Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kaniyang Kaluguran ay sa Kautusan ni Jehova

Ang Kaniyang Kaluguran ay sa Kautusan ni Jehova

Ang Kaniyang Kaluguran ay sa Kautusan ni Jehova

NATAPOS ni Albert D. Schroeder, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang makalupang landasin noong Miyerkules, Marso 8, 2006. Siya ay 94 na taóng gulang at gumugol ng mahigit 73 taon sa buong-panahong ministeryo.

Si Brother Schroeder ay ipinanganak noong 1911, sa Saginaw, Michigan, E.U.A. * Noong bata pa siya, marami siyang natutuhan tungkol sa Bibliya mula sa kaniyang lola sa ina, na tumulong din sa kaniya na malinang ang hilig sa pagbabasa ng Salita ni Jehova. Nag-aral siya ng wikang Latin, Aleman, at electrical engineering sa University of Michigan. Subalit nang lumalim ang pagpapahalaga niya sa Kasulatan, tumigil siya sa kaniyang sekular na pag-aaral upang pumasok sa buong-panahong gawaing pangangaral ng Kaharian. Noong 1932, naging miyembro siya ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, New York.

Noong 1937, sa edad na 26, naatasan si Brother Schroeder na mangasiwa sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Britanya. Dahil sa kaniyang sigasig sa gawaing pangangaral, maraming tagaroon ang napasiglang pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Isa sa mga nakasama niya sa Bethel sa London ay ang kabataang si John E. Barr. Nang maglaon ay magkasama silang naglingkod nang maraming taon bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala.

Kapansin-pansin ang nagawa ni Brother Schroeder alang-alang sa mga Saksi ni Jehova noong panahon ng digmaan. Noong Agosto 1942, pinaalis siya sa Britanya. Matapos ang napakaligalig na paglalakbay sakay ng barko patawid ng Atlantiko sa panahon ng digmaan, nakabalik siya sa Brooklyn noong Setyembre.

Nang panahong iyon, pinaghahandaan na ng mga lingkod ni Jehova ang malaking gawain na kailangang isakatuparan pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Nasorpresa si Brother Schroeder sa kaniyang sumunod na atas at masaya niya itong tinanggap​—ang tumulong sa pagbuo ng kurikulum para sa Watchtower Bible School of Gilead. Sa loob ng ilang taon, naglingkod siya roon bilang instruktor at tumulong sa pagsasanay sa mga misyonero. Ang mga naging estudyante niya sa Gilead at nang maglaon, sa Kingdom Ministry School, ay nagkaroon ng maraming magagandang alaala sa kaniyang pagtuturo. Nalulugod siyang ikintal sa kaniyang mga estudyante ang pag-ibig sa mga kautusan ng Diyos at idiin ang kahalagahan na makilala si Jehova.

Noong 1956, pinakasalan ni Brother Schroeder si Charlotte Bowin, at noong 1958, isinilang ang kanilang anak na lalaki, si Judah Ben. Si Brother Schroeder ay isang mabuting Kristiyanong asawang lalaki at ama. Noong 1974, nagsimula siyang maglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala, kung saan lubos na pinahalagahan ang kaniyang kaunawaan. Isa siyang mabait at mapagpakumbabang tao na, higit sa lahat, nagnanais na magbigay-papuri sa dakilang pangalan ng Diyos. Makatitiyak tayo na natanggap na ni Brother Schroeder ang kaniyang makalangit na gantimpala bilang pinahirang Kristiyano na talagang ‘nalugod sa kautusan ni Jehova.’​—Awit 1:2.

[Talababa]

^ par. 3 Ang talambuhay ni Brother Schroeder ay inilathala sa Ang Bantayan ng Marso 1, 1988.