Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginagawa Ko ba ang Banal na Espiritu Bilang Aking Personal na Katulong?

Ginagawa Ko ba ang Banal na Espiritu Bilang Aking Personal na Katulong?

Ginagawa Ko ba ang Banal na Espiritu Bilang Aking Personal na Katulong?

ANG mga teologo, karagdagan pa sa mga tao sa pangkalahatan, ay nagtataglay ng iba’t ibang palagay tungkol sa pagkakakilanlan ng banal na espiritu ng Diyos. Gayunman, hindi na kailangan ang gayong pag-aalinlangan. Malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya kung ano ang banal na espiritu. Sa halip na pagiging isang persona, na gaya ng pag-aangkin ng ilan, ito ay ang makapangyarihan at aktibong puwersa na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang kaniyang kalooban.​—Awit 104:30; Gawa 2:33; 4:31; 2 Pedro 1:21.

Yamang napakalapit ng kaugnayan ng banal na espiritu sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos, dapat nating naisin na ang ating buhay ay nakaayon dito. Dapat nating naisin na ito’y maging ating personal na katulong.

Isang Katulong​—Bakit Kailangan?

Yamang inaasahan ang pag-alis niya sa lupa, muling binigyang katiyakan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Ako ay hihiling sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong upang makasama ninyo magpakailanman.” At muli pa: “Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Para sa inyong kapakinabangan na ako ay aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, ang katulong ay hindi sa anumang paraan darating sa inyo; ngunit kung ako ay paroroon, ay isusugo ko siya sa inyo.”​—Juan 14:16, 17; 16:7.

Binigyan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng isang mahalagang atas sa pamamagitan ng pagtatagubilin sa kanila: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Hindi madali ang gawaing ito, yamang ito ay gagawin sa harap ng pagsalansang.​—Mateo 10:22, 23.

Kasama sa pagsalansang mula sa labas ang isang antas ng hidwaan mula sa loob ng kongregasyon. “Ngayon ay masidhing pinapayuhan ko kayo, mga kapatid,” sulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E., “na mataan ninyo yaong mga nagpapangyari ng mga pagkakabaha-bahagi at mga kalagayang ikatitisod salungat sa mga turo na inyong natutuhan, at iwasan ninyo sila.” (Roma 16:17, 18) Lalala ang situwasyong ito minsang mamatay ang mga apostol. Nagbabala si Pablo: “Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis ay papasok ang mapaniil na mga lobo sa gitna ninyo at hindi pakikitunguhan ang kawan nang magiliw, at mula sa inyo mismo ay babangon ang mga tao at magsasalita ng pilipit na mga bagay upang ilayo ang mga alagad kasunod nila.”​—Gawa 20:29, 30.

Kailangan ang tulong ng Diyos upang mapaglabanan ang mga hadlang na ito. Inilaan niya ito sa pamamagitan ni Jesus. Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, sa araw ng Pentecostes 33 C.E., mga 120 sa kaniyang mga alagad ‘ay napuspos lahat ng banal na espiritu.’​—Gawa 1:15; 2:4.

Nabatid ng mga alagad na ang ibinuhos na banal na espiritu sa pagkakataong iyon ay ang tulong na ipinangako ni Jesus. Walang alinlangang mas naunawaan nila ngayon ang pagkakakilanlan na ibinigay ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa aking pangalan, ang isang iyon ay magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:26) Tinawag din niya itong ‘ang katulong, ang espiritu ng katotohanan.’​—Juan 15:26.

Paanong Isang Katulong ang Espiritu?

Ang espiritu ay magsisilbing isang katulong sa ilang paraan. Una, ipinangako ni Jesus na ipaaalaala nito sa kaniyang mga alagad ang mga bagay na sinabi niya sa kanila. Ang ibig niyang sabihin dito ay higit pa sa basta pagtulong sa kanila na maalaala ang mga salita. Tutulungan sila ng espiritu na maunawaan ang mas malalim na kahulugan at kahalagahan ng kaniyang itinuro. (Juan 16:12-14) Sa maikli, aakayin ng banal na espiritu ang kaniyang mga alagad sa higit na pagkaunawa sa katotohanan. Nang maglaon ay sumulat si apostol Pablo: “Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga iyon sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, sapagkat sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Upang masabi ng pinahirang mga tagasunod ni Jesus ang tumpak na kaalaman sa iba, dapat na matatag ang pundasyon ng kanila mismong kaunawaan.

