Pagtulong sa mga Kabataan sa Pamamagitan ng Napapanahong Instruksiyon
Pagtulong sa mga Kabataan sa Pamamagitan ng Napapanahong Instruksiyon
SI Epafras ay isang Kristiyano noong unang siglo na naglakbay patungo sa Roma. Gayunman, may mabuting dahilan kung bakit ang kaniyang isip ay palaging naglalakbay pabalik sa Colosas, isang lunsod sa Asia Minor. Ipinangaral niya roon ang mabuting balita at tiyak na natulungan niya ang ilang taga-Colosas na maging mga alagad ni Jesu-Kristo. (Colosas 1:7) Lubhang nababahala si Epafras dahil sa mga kapananampalataya sa Colosas, sapagkat mula sa Roma ay isinulat sa kanila ni apostol Pablo: “Si Epafras . . . ay nagpapadala sa inyo ng kaniyang mga pagbati, na laging nagpupunyagi alang-alang sa inyo sa kaniyang mga panalangin, upang sa wakas ay makatayo kayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.”—Colosas 4:12.
Sa katulad na paraan, marubdob na ipinananalangin ng mga Kristiyanong ama’t ina sa kasalukuyang panahon ang espirituwal na kapakanan ng kanilang mga anak. Sinisikap ng mga magulang na ito na ikintal sa puso ng kanilang mga anak ang pag-ibig sa Diyos upang sila’y tumibay sa pananampalataya.
Maraming kabataang Kristiyano ang humihingi ng tulong sa pagharap sa mga hamon na nararanasan nila sa paaralan at sa iba pang lugar. Sinabi ng isang 15 anyos na kabataang babae: “Lumalala ang aming mga problema. Lubhang nakatatakot ang mabuhay. Kailangan namin ng tulong!” Sinagot ba ang mga kahilingan ng gayong mga kabataan at ang mga panalangin ng makadiyos na mga magulang? Oo! Ang salig-Bibliyang instruksiyon ay inilalaan sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Makikita rito ang ilan sa literatura na nakatulong sa daan-daang libong kabataan upang ‘makatayong ganap at may matibay na pananalig.’ Isaalang-alang natin ang ilan sa mga publikasyong ito.
“Narito . . . 15,000 Bagong mga Saksi!”
Noong Agosto 1941, nagtipon ang 115,000 tagapakinig sa St. Louis, Missouri, E.U.A., para sa pinakamalaking kombensiyon na idinaos ng mga Saksi ni Jehova hanggang sa panahong iyon. Sa huling araw nito—“Araw ng mga Kabataan”—mga 15,000 kabataan na nakaupo malapit sa plataporma ang matamang nakikinig habang tinatalakay ni Joseph F. Rutherford ang paksang “Mga Anak ng Hari.” Nang malapit nang matapos ang kaniyang pahayag, sinabi ng 71 anyos na si Rutherford sa isang maka-amang tono:
“Kayong lahat . . . na mga kabataan na sumang-ayong . . . sundin ang Diyos at ang kaniyang Hari, pakisuyong tumayo kayo.” Ang mga kabataan ay sabay-sabay na tumayo. “Narito,” bulalas ni Brother Rutherford, “mahigit na 15,000 bagong mga saksi para sa Kaharian!” Humugong ang palakpakan. Sinabi pa ng tagapagsalita: “Lahat kayo na gagawin ang lahat ng [inyong] magagawa upang sabihin sa iba ang tungkol sa kaharian ng Diyos . . . , pakisuyong sumagot ng Oo.” Ang mga kabataan ay tumugon ng isang malakas na “Oo!” Pagkatapos ay ipinakita niya ang bagong aklat na Children, na tinanggap sa pamamagitan ng matagal na palakpakan.
Pagkatapos ng nakaaantig na pahayag na ito, isang mahabang pila ng mga kabataan ang umakyat sa plataporma, kung saan binigyan sila ni Brother Rutherford ng isang regalong kopya ng bagong aklat. Dahil sa tanawing iyon ay napaluha ang mga tagapakinig. Sinabi ng isang nakasaksi sa pangyayari: “Tangi lamang ang may pusong bato ang hindi maaantig sa pagkakita sa mga kabataan [na nagpapakita ng] lubos na tiwala at pananampalataya sa kanilang Diyos, si Jehova.”
