Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Lalapit Siya sa Inyo”

“Lalapit Siya sa Inyo”

“Lalapit Siya sa Inyo”

‘Hindi malayo ang Diyos sa bawat isa sa atin.’​—GAWA 17:27.

1, 2. (a) Kapag tumitingin tayo sa mabituing kalangitan, ano ang maaari nating itanong may kaugnayan sa Maylalang? (b) Paano tinitiyak sa atin ng Bibliya na napakahalaga ng mga tao sa paningin ni Jehova?

NAPATINGIN ka na ba sa mabituing kalangitan sa isang maaliwalas na gabi at nalipos ng pagkamangha? Ang napakaraming bilang ng mga bituin at ang lawak ng kalawakan ay pumupukaw ng pagkasindak. Sa napakalaking sansinukob na ito, ang lupa ay isang tuldok lamang. Nangangahulugan ba ito na ang Maylalang, “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” ay napakatayog upang magmalasakit sa mga tao o napakalayo at di-malirip para makilala nila?​—Awit 83:18.

2 Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mga tao ay napakahalaga sa paningin ni Jehova. Sa katunayan, pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na hanapin siya, na sinasabi: “Hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27; 1 Cronica 28:9) Sa katunayan, kung gagawa tayo ng mga hakbang upang mapalapit sa Diyos, tutugon siya sa ating mga pagsisikap. Sa anong paraan? Ang mga salita ng ating taunang teksto para sa 2003 ay may ganitong nakaaantig-pusong sagot: “Lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Talakayin natin ang ilan sa kamangha-manghang mga pagpapala na saganang ibinibigay ni Jehova sa mga malapít sa kaniya.

Isang Personal na Kaloob Mula kay Jehova

3. Anong kaloob ang ibinibigay ni Jehova sa mga lumalapit sa kaniya?

3 Una, ang mga lingkod ni Jehova ay may mahalagang kaloob na inilaan niya para sa kaniyang bayan. Ang kaloob na ito ay hindi maibibigay ng lahat ng kapangyarihan, kayamanan, at edukasyon na iniaalok ng sistemang ito ng mga bagay. Ito ay isang personal na kaloob, isa na ibinibigay lamang ni Jehova sa mga malapít sa kaniya. Ano ito? Sumasagot ang Salita ng Diyos: “Kung . . . ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 2:3-6) Isip-isipin na lamang na masusumpungan ng di-sakdal na mga tao ang “mismong kaalaman sa Diyos”! Ang kaloob na iyan​—ang kaalaman na masusumpungan sa Salita ng Diyos​—ay inihahambing sa “nakatagong kayamanan.” Bakit?

4, 5. Bakit maihahambing ang “mismong kaalaman sa Diyos” sa “nakatagong kayamanan”? Ilarawan.

4 Isa na rito, napakahalaga ng kaalaman sa Diyos. Ang isa sa pinakamahalagang pagpapala nito ay ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Subalit pinabubuti ng kaalamang iyan ang ating buhay maging sa ngayon. Halimbawa, bilang resulta ng ating maingat na pag-aaral sa Salita ng Diyos, nalaman natin ang mga sagot sa mahahalagang tanong na gaya ng: Ano ang pangalan ng Diyos? (Awit 83:18) Ano ang tunay na kalagayan ng mga patay? (Eclesiastes 9:5, 10) Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan? (Isaias 45:18) Natutuhan din natin na ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay ay ang pagkakapit sa matalinong payo ng Bibliya. (Isaias 30:20, 21; 48:17, 18) Dahil dito, mayroon tayong mahusay na patnubay na tumutulong sa atin upang mapaglabanan ang mga kabalisahan sa buhay at maitaguyod ang landasin na nagdudulot ng tunay na kaligayahan at kasiyahan. Higit sa lahat, ipinababatid sa atin ng ating pag-aaral sa Salita ng Diyos ang kahanga-hangang mga katangian ni Jehova at inilalapít tayo sa kaniya. May mas mahalaga pa ba kaysa sa matalik na kaugnayan kay Jehova na nakasalig sa “mismong kaalaman sa Diyos”?

