Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 16

Piliing Sambahin ang Diyos

Piliing Sambahin ang Diyos

1, 2. Ano ang dapat mong itanong sa sarili, at bakit ito mahalaga?

SA PAG-AARAL mo ng Bibliya, natutuhan mo na sinasabi ng maraming tao na sinasamba nila ang Diyos, pero nagtuturo naman sila o gumagawa ng mga bagay na ayaw niya. (2 Corinto 6:17) Iyan ang dahilan kaya sinabi ni Jehova na iwan natin ang huwad na relihiyon, ang “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 18:2, 4) Ano ang gagawin mo? Dapat magdesisyon ang bawat isa sa atin at tanungin ang sarili, ‘Gusto ko bang sambahin ang Diyos sa paraang gusto niya, o sasambahin ko siya sa paraang kinagisnan ko?’

2 Kung iniwan mo na ang huwad na relihiyon, maganda ang ginawa mo. Pero baka may ilang kaugalian at gawain ang huwad na relihiyon na gusto mo pa ring gawin. Pag-usapan natin ang ilan sa mga gawaing iyon at tingnan natin kung bakit napakahalagang tularan ang pananaw ni Jehova sa mga ito.

PAGSAMBA SA MGA REBULTO AT NINUNO

3. (a) Bakit nahihirapan ang ilan na ihinto ang paggamit ng rebulto sa pagsamba? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggamit ng mga rebulto sa pagsamba sa Diyos?

3 May mga tao na matagal nang gumagamit ng mga rebulto o altar sa bahay nila para sambahin ang Diyos. Kung ganiyan ka rin, baka maisip mong hindi mo masasamba ang Diyos kung wala ang mga iyon. Pero tandaan na tinuturuan tayo ni Jehova kung paano siya sasambahin. At malinaw na sinasabi ng Bibliya na ayaw ni Jehova na sambahin natin siya gamit ang mga rebulto.—Basahin ang Exodo 20:4, 5; Awit 115:4-8; Isaias 42:8; 1 Juan 5:21.

4. (a) Bakit hindi dapat sambahin ang mga ninuno? (b) Bakit inutusan ni Jehova ang mga Israelita na huwag makikipag-usap sa mga patay?

4 May mga tao na umuubos ng maraming panahon at lakas para mapalugdan ang mga namatay nilang ninuno. Baka sambahin pa nga nila ang mga ito. Pero natutuhan natin na hindi na tayo kayang tulungan o saktan ng mga patay. Hindi sila nabubuhay sa ibang lugar. Ang totoo, mapanganib na makipag-usap sa kanila dahil galing sa mga demonyo ang anumang mensahe na parang galing sa namatay nating kamag-anak. Kaya inutusan ni Jehova ang mga Israelita na huwag susubukang makipag-usap sa mga patay o makikisali sa anumang klase ng demonismo.—Deuteronomio 18:10-12; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 26 at 31.

5. Ano ang makakatulong sa iyo na ihinto ang pagsamba sa Diyos gamit ang mga rebulto at ang pagsamba sa mga ninuno?

5 Ano ang makakatulong sa iyo na ihinto ang pagsamba sa Diyos gamit ang mga rebulto o ang pagsamba sa mga ninuno? Kailangan mong basahin ang Bibliya at pag-isipang mabuti ang tingin ni Jehova sa mga iyon. Para sa kaniya, ang mga iyon ay “kasuklam-suklam,” o nakakadiri. (Deuteronomio 27:15) Manalangin kay Jehova araw-araw na tulungan kang matularan ang pananaw niya sa mga bagay-bagay at masamba siya sa paraang gusto niya. (Isaias 55:9) Makakatiyak kang tutulungan ka ni Jehova na alisin sa buhay mo ang anumang may kaugnayan sa huwad na relihiyon.

DAPAT BA TAYONG MAGDIWANG NG PASKO?

6. Bakit pinili ang Disyembre 25 para ipagdiwang ang kapanganakan ni Jesus?

6 Ang Pasko ang pinakapopular na pagdiriwang sa buong mundo, at iniisip ng marami na pagdiriwang ito ng kapanganakan ni Jesus. Pero ang totoo, ang Pasko ay may kaugnayan sa huwad na pagsamba. Sinasabi ng isang encyclopedia na ipinagdiriwang ng paganong mga Romano ang kapanganakan ng araw kapag Disyembre 25. Gusto ng mga lider ng simbahan na mas maraming pagano ang maging Kristiyano, kaya kahit hindi Disyembre 25 ipinanganak si Jesus, ipinagdiwang nila ang kapanganakan ni Jesus sa petsang ito. (Lucas 2:8-12) Hindi nagdiwang ng Pasko ang mga alagad ni Jesus. Sinasabi ng isang aklat na sa loob ng 200 taon matapos ipanganak si Jesus, “walang nakakaalam, at iilang tao lang ang interesado, kung kailan talaga siya isinilang.” (Sacred Origins of Profound Things) Sinimulang ipagdiwang ang Pasko ilang daang taon matapos mabuhay si Jesus sa lupa.

