Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 12

Napunta kay Jacob ang Mana

Napunta kay Jacob ang Mana

Si Isaac ay 40 taon nang mapangasawa niya si Rebeka. Mahal na mahal niya ito. Nagkaroon sila ng dalawang anak—kambal na lalaki.

Ang mas matanda ay si Esau at ang nakababata ay si Jacob. Si Esau ay mahilig mangaso, o manghuli ng hayop. Pero si Jacob ay lagi lang sa bahay.

Noon, mas malaki ang ibinibigay na lupain at pera sa panganay na lalaki kapag namatay ang tatay. Ang tawag doon ay mana. Sa pamilya ni Isaac, kasama rin sa mana ang pagkakaroon ng bahagi sa mga pangako ni Jehova kay Abraham. Bale-wala kay Esau ang mga pangakong iyon, pero alam ni Jacob na napakahalaga ng mga ito.

Isang araw, umuwi si Esau na pagód na pagód sa pangangaso. Naamoy niya ang pagkaing niluluto ni Jacob at sinabi: ‘Gutóm na gutóm ako! Pahingi ng nilagang iyan!’ Sinabi ni Jacob: ‘Sige, pero sa ’kin na lang ang mana mo.’ Sinabi ni Esau: ‘Wala akong pakialam sa mana ko! Sa iyo na ’yon. Ang gusto ko, pagkain.’ Tama kaya ang ginawa ni Esau? Hindi. Ipinamigay ni Esau ang isang napakahalagang bagay kapalit lang ng isang mangkok ng nilaga.

Nang matandang-matanda na si Isaac, kailangan na niyang ibigay ang mana sa panganay niyang anak. Pero tinulungan ni Rebeka ang nakababatang si Jacob na makuha ang mana. Nang malaman ito ni Esau, galít na galít siya at gusto niyang patayin ang kakambal niya. Para protektahan si Jacob, sinabi nina Isaac at Rebeka sa kaniya: ‘Tumakas ka at makitira sa kapatid ng nanay mong si Laban hanggang sa mawala ang galit ni Esau.’ Nakinig si Jacob sa mga magulang niya at tumakas siya.

“Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo kung mamamatay naman siya? Ano ang ibibigay ng isang tao kapalit ng buhay niya?”—Marcos 8:36, 37