Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Halaga ng “Isang Mas Mahinang Sisidlan”

Ang Halaga ng “Isang Mas Mahinang Sisidlan”

Ang Halaga ng “Isang Mas Mahinang Sisidlan”

“KAYONG mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyong asawa] ayon sa kaalaman,” isinulat ni apostol Pedro, “na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.” (1 Pedro 3:7) Ang pagtukoy bang ito ng Kasulatan sa babae bilang “isang mas mahinang sisidlan” ay paghamak sa mga babae? Tingnan natin kung ano talaga ang ibig sabihin ng kinasihang manunulat.

Ang pangngalang Griego na isinaling ‘karangalan’ ay nangangahulugang “presyo, halaga, . . . paggalang.” Kaya naman, dapat maging magiliw sa pakikitungo ang Kristiyanong asawang lalaki sa kaniyang asawa, anupat pinagpapakitaan ito ng angkop na pagpapakundangan na waring isa itong babasagin at mamahaling sisidlan. Tiyak na hindi ito paghamak. Halimbawa, isaalang-alang ang lotus lampshade na Tiffany. Talagang maituturing na babasagin o marupok ang napakagandang lampshade na ito. Nababawasan ba ang halaga ng lampshade dahil marupok ito? Hinding-hindi! Noong 1997, ang orihinal na lotus lampshade na Tiffany ay naipagbili sa isang subasta sa halagang 2.8 milyong dolyar! Ang pagiging babasagin pa nga nito ang nagpataas sa halaga nito, hindi nagpababa.

Sa katulad na paraan, ang pag-uukol ng karangalan sa isang babae gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan ay hindi paghamak sa kaniya. Ang pananahanang kasama ng kaniyang asawa “ayon sa kaalaman” ay nangangahulugang isinasaalang-alang ng asawang lalaki ang kakayahan at kahinaan, gusto at di-gusto, pananaw at damdamin ng asawang babae. Alam at isinasaalang-alang ng mapagmahal na asawang lalaki ang pagkakaiba ng kanilang personalidad. Nagpapakita siya ng nararapat na konsiderasyon sa asawang babae “upang hindi mahadlangan ang [kaniyang] mga panalangin.” (1 Pedro 3:7) Ang asawang lalaki na hindi gumagalang sa pagkababae ng kaniyang asawa ay nagsasapanganib ng kaniyang sariling kaugnayan sa Diyos. Maliwanag na hindi hinahamak ng Salita ng Diyos ang mga babae. Sa halip, binibigyang-dangal at pinag-uukulan nito ng karangalan ang mga babae.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

© Christie’s Images Limited 1997