7. Bakit hindi nagpa-Pasko ang mga tunay na Kristiyano?

7 Alam ng maraming tao na pagano ang pinagmulan ng Pasko at ng mga tradisyon nito, gaya ng pagsasalusalo at pagbibigayan ng regalo. Halimbawa, sa England at sa ilang lugar sa America, ipinagbawal noon na ipagdiwang ang Pasko dahil pagano ang pinagmulan nito. Pinaparusahan ang sinumang lumalabag. Pero dumating ang panahon, ipinagdiwang ulit ng mga tao ang Pasko. Bakit hindi nagpa-Pasko ang mga tunay na Kristiyano? Gusto kasi nilang mapasaya ang Diyos sa lahat ng ginagawa nila.

DAPAT BA TAYONG MAGDIWANG NG BIRTHDAY?

8, 9. Bakit hindi nagdiriwang ng birthday ang unang mga Kristiyano?

8 Ang isa pang popular na selebrasyon ay ang birthday. Dapat bang ipagdiwang ng mga Kristiyano ang birthday? May binanggit sa Bibliya na nagdiwang ng birthday, pero hindi sila sumasamba kay Jehova. (Genesis 40:20; Marcos 6:21) Ipinagdiriwang ang birthday para parangalan ang huwad na mga diyos. Kaya naman “itinuturing [ng unang mga Kristiyano] na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.”—The World Book Encyclopedia.

9 Naniniwala ang sinaunang mga Romano at Griego na may espiritung nanonood kapag ipinanganak ang isang tao at poprotektahan siya ng espiritung iyon sa buong buhay niya. “Ang espiritung ito ay may misteryosong kaugnayan sa diyos na may kaarawan sa mismong araw na isinilang ang isang tao,” ang sabi ng aklat na The Lore of Birthdays.

10. Bakit hindi dapat magdiwang ng birthday ang mga Kristiyano ngayon?

10 Sa tingin mo, nalulugod ba si Jehova sa mga pagdiriwang na may kaugnayan sa huwad na relihiyon? (Isaias 65:11, 12) Hindi. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo nagdiriwang ng birthday o ng anumang pagdiriwang na may kaugnayan sa huwad na relihiyon.

MAHALAGA BA TALAGA IYON?

11. Bakit nagdiriwang ng mga kapistahan ang ilang tao? Ano ang dapat na maging pinakamahalaga para sa iyo?

11 Alam ng ilang tao ang pinagmulan ng Pasko at iba pang kapistahan, pero ipinagdiriwang pa rin nila ang mga iyon. Para sa kanila, panahon lang ito para makasama ang mga kapamilya nila. Ganiyan din ba ang iniisip mo? Hindi naman mali kung gusto mong makasama ang mga kapamilya mo. Galing kay Jehova ang pamilya, at gusto niyang maging malapít kayo sa isa’t isa. (Efeso 3:14, 15) Pero dapat na maging pinakamahalaga sa atin ang pagpapatibay ng kaugnayan natin kay Jehova, hindi ang pagsisikap na mapasaya ang mga kamag-anak natin sa pakikisama sa kanila sa mga pagdiriwang ng huwad na relihiyon. Kaya naman sinabi ni apostol Pablo: “Patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.”—Efeso 5:10.

12. Bakit ayaw ni Jehova sa ilang kapistahan o pagdiriwang?

12 Iniisip ng marami na hindi na mahalaga kung saan galing ang isang pagdiriwang, pero hindi ganiyan ang tingin ni Jehova. Hindi niya gusto ang mga pagdiriwang na galing sa huwad na pagsamba o nagpaparangal sa tao o bansa. Halimbawa, maraming pagdiriwang ang mga Ehipsiyo para sa mga huwad na diyos nila. Pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto, ginaya nila ang isa sa mga paganong selebrasyon ng mga Ehipsiyo at tinawag itong “kapistahan para kay Jehova.” Pero pinarusahan sila ni Jehova sa ginawa nila. (Exodo 32:2-10) Gaya ng sinabi ni propeta Isaias, hindi tayo dapat “humipo ng anumang marumi!”—Basahin ang Isaias 52:11.

MAGING MABAIT SA PAKIKITUNGO SA IBA

13. Anong mga tanong ang puwede mong maisip kapag hindi ka na nagdiriwang ng mga kapistahan?

13 Kapag itinigil mo ang pagdiriwang ng ilang kapistahan, baka marami kang maitanong. Halimbawa: Ano ang gagawin ko kapag tinanong ako ng mga katrabaho ko kung bakit hindi ako nagpa-Pasko? Ano ang gagawin ko kung may magbigay sa akin ng regalo sa Pasko? Ano ang gagawin ko kung gusto ng asawa ko na ipagdiwang namin ang isang kapistahan? Ano ang puwede kong gawin para hindi malungkot ang mga anak ko dahil hindi namin ipinagdiriwang ang isang kapistahan o ang birthday nila?