5 Mayroon pang isang dahilan kung bakit maihahambing ang kaalaman sa Diyos sa “nakatagong kayamanan.” Tulad ng maraming kayamanan, ito ay maituturing na pambihira sa daigdig na ito. Sa anim na bilyong naninirahan sa lupa, mga anim na milyong mananamba ni Jehova, o mga 1 sa bawat 1,000 ang nakasumpong ng “mismong kaalaman sa Diyos.” Upang ilarawan kung paanong isang pambihirang pribilehiyo na malaman ang katotohanan sa Salita ng Diyos, isaalang-alang ang isa lamang tanong hinggil sa Bibliya: Ano ang nangyayari sa mga tao pagkamatay nila? Alam natin mula sa Kasulatan na ang kaluluwa ay namamatay at na ang mga patay ay walang malay. (Ezekiel 18:4) Gayunman, ang maling paniniwala na may isang bagay sa loob ng tao na nananatiling buháy pagkamatay niya ay tinatanggap ng karamihan sa mga relihiyon sa daigdig. Ito ay isang saligang paniwala ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Pinaniniwalaan din ito sa Budismo, Hinduismo, Islam, Jainismo, Judaismo, Shinto, Sikhismo, at Taoismo. Isipin na lamang​—bilyun-bilyong tao ang nadadaya ng maling doktrinang ito!

6, 7. (a) Sino lamang ang makasusumpong sa “mismong kaalaman sa Diyos”? (b) Anong halimbawa ang nagpapakita na pinagpapala tayo ni Jehova ng kaunawaang mailap sa maraming “marurunong at matatalino”?

6 Bakit hindi masumpungan ng maraming tao ang “mismong kaalaman sa Diyos”? Dahil hindi lubusang mauunawaan ng isa ang kahulugan ng Salita ng Diyos kung wala ang Kaniyang tulong. Tandaan, ang kaalamang ito ay isang kaloob. Ibinibigay lamang ito ni Jehova sa mga handang magsaliksik sa kaniyang Salita nang may katapatan at kapakumbabaan. Ang gayong mga tao ay maaaring hindi “marunong ayon sa laman.” (1 Corinto 1:26) Ang marami sa kanila ay maituturing pa nga na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” ayon sa mga pamantayan ng sanlibutan. (Gawa 4:13) Subalit hindi iyon mahalaga. Ipinagkakaloob sa atin ni Jehova ang “mismong kaalaman sa Diyos” dahil sa mga katangian na nasusumpungan niya sa ating puso.

7 Isaalang-alang ang isang halimbawa. Maraming iskolar sa Sangkakristiyanuhan ang gumawa ng pagkarami-raming komentaryo hinggil sa Bibliya. Ang gayong mga reperensiyang akda ay maaaring nagpapaliwanag hinggil sa pangyayari sa kasaysayan, sa kahulugan ng mga salitang Hebreo at Griego, at marami pang iba. Sa kabila ng lahat ng kanilang kaalaman, talaga bang nasumpungan ng mga iskolar na iyon ang “mismong kaalaman sa Diyos”? Buweno, maliwanag ba nilang nauunawaan ang tema ng Bibliya​—ang pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian? Alam ba nila na ang Diyos na Jehova ay hindi bahagi ng isang Trinidad? Ngunit di-tulad nila, taglay natin ang tumpak na unawa sa gayong mga bagay. Bakit? Pinagpapala tayo ni Jehova ng kaunawaan sa espirituwal na mga katotohanang mailap sa maraming “marurunong at matatalino.” (Mateo 11:25) Tunay ngang pinagpapala ni Jehova ang mga malapít sa kaniya!

