Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa 2 Corinto 6:14, sino ang tinutukoy ni Pablo nang gamitin niya ang terminong “mga di-sumasampalataya”?

Sa 2 Corinto 6:14, mababasa natin: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Kung titingnan natin ang konteksto, malinaw na ang tinutukoy ni Pablo ay mga indibiduwal na maliwanag na hindi bahagi ng kongregasyong Kristiyano. Ang pagkaunawang ito ay sinusuportahan ng iba pang talata sa Bibliya na nag-uulat sa paggamit ni Pablo ng terminong “di-sumasampalataya” o “mga di-sumasampalataya.”

Halimbawa, matinding sinaway ni Pablo ang mga Kristiyano dahil sa pagtungo sa hukuman ‘sa harap ng mga di-sumasampalataya.’ (1 Corinto 6:6) Dito, ang mga di-sumasampalataya ay mga hukom na naglilingkod sa sistema ng hukuman sa Corinto. Sa kaniyang ikalawang liham, binanggit ni Pablo na “binulag [ni Satanas] ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.” Ang mata ng gayong mga di-sumasampalataya ay ‘natatalukbungan’ mula sa mabuting balita. Walang ginagawang pagkilos ang mga di-sumasampalatayang ito upang maglingkod kay Jehova, yamang nauna rito ay ipinaliwanag ni Pablo: “Kapag may pagbaling kay Jehova, ang talukbong ay naaalis.”​—2 Corinto 3:16; 4:4.

Kasangkot ang ilang di-sumasampalataya sa katampalasanan o idolatriya. (2 Corinto 6:15, 16) Gayunman, hindi lahat ay salansang sa mga lingkod ni Jehova. Ang ilan ay nagpapakita ng interes sa katotohanan. Marami ang may mga asawang Kristiyano at handa namang manatiling asawa ng mga ito. (1 Corinto 7:12-​14; 10:27; 14:22-​25; 1 Pedro 3:1, 2) Gayunman, palaging ikinakapit ni Pablo ang terminong “di-sumasampalataya” sa mga indibiduwal na, gaya ng nabanggit na, hindi bahagi ng kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng “mga mananampalataya sa Panginoon.”​—Gawa 2:41; 5:14; 8:12, 13.

Ang simulaing masusumpungan sa 2 Corinto 6:14 ay isang mahalagang giya para sa mga Kristiyano sa lahat ng kalagayan sa buhay at madalas na sinisipi bilang matalinong payo sa mga Kristiyanong naghahanap ng mapapangasawa. (Mateo 19:4-6) Ang isang nakaalay at bautisadong Kristiyano ay may-katalinuhang hindi humahanap ng mapapangasawa sa mga di-sumasampalataya, yamang ang mga pamantayan, tunguhin, at mga paniniwala ng mga di-sumasampalataya ay ibang-iba kaysa sa tunay na Kristiyano.

Gayunman, kumusta naman ang mga indibiduwal na nag-aaral ng Bibliya at nakikisama sa kongregasyong Kristiyano? Kumusta yaong di-bautisadong mga mamamahayag? Sila ba’y mga di-sumasampalataya? Hindi. Ang mga indibiduwal na tumanggap sa katotohanan ng mabuting balita at patuloy na sumusulong tungo sa bautismo ay hindi dapat tawaging di-sumasampalataya. (Roma 10:10; 2 Corinto 4:13) Bago ang kaniyang bautismo, si Cornelio ay tinawag na “isang taong taimtim at natatakot sa Diyos.”​—Gawa 10:2.

Kung gayon, magiging katalinuhan kaya para sa nakaalay na mga Kristiyano na makipagligawan at makipag-asawa sa isa na tinanggap na bilang di-bautisadong mamamahayag, yamang, sa tuwirang pananalita, ang payo ni Pablo na nakaulat sa 2 Corinto 6:14 ay hindi maaaring kumapit sa kalagayang iyon? Hindi, iyan ay di-katalinuhan. Bakit naman hindi? Dahil sa tuwirang sagot na ibinigay ni Pablo hinggil sa mga babaing balong Kristiyano. Sumulat si Pablo: “Siya ay malaya nang mag-asawa sa kaninumang ibig niya, tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Kasuwato ng payong iyan, ang nakaalay na mga Kristiyano ay hinihimok na humanap ng mapapangasawa tangi lamang doon sa mga ‘nasa Panginoon.’