Pangalawa, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin at gawin ito nang malimit. Kapag may mga pagkakataon na hindi sila sigurado sa kung ano ang dapat nilang ipanalangin, maaaring mamagitan ang espiritu sa kanila o kaya’y tulungan sila. “Sa katulad na paraan ang espiritu rin ay sumasama taglay ang tulong para sa ating kahinaan; sapagkat ang suliranin ng kung ano ang dapat nating ipanalangin gaya ng ating kailangan ay hindi natin alam, ngunit ang espiritu mismo ang nakikiusap para sa atin na may mga pagdaing na di-mabigkas.”​—Roma 8:26.

Ikatlo, tutulong ang espiritu sa mga alagad ni Jesus sa pangmadlang pagtatanggol ng katotohanan. Binabalaan niya sila: “Dadalhin nila kayo sa mga lokal na hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. Aba, kayo ay dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa. Gayunman, kapag dinala nila kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin; sapagkat ang inyong sasabihin ay ibibigay sa inyo sa oras na iyon; sapagkat ang mga nagsasalita ay hindi lamang kayo, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang nagsasalita sa pamamagitan ninyo.”​—Mateo 10:17-20.

Tutulong din ang banal na espiritu sa pagkilala sa Kristiyanong kongregasyon at pakilusin ang mga miyembro nito na gumawa ng matatalinong personal na pasiya. Ating higit na talakayin ang detalye ng dalawa sa mga aspekto ng paksang ito at tingnan kung ano ang kahalagahan nito para sa atin sa ngayon.

Upang Magsilbing Isang Pagkakakilanlang Tanda

Mga dantaong naglingkod ang mga Judio sa ilalim ng Kautusang Mosaiko bilang piniling bayan ng Diyos. Dahil itinakwil nila si Jesus bilang ang Mesiyas, kaniyang inihula na di-matatagalan at sila mismo’y itatakwil: “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa Kasulatan, ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang isa na naging pangulong batong-panulok. Mula kay Jehova ito ay nangyari, at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata’? Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ko sa inyo, Ang kaharian ng Diyos ay kukunin mula sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mateo 21:42, 43) Nang maitatag ang Kristiyanong kongregasyon noong Pentecostes 33 C.E., ang mga alagad ni Kristo ang naging “bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” Mula noon, ang kongregasyong ito ang alulod ng komunikasyon ng Diyos. Upang makilala ng mga tao ang paglipat na ito ng banal na pagsang-ayon, naglaan ang Diyos ng isang malinaw na pagkakakilanlang tanda.

Noong Pentecostes, ginawang posible ng banal na espiritu na makapagsalita ang mga alagad ng mga wika na hindi nila kailanman natutuhan, anupat tumugon nang may pagkamangha ang mga manonood at nagtanong: “Paano ngang naririnig natin, bawat isa sa atin, ang kaniyang sariling wika na doon ay ipinanganak tayo?” (Gawa 2:7, 8) Ang kakayahang makapagsalita ng di-kilalang mga wika, kasama na ang “maraming mga palatandaan at mga tanda [na] nagpasimulang maganap sa pamamagitan ng mga apostol,” ang nag-akay sa tatlong libong tao na kilalanin na talaga ngang kumikilos ang espiritu ng Diyos.​—Gawa 2:41, 43.

Gayundin, sa pamamagitan ng pagluwal ng “bunga ng espiritu”​—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili​—malinaw na nakikilala ang mga alagad ni Kristo bilang mga lingkod ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Sa katunayan, ang pag-ibig ay ang pangunahing pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyanong kongregasyon. Inihula ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:34, 35.

Tinanggap ng mga miyembro ng sinaunang Kristiyanong kongregasyon ang pag-akay ng banal na espiritu ng Diyos at sinamantala ang tulong na ibinigay nito. Bagaman natatanto ng mga Kristiyano sa ngayon na ang Diyos ay hindi na ngayon bumubuhay ng patay at gumagawa ng mga himala gaya noong unang siglo, hinahayaan nila ang bunga ng espiritu ng Diyos na magpakilala sa kanila bilang mga tunay na alagad ni Jesu-Kristo.​—1 Corinto 13:8.

Isang Katulong sa Paggawa ng mga Personal na Pasiya

Ang Bibliya ay gawa ng banal na espiritu. Samakatuwid, kapag pinahintulutan natin na tayo’y mahikayat ng Bibliya, para tayong tinuturuan ng banal na espiritu. (2 Timoteo 3:16, 17) Maaari tayong matulungan nito na gumawa ng matatalinong pasiya. Subalit hinahayaan ba nating akayin tayo nito?

