Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 14

Puwedeng Maging Masaya ang Pamilya Mo

Puwedeng Maging Masaya ang Pamilya Mo

1, 2. Ano ang gusto ni Jehova para sa mga pamilya?

ANG Diyos na Jehova ang nagkasal sa unang mag-asawa. Sinasabi ng Bibliya na ginawa niya ang unang babae at “dinala [ito] sa lalaki.” Masayang-masaya si Adan kaya nasabi niya: “Sa wakas, ito ay buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman.” (Genesis 2:22, 23) Ipinapakita nito na gusto ni Jehova na maging masaya ang mga mag-asawa.

2 Ang nakakalungkot, hindi masaya ang pamilya ng marami. Pero maraming prinsipyo sa Bibliya na tutulong sa bawat miyembro ng pamilya para maging matagumpay at maligaya sila bilang pamilya.—Lucas 11:28.

ANG INAASAHAN NG DIYOS SA MGA ASAWANG LALAKI

3, 4. (a) Paano dapat pakitunguhan ng lalaki ang asawa niya? (b) Bakit mahalagang patawarin ng mag-asawa ang isa’t isa?

3 Sinasabi ng Bibliya na iginagalang at minamahal ng isang mabuting asawang lalaki ang asawa niya. Pakisuyong basahin ang Efeso 5:25-29. Dapat pakitunguhan ng lalaki nang may pagmamahal ang asawa niya. Dapat niya rin itong protektahan, alagaan, at hindi niya ito dapat saktan.

4 Pero ano ang dapat gawin ng lalaki kapag nagkamali ang asawa niya? Sinasabi sa mga asawang lalaki: “Patuloy na mahalin ang inyong asawang babae at huwag kayong magalit nang husto sa kanila.” (Colosas 3:19) Bilang asawang lalaki, dapat mong tandaan na nagkakamali ka rin. At kung gusto mong patawarin ka ng Diyos, dapat mo ring patawarin ang asawa mo. (Mateo 6:12, 14, 15) Kapag handang magpatawaran ang mag-asawa, magiging masaya ang pagsasama nila.

5. Bakit dapat bigyang-dangal ng lalaki ang asawa niya?

5 Inaasahan ni Jehova na bibigyang-dangal ng lalaki ang asawa niya. Dapat pag-isipang mabuti ng lalaki kung ano ang kailangan ng asawa niya. Seryosong bagay ito. Kung hindi niya pakikitunguhan nang maayos ang asawa niya, baka hindi pakinggan ni Jehova ang panalangin niya. (1 Pedro 3:7) Nagiging mahalaga kay Jehova ang isang tao kung mahal siya nito. Hindi niya itinuturing na mas mataas ang lalaki sa babae.

6. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “isang laman” ng mag-asawa?

6 Ipinaliwanag ni Jesus na ang mag-asawa ay ‘hindi na dalawa, kundi isang laman.’ (Mateo 19:6) Tapat sila sa isa’t isa at hindi sila kailanman magtataksil. (Kawikaan 5:15-21; Hebreo 13:4) Dapat sapatan ng mag-asawa ang seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa. (1 Corinto 7:3-5) Dapat tandaan ng lalaki na “walang sinumang napopoot sa sarili niyang katawan, kundi pinakakain niya ito at inaalagaan.” Kaya dapat niyang mahalin at alagaan ang asawa niya. Higit sa lahat, gusto ng asawang babae na maging mabait at mapagmahal ang asawa niya.—Efeso 5:29.

ANG INAASAHAN NG DIYOS SA MGA ASAWANG BABAE

7. Bakit kailangan sa isang pamilya ang ulo?

7 Kailangan sa bawat pamilya ang ulo, na mangunguna para maging matagumpay ang pamilya. Sinasabi ng Bibliya sa 1 Corinto 11:3: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo ng babae ay ang lalaki; at ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.”

