Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Bawat Isa ay Magdadala ng Kaniyang Sariling Pasan”

“Ang Bawat Isa ay Magdadala ng Kaniyang Sariling Pasan”

“Ang Bawat Isa ay Magdadala ng Kaniyang Sariling Pasan”

“Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”​—ROMA 14:12.

1. Sa anong pananagutan napaharap ang tatlong Hebreo?

TATLONG kabataang Hebreo na nakatira sa Babilonya ang napapaharap sa isang pagpapasiyang nangangahulugan ng buhay at kamatayan. Yuyukod kaya sila sa isang napakalaking imahen, na siyang kahilingan sa kautusan ng lupain? O tatanggi silang sumamba rito at sa gayon ay maihagis sa nagniningas na maapoy na hurno? Wala nang pagkakataon sina Sadrac, Mesac, at Abednego na kumonsulta sa iba; at hindi na rin naman ito kailangan. Walang pag-aatubili nilang ipinahayag: “Talastasin mo, O hari, na hindi ang iyong mga diyos ang paglilingkuran namin, at ang imaheng ginto na itinayo mo ay hindi namin sasambahin.” (Daniel 3:1-18) Pinasan ng tatlong Hebreo ang kanilang sariling pananagutan.

2. Sino ang masasabing nagpasiya para kay Pilato hinggil kay Jesu-Kristo, at ligtas na ba sa pananagutan ang Romanong gobernador dahil dito?

2 Mga anim na siglo pagkatapos nito, dininig ng isang gobernador ang mga paratang laban sa isang tao. Matapos pag-aralan ang kaso, nakumbinsi siya na walang kasalanan ang akusado. Pero ang gusto ng mga tao ay ipapatay ang taong iyon. Bagaman tutol ang gobernador, atubili siyang pasanin ang kaniyang sariling pananagutan kung kaya nadaig siya ng panggigipit. Habang naghuhugas ng kamay, sinabi niya: “Ako ay walang-sala sa dugo ng taong ito.” Pagkatapos ay ibinigay niya ang taong iyon upang ibayubay. Oo, sa halip na pasanin ni Poncio Pilato ang kaniyang pananagutang magpasiya hinggil kay Jesu-Kristo, hinayaan niyang iba ang magpasiya para sa kaniya. Kahit anong paghuhugas pa ang gawin niya, mananagot pa rin siya sa di-makatarungang sentensiyang iginawad niya kay Jesus.​—Mateo 27:11-26; Lucas 23:13-25.

3. Bakit hindi natin dapat hayaang iba ang magpasiya para sa atin?

3 Ikaw, kapag kinailangan mong magpasiya, katulad ka rin ba ng tatlong Hebreo, o hinahayaan mong diktahan ka ng iba? Hindi madaling magpasiya. Kailangan ang pagkamaygulang upang makagawa ng tamang pagpili. Halimbawa, kailangang gumawa ng mahuhusay na pasiya ang mga magulang para sa kanilang menor-de-edad na mga anak. Mangyari pa, napakahirap magpasiya kapag komplikado ang situwasyon at maraming bagay ang dapat timbangin. Gayunman, ang pananagutang magpasiya ay hindi kasimbigat ng “mga pasanin,” o nakababagabag na mga bagay, na maaaring dalhin para sa atin ng mga may “espirituwal na kuwalipikasyon.” (Galacia 6:1, 2) Sa halip, ito’y isang pasan na ‘pagsusulitan sa Diyos ng bawat isa sa atin para sa kaniyang sarili.’ (Roma 14:12) “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan,” ang sabi ng Bibliya. (Galacia 6:5) Kung gayon, paano kaya tayo makagagawa ng matatalinong pasiya? Una, dapat na alam natin ang ating mga limitasyon bilang tao at pag-aralan kung ano ang kailangan upang mapunan ang mga ito.

