Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 5

Ang Pantubos—Pinakamahalagang Regalo ng Diyos

Ang Pantubos—Pinakamahalagang Regalo ng Diyos

1, 2. (a) Kailan nagiging mahalaga sa iyo ang isang regalo? (b) Bakit ang pantubos ang pinakamahalagang regalo ng Diyos?

ANO ang pinakamagandang regalong natanggap mo? Hindi naman kailangang mahal ang isang regalo para maging mahalaga ito. Kapag ang regalo ay nakapagpapasaya sa iyo o talagang kailangan mo, tiyak na ipagpapasalamat mo ito.

2 Sa lahat ng regalo ng Diyos sa atin, may isa na talagang kailangang-kailangan natin. Ito ang pinakamahalagang regalo ng Diyos sa tao. Sa kabanatang ito, malalaman natin na isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, para mabuhay tayo magpakailanman. (Basahin ang Mateo 20:28.) Nang isugo ni Jehova si Jesus sa lupa bilang pantubos, pinatunayan niya na talagang mahal niya tayo.

ANO ANG PANTUBOS?

3. Bakit namamatay ang tao?

3 Ang pantubos ang paraan ni Jehova para palayain ang tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Efeso 1:7) Para maintindihan kung bakit kailangan ang pantubos, dapat muna nating malaman ang nangyari sa hardin ng Eden libo-libong taon na ang nakalipas. Nagkasala ang unang mga magulang natin, sina Adan at Eva. Dahil sa kasalanan nila, namatay sila. Namamatay rin tayo dahil nagmana tayo ng kasalanan kina Adan at Eva.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 9.

4. Sino si Adan, at ano ang ibinigay sa kaniya?

4 Nang lalangin ni Jehova ang unang tao, si Adan, binigyan niya ito ng isang napakahalagang bagay. Binigyan niya si Adan ng perpektong buhay. Perpekto rin ang isip at katawan niya. Hindi siya magkakasakit, tatanda, at mamamatay. Dahil nilalang ni Jehova si Adan, para siyang tatay ni Adan. (Lucas 3:38) Lagi siyang kinakausap ni Jehova. Ipinaliwanag ng Diyos kay Adan kung ano ang inaasahan niya rito at binigyan ito ng makabuluhang gawain.—Genesis 1:28-30; 2:16, 17.

5. Ano ang ibig sabihin ng Bibliya nang sabihin nitong si Adan ay ginawa “ayon sa larawan ng Diyos”?

5 Nilalang si Adan “ayon sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) Binigyan siya ni Jehova ng mga katangiang gaya ng sa Kaniya, tulad ng pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan. Binigyan niya si Adan ng kalayaang magdesisyon. Hindi robot si Adan. Nilalang siya ng Diyos na may kakayahang pumili ng tama o mali. Kung sumunod lang si Adan sa Diyos, nabuhay sana siya magpakailanman sa Paraiso.

6. Noong suwayin ni Adan ang Diyos, ano ang naiwala niya? Ano ang epekto nito sa atin?

6 Noong suwayin niya ang Diyos at mahatulan ng kamatayan, napakalaki ng nawala kay Adan. Naiwala niya ang espesyal na kaugnayan niya kay Jehova, ang perpekto niyang buhay, at ang tinitirhan niyang Paraiso. (Genesis 3:17-19) Pinili nina Adan at Eva na suwayin ang Diyos, kaya wala na silang pag-asa. Dahil sa ginawa ni Adan, “ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Nang magkasala si Adan, “ipinagbili” niya ang kaniyang sarili, kasama na tayo, para maging alipin ng kasalanan at kamatayan. (Roma 7:14) May pag-asa pa kaya tayo? Oo.

7, 8. Ano ang pantubos?

7 Ano ang pantubos? May dalawang ideya ang pantubos. Una, ang pantubos ay ang halagang ibinabayad para mapalaya ang isang tao o matubos ang isang bagay. Ikalawa, ang pantubos ay ang halagang pantakip, o pambayad, sa halaga ng isang bagay.

8 Walang taong makapagbabayad sa napakalaking pinsalang idinulot ni Adan nang magkasala siya at maging dahilan kung kaya tayo namamatay. Pero gumawa si Jehova ng paraan para mapalaya tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Alamin natin kung ano ang nagagawa ng pantubos at kung paano tayo nakikinabang dito.