8. Paano maipapakita ng babae ang matinding paggalang sa asawa niya?

8 Nagkakamali ang lahat ng asawang lalaki. Pero kapag sinusuportahan ng babae ang mga desisyon ng asawa niya at handa siyang makipagtulungan, nakikinabang ang buong pamilya. (1 Pedro 3:1-6) Sinasabi ng Bibliya: “Ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Paano kung iba ang paniniwala ng asawang lalaki? Kailangan pa rin siyang igalang ng asawang babae. Sinasabi ng Bibliya: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong asawang lalaki, para kung siya ay hindi masunurin sa salita, makumbinsi siya nang walang salita dahil sa paggawi ng asawa niya, dahil nakikita niya ang inyong malinis na paggawi at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:1, 2) Ang magandang ugali ng asawang babae ay puwedeng makatulong sa asawa niya na maintindihan at igalang ang paniniwala niya.

9. (a) Ano ang dapat gawin ng asawang babae kung hindi siya sang-ayon sa asawa niya? (b) Ano ang payo ng Tito 2:4, 5 sa mga asawang babae?

9 Ano ang puwedeng gawin ng asawang babae kung hindi siya sang-ayon sa asawa niya? Dapat niyang ipaliwanag nang magalang ang opinyon niya. Halimbawa, may sinabi si Sara na hindi nagustuhan ni Abraham. Pero sinabi ni Jehova kay Abraham: “Pakinggan mo siya.” (Genesis 21:9-12) Bihirang mangyari na magdesisyon ang isang Kristiyanong asawang lalaki nang labag sa sinasabi ng Bibliya, kaya dapat siyang suportahan ng asawa niya. (Gawa 5:29; Efeso 5:24) Ang mabuting asawang babae ay maasikaso sa pamilya. (Basahin ang Tito 2:4, 5.) Kapag nakikita ng asawa at mga anak niya kung gaano siya kaasikaso sa kanila, mas mamahalin at igagalang nila siya.—Kawikaan 31:10, 28.

Bakit magandang halimbawa si Sara para sa mga asawang babae?

10. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paghihiwalay at diborsiyo?

10 Kung minsan, nagdedesisyon agad ang mag-asawa na maghiwalay o magdiborsiyo. Pero sinasabi ng Bibliya na “huwag makipaghiwalay ang asawang babae sa asawa niya” at “hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang asawa niya.” (1 Corinto 7:10, 11) Sa ilang malulubhang kalagayan, puwedeng maghiwalay ang mag-asawa. Pero seryosong desisyon ito. Kumusta naman ang diborsiyo? Sa Bibliya, ang nag-iisang dahilan para makipagdiborsiyo ang isang may asawa ay kapag nakipag-sex ang asawa niya sa iba.—Mateo 19:9.

ANG INAASAHAN NG DIYOS SA MGA MAGULANG

Magandang halimbawa si Jesus sa bawat miyembro ng pamilya

11. Ano ang pinakakailangan ng mga anak?

11 Mga magulang, maglaan ng panahon sa mga anak ninyo. Kailangan kayo ng mga anak ninyo, at higit sa lahat, kailangan ninyo silang turuan tungkol kay Jehova.—Deuteronomio 6:4-9.

12. Ano ang dapat gawin ng mga magulang para protektahan ang mga anak nila?

12 Pasama nang pasama ang sistemang ito ni Satanas. Baka may mga tao na gustong ipahamak ang mga anak mo o abusuhin pa nga sa seksuwal na paraan. Nahihirapan ang ilang magulang na ipakipag-usap ang tungkol diyan. Pero kailangan nilang babalaan ang mga anak nila tungkol sa ganoong mga tao at turuan sila kung paano iiwasan ang mga ito. Mga magulang, dapat ninyong protektahan ang mga anak ninyo. *1 Pedro 5:8.