Sa di-malilimutang asambleang iyon, 1,300 kabataan ang binautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Marami sa kanila ang nanatiling matibay sa pananampalataya hanggang sa mismong araw na ito. Sila’y sumusuporta sa mga lokal na kongregasyon, mga boluntaryo sa Bethel, o naglilingkod bilang mga misyonero sa mga banyagang lupain. Tunay nga, ang “Araw ng mga Kabataan” at ang aklat na Children ay nag-iwan ng namamalaging impresyon sa puso ng maraming kabataan!
“Parang Dumarating ang mga Ito sa Tamang-tamang Panahon”
Noong dekada ng 1970, ang mga Saksi ni Jehova ay naglathala ng tatlo pang aklat na tumagos sa puso ng daan-daang libong kabataan. Ang mga ito ay Pakikinig sa Dakilang Guro, Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Noong 1982, ang seryeng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay nagsimulang
lumabas sa magasing Gumising! Ang mga artikulong ito ay umantig sa puso ng mga bata’t matanda. “Gabi-gabi ay nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa pagkakalathala ng mga ito,” ang sabi ng isang 14 anyos. “Gustung-gusto ko ang mga artikulo,” ang sabi naman ng isang 13 anyos, “parang dumarating ang mga ito sa tamang-tamang panahon.” Ang mga magulang at mga hinirang na matatandang Kristiyano ay sumasang-ayon na ang mga artikulong ito ay napapanahon at kapaki-pakinabang.Pagsapit ng 1989, mga 200 artikulo na ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ang lumabas sa Gumising! Sa “Makadiyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon nang taóng iyon, inilabas ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Nakatulong ba ito sa mga kabataan na manatiling matibay sa pananampalataya? Tatlong kabataan ang sumulat: “Ang aklat na ito ay naging kamangha-manghang tulong sa amin sa pag-unawa sa aming mga problema at sa pag-alam kung paano haharapin ang mga iyon. Salamat sa pagmamalasakit ninyo sa aming kapakanan.” Sumasang-ayon dito ang maraming kabataang mambabasa sa buong daigdig.
“Pinawi Nito ang Aming Gutom”
Noong 1999, ang mga Saksi ni Jehova ay naglabas ng isa pang napapanahong uri ng instruksiyon para sa mga kabataan—ang video na Young People Ask—How Can I Make Real Friends? Ito’y pumukaw ng masiglang tugon. “Ang video na ito ay tumagos hanggang sa aking puso,” ang sabi ng isang 14 anyos. “Ito’y magiging regular na bahagi ng aming espirituwal na pagkain,” ang sabi ng isang nagsosolong ina. “Nakapagpapasiglang malaman na ang ating pinakamatalik na Kaibigan, si Jehova, ay talagang nagmamahal at nangangalaga sa mga kabataan sa kaniyang pandaigdig na organisasyon,” ang sabi ng isang kabataang babae.
Ano ang naitulong ng video? Sinasabi ng mga kabataan: “Natulungan ako nito na mag-ingat sa pagpili ng aking mga kasama, magpalawak sa pakikisama sa loob ng kongregasyon, at gawing aking kaibigan si Jehova.” “Natulungan ako nito na manindigan sa aking mga kaedad.” “Pinatatag ako nito sa aking determinasyon na paglingkuran si Jehova sa abot ng aking makakaya.” At isang mag-asawa ang sumulat: “Salamat sa inyo mula sa kaibuturan ng aming puso sa paglalaan sa amin ng ganitong ‘pagkain.’ Pinawi nito ang aming gutom.”
Palibhasa’y tapat sa atas nito mula sa Diyos, ang pinahirang “tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain para sa lahat ng tatanggap nito. At kay laking kagalakan na makitang ang gayong maka-Kasulatang instruksiyon ay nakatutulong sa mga kabataan sa ngayon upang ‘makatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos’!