Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Araw ng Gradwasyon—Isang Magandang Araw

Araw ng Gradwasyon—Isang Magandang Araw

Araw ng Gradwasyon​—Isang Magandang Araw

“PINAGPALA tayo ng isang magandang araw. Maganda ang sikat ng araw. Bughaw ang kalangitan. Luntian ang damuhan. Nag-aawitan ang mga ibon. Ang kapaligiran natin ay nagpapahiwatig ng isang magandang araw, at hindi tayo mabibigo. Si Jehova ay hindi isang Diyos ng kabiguan. Siya ay isang Diyos ng mga pagpapala.”

Sa pamamagitan ng mga salitang iyan, pinasimulan ni Brother Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang programa ng gradwasyon ng ika-117 klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Iyan ay noong Setyembre 11, 2004. Kasali sa mainam na programa ang nakapagpapatibay na payong nakasalig sa Bibliya gayundin ang mga karanasan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral at mga karanasan mula sa matatagal nang misyonero. Oo, isa itong magandang araw para sa lahat ng 6,974 na dumalo sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, at sa mga pasilidad sa Brooklyn at Wallkill, na pinag-ugnay sa pamamagitan ng sistemang audio at video.

Nakapagpapatibay na mga Salita Para sa mga Estudyante

Nagbigay si John Kikot, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Estados Unidos, ng nakapagpapatibay na mga salita salig sa temang “Panatilihin ang Kagalakan Bilang Misyonero.” Sinabi niya na kilalá ang mga estudyante sa Gilead sa kanilang kagalakan, gaya ng makikita sa gradwasyong ito. Ang mga tagubilin mula sa Kasulatan sa panahon ng kanilang pag-aaral ay nagdulot ng kagalakan sa mga estudyante, at sila ngayon ay nasa kalagayan upang tumulong sa iba na maranasan ang gayunding kagalakan. Paano? Sa pamamagitan ng lubusang pagpapagal sa kanilang ministeryo bilang mga misyonero. Sinabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Habang tinutularan nila ang Diyos na Jehova, ang bukas-palad at “maligayang Diyos” na nagpapaabot ng katotohanan sa iba, mapananatili ng bagong mga misyonero ang kanilang sariling kagalakan.​—1 Timoteo 1:11.

Ang sumunod na may bahagi sa programa ay isa pang miyembro ng Lupong Tagapamahala, si David Splane, na tumalakay sa temang “Paano Ka Makikibagay?” Walang alinlangan na mabuti at kaayaaya na manahanang may pagkakaisa, bagaman baka kailanganin dito ang pagiging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:22; Awit 133:1) Binanggit ni Brother Splane na makikitungo ang nagtapos na mga estudyante sa maraming tao sa kanilang gawaing misyonero​—sa mga tao sa teritoryo, sa mga kapuwa misyonero, sa mga kapatid sa kanilang bagong kongregasyon, at sa mga nangangasiwa sa gawaing pangangaral at pagtuturo na nasa tanggapang pansangay. Nagbigay siya ng praktikal na mga mungkahi kung paano gagawing kaayaaya hangga’t maaari ang personal na pakikipag-ugnayan sa mga tao: Pag-aralan ang lokal na wika, maging alisto at handang makibagay sa lokal na mga kaugalian, igalang ang pribadong buhay ng mga kapuwa misyonero, at maging masunurin sa mga nangunguna.​—Hebreo 13:17.

Sumunod dito, nagtanong ang instruktor sa Gilead na si Lawrence Bowen, “Ano ang Iniisip Mo?” Ipinaalaala niya sa mga estudyante na yaong mga “humatol sa panlabas na kaanyuan” ay hindi tumanggap kay Jesus bilang Mesiyas. (Juan 7:24) Bilang di-sakdal na mga tao, ang lahat ay dapat magbantay laban sa ‘pag-iisip sa mga kaisipan ng mga tao’ sa halip na sa “mga kaisipan ng Diyos.” (Mateo 16:22, 23) Kahit ang espirituwal na mga tao ay dapat na patuloy na magtuwid ng kanilang pag-iisip. Ang mga pagtutuwid sa ating pag-iisip ay maaaring mangahulugan ng pag-abot sa ating tunguhin o kaya naman ay pagdanas ng espirituwal na pagkawasak. Ang patuloy na pag-aaral ng Bibliya salig sa konteksto nito ay tutulong sa atin na isipin ang “mga kaisipan ng Diyos.”

