Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapasiya—Isang Di-maiiwasang Hamon

Pagpapasiya—Isang Di-maiiwasang Hamon

Pagpapasiya​—Isang Di-maiiwasang Hamon

“WALA nang mas mahirap, at samakatuwid ay mas mahalaga pa kaysa sa matutong magpasiya,” ang minsang sinabi ni Napoleon Bonaparte, emperador ng Pransiya noong ika-19 na siglo. Maaaring sumang-ayon ka sa dalawang bagay na kaniyang sinabi, yamang karaniwan nang napakahalaga para sa mga tao na sila ang nagpapatakbo sa sarili nilang buhay. Kasabay nito, alam din nila na kung minsan ay napakahirap magpasiya.

Madali man o mahirap, hindi maiiwasan ang pagpapasiya. Napapaharap tayo sa araw-araw na pagpapasiya. Pagkagising sa umaga, kailangan nating magpasiya kung ano ang ating isusuot, kung ano ang ating kakainin sa almusal, at kung paano gagawin ang maraming iba pang bagay sa maghapon. Ang karamihan sa mga desisyong ito ay hindi gaanong mahalaga. Bihira nga nating pag-isipang muli ang mga ito. Madalang tayong di-mapagkatulog sa pag-iisip kung ang mga ito ba ay matalino o di-matalinong pasiya.

Sa kabilang dako naman, ang ilang desisyon ay may malaking epekto. Maraming kabataan sa daigdig sa ngayon ang kailangang magdesisyon kung anong mga tunguhin ang kanilang itataguyod. Baka kailangan nilang magpasiya kung ano ang kailangan nilang pag-aralan at kung gaano katagal sila mag-aaral. Sa kalaunan, magpapasiya ang karamihan sa kanila kung mag-aasawa ba sila o mananatiling walang asawa. Yaong gustong mag-asawa ay kailangang magpasiya: ‘Nasa hustong gulang na ba ako upang mag-asawa? Anong uri ng kapareha ang gusto ko, o mas mahalaga, anong uri ng kapareha ang kailangan ko?’ Napakalaki ng impluwensiya sa ating buhay ng pagpili natin ng mapapangasawa.

Sa importanteng mga bagay, mahalagang gumawa ng matalinong desisyon, yamang ang kaligayahan ay lubhang nakasalalay sa paggawa natin nito. Maaaring madama ng ilang tao na kaya nilang gumawa ng gayong pagpapasiya at maaaring tumanggi pa ngang magpatulong sa iba. Matalino ba iyan? Tingnan natin.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Napoleon: From the book The Pictorial History of the World