“Binabantayan ni Jehova ang Lahat ng Umiibig sa Kaniya”

8, 9. (a) Paano inilarawan ni David ang isa pang pagpapala para sa mga malapít kay Jehova? (b) Bakit kailangan ng tunay na mga Kristiyano ang proteksiyong mula sa Diyos?

8 Yaong mga malapít kay Jehova ay nagtatamasa ng isa pang pagpapala​—ang proteksiyong mula sa Diyos. Ang salmistang si David, na nakaranas ng maraming kagipitan, ay sumulat: “Si Jehova ay malapit sa lahat ng tumatawag sa kaniya, sa lahat ng tumatawag sa kaniya sa katapatan. Ang nasa ng mga may takot sa kaniya ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila. Binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya.” (Awit 145:18-20) Oo, si Jehova ay malapit sa mga umiibig sa kaniya at sa gayon ay maaaring maging mabilis sa pagtugon sa kanilang mga paghingi ng tulong.

9 Bakit kailangan natin ang proteksiyong mula sa Diyos? Bukod sa nadarama natin ang mga epekto ng pamumuhay sa ganitong “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” ang tunay na mga Kristiyano ay pantanging tudlaan ng pangunahing Kaaway ni Jehova, si Satanas na Diyablo. (2 Timoteo 3:1) Ang tusong kaaway na iyan ay determinadong ‘silain’ tayo. (1 Pedro 5:8) Tayo ay inuusig, ginigipit, at tinutukso ni Satanas. Humahanap din siya ng mga saloobin ng isip at puso na maaari niyang samantalahin. Mayroon siyang tunguhin sa isipan: pahinain ang ating pananampalataya at sirain ang ating espirituwalidad. (Apocalipsis 12:12, 17) Yamang mayroon tayong gayong makapangyarihang kaaway na kailangang labanan, hindi ba nakapagpapatibay-loob na malaman na “binabantayan ni Jehova ang lahat ng umiibig sa kaniya”?

10. (a) Paano binabantayan ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Ano ang pinakamahalagang uri ng proteksiyon, at bakit?

10 Subalit paano binabantayan ni Jehova ang kaniyang bayan? Ang proteksiyon na kaniyang ipinangangako ay hindi gumagarantiya sa atin ng isang buhay na walang problema sa sistemang ito; ni nangangahulugan man ito na obligado siyang gumawa ng mga himala alang-alang sa atin. Gayunman, talagang naglalaan si Jehova ng pisikal na proteksiyon sa kaniyang bayan bilang isang grupo. Sa katunayan, hindi niya hahayaan ang Diyablo na pawiin ang tunay na mga mananamba sa lupa! (2 Pedro 2:9) Higit sa lahat, nagbibigay si Jehova ng proteksiyon sa atin sa espirituwal na paraan. Sinasangkapan niya tayo ng kailangan natin upang mabata ang mga pagsubok at maingatan ang ating kaugnayan sa kaniya. Sa dakong huli, ang espirituwal na proteksiyon ang siyang pinakaimportanteng uri ng proteksiyon. Bakit? Hangga’t taglay natin ang ating kaugnayan kay Jehova, walang anumang bagay​—kahit na kamatayan​—ang permanenteng makapipinsala sa atin.​—Mateo 10:28.

11. Anong mga paglalaan ang isinasaayos ni Jehova para sa espirituwal na proteksiyon ng kaniyang bayan?

11 Si Jehova ay nagsasaayos ng saganang paglalaan para sa espirituwal na proteksiyon ng mga malapít sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, binibigyan niya tayo ng karunungan upang matagumpay na maharap ang iba’t ibang pagsubok. (Santiago 1:2-5) Ang pagkakapit sa praktikal na payo na masusumpungan sa Kasulatan ay isa nang proteksiyon mismo. Bukod dito, nagbibigay pa si Jehova ng “banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Ang espiritung iyan ang pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob, kaya tiyak na masasangkapan tayo nito upang maharap nang matagumpay ang anumang pagsubok o tukso na maaaring mapaharap sa atin. Sa pamamagitan ni Kristo, naglalaan si Jehova ng “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8) Ang mga lalaking ito na kuwalipikado sa espirituwal ay nagsisikap na ipamalas ang mismong taos-pusong pagkahabag ni Jehova kapag tumutulong sa mga kapuwa mananamba.​—Santiago 5:14, 15.

