Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 50

Handang Mangaral Kahit Pag-usigin

Handang Mangaral Kahit Pag-usigin

MATEO 10:16–11:1 MARCOS 6:12, 13 LUCAS 9:6

  • SINANAY AT ISINUGO NI JESUS ANG MGA APOSTOL

Binigyan ni Jesus ang mga apostol ng malilinaw na tagubilin kung paano mangangaral. Pero hindi lang iyan. Nagbabala rin siya tungkol sa mga mananalansang: “Isinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo . . . Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadalhin nila kayo sa mga hukuman, at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga nila. At dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin.”—Mateo 10:16-18.

Oo, maaaring mapaharap ang mga tagasunod ni Jesus sa matinding pag-uusig, pero tiniyak niya: “Kapag dinala nila kayo roon, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano ninyo ito sasabihin, dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon; ang magsasalita ay hindi lang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.” Sinabi pa ni Jesus: “Ipapapatay ng kapatid ang kapatid niya, at ng ama ang anak niya, at ang mga anak ay lalaban sa mga magulang nila at ipapapatay ang mga ito. At kapopootan kayo ng lahat ng tao dahil sa pangalan ko, pero ang makapagtitiis hanggang sa wakas ang maliligtas.”—Mateo 10:19-22.

Dahil pangunahin ang pangangaral, idiniin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na maging maingat para makapangaral sila nang malaya. Sinabi niya: “Kapag pinag-uusig nila kayo sa isang lunsod, tumakas kayo papunta sa ibang lugar; dahil sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo malilibot ang lahat ng lunsod sa Israel hanggang sa dumating ang Anak ng tao.”—Mateo 10:23.

Napakahalaga nga ng mga tagubilin, babala, at pampatibay ni Jesus sa 12 apostol! Pero ang mga sinabi ni Jesus ay para din sa mga makikibahagi sa pangangaral pagkamatay at pagkabuhay niyang muli. Makikita ito sa pagsasabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay “kapopootan . . . ng lahat ng tao,” hindi lang ng mga taong pangangaralan ng mga apostol. Isa pa, sa maikling panahong ito ng pangangaral ng mga apostol sa Galilea, wala tayong mababasa na sila ay dinala sa mga gobernador at mga hari, o ipinapatay man ng kanilang pamilya.

Maliwanag na nasa isip ni Jesus ang hinaharap nang sabihin niya ang mga iyon sa mga apostol. Pansinin na sinabi niyang hindi malilibot ng mga alagad ang kanilang teritoryo sa pangangaral “hanggang sa dumating ang Anak ng tao.” Ipinakikita rito ni Jesus na hindi matatapos ng mga alagad ang pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos bago dumating ang niluwalhating Haring Jesu-Kristo bilang hukom na inatasan ng Diyos.

Sa pangangaral nila, hindi dapat ikagulat ng mga apostol ang pagsalansang, dahil sinabi ni Jesus: “Ang alagad ay hindi nakahihigit sa guro niya, at ang alipin ay hindi nakahihigit sa panginoon niya.” Maliwanag ang punto ni Jesus. Sinalansang siya at inusig dahil sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos, at gayundin sila. Pero sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot sa makapapatay sa katawan pero hindi makapupuksa sa buhay; sa halip, matakot kayo sa makapupuksa sa buhay at katawan sa Gehenna.”—Mateo 10:24, 28.

Nagpakita si Jesus ng halimbawa sa bagay na ito. Walang-takot niyang hinarap ang kamatayan sa halip na ikompromiso ang kaniyang katapatan kay Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Si Jehova lang ang makapupuksa sa “buhay” (ang pag-asang buhay sa hinaharap) o makapagbabangon ng mga patay tungo sa buhay na walang hanggan. Malaki ngang pampatibay ito sa mga apostol!

Ganito inilarawan ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. . . . Kaya huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”—Mateo 10:29, 31.

Ang mensaheng ipangangaral ng mga alagad ni Jesus ay pagmumulan ng pagkakabaha-bahagi ng pamilya; may miyembro na tatanggap, pero may iba na hindi. “Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa,” ang sabi ni Jesus. Oo, kailangan ng isang miyembro ng pamilya ang lakas ng loob para manindigan sa katotohanan. “Kung mas mahal ng isa ang kaniyang ama o ina kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin,” ang sabi ni Jesus, “at kung mas mahal ng isa ang kaniyang anak na lalaki o anak na babae kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.”—Mateo 10:34, 37.

Pero may tatanggap sa mga alagad ni Jesus. Sinabi niya: “Sinumang nagbibigay sa isa sa mga hamak na ito ng kahit isang baso ng malamig na tubig na maiinom dahil isa siyang alagad, sinasabi ko sa inyo, tiyak na tatanggap siya ng gantimpala.”—Mateo 10:42.

Dahil sa mga tagubilin, babala, at pampatibay ni Jesus, handa na ang mga apostol na puntahan “ang bawat nayon sa teritoryo para ihayag ang mabuting balita at magpagaling ng mga sakit.”—Lucas 9:6.