Si Wallace Liverance, isa pang instruktor sa Paaralang Gilead, ang huling nagpahayag sa bahaging ito ng programa. Ang kaniyang tema na nakasalig sa Isaias 55:1 ay “Ano ang Bibilhin Mo?” Hinimok niya ang mga estudyante na ‘bilhin’ ang kaginhawahan, kagalakan, at panustos na nagmumula sa makahulang mensahe ng Diyos para sa ating panahon. Itinulad ng hula ni Isaias ang salitang ito ng Diyos sa tubig, alak, at gatas. Paano ito mabibili nang “walang salapi at walang bayad”? Ipinaliwanag ni Brother Liverance na magagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa hula ng Bibliya at pagbabago ng di-espirituwal na mga kaisipan at paraan tungo sa mga kaisipan at paraan ng Diyos. (Isaias 55:2, 3, 6, 7) Sa paggawa nito, makapananatili ang bagong mga misyonero sa kanilang mga atas sa ibang lupain. Madalas isipin ng di-sakdal na mga tao na nakadepende ang kaligayahan sa pagsisikap na magtamo ng materyal na kaalwanan. “Huwag kayong maniwala diyan,” ang paghimok ng tagapagsalita. “Huwag kayong mag-isip nang ganiyan. Tiyaking magtakda ng panahon para sa makabuluhang pag-aaral ng makahulang Salita ng Diyos. Iyan ang makapagpapaginhawa sa inyo, makapagpapalakas sa inyo, at makapagbibigay sa inyo ng kagalakan sa inyong atas bilang misyonero.”

Kalugud-lugod na mga Karanasan at mga Panayam sa mga Estudyante

Regular na nakibahagi sa gawaing pangangaral ang mga estudyante. Sa ilalim ng patnubay ni Mark Noumair, isa pang instruktor sa Gilead, isinadula ng ilang estudyante ang mga karanasang nagtatampok sa temang ‘Hindi Ikinahihiya ang Mabuting Balita.’ (Roma 1:16) Nasiyahan ang mga dumalo sa pakikinig kung paano nagpatotoo sa bahay-bahay, sa lansangan, at sa mga pamilihan ang makaranasang mga ministrong ito. Ang mga estudyante na marunong ng ibang mga wika ay nagkusang makipag-usap sa mga taong nagsasalita ng gayong mga wika na nasa teritoryo ng kanilang kongregasyon. Mabisa namang ginamit ng iba ang salig-Bibliyang mga publikasyon na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova, anupat ginamit ang mga ito sa mga pagdalaw-muli at kapag nagpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Hindi nila “ikinahihiya” na mangaral ng mabuting balita.

Pinangasiwaan naman ni Brother William Nonkes, na inatasan sa Service Department, ang pakikipanayam sa makaranasang mga misyonero mula sa Burkina Faso, Latvia, at Russia. Nagbigay sila ng praktikal na payo na nagtutuon ng pansin sa temang “Maibiging Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Tapat.” Ang isa sa mga kapatid na kinapanayam ay nagpasigla sa mga estudyante na alalahanin ang hukbo ni Gideon na binubuo ng 300 kawal. Ang bawat kawal ay may atas na nakatulong sa pagtatagumpay ng kampanya ni Gideon. (Hukom 7:19-21) Gayundin naman, ginagantimpalaan ang mga misyonerong nananatili sa kani-kanilang atas.