12, 13. (a) Sa paanong paraan inilalaan ni Jehova ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon? (b) Ano ang nadarama mo hinggil sa mga paglalaan ni Jehova para sa ating espirituwal na kapakanan?

12 Si Jehova ay naglalaan ng isa pang bagay upang ingatan tayo: ang espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mateo 24:45) Sa pamamagitan ng inilimbag na mga publikasyon, lakip na ang mga babasahing Ang Bantayan at Gumising!, at sa pamamagitan ng mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon, inilalaan sa atin ni Jehova ang kailangan natin kapag kailangan natin ito. May naaalaala ka bang pagkakataon na narinig mo ang isang bagay sa isang Kristiyanong pagpupulong, asamblea, o kombensiyon na nakaantig sa iyong puso at nakapagpalakas o nakaaliw sa iyo? Nakabasa ka na ba ng artikulo sa isa sa mga nabanggit na babasahin at nakadama na iyon ay isinulat para sa iyo?

13 Ang isa sa pinakamabisang sandata ni Satanas ay ang panghihina ng loob, at hindi tayo ligtas sa mga epekto nito. Alam na alam niya na ang matagal na pagkasiphayo ay makapapawi ng ating lakas, anupat makapagpapahina pa nga sa atin. (Kawikaan 24:10) Dahil sinisikap ni Satanas na samantalahin ang mga negatibong damdamin, kailangan natin ng tulong. Ang mga magasing Bantayan at Gumising! ay naglalathala paminsan-minsan ng mga artikulo na tutulong sa atin upang mapaglabanan ang panghihina ng loob. Hinggil sa isa sa gayong artikulo, isang Kristiyanong kapatid na babae ang sumulat: “Halos araw-araw kong binabasa ang artikulo, at naluluha pa rin ako. Itinatago ko ito sa aking kama upang magamit ko kapag pinanghihinaan ako ng loob. Sa pamamagitan ng mga artikulong tulad nito, talagang nadarama ko na niyayakap ako ng mapagsanggalang na mga bisig ni Jehova.” * Hindi ba tayo nagpapasalamat kay Jehova sa paglalaan sa atin ng napapanahong espirituwal na pagkain? Tandaan, ang kaniyang mga paglalaan para sa ating espirituwal na kapakanan ay katibayan na malapít siya sa atin at nasa ilalim tayo ng kaniyang mapagsanggalang na pangangalaga.

Paglapit sa “Dumirinig ng Panalangin”

14, 15. (a) Anong personal na pagpapala ang ipinagkakaloob ni Jehova sa mga malapít sa kaniya? (b) Bakit ang pagpapahintulot na malayang makalapit kay Jehova sa panalangin ay isang kahanga-hangang pribilehiyo?

14 Napansin mo ba na habang lumalaki ang kapangyarihan at awtoridad ng mga tao, kadalasan ay lalo silang nagiging mahirap lapitan ng mga nasasakupan nila? Subalit kumusta naman ang Diyos na Jehova? Siya ba’y lubhang napakalayo upang maging interesado sa mga ipinapahayag sa kaniya ng mga hamak na tao? Sa kabaligtaran! Ang kaloob na panalangin ay isa pang pagpapala na ibinibigay ni Jehova sa mga malapít sa kaniya. Ang pagpapahintulot na malayang makalapit sa “Dumirinig ng panalangin” ay isang tunay na kahanga-hangang pribilehiyo. (Awit 65:2) Bakit?

