Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 31

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Ano ang Kaharian ng Diyos?

Kaharian ng Diyos ang pangunahing tema ng Bibliya. Ito ang gagamitin ni Jehova para tuparin ang orihinal na layunin niya para sa lupa. Ano ang Kaharian? Ano ang patunay na namamahala o namumuno na ito ngayon? Ano na ang mga nagawa nito? At ano pa ang mga gagawin nito sa hinaharap? Sasagutin iyan sa araling ito at sa dalawa pang susunod na aralin.

1. Ano ang Kaharian ng Diyos, at sino ang Hari nito?

Ang Kaharian ay isang gobyerno na itinatag ng Diyos na Jehova. Si Jesu-Kristo ang Hari nito, at mamamahala siya mula sa langit. (Mateo 4:17; Juan 18:36) Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Maghahari siya . . . magpakailanman.” (Lucas 1:​32, 33) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, pamumunuan ni Jesus ang lahat ng nasa lupa.

2. Sino ang kasamang mamamahala ni Jesus?

Hindi mag-isang mamamahala si Jesus. Kasama niya ang mga tao “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa . . . at pamamahalaan nila ang lupa bilang mga hari.” (Apocalipsis 5:​9, 10) Ilan ang kasama ni Kristo na mamamahala? Mula nang bumaba si Jesus sa lupa, milyon-milyong Kristiyano ang naging tagasunod niya. Pero 144,000 lang sa kanila ang pupunta sa langit para mamahalang kasama ni Jesus. (Basahin ang Apocalipsis 14:​1-4.) Lahat ng iba pang Kristiyano na nasa lupa ay magiging mamamayan ng Kaharian.​—Awit 37:29.

3. Bakit nakakahigit ang Kaharian ng Diyos sa gobyerno ng tao?

Maganda naman ang ginagawa ng gobyerno ng tao, pero wala silang kakayahan na gawin ang lahat ng gusto nila. Papalitan din kasi sila ng ibang tagapamahala na baka makasarili at walang pakialam sa mga tao. Pero ang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos, si Jesus, ay hindi mapapalitan. “Magtatatag [ang Diyos] ng isang kaharian na hindi mawawasak kailanman.” (Daniel 2:44) Pamumunuan ni Jesus ang buong lupa, at pantay ang magiging pagtrato niya sa lahat. Mapagmahal siya, mabait, at makatarungan. At tuturuan niya ang mga tao na gawin din iyon​—magpakita ng pag-ibig, kabaitan, at katarungan.​—Basahin ang Isaias 11:9.

PAG-ARALAN

Alamin kung bakit mas nakakahigit ang Kaharian ng Diyos kaysa sa gobyerno ng tao.

4. Mamamahala sa buong lupa ang Kaharian ng Diyos

Mas may kapangyarihan si Jesu-Kristo na mamuno kaysa sa sinumang tagapamahala. Basahin ang Mateo 28:18. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Bakit mas mataas ang awtoridad ni Jesus kaysa sa sinumang tagapamahala?

Sa gobyerno ng tao, madalas palitan ang mga namumuno, at hindi buong lupa ang pinamamahalaan nila. Kumusta naman ang Kaharian ng Diyos? Basahin ang Daniel 7:14. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Bakit maganda na “hindi mawawasak” ang Kaharian ng Diyos?

  • Bakit maganda na buong lupa ang pamumunuan nito?

5. Kailangang palitan ang gobyerno ng tao

Bakit kailangang palitan ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Ano ang mga resulta ng pamamahala ng tao?

Basahin ang Eclesiastes 8:9. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Sa tingin mo, dapat bang palitan ng Kaharian ng Diyos ang gobyerno ng tao? Bakit?

6. Naiintindihan tayo ng mga namumuno sa Kaharian ng Diyos

Dahil nabuhay bilang tao ang ating Hari, si Jesus, “nauunawaan [niya] ang mga kahinaan natin.” (Hebreo 4:15) Ang 144,000 tapat na lalaki at babaeng makakasama ni Jesus bilang tagapamahala ay pinili ni Jehova “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.”​—Apocalipsis 5:9.

  • Naiintindihan ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala ang nararamdaman at nararanasan nating mga problema. Bakit nakakapagpatibay itong malaman?

Pumili si Jehova ng mga lalaki at babae na may iba’t ibang pinagmulan para makasamang mamahala ni Jesus

7. Mas nakakahigit ang mga batas ng Kaharian ng Diyos

Gumagawa ng batas ang mga gobyerno para makinabang at maprotektahan ang mga mamamayan nito. Mayroon ding mga batas ang Kaharian ng Diyos na dapat sundin ng mga mamamayan nito. Basahin ang 1 Corinto 6:​9-11. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Ano sa tingin mo ang mangyayari sa mundo kung susundin ng lahat ng tao ang mga utos at prinsipyo ng Diyos? a

  • Sa tingin mo, dapat lang bang asahan ni Jehova na susundin ng mga mamamayan ng Kaharian ang mga utos niya? Bakit?

  • Ano ang nagpapakita na puwedeng magbago ang mga dating hindi sumusunod sa mga utos na ito ng Diyos?​—Tingnan ang talata 11.

Kung napoprotektahan at nakikinabang ang mga mamamayan sa mga batas ng gobyerno ng tao, lalo na sa Kaharian ng Diyos na may mga batas na nakakahigit sa mga batas ng gobyerno ng tao

KUNG MAY MAGTANONG: “Ano ang Kaharian ng Diyos?”

  • Ano ang isasagot mo?

SUMARYO

Ang Kaharian ng Diyos ay isang totoong gobyerno sa langit na mamamahala sa buong lupa.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Sino ang mga mamamahala sa Kaharian ng Diyos?

  • Bakit nakakahigit ang Kaharian ng Diyos sa gobyerno ng tao?

  • Ano ang mga inaasahan ni Jehova sa mga mamamayan ng Kaharian?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Bakit mas mahalaga sa mga Saksi ni Jehova na maging tapat sa Kaharian ng Diyos kaysa sa gobyerno ng tao?

Tapat sa Kaharian ng Diyos (1:​44)

Tingnan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa 144,000 na pinili ni Jehova na mamamahalang kasama ni Jesus.

“Sino ang Aakyat sa Langit?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Ano ang nakakumbinsi sa isang babaeng nakabilanggo na Diyos lang ang makakapagbigay ng katarungan sa mundo?

“Natagpuan Ko ang Solusyon sa Kawalang-Katarungan” (Gumising!, Nobyembre 2011)

a Ang ilan sa mga utos at prinsipyong ito ay tatalakayin sa Seksiyon 3.