Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 71

Iningatan ni Jehova si Jesus

Iningatan ni Jehova si Jesus

Sa isang lupain sa silangan ng Israel, may mga taong naniniwalang puwede silang akayin ng mga bituin. Isang gabi, may ilang lalaki mula sa Silangan na nakakita ng isang parang bituing nagniningning sa langit, at sinundan nila ito. Inakay sila ng “bituin” papunta sa Jerusalem. Nagtanong-tanong doon ang mga lalaki: ‘Nasaan ang batang magiging hari ng mga Judio? Nandito kami para yumukod sa kaniya.’

Nabalitaan ni Herodes, na hari ng Jerusalem, ang tungkol sa magiging bagong hari kaya nag-alala siya. Tinanong niya ang mga punong saserdote: ‘Saan ipapanganak ang haring ito?’ Sinabi nila: ‘Ayon sa mga propeta, sa Betlehem daw ito ipapanganak.’ Kaya ipinatawag ni Herodes ang mga lalaking taga-Silangan at sinabi: ‘Pumunta kayo sa Betlehem at hanapin ang batang iyon. Bumalik kayo dito at sabihin sa akin kung nasaan siya. Gusto ko ding yumukod sa kaniya.’ Pero nagsisinungaling siya.

Naglakbay ulit ang “bituin.” Sinundan ito ng mga lalaki hanggang sa Betlehem. Huminto ang “bituin” sa tapat ng isang bahay, at pumasok doon ang mga lalaki. Nakita nila si Jesus at ang nanay niyang si Maria. Yumukod sila sa bata at niregaluhan siya ng ginto, olibano, at mira. Si Jehova nga ba ang nag-utos sa mga lalaking ito na hanapin si Jesus? Hindi.

Nang gabing iyon, sinabi ni Jehova kay Jose sa panaginip: ‘Gustong patayin ni Herodes si Jesus. Tumakas kayo papuntang Ehipto. Doon muna kayo tumira hanggang sa sabihin kong puwede na kayong bumalik.’ Agad na pumunta sa Ehipto si Jose at ang pamilya niya.

Sinabi ni Jehova sa mga lalaking taga-Silangan na huwag silang babalik kay Herodes. Nang hindi bumalik ang mga lalaki, nagalit si Herodes. Dahil hindi niya mahanap si Jesus, nag-utos siyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem na kaedad ni Jesus. Pero ligtas na si Jesus; nasa Ehipto na siya.

Nang mamatay si Herodes, sinabi ni Jehova kay Jose: ‘Puwede na kayong bumalik.’ Bumalik sina Jose, Maria, at Jesus sa Israel at tumira sa Nazaret.

“Magiging gayon ang salitang lumalabas sa bibig ko . . . , at siguradong magtatagumpay ito sa dapat nitong isakatuparan.”—Isaias 55:11