15 Upang ilarawan ito: Maraming pananagutan ang punong ehekutibo ng isang malaking korporasyon. Siya ang nagpapasiya kung aling mga bagay ang personal niyang pangangasiwaan at alin ang iaatas niya sa iba. Gayundin naman, ang Soberanong Tagapamahala ng sansinukob ay may karapatang pumili kung aling mga bagay ang personal niyang pag-uukulan ng pansin at alin naman ang iaatas niya sa iba. Isaalang-alang ang lahat ng iniatas ni Jehova sa kaniyang minamahal na Anak, si Jesus. Ang Anak ay pinagkalooban ng “awtoridad na gumawa ng paghatol.” (Juan 5:27) Ang mga anghel ay “ipinasakop sa kaniya.” (1 Pedro 3:22) Ang makapangyarihang banal na espiritu ni Jehova ay ipinagamit kay Jesus upang tulungan siyang akayin ang kaniyang mga alagad sa lupa. (Juan 15:26; 16:7) Kaya masasabi ni Jesus: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Gayunman, may kaugnayan sa ating mga panalangin, pinili ni Jehova na personal siyang masangkot. Kaya naman itinuturo sa atin ng Bibliya na iukol lamang ang ating mga panalangin kay Jehova, na ginagawa iyon sa pangalan ni Jesus.​—Awit 69:13; Juan 14:6, 13.

16. Bakit tayo makapagtitiwala na talagang nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin?

16 Talaga bang nakikinig si Jehova sa ating mga panalangin? Kung siya ay walang interes o hindi nagbibigay-pansin, hindi niya tayo kailanman hihimuking ‘magmatiyaga sa pananalangin’ o ihagis ang ating mga pasanin at mga kabalisahan sa kaniya. (Roma 12:12; Awit 55:22; 1 Pedro 5:7) Ang tapat na mga lingkod noong panahon ng Bibliya ay may ganap na tiwala na nakikinig si Jehova sa panalangin. (1 Juan 5:14) Kaya naman ganito ang sinabi ng salmistang si David: “Dinirinig [ni Jehova] ang aking tinig.” (Awit 55:17) Taglay rin natin ang lahat ng dahilan upang magtiwala na si Jehova ay malapit at handang makinig sa bawat kaisipan at álalahanín natin.

Ginagantimpalaan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod

17, 18. (a) Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa tapat na paglilingkod ng kaniyang matatalinong nilalang? (b) Ipaliwanag kung paano ipinakikita ng Kawikaan 19:17 na hindi nakalalampas sa pansn ni Jehova ang ating maawaing mga gawa.

17 Ang posisyon ni Jehova bilang Soberano ng Sansinukob ay hindi naaapektuhan ng maaaring gawin o ayaw gawin ng hamak na mga tao. Gayunman, si Jehova ay isang mapagpahalagang Diyos. Pinahahalagahan niya​—sa katunayan, lubhang kinalulugdan​—ang tapat na paglilingkod ng kaniyang matatalinong nilalang. (Awit 147:11) Kung gayon, ito ay isa pang pakinabang na tinatamasa ng mga malapít kay Jehova: Ginagantimpalaan niya ang kaniyang mga lingkod.​—Hebreo 11:6.

18 Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa ng kaniyang mga mananamba. Halimbawa, mababasa natin: “Siyang nagpapakita ng lingap sa maralita ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang pakikitungo ay babayaran Niya sa kaniya.” (Kawikaan 19:17) Ang maawaing konsiderasyon ni Jehova sa mga maralita ay masasalamin sa Kautusang Mosaiko. (Levitico 14:21; 19:15) Ano ang nadarama ni Jehova kapag tinutularan natin ang kaniyang awa sa pakikitungo natin sa mga maralita? Kapag nagbibigay tayo sa mga maralita, nang hindi umaasa ng anumang kabayaran, minamalas ito ni Jehova bilang pautang sa Kaniya. Nangangako si Jehova na babayaran niya ng paglingap at mga pagpapala ang utang na iyon. (Kawikaan 10:22; Mateo 6:3, 4; Lucas 14:12-14) Oo, kapag nagpapakita tayo ng habag sa isang kapuwa mananamba na nangangailangan, nakaaantig ito sa puso ni Jehova. Kaylaking pasalamat natin na malaman na ang ating maawaing mga gawa ay hindi nakalalampas sa pansin ng ating makalangit na Ama!​—Mateo 5:7.