Ano ang kahulugan ng pananalitang ‘nasa Panginoon’ at ang kaugnay na pananalitang “kay Kristo”? Binabanggit ni Pablo ang mga indibiduwal na “kay Kristo” o ‘nasa Panginoon’ sa Roma 16:8-​10 at Colosas 4:7. Kung babasahin mo ang mga talatang iyon, makikita mo na ang gayong mga indibiduwal ay mga “kamanggagawa,” “sinang-ayunan,” “minamahal na kapatid,” “tapat na ministro,” at mga “kapuwa alipin.”

Kailan nagiging “alipin sa Panginoon” ang isang indibiduwal? Nangyayari iyan kapag kusang-loob na niyang ginagawa ang dapat gawin ng isang alipin at itinatatwa ang kaniyang sarili. Ganito ang paliwanag ni Jesus: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.” (Mateo 16:24) Ang isang indibiduwal ay nagsisimulang sumunod kay Jesus at lubusang ipinasasakop ang kaniyang sarili sa kalooban ng Diyos kapag inialay niya ang kaniyang sarili sa Diyos. Pagkatapos, inihaharap niya ang kaniyang sarili para sa bautismo at nagiging isang ordenadong ministro na may sinang-ayunang katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. * Kaya nga, ang ‘pag-aasawa sa Panginoon’ ay nangangahulugan ng pag-aasawa sa isa na nakapagpakita na talagang isa siyang mananampalataya, isang nakaalay na “alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.”​—Santiago 1:1.

Ang isang indibiduwal na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at gumagawa ng mainam na pagsulong sa espirituwal ay karapat-dapat sa papuri. Gayunman, hindi pa niya naialay ang kaniyang sarili kay Jehova at naitalaga ang kaniyang sarili sa isang buhay ng paglilingkod at pagsasakripisyo. Gumagawa pa siya ng kinakailangang mga pagbabago. Kailangan niyang kumpletuhin ang malalaking pagbabago na nasasangkot sa pagiging isang nakaalay at bautisadong Kristiyano bago pag-isipan ang iba pang malaking pagbabago sa buhay, tulad ng pag-aasawa.

Isang katalinuhan kaya para sa isang Kristiyano na makipagligawan sa isa na waring gumagawa ng mahusay na pagsulong sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya​—na marahil taglay ang intensiyong hintayin muna siyang mabautismuhan bago pakasalan? Hindi. Maaaring magulumihanan ang isang estudyante sa Bibliya hinggil sa kaniyang mga motibo kung batid niyang gusto siyang mapangasawa ng isang nakaalay na Kristiyano ngunit hindi siya pakakasalan nito hangga’t hindi pa siya nababautismuhan.

Kadalasan na, ang isang indibiduwal ay nagiging di-bautisadong mamamahayag sa loob lamang ng limitadong yugto ng panahon, hanggang sa siya ay sumulong tungo sa bautismo. Kaya ang payo sa itaas na mag-asawa tangi lamang sa Panginoon ay makatuwiran. Gayunman, paano kung ang isang indibiduwal ay nasa edad na para mag-asawa, pinalaki sa pamilyang Kristiyano, maraming taon nang aktibo sa kongregasyon, at naglilingkod bilang isang di-bautisadong mamamahayag? Buweno, ano ang pumipigil sa kaniya na ibigay ang kaniyang buhay kay Jehova sa pag-aalay? Bakit siya nag-aatubili? May mga pag-aalinlangan ba siya? Bagaman hindi siya isang di-sumasampalataya, hindi siya puwedeng tukuyin bilang ‘nasa Panginoon.’

Ang payo ni Pablo hinggil sa pag-aasawa ay para sa ating kapakinabangan. (Isaias 48:17) Kapag ang dalawang indibiduwal na nais mag-asawa ay nag-alay na ng kanilang sarili kay Jehova, ang kanilang panata sa isa’t isa sa pag-aasawa ay may matibay at espirituwal na pundasyon. Pareho ang kanilang mga pamantayan at mga tunguhin. Lubha itong nakatutulong sa isang masayang pagsasama. Bukod diyan, sa pamamagitan ng ‘pag-aasawa sa Panginoon,’ ipinakikita ng isa ang kaniyang pagkamatapat kay Jehova, at umaakay iyan tungo sa namamalaging mga pagpapala, sapagkat “sa matapat ay kikilos [si Jehova] nang may pagkamatapat.”​—Awit 18:25.

[Talababa]

^ par. 10 Para sa pinahirang mga Kristiyano na siyang unang sinulatan ni Pablo, ang pagiging “alipin sa Panginoon” ay nagsasangkot din ng pagtanggap nila ng pagkakahirang bilang mga anak ng Diyos at mga kapatid ni Kristo.

[Larawan sa pahina 31]

“Sa matapat ay kikilos [si Jehova] nang may pagkamatapat”