Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kombensiyon—Nakagagalak na Katibayan ng Ating Kapatiran

Mga Kombensiyon—Nakagagalak na Katibayan ng Ating Kapatiran

Mga Kombensiyon​—Nakagagalak na Katibayan ng Ating Kapatiran

ANG 50-taóng-gulang na si Joseph F. Rutherford, na may mahinang kalusugan matapos ang halos isang taon ng di-makatarungang pagkabilanggo, ay maligayang naglingkod bilang bellboy. Masigla siyang nagbuhat ng mga maleta at tumulong sa mga kapuwa Kristiyano patungo sa kanilang mga kuwarto sa otel. Dalawa sa kaniyang dating kapuwa bilanggo​—mga kapuwa Estudyante ng Bibliya​—ang namahagi ng mga iniatas na kuwarto sa isang malaking pulutong na naghihintay ng matutuluyan. Abala ang kalagayan hanggang makalipas ang hatinggabi. Isang nakahahawang espiritu ng kasiglahan ang nanaig sa kanilang lahat. Ano ang okasyon?

Ang taon ay 1919, at ang mga Estudyante ng Bibliya (kilalá ngayon bilang mga Saksi ni Jehova) ay bumabangon mula sa isang yugto ng malupit na pag-uusig. Upang muling mapalakas ang kanilang kapatiran, nagdaos sila ng isang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., mula Setyembre 1 hanggang 8, 1919. Sa huling araw ng kombensiyon, isang lubhang nananabik na pulutong ng 7,000 ang puspusang nakinig habang pinasisigla ni Brother Rutherford ang bawat isa sa mga kombensiyonista sa mga pananalitang: “Kayo’y mga embahador ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, na naghahayag sa mga tao . . . ng maluwalhating kaharian ng ating Panginoon.”

Sa bayan ni Jehova, idinaraos na ang mga kombensiyon noon pang panahon ng sinaunang Israel. (Exodo 23:14-17; Lucas 2:41-43) Ang gayong mga pagtitipon ay nakagagalak na mga okasyon, anupat tumutulong sa lahat ng naroroon na panatilihin ang kanilang mga kaisipan sa Salita ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon ay nakatuon sa espirituwal na mga bagay. Sa taimtim na mga tagapagmasid, ang gayong nakagagalak na mga pagtitipon ay nagbibigay ng di-maikakailang patotoo na ang mga Saksi ay pinagkakaisa ng matitibay na buklod ng Kristiyanong kapatiran.

Mga Pagsisikap Upang Makadalo

Natatanto ng mga Kristiyano sa makabagong panahon na ang kanilang mga kombensiyon ay mga yugto ng espirituwal na kaginhawahan at pagtuturo mula sa Salita ng Diyos. Itinuturing nila ang malalaking pulong na ito bilang isang napakahalagang paraan ng pagtulong sa kanila na ‘makatayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’ (Colosas 4:12) Kaya buong pusong tinatangkilik ng mga Saksi ang mga pagtitipong ito, anupat gumagawa ng malaking pagsisikap upang madaluhan ang mga ito.

Para sa ilan, ang kanila mismong pagkanaroroon sa gayong mga kombensiyon ay nangangailangan ng pananampalataya at pagdaig sa gabundok na mga balakid. Halimbawa, isaalang-alang ang isang may-edad nang Saksi sa Austria. Bagaman siya ay may diyabetis at nangangailangang maturukan ng insulin araw-araw, kaniyang tiniyak na madaluhan niya ang lahat ng araw ng isang pandistritong kombensiyon sa kaniyang bansa. Sa India, nasumpungan ng isang malaking pamilya ng mga Saksi na lubhang nagdarahop na halos imposibleng makadalo sa isang kombensiyon. Isang miyembro ng pamilya ang naglaan ng tulong. “Yamang ayaw naming lumiban sa okasyon,” sabi niya, “ipinagbili ko ang aking mga gintong hikaw upang matustusan ang paglalakbay. Sulit ang pagsasakripisyo, yamang pinatibay ng pakikipagsamahan at mga karanasan ang aming pananampalataya.”

