Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 113

Isang Aral sa Kasipagan—Ang mga Talento

Isang Aral sa Kasipagan—Ang mga Talento

MATEO 25:14-30

  • ILUSTRASYON NI JESUS TUNGKOL SA MGA TALENTO

Nasa Bundok ng mga Olibo pa rin si Jesus kasama ang apat sa kaniyang mga apostol, at isa pang ilustrasyon ang inilahad niya. Noong nasa Jerico siya, ilang araw ang nakararaan, naglahad siya ng ilustrasyon tungkol sa mina para ipakita na sa hinaharap pa darating ang Kaharian. May pagkakapareho rito ang ilustrasyong ibibigay niya ngayon. Bahagi ito ng sagot niya sa tanong tungkol sa kaniyang presensiya at sa katapusan ng sistemang ito. Idiriin nito na dapat maging masipag ang kaniyang mga alagad para lumago ang ipagkakatiwala niya sa kanila.

Nagsimula si Jesus: “Ang Kaharian ay gaya ng isang taong maglalakbay sa ibang bayan. Ipinatawag niya ang mga alipin niya at ipinagkatiwala sa kanila ang mga pag-aari niya.” (Mateo 25:14) Yamang dati nang inihalintulad ni Jesus ang kaniyang sarili sa isang lalaki na nagpunta sa isang malayong lupain “para makakuha ng kapangyarihan bilang hari,” naintindihan agad ng mga apostol na siya rin ang “taong maglalakbay” na binanggit ngayon.—Lucas 19:12.

Bago maglakbay ang tao sa ilustrasyon, ipinagkatiwala niya sa mga alipin ang kaniyang mahahalagang pag-aari. Sa loob ng tatlo’t kalahating taon ng ministeryo ni Jesus, nagpokus siya sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, at sinanay niya ang mga alagad sa gawaing ito. Ngayon ay aalis siya, na nagtitiwalang ipagpapatuloy nila ang gawain.—Mateo 10:7; Lucas 10:1, 8, 9; ihambing ang Juan 4:38; 14:12.

Sa ilustrasyon, paano ipinamahagi ng taong maglalakbay ang kaniyang mga pag-aari? Sinabi ni Jesus: “Nagbigay siya sa kanila ng talento ayon sa kakayahan ng bawat isa: sa isa ay lima, sa isa naman ay dalawa, at sa isa pa ay isang talento. Pagkatapos, pumunta siya sa ibang bayan.” (Mateo 25:15) Ano ang gagawin ng mga alipin sa ipinagkatiwala sa kanila? Magiging masipag ba sila para mapalago ang mga pag-aari ng kanilang panginoon? Sinabi ni Jesus sa mga apostol:

“Ang tumanggap ng limang talento ay kumilos agad at ginamit ang mga iyon sa negosyo, at kumita siya ng lima pa. Ang tumanggap naman ng dalawang talento ay kumita ng dalawa pa. Pero ang alipin na tumanggap lang ng isa ay umalis, humukay sa lupa, at ibinaon doon ang pera ng panginoon niya.” (Mateo 25:16-18) Ano ang mangyayari pagbalik ng panginoon?

“Pagkatapos ng mahabang panahon,” ang pagpapatuloy ni Jesus, “dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at inalam kung ano ang ginawa nila sa pera niya.” (Mateo 25:19) Ginawa ng unang dalawang alipin ang lahat ng magagawa nila, “ayon sa kakayahan ng bawat isa.” Ang dalawang ito ay masipag, masikap, at produktibo sa paggamit ng ipinagkatiwala sa kanila. Tumubo nang doble ang binigyan ng limang talento, pati na ang tumanggap ng dalawang talento. (Noon, mga 19 na taóng magtatrabaho ang isang manggagawa para makaipon ng katumbas ng isang talento.) Pareho ang komendasyon ng panginoon sa dalawang alipin: “Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Makipagsaya ka sa panginoon mo.”—Mateo 25:21.

Pero iba ang ginawa ng aliping binigyan ng isang talento. Sinabi nito: “Panginoon, alam kong mahigpit ka. Umaani ka nang hindi nagtatanim at nagtitipon nang hindi nagtatahip. Kaya natakot ako at umalis, at ibinaon ko ang talento mo sa lupa. Heto na ang talento mo.” (Mateo 25:24, 25) Hindi man lang idineposito ng alipin sa bangko ang pera para tumubo ito kahit paano. Kung tutuusin, ang ginawa ng aliping ito ay salungat sa gusto ng kaniyang panginoon.

Kaya naman tinawag siya ng panginoon na “masama at tamad na alipin.” Binawi ang talentong nasa kaniya at ibinigay sa masipag na alipin. Sinabi ng panginoon: “Ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, at magiging masagana siya. Pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.”—Mateo 25:26, 29.

Maraming dapat pag-isipan ang mga alagad ni Jesus, kasama na ang ilustrasyong ito. Nakita nila na napakahalaga ng ipinagkatiwala ni Jesus sa kanila—ang napakagandang pribilehiyo na gumawa ng mga alagad. At inaasahan ni Jesus na magiging masipag sila. Pero hindi naman iniisip ni Jesus na pare-pareho ang magagawa nila sa pangangaral na iniutos niyang gawin nila. Gaya ng nabanggit sa ilustrasyon, dapat magsikap ang mga alagad “ayon sa kakayahan ng bawat isa.” Pero hindi ibig sabihin nito na matutuwa si Jesus kung “tamad” ang isa at hindi ginawa ang kaniyang buong makakaya para mapalago ang pag-aari ng Panginoon.

Siguradong natuwa ang mga apostol sa katiyakang ito: “Ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, at magiging masagana siya”!