Isang Susing Kahilingan

4. Anong napakahalagang aral tungkol sa pagpapasiya ang dapat nating matutuhan mula sa pagsuway ng unang mag-asawa?

4 Noong unang panahon ng kasaysayan ng tao, gumawa ang unang mag-asawa ng isang pagpapasiyang nagdulot ng kapahamakan. Pinili nilang kainin ang bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (Genesis 2:16, 17) Ano kaya ang saligan ng kanilang pagpapasiya? “Nakita ng babae na ang punungkahoy ay mabuting kainin at na iyon ay kapana-panabik sa mga mata, oo, ang punungkahoy ay kanais-nais na tingnan,” ang sabi ng Bibliya. “Kaya siya ay nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon. Pagkatapos ay binigyan din niya ang kaniyang asawa nang kasama na niya at nagsimula itong kumain niyaon.” (Genesis 3:6) Ang pasiyang iyon ni Eva ay nakasalig sa sakim na pagnanasa. Nang kainin niya ito, nakikain na rin si Adan. Kaya naman, ang kasalanan at kamatayan ay “lumaganap sa lahat ng tao.” (Roma 5:12) Ang pagsuway nina Adan at Eva ay dapat magturo sa atin ng isang napakahalagang aral may kinalaman sa mga limitasyon ng tao: Kung hindi susunod sa patnubay ng Diyos, malamang na magkamali ang tao sa pagpapasiya.

5. Anong patnubay ang inilaan ni Jehova sa atin, at ano ang dapat nating gawin upang makinabang dito?

5 Mabuti na lamang at binigyan tayo ng patnubay ng Diyos na Jehova! Ganito ang sabi ng Kasulatan sa atin: “Ang iyong mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Lakaran ninyo ito,’ sakaling pumaroon kayo sa kanan o sakaling pumaroon kayo sa kaliwa.” (Isaias 30:21) Kinakausap tayo ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita, ang Bibliya. Dapat nating pag-aralan ang Kasulatan at magkaroon ng tumpak na kaalaman dito. Upang makagawa ng tamang pagpili, dapat tayong makibahagi sa “matigas na pagkain [na] nauukol sa mga taong may-gulang.” ‘Dahil sa paggamit, nasasanay rin natin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Masasanay natin ang ating kakayahan sa pang-unawa kung ikakapit natin ang ating mga natututuhan mula sa Salita ng Diyos.

6. Ano ang kailangan upang gumana nang wasto ang ating budhi?

6 Ang ating minanang budhi ay mahalaga sa paggawa natin ng mga pasiya. May kakayahan itong magpasiya, at maaari tayo nitong ‘akusahan o ipagdahilan pa nga.’ (Roma 2:14, 15) Gayunman, upang gumana nang wasto ang ating budhi, dapat itong maliwanagan ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at maging sensitibo sa pagkakapit ng Salitang iyan. Ang di-sinanay na budhi ay madaling maimpluwensiyahan ng lokal na mga kostumbre at kaugalian. Ang ating kapaligiran at ang opinyon ng ibang tao ay maaari ring magligáw sa atin. Ano ang mangyayari sa ating budhi kapag patuloy na ipinagwawalang-bahala ang mga idinidikta nito at nilalabag ang mga pamantayan ng Diyos? Darating ang araw na ito’y matatatakan “na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal,” anupat parang pinasong laman na nagkapilat​—manhid at walang pakiramdam. (1 Timoteo 4:2) Sa kabilang dako naman, ang budhing sinanay sa Salita ng Diyos ay maaasahan bilang patnubay.

7. Ano ang susing kahilingan sa paggawa ng matalinong pasiya?

7 Kung gayon, ang susing kahilingan sa pagpasan ng pananagutang gumawa ng matalinong pasiya ay ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan at ang kakayahang ikapit ito. Sa halip na magpadalus-dalos sa pagpapasiya, kailangan muna tayong gumugol ng sapat na panahon sa pagsasaliksik sa makadiyos na mga simulain at sa paggamit ng ating kakayahang mag-isip sa pagkakapit sa mga ito. Kailangan man tayong magpasiya agad​—gaya nina Sadrac, Mesac, at Abednego​—​magagawa natin ito kung may tumpak na kaalaman tayo sa Salita ng Diyos at nasanay nito ang ating budhi. Upang maunawaan kung paano makatutulong ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang para mapatalas ang ating kakayahang magpasiya, isaalang-alang natin ang dalawang pitak ng buhay.