14, 15. Ano ang puwede mong gawin kapag may bumati sa iyo ng “Merry Christmas!” o may nagbigay sa iyo ng regalo?

14 Mahalagang gumamit ng unawa kapag nag-iisip kung ano ang sasabihin o gagawin mo sa bawat sitwasyon. Halimbawa, kapag may bumati sa iyo ng “Merry Christmas!” puwede mong sabihing “Salamat.” Pero kung gusto ng tao ng higit na paliwanag, puwede mong sabihin sa kaniya kung bakit hindi ka nagdiriwang ng isang kapistahan. Pero maging mabait at magalang. Sinasabi ng Bibliya: “Laging maging mabait sa inyong pananalita, na tinitimplahan ito ng asin, para malaman ninyo kung paano kayo dapat sumagot sa bawat isa.” (Colosas 4:6) Baka puwede mong sabihin sa kaniya na masaya kang makasama ang iba at magbigay ng regalo, pero hindi mo gustong gawin iyon kasabay ng ganoong mga pagdiriwang.

15 Ano ang gagawin mo kapag binigyan ka ng regalo? Hindi sinasabi ng Bibliya ang dapat nating gawin sa bawat sitwasyon, pero sinasabi nito na dapat nating panatilihing malinis ang konsensiya natin. (1 Timoteo 1:18, 19) Baka hindi alam ng nagbibigay ng regalo na hindi ka nagdiriwang ng isang kapistahan. O baka sabihin niya, “Alam kong hindi ka nagdiriwang nito, pero gusto pa rin kitang bigyan.” Sa dalawang sitwasyong iyon, nakadepende sa iyo kung tatanggapin mo ang regalo o hindi. Pero anuman ang maging desisyon mo, siguraduhin mong malinis ang konsensiya mo. Ayaw nating gumawa ng anuman na makakasira sa kaugnayan natin kay Jehova.

IKAW AT ANG PAMILYA MO

Masaya ang mga naglilingkod kay Jehova

16. Ano ang dapat mong gawin kung gusto ng pamilya mo na magdiwang ng mga kapistahan?

16 Ano ang dapat mong gawin kung gusto ng pamilya mo na ipagdiwang ang isang kapistahan? Hindi mo sila dapat kontrahin. Tandaan na may karapatan silang magdesisyon kung ano ang gusto nilang gawin. Maging mabait at igalang ang desisyon nila dahil gusto mo ring igalang nila ang mga desisyon mo. (Basahin ang Mateo 7:12.) Pero paano kung gusto kang makasama ng pamilya mo sa isang kapistahan? Bago ka magpasiya kung ano ang gagawin mo, manalangin kay Jehova para makagawa ka ng tamang desisyon. Pag-isipan ang sitwasyon, at mag-research tungkol doon. Tandaan na ang gusto mo ay laging pasayahin si Jehova.

17. Ano ang puwede mong gawin para hindi malungkot ang mga anak mo kapag nagdiriwang ang iba ng mga kapistahan?

17 Ano ang puwede mong gawin para hindi malungkot ang mga anak mo kapag nakikita nilang nagdiriwang ang iba ng mga kapistahan? Paminsan-minsan, puwede kang gumawa ng isang bagay na magpapasaya sa kanila, gaya ng ipasyal sila sa labas o imbitahan ang mga kaibigan nila para magsalusalo sa inyong tahanan. Puwede mo rin silang regaluhan kahit walang okasyon. At ang pinakamagandang regalo na puwede mong ibigay sa kanila ay ang panahon mo at pagmamahal.

SAMBAHIN ANG DIYOS SA TAMANG PARAAN

18. Bakit dapat tayong dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?

18 Para mapasaya si Jehova, kailangan nating iwan ang huwad na relihiyon pati na ang mga kaugalian at kapistahang may kaugnayan dito. Pero kailangan din natin siyang sambahin sa tamang paraan. Paano? Ang isang paraan ay ang regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Basahin ang Hebreo 10:24, 25.) Ang mga pulong ay napakahalagang bahagi ng tunay na pagsamba. (Awit 22:22; 122:1) Mapapatibay natin ang iba sa panahon ng mga pagtitipon.—Roma 1:12.

19. Bakit mahalagang sabihin sa iba ang natututuhan mo sa Bibliya?

19 Ang isa pang bahagi ng tunay na pagsamba ay ang pagsasabi sa iba ng natututuhan mo sa Bibliya. Marami ang namomroblema sa masasamang pangyayari sa mundo ngayon. Baka may mga kilala kang ganiyan. Sabihin sa kanila ang napakagandang pag-asa mo sa hinaharap. Kapag dumadalo ka sa mga pulong at sinasabi mo sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya, mararamdaman mong hindi mo na gustong maging bahagi ng huwad na relihiyon at ng mga kaugalian nito. Makakatiyak kang magiging masaya ka at pagpapalain ni Jehova ang pagsisikap mong sambahin siya sa tamang paraan.—Malakias 3:10.