Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang responsibilidad ng kongregasyon kung sakaling ang isang Kristiyanong nagmamaneho ng sasakyan ay maaksidente at humantong sa pagkamatay ng ibang tao?

Dapat isaalang-alang ng kongregasyon kung mayroong pagkakasala sa dugo dahil kailangang iwasan ng kongregasyon na magkaroon ng pananagutan hinggil dito. (Deuteronomio 21:1-9; 22:8) Ang drayber na responsable sa aksidente na humantong sa pagkamatay ay maaaring magkasala sa dugo kung hindi siya nag-ingat sa pagmamaneho o sinadya niyang labagin ang isa sa mga batas ni Cesar hinggil sa kaligtasan o trapiko. (Marcos 12:14) Subalit may iba pang mga salik na dapat isaalang-alang.

Ang mamamatay-tao na tumakbo sa isa sa mga kanlungang lunsod sa Israel ay kailangang dumaan sa paglilitis. Kapag napatunayang hindi sinadya ang pagpatay, pahihintulutan siyang manatili sa lunsod, anupat ligtas mula sa tagapaghiganti ng dugo. (Bilang 35:6-25) Kaya kung isang Kristiyano ang responsable sa pagkamatay ng isa dahil sa aksidente, kailangang imbestigahan ng mga elder ang mga bagay-bagay upang matiyak kung may anumang pagkakasala sa dugo. Hindi nakasalalay sa pananaw ng awtoridad o desisyon ng korte ang magiging hakbang ng kongregasyon.

Halimbawa, maaaring ideklara ng korte na nagkasala ang indibiduwal dahil sa paglabag sa ilang batas trapiko, subalit maaaring sa pag-iimbestiga ng mga elder, nalaman nila na walang pagkakasala sa dugo dahil hindi naman gaanong kontrolado o wala pa ngang kontrol ang drayber sa mga pangyayari na humantong sa pagkamatay. Gayunman, kahit na idismis pa ng korte ang kaso, maaaring ang desisyon ng mga elder ay talagang nagkasala sa dugo ang isa.

Ang desisyon ng mga elder na nag-iimbestiga sa kaso ay dapat na batay sa Kasulatan at sa malinaw at matibay na mga patotoo sa kung ano talaga ang nangyari​—ang pag-amin ng drayber at/​o ang patotoo ng dalawa o tatlong mapananaligang saksi na nakakita sa pangyayari. (Deuteronomio 17:6; Mateo 18:15, 16) Kapag napatunayang nagkasala sa dugo, dapat bumuo ng hudisyal na komite. Kapag nakita ng komite na nagsisisi ang taong may pagkakasala sa dugo, tatanggap siya ng naaangkop na pagsaway batay sa Kasulatan at bibigyan ng mga restriksiyon may kaugnayan sa mga pribilehiyo sa kongregasyon. Hindi na siya maglilingkod bilang elder o ministeryal na lingkod. Maaaring may iba pang restriksiyon na ipataw. At mananagot siya sa Diyos dahil sa kaniyang kawalang-ingat at kapabayaan na naging sanhi ng aksidente at pagkamatay ng iba.​—Galacia 6:5, 7.

Bilang paglalarawan: Kung masama ang lagay ng panahon nang magkaroon ng aksidente, dapat sanang lalo pang naging maingat ang drayber. Kung inaantok naman siya, dapat sana’y huminto muna siya at nagpahinga hanggang sa mawala ang antok niya, o ipinamaneho sana niya ang sasakyan sa iba.

Ipaghalimbawa na ang drayber ay napakatuling magpatakbo. Kung ang sinumang Kristiyano ay nagpapatakbo nang lampas sa itinakdang bilis ng batas trapiko, hindi ito pagsunod sa pagbibigay kay ‘Cesar ng mga bagay na kay Cesar.’ Ipinakikita rin nito na binabale-wala niya ang kabanalan ng buhay, dahil maaari itong humantong sa nakamamatay na aksidente. (Mateo 22:21) May kinalaman dito, dapat isaalang-alang ang iba pang bagay. Anong uri ng halimbawa ang maipakikita ng elder sa kawan kung ang mga tuntunin sa trapiko ni Cesar ay ipinagwalang-bahala niya o sinadya niyang labagin?​—1 Pedro 5:3.

Hindi dapat hilingin ng isang Kristiyano sa iba na dumating ito sa takdang lugar at oras na malinaw namang hindi nito matutupad malibang magmaneho ito nang lampas sa itinakdang bilis ng batas trapiko. Gayunman, karaniwan nang kailangang umalis nang maaga o baguhin ang iskedyul ng isa upang may sapat na panahon sa pagbibiyahe. Kapag ganiyan ang ginawa, hindi matutukso ang isang Kristiyano na magmaneho nang mas mabilis kaysa sa nararapat, kundi masusunod niya ang mga batas trapiko ng “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan. (Roma 13:1, 5) Matutulungan nito ang drayber na maiwasan ang nakamamatay na mga aksidente na maaaring humantong sa pagkakasala sa dugo. Tutulong din ito upang makapagpakita siya ng wastong halimbawa at mapanatili niya ang mabuting budhi.​—1 Pedro 3:16.