Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Malakas ang Loob Dahil sa Pananampalataya at Makadiyos na Takot

Malakas ang Loob Dahil sa Pananampalataya at Makadiyos na Takot

Malakas ang Loob Dahil sa Pananampalataya at Makadiyos na Takot

“Magpakalakas-loob ka at magpakatibay . . . si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo.”​—JOSUE 1:9.

1, 2. (a) Mula sa pananaw ng tao, ano ang pag-asa ng Israel na manalo laban sa mga Canaanita? (b) Anong katiyakan ang tinanggap ni Josue?

NOONG 1473 B.C.E., nakahanda nang pumasok ang bansang Israel sa Lupang Pangako. Hinggil sa mga hamong mapapaharap sa kanila, ganito ang ipinaalaala ni Moises sa bayan: “Tatawirin mo ngayon ang Jordan upang pasukin at itaboy ang mga bansa na mas dakila at mas makapangyarihan kaysa sa iyo, mga lunsod na malalaki at nakukutaan hanggang sa langit, isang bayang dakila at matatangkad, ang mga anak ni Anakim, na . . . narinig mong sinabi, ‘Sino ang makatatayo nang matatag sa harap ng mga anak ni Anak?’” (Deuteronomio 9:1, 2) Oo, kilalang-kilala ang mga higanteng mandirigmang ito! Bukod diyan, ang ilang Canaanita ay may mga hukbong lubos na nasasandatahan, na may mga kabayo at mga karo na may mga lingkaw na bakal sa mga gulong.​—Hukom 4:13.

2 Sa kabilang panig naman, ang Israel ay isang bansa ng mga alipin at katatapos lamang nilang manirahan ng 40 taon sa ilang. Kaya naman, mula sa pananaw ng tao, malabo silang manalo. Pero may pananampalataya si Moises; “nakikita” niya na si Jehova ang nangunguna sa kanila. (Hebreo 11:27) “Si Jehova na iyong Diyos ay tumatawid sa unahan mo,” ang sinabi ni Moises sa bayan. “Lilipulin niya sila, at siya ang susupil sa kanila sa harap mo.” (Deuteronomio 9:3; Awit 33:16, 17) Pagkamatay ni Moises, tiniyak ni Jehova kay Josue ang suporta Niya sa kanila, na sinasabi: “Tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, patungo sa lupain na ibinibigay ko sa kanila, sa mga anak ni Israel. Walang sinuman ang makatatayong matatag sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Kung paanong ako ay suma kay Moises ay gayon ako sasaiyo.”​—Josue 1:2, 5.

3. Ano ang nakatulong kay Josue upang magkaroon ng pananampalataya at lakas ng loob?

3 Upang matamo ang suporta at patnubay ni Jehova, kailangang basahin at bulay-bulayin ni Josue ang Kautusan ng Diyos at mamuhay alinsunod dito. “Sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan,” ang sabi ni Jehova. “Hindi ba kita inutusan? Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.” (Josue 1:8, 9) Dahil nakinig si Josue sa Diyos, siya ay nagkaroon ng lakas ng loob, naging matibay, at matagumpay. Ngunit karamihan sa kaniyang kapanahon ay hindi nakinig. Bilang resulta, hindi sila naging matagumpay, at namatay sila sa ilang.

Isang Bayang Walang Pananampalataya at Lakas ng Loob

4, 5. (a) Ano ang pagkakaiba ng saloobin ng sampung tiktik at ng saloobin nina Josue at Caleb? (b) Ano ang tugon ni Jehova sa kawalan ng pananampalataya ng bayan?

4 Apatnapung taon bago nito, noong unang pagkakataon na papasok ang Israel sa Canaan, nagsugo si Moises ng 12 lalaki para tiktikan ang lupain. Sampu sa mga ito ang bumalik na takot na takot. “Ang lahat ng mga taong nakita namin sa loob niyaon ay mga lalaking pambihira ang laki,” ang daing nila. “Doon ay nakita namin ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; anupat sa aming sariling paningin ay naging tulad kami ng mga tipaklong.” Ang ‘lahat ba ng mga tao’​—bukod pa sa mga Anakim​—​ay mga higante? Hindi. Ang mga Anakim ba ay inapo ng mga Nefilim na nabuhay bago ang Baha? Lalong hindi! Gayunman, dahil sa pagpilipit na ito sa katotohanan, nabalot ng takot ang kampo. Gusto pa nga ng bayan na bumalik sa Ehipto, sa lupain kung saan sila inalipin!​—Bilang 13:31–14:4.