19. (a) Bakit tayo makatitiyak na pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa natin sa pangangaral at paggawa ng alagad? (b) Paano ginagantimpalaan ni Jehova ang mga gawang paglilingkod na iniukol sa pagsuporta sa kaniyang Kaharian?

19 Lalo nang pinahahalagahan ni Jehova ang ginagawa natin alang-alang sa kaniyang Kaharian. Kapag lumalapit tayo kay Jehova, likas lamang na nais nating gamitin ang ating panahon, lakas, at kayamanan upang makabahagi nang lubusan hangga’t maaari sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. (Mateo 28:19, 20) Kung minsan, maaaring madama natin na kaunti lamang ang ating nagagawa. Maaari pa ngang ipaisip sa atin ng ating di-sakdal na puso na baka hindi nalulugod si Jehova sa ating mga pagsisikap. (1 Juan 3:19, 20) Subalit pinahahalagahan ni Jehova ang bawat kaloob​—gaano man ito kaliit​—na nagmumula sa pusong inudyukan ng pag-ibig. (Marcos 12:41-44) Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 6:10) Oo, tinatandaan at ginagantimpalaan ni Jehova maging ang pinakamaliit na gawang paglilingkod na iniukol sa pagsuporta sa kaniyang Kaharian. Bukod sa mayayamang espirituwal na pagpapala sa ngayon, makaaasa tayo sa mga kagalakan sa buhay sa darating na bagong sanlibutan, kung saan saganang bubuksan ni Jehova ang kaniyang kamay at sasapatan ang matuwid na mga nasa ng lahat ng malapít sa kaniya!​—Awit 145:16; 2 Pedro 3:13.

20. Sa buong taon ng 2003, paano natin maaaring isaisip ang mga salita sa ating taunang teksto, at ano ang magiging resulta nito?

20 Sa buong taon ng 2003, tanungin natin ang ating sarili kung patuloy ba tayong nagsisikap upang mapalapit sa ating makalangit na Ama. Kung oo, makatitiyak tayo na tutugon siya na gaya ng kaniyang ipinangako. Tutal, ang “Diyos . . . [ay] hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2) Kung lalapit ka sa kaniya, lalapit siya sa iyo. (Santiago 4:8) At ano ang magiging resulta nito? Saganang pagpapala ngayon at ang pag-asa na mapalapit nang lalong higit kay Jehova magpakailan-kailanman!

[Talababa]

^ par. 13 Isang tugon sa artikulong “Mas Dakila si Jehova Kaysa sa Ating mga Puso,” sa Mayo 1, 2000, isyu ng Ang Bantayan, pahina 28-31.

Naaalaala Mo Ba?

• Anong kaloob ang ibinibigay ni Jehova sa mga lumalapit sa kaniya?

• Anong mga paglalaan ang isinasaayos ni Jehova para sa espirituwal na proteksiyon ng kaniyang bayan?

• Bakit ang pagpapahintulot na malayang makalapit kay Jehova sa panalangin ay isang kahanga-hangang pribilehiyo?

• Paano ipinakikita ng Bibliya na pinahahalagahan ni Jehova ang tapat na paglilingkod ng kaniyang matatalinong nilalang?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Pinagpapala tayo ni Jehova ng kaunawaan sa espirituwal na mga katotohanan

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Naglalaan si Jehova ng espirituwal na proteksiyon

[Larawan sa pahina 18]

Si Jehova ay malapit at handang makinig sa bawat panalangin natin