Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 21

Ang Ikasampung Salot

Ang Ikasampung Salot

Sinabi ni Moises kay Paraon na hindi na siya magpapakita ulit. Pero bago siya umalis, sinabi rin niya kay Paraon: ‘Mamayang hatinggabi, mamamatay ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa anak ni Paraon hanggang sa anak ng mga alipin.’

Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na maghanda ng espesyal na hapunan. Sinabi niya: ‘Magkatay kayo ng isang-taóng-gulang na lalaking tupa o kambing, at ipahid ninyo ang dugo nito sa hamba ng inyong pinto. Ihawin n’yo ang karne, at kainin kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Magbihis kayo, at isuot ang sandalyas ninyo, at maghanda sa paglalakbay. Ngayong gabi, palalayain ko kayo.’ Ang saya-saya siguro ng mga Israelita, ’di ba?

Noong hatinggabi na, pinuntahan ng anghel ni Jehova ang bawat bahay sa Ehipto. Ang panganay sa loob ng mga bahay na walang pahid ng dugo sa gilid ng pintuan ay namatay. Pero nilampasan ng anghel ang mga bahay na pinahiran ng dugo. Namatayan ng anak ang bawat pamilyang Ehipsiyo, mayaman man o mahirap. Pero walang namatay na anak ang mga Israelita.

Kahit ang anak ni Paraon, namatay din. Hindi na ito nakayanan ni Paraon. Sinabi niya agad kina Moises at Aaron: ‘Sige! Umalis na kayo at sumamba sa Diyos n’yo. Dalhin n’yo nang lahat ang alagang hayop n’yo at umalis na kayo!’

Kabilugan ng buwan nang umalis ang mga Israelita sa Ehipto. Grupo-grupo sila ayon sa kanilang pamilya at tribo. May 600,000 Israelitang lalaki, at maraming babae at bata. Marami ring ibang tao na sumama para sambahin si Jehova. Sa wakas, nakalaya ang mga Israelita!

Para alalahanin kung paano sila iniligtas ni Jehova, naghahanda sila ng ganoon ding espesyal na hapunan taon-taon. Tinawag iyon na Paskuwa.

“Pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.”—Roma 9:17