Sino ang Dapat na Maging mga Kasama Natin?

8, 9. (a) Anu-anong simulain ang nagpapakita na kailangan tayong umiwas sa masasamang kasama? (b) Ang pagkakaroon ba ng masasamang kasama ay tumutukoy lamang sa tuwirang pakikisama sa mga taong walang prinsipyo? Ipaliwanag.

8 “Huwag kayong palíligaw,” isinulat ni apostol Pablo. “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Nang matutuhan natin ang mga simulaing ito, agad nating nakita na kailangang umiwas sa pakikisama sa mga mapakiapid, mangangalunya, magnanakaw, lasenggo, at mga katulad nito. (1 Corinto 6:9, 10) At habang sumusulong tayo sa kaalaman sa katotohanan sa Bibliya, napag-iisip-isip natin na makasásamâ rin ang pakikisama sa gayong mga tao sa pamamagitan ng panonood sa kanila sa mga pelikula, sa telebisyon, o sa computer o sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga aklat tungkol sa kanila. Totoo rin ito kapag nakikisama tayo sa “mga mapagpakunwari” sa mga chat room sa Internet.​—Awit 26:4.

9 Kumusta naman ang matalik na pakikisama sa mga taong may malinis na moral nga pero wala namang pananampalataya sa tunay na Diyos? Ganito ang sabi sa atin ng Kasulatan: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Naunawaan natin na ang masasamang kasama ay hindi lamang yaong mga taong kunsintidor o may mababang moral. Kung gayon, isang katalinuhan na makipagkaibigan lamang sa mga umiibig kay Jehova.

10. Ano ang tutulong sa atin na gumawa ng timbang na pagpapasiya may kinalaman sa ating pakikisalamuha sa sanlibutan?

10 Imposible na lubusang makaiwas sa pakikisalamuha sa mga tagasanlibutan at hindi naman ito iniutos. (Juan 17:15) Nakakasalamuha natin ang mga tagasanlibutan kapag nakikibahagi tayo sa Kristiyanong ministeryo, pumapasok sa paaralan, at nagtatrabaho. Ang isang Kristiyanong kasal sa isang di-sumasampalataya ay kailangang makisalamuha nang mas madalas sa mga tagasanlibutan na di-gaya ng iba. Subalit kung gagamitin natin ang ating sinanay na kakayahan sa pang-unawa, makikita nating magkaiba ang pakikisalamuha sa sanlibutan dahil kailangan ito at ang matalik na pakikipagkaibigan sa kanila. (Santiago 4:4) Sa gayon, makagagawa tayo ng timbang na pagpapasiya kung dapat nga tayong makibahagi sa mga gawaing extracurricular sa paaralan, gaya ng isport at mga sayaw, at dumalo sa mga parti at kainan na isinaayos para sa mga kasamahan sa trabaho.

Pagpili ng Trabaho

11. Ano muna ang dapat nating isaalang-alang sa pagpili ng trabaho?

11 Ang timbang na pagkakapit sa mga simulain sa Bibliya ay tutulong sa atin na magpasiya kung paano natin tutuparin ang ating obligasyong ‘maglaan sa mga miyembro ng ating sambahayan.’ (1 Timoteo 5:8) Isaalang-alang muna natin ang uri mismo ng trabaho​—kung ano ang hinihiling nitong gawin natin. Tiyak na maling piliin ang isang uri ng trabahong nagtataguyod sa gawaing tahasang hinahatulan sa Bibliya. Kaya hindi dapat tanggapin ng tunay na mga Kristiyano ang mga trabahong maaaring magsangkot ng idolatriya, pagnanakaw, maling paggamit ng dugo, o iba pang di-makakasulatang mga gawain. Hindi rin tayo magsisinungaling o mandaraya, kahit na iutos pa ng ating amo na gawin ito.​—Gawa 15:29; Apocalipsis 21:8.