KUNG PAANO IBINIGAY NI JEHOVA ANG PANTUBOS

9. Paano mababayaran ang pantubos?

9 Walang sinuman sa atin ang makakatubos sa perpektong buhay na naiwala ni Adan. Bakit? Dahil lahat tayo ay hindi perpekto. (Awit 49:7, 8) Ang pantubos na ibabayad ay dapat na perpektong buhay rin ng isang tao. Kaya tinatawag itong “pantubos.” (1 Timoteo 2:6) Ang pantubos ay dapat na kasinghalaga ng buhay na naiwala ni Adan.

10. Paano ibinigay ni Jehova ang pantubos?

10 Paano ibinigay ni Jehova ang pantubos? Isinugo ni Jehova ang pinakamamahal niyang Anak sa lupa. Ang Anak na ito, si Jesus, ang unang-una niyang nilalang. (1 Juan 4:9, 10) Handang iwan ni Jesus ang kaniyang Ama at tirahan sa langit. (Filipos 2:7) Inilipat ni Jehova ang buhay ni Jesus sa lupa mula sa langit, kaya ipinanganak si Jesus bilang isang perpektong tao, walang kasalanan.—Lucas 1:35.

Ibinigay ni Jehova ang pinakamamahal niyang Anak bilang pantubos para sa atin

11. Paanong ang isang tao ay magiging pantubos para sa lahat ng tao?

11 Nang suwayin ni Adan si Jehova, naiwala niya ang perpektong buhay para sa lahat ng tao. Kaya ba ng isang tao na alisin ang kamatayan ng lahat ng anak ni Adan? Oo. (Basahin ang Roma 5:19.) Ibinigay ni Jesus, na hindi kailanman nagkasala, ang perpektong buhay niya bilang pantubos. (1 Corinto 15:45) Puwedeng gamitin ang perpektong buhay niya para alisin ang kamatayan ng lahat ng anak ni Adan.—1 Corinto 15:21, 22.

12. Bakit napakatindi ng kailangang danasin ni Jesus?

12 Inilalarawan ng Bibliya kung gaano katindi ang dinanas ni Jesus bago siya mamatay. Siya ay hinagupit, ipinako sa pahirapang tulos, at tiniis niya ang unti-unti at masakit na kamatayan. (Juan 19:1, 16-18, 30) Bakit napakatindi ng kailangang danasin ni Jesus? Dahil sinasabi ni Satanas na walang tao ang magiging tapat sa Diyos kapag nakaranas ng matinding pagsubok. Pinatunayan ni Jesus na kaya ng isang perpektong tao na maging tapat sa Diyos kahit napakahirap ng sitwasyon. Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova kay Jesus!—Kawikaan 27:11; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 15.

13. Paano ibinayad ang pantubos?

13 Paano ibinayad ang pantubos? Ibinigay ni Jesus sa kaniyang Ama ang halaga ng buhay niya. Noong Nisan 14 sa kalendaryong Judio, taóng 33 C.E., hinayaan ni Jehova na patayin si Jesus ng mga kaaway niya. (Hebreo 10:10) Pagkaraan ng tatlong araw, binuhay-muli ni Jehova si Jesus, hindi bilang tao, kundi bilang espiritu. Pagkatapos, nang bumalik si Jesus sa kaniyang Ama sa langit, iniharap niya kay Jehova ang halaga ng perpektong buhay niya bilang pantubos. (Hebreo 9:24) Dahil naibigay na ang pantubos, puwede na tayong mapalaya mula sa kasalanan at kamatayan.—Basahin ang Roma 3:23, 24.

KUNG PAANO KA MAKIKINABANG SA PANTUBOS

14, 15. Ano ang dapat nating gawin para mapatawad ang mga kasalanan natin?

14 Nakikinabang na tayo sa pinakamahalagang regalo ng Diyos. Alamin natin kung paano tayo nakikinabang ngayon at kung paano tayo makikinabang sa hinaharap.

15 Napapatawad ang mga kasalanan natin. Hindi laging madaling gawin ang tama. Dahil hindi tayo perpekto, nakakapagsalita tayo at nakakagawa ng mali kung minsan. (Colosas 1:13, 14) Paano tayo mapapatawad? Dapat tayong magsisi sa maling nagawa natin at mapagpakumbabang humingi ng tawad kay Jehova. At makapagtitiwala tayo na patatawarin ang mga kasalanan natin.—1 Juan 1:8, 9.

