Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 52

Kung Bakit Mahalaga ang Pananamit at Hitsura Natin

Kung Bakit Mahalaga ang Pananamit at Hitsura Natin

Iba-iba tayo ng gusto pagdating sa pananamit at pag-aayos. Kung susundin natin ang ilang prinsipyo sa Bibliya, hindi lang tayo makakapili ng mga gusto nating damit, mapapasaya pa natin si Jehova. Talakayin natin ang ilan sa mga prinsipyong ito.

1. Anong mga prinsipyo tungkol sa pananamit at pag-aayos ang makakatulong sa atin?

Dapat tayong pumili ng “maayos na pananamit, na nagpapakita ng kahinhinan at matinong pag-iisip.” Dapat lagi ring maging malinis ang ating hitsura para maipakita natin na mayroon tayong “debosyon sa Diyos.” (1 Timoteo 2:​9, 10) Pag-isipan ang apat na prinsipyong ito: (1) Dapat na maging “maayos” ang ating pananamit. Baka napansin mo sa mga pulong na iba-iba ang gustong istilo ng pananamit ng mga kapatid. Pero nagpapakita pa rin ng paggalang sa Diyos na sinasamba natin ang istilo ng pananamit at buhok nila. (2) Dapat “nagpapakita ng kahinhinan” ang pananamit natin. Ibig sabihin, hindi ito mapang-akit at kumukuha ng masyadong atensiyon. (3) Naipapakita natin ang ‘katinuan ng pag-iisip’ kapag hindi tayo sumusunod sa lahat ng usong pananamit at pag-aayos. (4) Dapat lagi ring makita sa hitsura natin ang “debosyon sa Diyos” para makita ng mga tao na sumasamba tayo sa tunay na Diyos.​—1 Corinto 10:31.

2. Paano makakaapekto sa mga kapatid sa kongregasyon ang hitsura natin?

Kahit may kalayaan tayong pumili ng damit, dapat pa rin nating isipin ang magiging epekto nito sa iba. Sinisikap nating hindi makatisod, at iniisip natin na ‘palugdan ang kapuwa natin para sa ikabubuti at ikatitibay nila.’​—Basahin ang Roma 15:​1, 2.

3. Paano makakatulong ang hitsura natin para kilalanin ng iba si Jehova?

Lagi tayong nagsusuot ng angkop na damit sa tamang okasyon, pero lalo na kapag dumadalo tayo sa mga pulong at kapag nangangaral tayo. Gusto nating magpokus ang mga tao sa mahalagang mensahe natin, hindi sa hitsura natin. At ang totoo, puwedeng mas makinig ang mga tao sa katotohanan dahil sa hitsura natin at “magdulot ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas.”​—Tito 2:10.

PAG-ARALAN

Alamin kung paano natin masisiguro na angkop para sa isang Kristiyano ang ating pananamit at hitsura.

Makikita sa ating hitsura kung iginagalang natin ang mga nasa awtoridad. Kahit nababasa ni Jehova ang nasa puso natin, dapat makita sa hitsura natin na iginagalang natin siya

4. Nagpapakita ng paggalang kay Jehova ang maayos na hitsura

Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit gusto nating maging maayos ang ating hitsura? Basahin ang Awit 47:2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Dahil dala natin ang pangalan ni Jehova, paano ito dapat makaapekto sa pinipili nating damit?

  • Sa tingin mo, mahalaga kaya talagang pag-isipan ang hitsura natin kapag dumadalo tayo sa mga pulong at nangangaral? Bakit?

5. Kung paano magdedesisyon pagdating sa pananamit at pag-aayos

Panoorin ang VIDEO.

Mahal man o mura lang ang damit natin, dapat na lagi itong malinis at angkop sa okasyon. Basahin ang 1 Corinto 10:24 at 1 Timoteo 2:​9, 10. Pagkatapos, talakayin kung bakit natin dapat iwasan ang pananamit na . . .

  • hindi maayos o sobrang casual.

  • hapít na hapít, naglalantad ng katawan, o mapang-akit.

Kahit hindi na kailangang sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko, makikita pa rin doon ang pananaw ni Jehova. Basahin ang Deuteronomio 22:5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Bakit dapat iwasan ng mga lalaki na manamit o mag-ayos na parang babae at ng mga babae na manamit o mag-ayos na parang lalaki?

Basahin ang 1 Corinto 10:​32, 33 at 1 Juan 2:​15, 16. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Bakit dapat pag-isipan kung makakatisod sa ilan sa komunidad o sa kongregasyon ang hitsura natin?

  • Anong istilo ng pananamit o pag-aayos ang karaniwan sa inyong lugar?

  • Sa tingin mo, mayroon kaya sa mga istilong iyon na hindi angkop para sa isang Kristiyano? Bakit iyan ang sagot mo?

Pagdating sa pananamit at pag-aayos, marami tayong puwedeng pagpilian na makakapagpasaya kay Jehova

MAY NAGSASABI: “Karapatan kong pumili anumang damit ang gusto kong isuot.”

  • Tama kaya iyon? Bakit iyan ang sagot mo?

SUMARYO

Kapag tama ang pananamit at pag-aayos natin, ipinapakita nito na iginagalang natin si Jehova at ang iba.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Bakit mahalaga para kay Jehova ang ating pananamit at pag-aayos?

  • Anong mga prinsipyo tungkol sa pananamit at pag-aayos ang makakatulong sa atin?

  • Paano nakakaapekto ang hitsura natin sa pananaw ng iba tungkol sa tunay na pagsamba?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Tingnan kung ano ang puwedeng isipin ng iba tungkol sa iyo kapag nakita nila ang pananamit mo.

“Kumusta ang Hitsura Ko?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Tingnan ang iba pang prinsipyo na makakatulong sa atin na magdesisyon.

“Naluluwalhati Mo Ba ang Diyos sa Iyong Pananamit?” (Ang Bantayan, Setyembre 2016)

Paano nagkaroon ng balanseng pananaw ang isang babae pagdating sa pananamit at pag-aayos ng iba?

“Ang Pananamit at Pag-aayos ang Naging Katitisuran Ko” (Gumising!, Disyembre 22, 2003)