12, 13. Bukod sa trabaho mismo, anu-ano ang ilang bagay na mahalaga sa pagpapasiya may kinalaman sa trabaho?

12 Paano kung hindi naman espesipikong lumalabag sa anumang kahilingan ng Diyos ang mismong trabaho? Habang dumarami ang ating kaalaman sa katotohanan at sumusulong ang ating kakayahan sa pang-unawa, makikilala natin ang iba pang batayan na dapat isaalang-alang. Paano kung ang trabaho ay magsasangkot sa atin sa di-makakasulatang gawain, gaya ng pagiging tagasagot ng telepono sa isang pasugalan? Dapat ding isaalang-alang ang pinanggagalingan ng pasuweldo at ang lokasyon ng trabaho. Halimbawa, iaalok ba ng isang Kristiyanong kontratista ang kaniyang serbisyo para pinturahan ang isa sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan at sa gayon ay nakikibahagi siya sa pagtataguyod ng huwad na relihiyon?​—2 Corinto 6:14-16.

13 Paano kung sa isang pagkakataon ay tanggapin ng ating amo ang isang kontrata sa pagpapaganda ng isang dako ng huwad na pagsamba? Sa kasong ito, kailangan nating isaalang-alang ang saklaw ng ating awtoridad sa trabaho at ang antas ng ating pagkakasangkot dito. At kumusta naman ang pagsasagawa ng isang legal na serbisyo, gaya ng pagdadala ng sulat sa iba’t ibang lugar sa komunidad, pati na sa mga dako kung saan itinataguyod ang mga maling gawain? Hindi ba’t kapit dito ang simulaing sinasabi sa Mateo 5:45? Hindi dapat ipagwalang-bahala ang maaaring maging epekto sa ating budhi ng ating ginagawa sa araw-araw. (Hebreo 13:18) Oo, kailangan nating patalasin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa at sanayin ang ating bigay-Diyos na budhi upang mapasan ang ating pananagutang gumawa ng timbang na pagpapasiya may kinalaman sa trabaho.

“Sa Lahat ng Iyong mga Lakad ay Isaalang-alang Mo Siya”

14. Sa pagpapasiya, ano ang dapat na palagi nating isasaalang-alang?

14 Kumusta naman ang mga pagpapasiya natin may kinalaman sa ibang bagay, gaya ng pagkuha ng sekular na edukasyon at pagtanggap o pagtanggi sa isang paraan ng paggagamot? Kapag napaharap tayo sa anumang pagpapasiya, dapat muna nating alamin ang angkop na mga simulain ng Bibliya at saka natin gamitin ang ating talino sa pagkakapit nito. “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa,” ang sabi ng marunong na si Haring Solomon ng sinaunang Israel. “Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”​—Kawikaan 3:5, 6.

15. Ano ang matututuhan natin sa mga Kristiyano noong unang siglo tungkol sa pagpapasiya?

15 Madalas na apektado ang iba sa ating pagpapasiya, at dapat natin itong pag-isipan. Halimbawa, ang mga Kristiyano noong unang siglo ay wala na sa ilalim ng marami sa mga restriksiyon ng Kautusang Mosaiko hinggil sa pagkain. Maaari na nilang kainin ang ilang pagkaing itinuturing na marumi ayon sa Kautusan at hindi naman tututulan sa ibang paraan. Gayunman, isinulat ni apostol Pablo ang tungkol sa karne ng hayop na maaaring ginamit sa templo ng mga idolo: “Kung ang pagkain ay nagpapatisod sa aking kapatid, hindi na ako muling kakain ng karne, upang hindi ko matisod ang aking kapatid.” (1 Corinto 8:11-13) Hinimok ang sinaunang mga Kristiyano na isaalang-alang ang budhi ng iba upang hindi sila matisod. Ang ating pagpapasiya ay hindi dapat “maging mga sanhi ng ikatitisod.”​—1 Corinto 10:29, 32.