16. Ano ang dapat nating gawin para magkaroon ng malinis na konsensiya?

16 Puwede tayong magkaroon ng malinis na konsensiya. Kapag nagkamali tayo, nakokonsensiya tayo, at baka isipin pa nga nating wala tayong halaga at pag-asa. Pero huwag tayong susuko. Kapag humingi tayo ng tawad kay Jehova, tiyak na pakikinggan niya tayo at patatawarin. (Hebreo 9:13, 14) Gusto ni Jehova na sabihin natin sa kaniya ang mga problema at kahinaan natin. (Hebreo 4:14-16) Kapag ginawa natin iyan, magkakaroon tayo ng mapayapang kaugnayan sa Diyos.

17. Anong mga pagpapala ang naging posible dahil namatay si Jesus para sa atin?

17 May pag-asa tayong mabuhay magpakailanman. “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan, pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Dahil namatay si Jesus para sa atin, puwede tayong mabuhay magpakailanman nang hindi nagkakasakit. (Apocalipsis 21:3, 4) Pero ano ang dapat nating gawin para tanggapin ang mga pagpapalang iyan?

TATANGGAPIN MO BA ANG PANTUBOS?

18. Paano natin nalaman na mahal tayo ni Jehova?

18 Isipin kung gaano ka kasaya nang may magbigay sa iyo ng isang magandang regalo. Ang pantubos ang pinakamahalagang regalo, at dapat lang na ipagpasalamat natin ito kay Jehova. Sinasabi ng Juan 3:16 na “gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak.” Oo, mahal na mahal tayo ni Jehova kaya ibinigay niya sa atin ang pinakamamahal niyang Anak, si Jesus. At alam nating mahal din tayo ni Jesus, dahil handa siyang mamatay para sa atin. (Juan 15:13) Ang regalong pantubos ay katibayan na talagang mahal ka ni Jehova at ni Jesus.—Galacia 2:20.

Habang natututo tayo tungkol kay Jehova, magiging kaibigan niya tayo at lalalim ang pag-ibig natin sa kaniya

19, 20. (a) Paano ka magiging kaibigan ni Jehova? (b) Paano mo maipapakitang tinatanggap mo ang haing pantubos ni Jesus?

19 Ngayong natutuhan mo na ang tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos, paano ka niya magiging kaibigan? Hindi madaling mahalin ang isa na hindi mo kilala. Sinasabi ng Juan 17:3 na puwede nating makilala si Jehova. Habang ginagawa mo iyan, lalalim ang pag-ibig mo sa kaniya, sisikapin mong pasayahin siya, at magiging kaibigan ka niya. Kaya patuloy na pag-aralan ang Bibliya para mas makilala mo si Jehova.—1 Juan 5:3.

20 Tanggapin ang haing pantubos ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya na “ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan.” (Juan 3:36) Paano natin maipapakitang nananampalataya tayo? Dapat nating sundin ang mga itinuro ni Jesus. (Juan 13:15) Hindi sapat na sabihing naniniwala tayo kay Jesus. Dapat nating ipakita ang pananampalataya natin para masabing tinatanggap natin ang pantubos. Mababasa sa Santiago 2:26: “Ang pananampalataya na walang gawa ay patay.”

21, 22. (a) Bakit dapat tayong dumalo taon-taon sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo? (b) Ano ang tatalakayin sa Kabanata 6 at 7?

21 Dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Noong gabi bago mamatay si Jesus, iniutos niyang alalahanin natin ang kamatayan niya. Ginagawa natin ito taon-taon, at tinatawag itong Memoryal o “Hapunan ng Panginoon.” (1 Corinto 11:20; Mateo 26:26-28) Gusto ni Jesus na alalahanin natin na ibinigay niya ang perpektong buhay niya bilang pantubos para sa atin. Sinabi niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Basahin ang Lucas 22:19.) Kapag dumadalo ka sa Memoryal, ipinapakita mong naaalaala mo ang pantubos at ang dakilang pag-ibig ni Jehova at ni Jesus para sa atin.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 16.

22 Ang pantubos ang pinakamahalagang regalong matatanggap natin. (2 Corinto 9:14, 15) Makikinabang din sa mahalagang regalong iyan kahit ang milyon-milyong namatay na. Tatalakayin iyan sa Kabanata 6 at 7.