Sa Papua New Guinea, isang grupo ng di-bautisado at interesadong mga tao ang determinadong dumalo sa isang pandistritong kombensiyon sa kabisera. Nilapitan nila ang isang lalaki sa kanilang nayon na nagmamay-ari ng isang pampublikong sasakyang de-motor at tinanong siya kung magkano ang kaniyang sisingilin para maihatid sila sa kombensiyon. Yamang ang halagang kailangan ay higit pa sa kanilang makakaya, isinaayos nilang makapagtrabaho sa tahanan ng lalaki, anupat kinumpuni ang kaniyang kusina. Kaya nakarating sila sa pandistritong kombensiyon at nakinabang sa pagdalo sa buong programa.

Ang distansiya ay hindi isang napakalaking suliranin para sa mga Saksi ni Jehova na determinadong makadalo sa mga kombensiyon. Noong 1978, isang kabataang delegado mula sa Poland ang naglakbay ng 1,200 kilometro sa pamamagitan ng bisikleta sa loob ng anim na araw upang makadalo sa isang kombensiyon sa Lille, Pransiya. Noong tag-araw ng 1997, dalawang Saksi mula sa Mongolia ang naglakbay ng 1,200 kilometro upang madaluhan ang isang Kristiyanong pagtitipon sa Irkutsk, Russia.

Pagkilos ng Tunay na Kapatiran

Ang pagkakaisa at pagkakapatiran na ipinamalas ng mga Saksi sa kanilang mga kombensiyon ay maliwanag na nakikita ng walang-kinikilingang mga tagapagmasid. Marami ang humanga dahil sa walang pagtatangi sa gitna ng mga kombensiyonista at dahil sa umiiral ang totoong kasiglahan maging sa mga maaaring noon lamang nagkakilala.

Sa isang internasyonal na kombensiyon kamakailan sa Australia, isang tour guide na sinamahan ang dumadalaw na mga delegado ng kombensiyon sa loob ng isang linggo ang nagnais na manatiling kasama nila ng matagal-tagal pa upang matamasa ang kanilang pagsasamahan. Dahil napahanga sa kanilang pag-ibig at pagkakaisa, hindi siya makapaniwalang sila’y lubhang nagkapalagayan ng loob, yamang karamihan sa kanila ay hindi magkakakilala. Nang malapit na siyang umalis, tinawag niya ang kanilang pansin. Sa pagtawag sa kanila na “mga kapatid,” sinimulan niyang pasalamatan sila ngunit hindi niya ito natapos, yamang hindi na siya nakapagsalita dahil sa emosyon at nagsimula siyang umiyak.

Noong 1997, idinaos sa Sri Lanka ang unang pandistritong kombensiyon nito sa tatlong wika sa isang malaking istadyum. Iniharap ang buong programa sa Ingles, Sinhalese, at sa Tamil nang sabay-sabay. Sa isang sanlibutan na may tumitinding igtingan ng mga etnikong grupo, ang gayong pagtitipon ng tatlong grupo na gumagamit ng kani-kaniyang wika ay napansin. Isang pulis ang nagtanong sa isang kapatid: “Sino ang nagpapatakbo ng kombensiyong ito​—ang mga Sinhalese, ang mga Tamil, o ang mga Ingles?” “Wala sa mga grupong ito ang nagpapatakbo ng kombensiyon,” tugon ng kapatid. “Ginagawa namin ito nang magkakasama.” Hindi makapaniwala ang pulis. Nang ang lahat ng tatlong grupo na gumagamit ng kani-kaniyang wika ay nagsama-sama para sa panghuling panalangin at nagkakaisang “Amen” ang umalingawngaw sa buong istadyum, kusang nagpalakpakan ang mga kombensiyonista. Napaluha ang halos lahat ng nagsidalo. Oo, ang mga kombensiyon ay talagang nakagagalak na katibayan ng ating kapatiran.​—Awit 133:1. a

[Talababa]