKALAYA Kaaani lang namin ng marijuana nang kumatok ang mga Saksi sa pinto ng luma at sira-sira naming bahay. Nakinig ako sa kanila pero hindi ako basta naniwala. Pinatunayan ko mismo sa sarili ko na totoo ang sinasabi ng Bibliya. Pagkatapos, isa-isa kong hinarap ang mga problema ko.

Nalaman kong kailangan kong ihinto ang paggamit ng marijuana. Pero ang laki na ng hirap ko sa pagpapalago sa tanim ko. Ipapamigay ko na lang sana ito pero naisip kong hindi tama iyon. Kaya pinatay ko na lang ang tanim ko. Malaking tulong ang panalangin at ang espiritu ng Diyos para manalo ako laban sa aking mga bisyo. Iniwasan ko rin ang mga taong masama ang impluwensiya sa akin. Habang natututo ako sa Bibliya at sinusunod ang mga turo nito, nabago ko ang ilan sa masasama kong ugali. Nag-aral din ng Bibliya ang girlfriend ko at malaki ang ipinagbago niya. Nagpakasal kami at nagkaroon ng dalawang anak. Sa ngayon, 21 taon nang malusog ang pangangatawan namin. Kinikilabutan ako kapag naiisip ko ang malamang na nangyari sa akin kung hindi ako tinulungan ni Jehova na magbago.

TEMANG TEKSTO

‘Si Jehova ay aking lakas at aking kalakasan.’​—Isaias 12:2.

TIP

Hangga’t maaari, iwasan ang mga tao, lugar, at mga bagay na magpapaalala sa dati mong bisyo. Ayon sa pananaliksik, puwede kang matuksong bumalik sa pagdodroga makita mo pa lang ang mga ito.

ALAM MO BA . . . ?

Puwedeng sirain ng pagdodroga ang kayarian ng utak mo at hindi na gumana nang normal.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kapag nadala ako ng tukso na gumamit muli ng droga, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kailangang gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay ang isang tao kung gusto niyang makalaya sa droga?

● Bakit makakatulong ang pag-aaral ng katotohanan tungkol sa Diyos?

[Blurb sa pahina 253]

“Dahil sa pagsunod sa mataas na pamantayan ng Bibliya, masaya na ako ngayon at may direksiyon na ang buhay ko.”​—Marta

[Larawan sa pahina 256]

Ang pagdaig sa droga ay gaya ng pagtakas sa isang nasusunog na bahay​—may kailangan kang iwan, pero maililigtas mo naman ang iyong buhay