Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 62

Isang Mahalagang Aral sa Kapakumbabaan

Isang Mahalagang Aral sa Kapakumbabaan

MATEO 17:22–18:5 MARCOS 9:30-37 LUCAS 9:43-48

  • INULIT NI JESUS ANG HULA TUNGKOL SA KANIYANG KAMATAYAN

  • IPINAMBAYAD NIYA NG BUWIS ANG BARYA MULA SA BIBIG NG ISDA

  • SINO ANG MAGIGING PINAKADAKILA SA KAHARIAN?

Matapos ang pagbabagong-anyo at ang pagpapalayas ng demonyo mula sa isang binatilyo sa rehiyon ng Cesarea Filipos, nagpunta si Jesus sa Capernaum. Mga alagad lang niya ang kasama niya sa paglalakbay para hindi ito ‘malaman ng sinuman.’ (Marcos 9:30) Pagkakataon niya ito para ihanda ang mga alagad sa kaniyang kamatayan at sa atas na gagawin nila. “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kamay ng mga kaaway,” ang paliwanag niya, “at papatayin nila siya, at sa ikatlong araw ay bubuhayin siyang muli.”—Mateo 17:22, 23.

Hindi na ito dapat ikagulat ng mga alagad. Binanggit na kasi ni Jesus noon na papatayin siya, kahit na ayaw maniwala ni Pedro na mangyayari ito. (Mateo 16:21, 22) At tatlong apostol ang nakakita sa pagbabagong-anyo ni Jesus at nakarinig sa usapan tungkol sa “pag-alis” ni Jesus. (Lucas 9:31) Pero hindi pa rin nila iyon lubusang nauunawaan, at ang mga tagasunod niya ay ‘nalungkot nang husto.’ (Mateo 17:23) Gayunman, takót silang magtanong tungkol doon.

Dumating sila sa Capernaum, ang sentro ng gawain ni Jesus at pinagmulan ng karamihan sa mga apostol niya. Lumapit kay Pedro ang mga nangongolekta ng buwis sa templo. Malamang na para akusahan si Jesus ng hindi pagbabayad ng buwis, nagtanong sila: “Nagbabayad ba ang guro ninyo ng buwis [sa templo] na dalawang drakma?”—Mateo 17:24.

“Oo,” ang sagot ni Pedro. Pagbalik ni Pedro sa bahay, alam na ni Jesus ang nangyari. Kaya imbes na hintaying sabihin iyon ni Pedro, tinanong siya ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ng buwis ang mga hari sa lupa? Mula sa mga anak nila o sa ibang mga tao?” Sumagot si Pedro: “Mula sa ibang mga tao.” Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kaya libre talaga sa buwis ang mga anak.”—Mateo 17:25, 26.

Ama ni Jesus ang Hari ng uniberso at ang sinasamba sa templo. Kaya hindi obligado ang Anak ng Diyos na magbayad ng buwis sa templo. “Pero para wala silang masabi sa atin,” ang sabi ni Jesus, “pumunta ka sa lawa, mamingwit ka, at kunin mo ang unang isda na mahuhuli mo. Kapag ibinuka mo ang bibig nito, makakakita ka ng isang baryang pilak [isang estater, o tetradrakma]. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila para sa ating dalawa.”—Mateo 17:27.

Magkakasama na ngayon ang mga alagad, at gusto nilang itanong kay Jesus kung sino ang magiging pinakadakila sa Kaharian. Hindi pa natatagalan, takót silang magtanong kay Jesus tungkol sa kaniyang kamatayan. Pero ngayon, hindi sila takót magtanong tungkol sa kanilang kinabukasan. Alam ni Jesus ang iniisip nila. Pinagtatalunan na nila ito noong naglalakbay sila pabalik sa Capernaum. Kaya nagtanong siya: “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” (Marcos 9:33) Napahiya sila at nanahimik, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakaimportante. Sa wakas, naitanong din ng mga apostol kay Jesus ang pinag-uusapan nila: “Sino talaga ang pinakadakila sa Kaharian ng langit?”—Mateo 18:1.

Nakapagtataka namang may ganito pa silang pagtatalo matapos ang halos tatlong taóng pakikisama at pakikinig kay Jesus. Pero hindi sila perpekto. At sa kinalakhan nilang relihiyon, mahalaga ang posisyon at ranggo. Isa pa, pinangakuan ni Jesus si Pedro ng mga “susi” ng Kaharian. Inisip kaya ni Pedro na mas dakila siya? Baka ganoon din ang nadama nina Santiago at Juan dahil nasaksihan nila ang pagbabagong-anyo ni Jesus.

Anuman ang iniisip nila, itinuwid sila ni Jesus. Tinawag niya ang isang bata, pinatayo sa gitna nila, at sinabi sa mga alagad: “Malibang kayo ay magbago at maging gaya ng mga bata, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng langit. Kaya ang sinumang magpapakababa na gaya ng batang ito ang siyang pinakadakila sa Kaharian ng langit; at ang sinumang tumatanggap sa isang batang gaya nito alang-alang sa akin ay tumatanggap din sa akin.”—Mateo 18:3-5.

Napakahusay ngang paraan ng pagtuturo! Hindi pinagalitan ni Jesus ang mga alagad, ni tinawag man silang sakim o ambisyoso. Sa halip, gumamit siya ng praktikal na halimbawa. Ang mga bata ay hindi ambisyoso o prominente. Sa ganitong paraan, ipinakita ni Jesus ang dapat na maging pananaw ng mga alagad sa kanilang sarili. Bilang konklusyon, sinabi niya: “Ang gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang talagang dakila.”—Lucas 9:48.