Kumusta ang hinggil sa pagpili natin ng trabaho o hanapbuhay? Gagawing posible ng banal na espiritu na malasin natin ang isang inaasahang trabaho sa pangmalas ni Jehova. Dapat na kasuwato ng mga simulain sa Bibliya ang ating hanapbuhay, at makabubuti kung ito’y makatutulong sa atin na tuparin ang mga teokratikong tunguhin. Tunay na hindi gaanong mahalaga ang suweldo o ang pagiging tanyag at sikat na kaakibat sa isang trabaho. Ang mas mahalaga ay kung ito ba ay naglalaan sa atin ng mga pangangailangan sa buhay at nagpapahintulot sa atin na magkaroon ng sapat na panahon at pagkakataon na gampanan ang ating mga obligasyong Kristiyano.

Ang pagnanais na masiyahan sa buhay ay normal at angkop. (Eclesiastes 2:24; 11:9) Kaya ang isang timbang na Kristiyano ay maaaring maglibang upang maginhawahan at upang masiyahan. Subalit dapat niyang piliin ang libangan na nagpapaaninag ng bunga ng espiritu, hindi ang uri na nagtatampok ng “mga gawa ng laman.” Ipinaliwanag ni Pablo: “Ngayon ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, kawalang-kalinisan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga awayan, alitan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, maiingay na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito.” Dapat ding iwasan ang pagiging “egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.”​—Galacia 5:16-26.

Gayundin sa pagpili ng mga kaibigan. Matalino na piliin sila ayon sa espirituwalidad, hindi ayon sa panlabas na anyo o sa mga tinataglay ng isa. Maliwanag na ang lalaking si David ay kaibigan ng Diyos, dahil inilarawan siya ng Diyos na “isang lalaking naaayon sa [kaniyang] puso.” (Gawa 13:22) Yamang hindi tumitingin sa panlabas na anyo, pinili ng Diyos si David na maging hari ng Israel, ayon sa simulain: “Hindi ayon sa paraan ng pagtingin ng tao ang paraan ng pagtingin ng Diyos, sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.”​—1 Samuel 16:7.

Libu-libong pagkakaibigan ang nabigo dahil salig ang mga ito sa panlabas na anyo o sa mga tinataglay ng isa. Ang pagkakaibigang nakasalig sa di-tiyak na mga kayamanan ay maaaring matapos nang biglaan. (Kawikaan 14:20) Pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na kinasihan ng espiritu na kapag pumipili ng mga kaibigan, dapat nating piliin yaong makatutulong sa atin na paglingkuran si Jehova. Sinasabi nito sa atin na ituon ang pansin sa pagbibigay sa halip na sa pagtanggap dahil sa ang pagbibigay ay nagdudulot ng higit na kasiyahan. (Gawa 20:35) Ang panahon at pagmamahal ay kasama sa pinakamahahalagang bagay na maaari nating ibigay sa ating mga kaibigan.

Sa isang Kristiyanong naghahanap ng mapapangasawa, nagbibigay ang Bibliya ng payong kinasihan ng espiritu. Sa isang paraan, sinasabi nito: ‘Huwag kang tumingin sa mukha at sa katawan lamang. Tumingin sa paa.’ Sa paa? Oo, sa ganitong diwa: Ginagamit ba ang mga ito upang isagawa ang gawain ni Jehova na pangangaral ng mabuting balita, at kung gayon ay masasabing pagkaganda-ganda, wika nga, sa kaniyang paningin? Ang mga ito ba’y nasusuutan ng mensahe ng katotohanan at mabuting balita ng kapayapaan? Mababasa natin: “Pagkaganda-ganda sa ibabaw ng mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita tungkol sa bagay na mas mabuti, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’ ”​—Isaias 52:7; Efeso 6:15.

Habang namumuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kailangan natin ang tulong sa paggawa ng kalooban ng Diyos. (2 Timoteo 3:1) Ang katulong, ang banal na espiritu ng Diyos, ay nagbigay ng makapangyarihang suporta sa gawain ng mga Kristiyano noong unang siglo, kabilang na ang pagiging kanilang personal na katulong. Ang masikap na pag-aaral ng Salita ng Diyos, na gawa ng banal na espiritu, ay isang pangunahing paraan na maaari rin nating gawin na personal na katulong ang banal na espiritu. Ginagawa na ba natin ito?

[Buong-pahinang larawan sa pahina 23]