13. Paano dapat turuan ng mga magulang ang mga anak nila?

13 Responsibilidad ng mga magulang na turuan ng tamang pag-uugali ang mga anak nila. Paano mo tuturuan ang mga anak mo? Kailangan nila ng pagsasanay, pero huwag maging malupit kapag dinidisiplina sila. (Jeremias 30:11) Kaya huwag mo itong gawin kapag galít ka. Hindi mo gugustuhing masaktan sila ng mga salitang gaya ng “mga saksak ng espada.” (Kawikaan 12:18) Ituro sa mga anak mo kung bakit kailangan nilang maging masunurin.—Efeso 6:4; Hebreo 12:9-11; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 30.

ANG INAASAHAN NG DIYOS SA MGA ANAK

14, 15. Bakit dapat maging masunurin ang mga anak sa mga magulang nila?

14 Laging sinusunod ni Jesus ang kaniyang Ama, kahit hindi ito laging madali. (Lucas 22:42; Juan 8:28, 29) Inaasahan din ni Jehova na susundin ng mga anak ang mga magulang nila.—Efeso 6:1-3.

15 Mga anak, kahit nahihirapan kayong sumunod sa mga magulang ninyo, tandaan na mapapasaya ninyo si Jehova at ang inyong mga magulang kapag sumusunod kayo. *Kawikaan 1:8; 6:20; 23:22-25.

Ano ang makakatulong sa mga kabataan na maging tapat sa Diyos kapag tinutuksong gumawa ng mali?

16. (a) Paano tinutukso ni Satanas ang mga kabataan na gumawa ng masama? (b) Bakit mahalagang makipagkaibigan sa mga nagmamahal kay Jehova?

16 Puwedeng gamitin ng Diyablo ang mga kaibigan mo at iba pang kabataan para tuksuhin kang gumawa ng mali. Alam niya na mahihirapan ka sa ganoong mga sitwasyon. Halimbawa, ang anak ni Jacob na si Dina ay nakipagkaibigan sa mga taong hindi mahal si Jehova. Dahil diyan, nagkaroon ng malaking problema ang pamilya nila. (Genesis 34:1, 2) Kung hindi mahal ng mga kaibigan mo si Jehova, baka tuksuhin ka nilang gumawa ng ayaw ni Jehova. Dahil diyan, puwede kang masaktan, ang pamilya mo, at ang Diyos. (Kawikaan 17:21, 25) Kaya napakahalagang makipagkaibigan sa mga nagmamahal kay Jehova.—1 Corinto 15:33.

PUWEDENG MAGING MASAYA ANG PAMILYA MO

17. Ano ang dapat gawin ng bawat miyembro ng pamilya?

17 Kapag sinusunod ng mga miyembro ng pamilya ang mga utos ng Diyos, naiiwasan nila ang mga problema. Kaya kung isa kang asawang lalaki, mahalin ang asawa mo at pakitunguhan siya nang may pag-ibig. Kung isa kang asawang babae, maging magalang at mapagpasakop sa asawa mo at maging gaya ng asawang babae na inilalarawan sa Kawikaan 31:10-31. Kung isa kang magulang, turuan ang mga anak mo na mahalin ang Diyos. (Kawikaan 22:6) Kung isa kang tatay, mangasiwa sa pamilya mo “sa mahusay na paraan.” (1 Timoteo 3:4, 5; 5:8) At mga anak, maging masunurin sa mga magulang ninyo. (Colosas 3:20) Tandaan na lahat ng miyembro ng pamilya ay nagkakamali, kaya maging mapagpakumbaba at humingi ng tawad. Oo, naglalaman ang Bibliya ng gabay ni Jehova sa bawat miyembro ng pamilya.

^ par. 12 Marami ka pang makukuhang impormasyon kung paano poprotektahan ang mga anak mo sa kabanata 32 ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 15 Hindi dapat sundin ng anak ang mga magulang niya kung labag sa utos ng Diyos ang ipinapagawa nila.—Gawa 5:29.