Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 39

Ang Unang Hari ng Israel

Ang Unang Hari ng Israel

Binigyan ni Jehova ang mga Israelita ng mga hukom para manguna sa kanila, pero hari ang gusto nila. Sinabi nila kay Samuel: ‘Lahat ng bansa, may hari. Dapat tayo din.’ Alam ni Samuel na mali iyon, kaya nanalangin siya kay Jehova. Sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Hindi ikaw ang inaayawan ng bayan kundi ako. Sabihin mong puwede silang magkaroon ng hari, pero maraming iuutos ang haring iyon sa kanila.’ Sinabi pa rin ng bayan: ‘A, basta! Gusto namin ng hari!’

Sinabi ni Jehova kay Samuel na ang magiging unang hari ay ang lalaking si Saul. Nang dumalaw si Saul kay Samuel sa Rama, hinirang siya ni Samuel bilang hari sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa kaniyang ulo.

Nang maglaon, tinawag ni Samuel ang mga Israelita para ipakilala ang bagong hari nila. Pero hindi nila makita si Saul. Alam mo ba kung bakit? Nagtago kasi siya sa likod ng mga bagahe. Nang mahanap nila si Saul, pinalabas nila siya at pinatayo sa gitna ng mga tao. Nakita nilang siya ang pinakamatangkad, at napakaguwapo niya. Sinabi ni Samuel: ‘Tingnan ninyo ang pinili ni Jehova.’ Sumigaw ang bayan: ‘Mabuhay ang hari!’

Noong una, nakikinig si Haring Saul kay Samuel at sumusunod kay Jehova. Pero nagbago siya. Halimbawa, hindi si Saul ang dapat maghandog ng hain. Minsan, sinabi ni Samuel kay Saul na hintayin siya, pero hindi agad dumating si Samuel. Kaya nagpasiya si Saul na siya na ang maghandog ng hain. Ano ang reaksiyon ni Samuel? Sinabi niya: ‘Hindi mo dapat sinuway si Jehova.’ Matututo kaya si Saul sa pagkakamali niya?

Nang makipaglaban sina Saul sa mga Amalekita, sinabihan ni Samuel si Saul na pataying lahat ang mga ito, walang ititira. Pero hindi pinatay ni Saul si Haring Agag. Sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Hindi na nakikinig sa akin si Saul.’ Lungkot na lungkot si Samuel, at sinabi niya kay Saul: ‘Dahil hindi mo na sinusunod si Jehova, pipili siya ng ibang hari.’ Pagtalikod ni Samuel, hinila ni Saul ang damit ni Samuel at napunit ito. ’Tapos, sinabi ni Samuel kay Saul: ‘Pinunit ni Jehova ang kaharian mula sa iyo.’ Ibig sabihin, inalis ni Jehova ang kaharian kay Saul at ibibigay ito sa taong magmamahal at susunod sa kaniya.

“Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa sa hain.”—1 Samuel 15:22