Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 57

Paano Kung Nakagawa Ka ng Malubhang Kasalanan?

Paano Kung Nakagawa Ka ng Malubhang Kasalanan?

Kahit mahal na mahal mo si Jehova at nagsisikap kang hindi siya masaktan, nagkakamali ka pa rin kung minsan. Pero may ilang kasalanan na mas malubha kaysa sa iba. (1 Corinto 6:​9, 10) Kung makagawa ka ng malubhang kasalanan, tandaan na mahal ka pa rin ni Jehova. Handa ka niyang patawarin at tutulungan ka niya.

1. Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad tayo ni Jehova?

Kapag nakagawa ng malubhang kasalanan ang mga taong nagmamahal kay Jehova, siguradong napakalungkot nila. Pero nakakapagpatibay ang pangako ni Jehova sa mga lingkod niya: “Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.” (Isaias 1:18) Kung talagang nagsisisi tayo, siguradong papatawarin tayo ni Jehova. Paano natin maipapakita ang pagsisisi? Kung talagang nalulungkot tayo dahil sa ginawa natin, ihihinto natin ito at hihingi tayo ng kapatawaran kay Jehova. Magsisikap din tayong baguhin ang maling kaisipan o gawain na naging dahilan ng pagkakasala natin. At gagawin natin ang lahat para masunod ang malinis na pamantayan ni Jehova.​—Basahin ang Isaias 55:​6, 7.

2. Paano ginagamit ni Jehova ang mga elder para tulungan tayo kapag nagkasala tayo?

Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, sinasabi ni Jehova na “tawagin [natin] ang matatandang lalaki sa kongregasyon.” (Basahin ang Santiago 5:​14, 15.) Mahal ng mga inatasang lalaking ito si Jehova at ang mga tupa niya. Matutulungan nila tayong maibalik ang magandang kaugnayan natin kay Jehova kasi tinuruan sila kung paano gagawin iyon.​—Galacia 6:1.

Paano tayo matutulungan ng mga elder kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan? Gagamitin ng dalawa o tatlong elder ang Bibliya para maituwid tayo. Papayuhan nila tayo at sasabihin ang mga puwede nating gawin para hindi na natin maulit ang kasalanan natin. Baka magpasiya sila na hindi muna tayo puwedeng makibahagi sa ilang gawain sa kongregasyon hanggang sa tumibay muli ang kaugnayan natin kay Jehova. Kapag hindi nagsisi ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan, ititiwalag siya ng mga elder para hindi siya makaimpluwensiya sa kongregasyon.

PAG-ARALAN

Pahalagahan at mas unawain pa kung paano tayo tinutulungan ni Jehova kapag nakagawa tayo ng malubhang kasalanan.

3. Makakatulong kung ipagtatapat natin ang ating kasalanan

Nasasaktan si Jehova kapag nakakagawa tayo ng kasalanan. Kaya tama lang na ipagtapat natin ito sa kaniya. Basahin ang Awit 32:​1-5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Bakit makakabuting ipagtapat kay Jehova ang mga kasalanan natin imbes na itago ito?

Bukod sa pagtatapat kay Jehova, makakatulong din kung hihingi tayo ng tulong sa mga elder. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Paano tinulungan ng mga elder si Canon na manumbalik kay Jehova?

Kailangan nating ipagtapat sa mga elder ang lahat ng nagawa natin. Nandiyan sila para tulungan tayo. Basahin ang Santiago 5:​16. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Bakit magiging madali para sa mga elder na tulungan ka kung ipagtatapat mo sa kanila ang lahat?

Ipagtapat ang kasalanan mo, sabihin ito sa mga elder, at tanggapin ang tulong ni Jehova

4. Kung paano nakakatulong ang pagtitiwalag

Kung ayaw pa ring sumunod sa pamantayan ni Jehova ang isang taong nakagawa ng malubhang kasalanan, hindi na siya puwedeng maging bahagi ng kongregasyon. Matitiwalag siya, at hindi na tayo makikisama o makikipag-usap sa kaniya. Basahin ang 1 Corinto 5:​6, 11 at 2 Juan 9-​11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Gaya ng lebadura na nagpapaalsa sa tinapay, paano puwedeng impluwensiyahan ng isang di-nagsisisi ang kongregasyon?

Marami sa mga natiwalag ang nakabalik sa kongregasyon. Bakit? Dahil kahit masakit matiwalag, nakatulong ito para ma-realize nila ang pagkakamali nila. (Awit 141:5) Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Paano nakatulong kay Sonja ang pagtitiwalag?

Paano nakakatulong ang pagtitiwalag para . . .

  • maparangalan ang pangalan ni Jehova?

  • maipakitang makatuwiran at maibigin si Jehova?

5. Pinapatawad ni Jehova ang mga nagsisisi

Gumamit si Jesus ng isang ilustrasyon para maunawaan natin ang nararamdaman ni Jehova sa isang taong nagsisisi. Basahin ang Lucas 15:​1-7. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Ano ang itinuturo ng tekstong ito tungkol kay Jehova?

Basahin ang Ezekiel 33:11. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Ano ang kailangan mong gawin para patunayang nagsisisi ka?

Gaya ng isang pastol, talagang nagmamalasakit si Jehova sa mga tupa niya

MAY NAGSASABI: “Natatakot akong sabihin sa mga elder ang kasalanan ko, kasi baka matiwalag ako.”

  • Ano ang sasabihin mo sa kaniya?

SUMARYO

Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, papatawarin tayo ni Jehova kung magsisisi tayo at magsisikap na hindi ito ulitin.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Bakit magandang ipagtapat kay Jehova ang mga kasalanan natin?

  • Ano ang kailangan nating gawin para mapatawad ang mga kasalanan natin?

  • Kung makagawa tayo ng malubhang kasalanan, bakit mahalagang humingi ng tulong sa mga elder?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Tingnan kung paano naramdaman ng isang lalaki ang awa ni Jehova gaya ng paglalarawan sa Isaias 1:18.

Huwag Mag-alinlangan sa Awa ni Jehova (5:​02)

Alamin kung paano mo maipapaliwanag sa isang hindi Saksi ang kaayusan ng pagtitiwalag.

“Itinatakwil Ba ng mga Saksi ni Jehova ang mga Dating Kabilang sa Kanilang Relihiyon?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Sa kuwentong “Dapat Akong Manumbalik kay Jehova,” alamin kung bakit naramdaman ng isang lalaki na tinulungan siya ni Jehova na makabalik sa kongregasyon.

“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Abril 1, 2012)