Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 73

Inihanda ni Juan ang Daan

Inihanda ni Juan ang Daan

Si Juan, na anak nina Zacarias at Elisabet, ay naging propeta noong malaki na siya. Ginamit ni Jehova si Juan para turuan ang mga tao tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Imbes na magturo sa mga sinagoga o sa mga bayan, nangaral si Juan sa ilang, o sa lugar na malayo sa lunsod. Pero pinupuntahan siya ng mga tao mula sa Jerusalem at sa buong Judea para matuto. Itinuro niya sa kanila na para matuwa ang Diyos, dapat nilang itigil ang paggawa ng masama. Marami ang nagsisi sa mga kasalanan nila, at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog Jordan.

Simple lang ang buhay ni Juan. Ang damit niya ay yari sa balahibo ng kamelyo at ang pagkain niya ay balang at pulot-pukyutan. Naintriga ang mga tao kung sino nga ba si Juan. Kahit ang mayayabang na Pariseo at Saduceo ay dumating din para makita siya. Sinabi ni Juan sa kanila: ‘Magbago na kayo at magsisi. Hindi komo sinasabi n’yong anak kayo ni Abraham ay espesyal na kayo. At hindi rin ibig sabihin no’n na mga anak kayo ng Diyos.’

Marami ang nagtanong kay Juan: ‘Ano ba ang kailangan naming gawin para matuwa sa amin ang Diyos?’ Sinabi niya sa mga Judio: ‘Kung dalawa ang damit n’yo, ibigay n’yo sa nangangailangan ang isa.’ Alam mo ba kung bakit niya sinabi iyon? Para malaman ng mga alagad niya na matutuwa ang Diyos kapag mahal nila ang kanilang kapuwa.

Sinabi naman ni Juan sa mga maniningil ng buwis: ‘Maging tapat kayo at huwag mandaya.’ Sinabi niya sa mga sundalo: ‘Huwag kayong tumanggap ng suhol o magsinungaling.’

Nagtanong din kay Juan ang mga saserdote at mga Levita: ‘Sino ka nga ba? Gustong malaman ng lahat.’ Sinabi ni Juan: ‘Ako ay isang tinig mula sa ilang, na umaakay sa mga tao palapít kay Jehova, gaya ng inihula ni Isaias.’

Nagustuhan ng mga tao ang itinuturo ni Juan. Iniisip ng marami kung si Juan ba ang Mesiyas. Pero sinabi niya sa kanila: ‘May darating na mas dakila kaysa sa akin. Hindi nga ako kuwalipikadong magtanggal ng sintas ng kaniyang sandalyas. Nagbabautismo ako sa tubig, pero siya ay magbabautismo sa banal na espiritu.’

“Ang taong ito ay dumating bilang isang saksi para magpatotoo tungkol sa liwanag, nang sa gayon, ang lahat ng uri ng tao ay manampalataya dahil sa mga sinabi niya.”—Juan 1:7