Ang temang itinampok sa sumunod na mga panayam na pinangasiwaan ni Samuel Roberson, isang instruktor sa Patterson, ay ‘Maging Lahat ng Bagay sa Lahat ng Uri ng Tao.’ Kinapanayam niya ang apat na miyembro ng Komite ng Sangay, mula sa Senegal, Guam, Liberia, at Madagascar. May kabuuang 170 misyonero ang naglilingkod sa mga lupaing ito. Mula sa mga komento, nalaman ng nagtapos na mga estudyante kung paano tinutulungan ng mga Komite ng Sangay ang bagong mga misyonero na makibagay sa kanilang mga atas. Malimit na nangangahulugan iyon ng pag-aaral ng mga kaugalian na waring di-karaniwan sa mga pamantayan ng mga lupain sa Kanluran. Halimbawa, karaniwan na sa ilang lupain na makakita ng mga lalaki, pati ng mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano, na naghahawakan ng kamay bilang magkaibigan habang naglalakad. Sa ilang lugar na nasa ilalim ng sangay sa Guam, inihahain sa mesa ang kakaibang mga pagkain. Ngunit natutong makibagay ang iba, at kaya rin itong gawin ng bagong mga misyonero.

Tinalakay ni Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paksang “Manatiling Matapat sa ‘Kaharian ng Ating Panginoon.’ ” Ipinaalaala niya sa mga tagapakinig: “May layunin si Jehova nang lumalang siya. Mayroon siyang iniisip para sa kaniyang mga nilalang. Hindi nagbago ang kaniyang layunin para sa daigdig na ito. Hindi mapipigilan ang nalalapit na katuparan nito. Walang makapagpapabago sa layuning iyan.” (Genesis 1:28) Ang lahat ay pinasigla ni Brother Pierce na matapat na magpasakop sa soberanya ng Diyos sa kabila ng mga kahirapang bumabangon dahil sa kasalanan ng unang tao, si Adan. “Nabubuhay tayo sa oras ng paghatol. May kaunting panahon na lamang tayo para maabot ang tapat-pusong mga tao upang tulungan silang malaman ang katotohanan. Gamiting mabuti ang panahon upang maipaabot ang mabuting balita ng Kaharian sa iba,” ang paghimok ni Brother Pierce. Ang matatapat na sumusuporta sa Kaharian ng Diyos ay makaaasa sa kaniyang tulong.​—Awit 18:25.

Sa pangwakas na bahagi, binasa ng tsirman ang mga pagbati mula sa mga sangay sa buong daigdig. Pagkatapos ay ibinigay niya ang mga diploma sa nagtapos na mga estudyante, at binasa ng isa sa mga ito ang liham na mula sa klase, na nagpapahayag ng taos-pusong pagpapahalaga sa tinanggap na pagsasanay. Iyon ay isang angkop na pangwakas sa isang napakagandang araw na hindi malilimutan ng lahat ng dumalo.

[Kahon sa pahina 23]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 11

Bilang ng mga bansang magiging atas: 22

Bilang ng mga estudyante: 48

Katamtamang edad: 34.8

Katamtamang taon sa katotohanan: 18.3

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 13.4

[Larawan sa pahina 24]

Ang Ika-117 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Thompson, E.; Norvell, G.; Powell, T.; Kozza, M.; McIntyre, T. (2) Reilly, A.; Clayton, C.; Allan, J.; Blanco, A.; Muñoz, L.; Rustad, N. (3) Guerrero, Z.; Garcia, K.; McKerlie, D.; Ishikawa, T.; Blanco, G. (4) McIntyre, S.; Cruz, E.; Guerrero, J.; Ritchie, O.; Avellaneda, L.; Garcia, R. (5) Powell, G.; Fiskå, H.; Muñoz, V.; Baumann, D.; Shaw, S.; Brown, K.; Brown, L. (6) Shaw, C.; Reilly, A.; Peloquin, C.; Münch, N.; McKerlie, D.; Ishikawa, K. (7) Münch, M.; Peloquin, J.; Kozza, T.; Avellaneda, M.; Allan, K.; Ritchie, E.; Norvell, T. (8) Cruz, J.; Baumann, H.; Clayton, Z.; Fiskå, E.; Thompson, M.; Rustad, J.