Hanapin ang Makadiyos na Karunungan

16. Paano nakatutulong sa atin ang panalangin sa paggawa ng pasiya?

16 Ang napakahalagang tulong sa pagpapasiya ay panalangin. “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan,” ang sabi ng alagad na si Santiago, “patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Santiago 1:5) Taglay ang pagtitiwala, maaari tayong manalangin kay Jehova at humiling ng kinakailangang karunungan para makapagpasiya nang tama. Kapag nakikipag-usap tayo sa tunay na Diyos tungkol sa ating mga álalahanín at umaasa sa kaniyang patnubay, maaari tayong tulungan ng banal na espiritu na lalong maunawaan ang mga tekstong isinasaalang-alang natin at maalaala yaong mga nakaligtaan natin.

17. Paano makatutulong sa atin ang iba sa paggawa ng pasiya?

17 Matutulungan ba tayo ng iba sa pagpapasiya? Oo, naglaan si Jehova ng may-gulang na mga indibiduwal sa kongregasyon. (Efeso 4:11, 12) Maaari silang konsultahin, lalo na kung isa itong mabigat na pagpapasiya. Ang mga indibiduwal na may malalim na kaunawaan sa espirituwal at makaranasan sa buhay ay makapagbibigay sa atin ng karagdagang mga simulain mula sa Bibliya na maaaring may kinalaman sa ating pagpapasiya at makatutulong sa atin na ‘matiyak ang mga bagay na higit na mahalaga.’ (Filipos 1:9, 10) Subalit tandaan: Hindi dapat na ibang tao ang magpasiya para sa atin. Tayo ang dapat magpasan ng pananagutan.

Ang Resulta​—Palagi Bang Mabuti?

18. Ano ang masasabi tungkol sa resulta ng mahusay na pagpapasiya?

18 Palagi bang mabuti ang resulta ng maingat na mga pagpapasiyang lubusang nakasalig sa mga simulain ng Bibliya? Oo, sa dakong huli. Subalit kung minsan, maaaring hindi mo magustuhan ang dagliang epekto nito. Alam nina Sadrac, Mesac, at Abednego na maaaring kamatayan ang maging resulta ng kanilang pasiyang huwag sumamba sa napakalaking imahen. (Daniel 3:16-19) Gayundin, matapos sabihin ng mga apostol sa Judiong Sanedrin na dapat nilang sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao, pinagpapalo muna sila bago pakawalan. (Gawa 5:27-29, 40) Bukod diyan, “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay maaaring magkaroon ng masamang epekto sa anumang pasiya natin. (Eclesiastes 9:11) Kung magdusa man tayo sa paanuman sa kabila ng tamang pasiya natin, makapagtitiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova na magbata at pagpapalain niya tayo sa dakong huli.​—2 Corinto 4:7.

19. Paano natin buong-tapang na mapapasan ang ating sariling pananagutan sa pagpapasiya?

19 Kung gayon, kapag nagpapasiya, dapat nating hanapin ang mga simulain sa Kasulatan at gamitin ang ating talino sa pagkakapit nito. Kaylaking pasasalamat natin sa tulong na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng may-gulang na mga indibiduwal sa kongregasyon! Sa pamamagitan ng ganitong patnubay at mga paglalaan, buong-tapang nating pasanin ang ating sariling pananagutan sa matalinong pagpapasiya.

Ano ang Natutuhan Mo?

• Ano ang isang susing kahilingan sa mahusay na pagpapasiya?

• Paano nakaaapekto sa ating pagpili ng mga kasama ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang?

• Anu-ano ang ilang mahahalagang bagay na dapat nating isaalang-alang kapag nagpapasiya hinggil sa trabaho?

• Anong tulong ang makukuha sa paggawa ng pasiya?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 22]

Natuto tayo ng napakahalagang aral sa pagsuway nina Adan at Eva

[Larawan sa pahina 24]

Bago gumawa ng mahalagang pagpapasiya, saliksikin muna ang makadiyos na mga simulain