5 Ngunit dalawa sa mga tiktik, sina Josue at Caleb, ang sabik na pumasok sa Lupang Pangako. Ang mga Canaanita ay “tinapay sa atin,” ang sabi nila. “Ang kanilang silungan ay lumayo na sa kanila, at si Jehova ay sumasaatin. Huwag ninyo silang katakutan.” (Bilang 14:9) Sobrang positibo lamang ba sina Josue at Caleb? Hinding-hindi! Kasama ng buong bansa, nakita nila kung paano hiniya ni Jehova ang makapangyarihang Ehipto at ang mga diyos nito sa pamamagitan ng Sampung Salot. Pagkatapos ay nakita nila nang lunurin ni Jehova si Paraon at ang hukbong militar nito sa Dagat na Pula. (Awit 136:15) Maliwanag, hindi mapagpapaumanhinan ang takot na ipinakita ng sampung tiktik at ng mga naimpluwensiyahan nila. “Hanggang kailan sila hindi mananampalataya sa akin sa lahat ng tanda na isinagawa ko sa gitna nila?” ang sabi ni Jehova, para ipakitang nasaktan ang kaniyang damdamin.​—Bilang 14:11.

6. Sa anong paraan nauugnay ang lakas ng loob sa pananampalataya, at paano ito nakikita sa makabagong panahon?

6 Tinukoy ni Jehova ang ugat ng problema​—ang karuwagan ng bayan ay nagpapakita na wala silang pananampalataya. Oo, may malapit na kaugnayan ang pananampalataya at lakas ng loob, anupat ganito ang isinulat ni apostol Juan hinggil sa kongregasyong Kristiyano at sa espirituwal na pakikidigma nito: “Ito ang pananaig na dumaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.” (1 Juan 5:4) Sa ngayon, dahil sa pananampalatayang tulad ng kay Josue at kay Caleb, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa buong daigdig ng mahigit na anim na milyong Saksi ni Jehova, bata at matanda, malakas at mahina. Walang sinumang kaaway ang nakapagpatahimik sa makapangyarihan at malakas-ang-loob na hukbong ito.​—Roma 8:31.

Huwag ‘Umurong’

7. Ano ang ibig sabihin ng ‘umurong’?

7 Lakas-loob na ipinangangaral ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang mabuting balita dahil ang kanilang kaisipan ay katulad ng kay apostol Pablo, na sumulat: “Hindi nga tayo ang uri na umuurong sa ikapupuksa, kundi ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.” (Hebreo 10:39) Ang ‘umurong,’ gaya ng nabanggit ni Pablo, ay hindi nangangahulugan ng pansamantalang pagkatakot lamang, sapagkat may mga panahon ding natakot ang maraming tapat na lingkod ng Diyos. (1 Samuel 21:12; 1 Hari 19:1-4) Sa halip, nangangahulugan ito ng “pag-atras,” ng pagiging “pabaya sa panghahawakan sa katotohanan,” ang paliwanag ng isang diksyunaryo sa Bibliya. Idinagdag pa nito na ang ‘pag-urong’ ay maaaring isang metapora na salig sa “pagbababa ng layag at sa gayo’y nagmamabagal” may kaugnayan sa paglilingkod sa Diyos. Sabihin pa, hindi iniisip ng mga malalakas ang pananampalataya na ‘magmabagal’ kapag dumarating ang mahihirap na kalagayan​—ito man ay pag-uusig, mahinang kalusugan, o iba pang pagsubok. Sa halip, patuloy silang sumusulong sa paglilingkod kay Jehova, anupat batid nila na labis siyang nagmamalasakit sa kanila at alam niya ang kanilang mga limitasyon. (Awit 55:22; 103:14) Mayroon ka bang ganiyang uri ng pananampalataya?

8, 9. (a) Paano pinatibay ni Jehova ang pananampalataya ng unang mga Kristiyano? (b) Ano ang magagawa natin upang mapatibay ang ating pananampalataya?

8 Nadama minsan ng mga apostol na kulang ang kanilang pananampalataya, kaya sinabi nila kay Jesus: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” (Lucas 17:5) Sinagot ang kanilang taimtim na kahilingan, lalo na noong Pentecostes 33 C.E., nang mapuspos ng ipinangakong banal na espiritu ang mga alagad at dahil dito, nagkaroon sila ng mas malalim na kaunawaan sa Salita at layunin ng Diyos. (Juan 14:26; Gawa 2:1-4) Dahil napatibay ang kanilang pananampalataya, sinimulan ng mga alagad ang isang kampanya ng pangangaral ng mabuting balita sa “lahat ng nilalang na nasa silong ng langit” sa kabila ng pagsalansang.​—Colosas 1:23; Gawa 1:8; 28:22.

9 Upang mapatibay ang ating pananampalataya at sumulong sa ating ministeryo, kailangan din nating pag-aralan at bulay-bulayin ang Kasulatan at manalangin ukol sa banal na espiritu. Tangi lamang sa pamamagitan ng pagkikintal sa ating isip at puso ng katotohanang mula sa Diyos​—gaya ng ginawa nina Josue, Caleb, at ng unang mga alagad na Kristiyano​—​magkakaroon tayo ng pananampalataya na magbibigay sa atin ng kinakailangang lakas ng loob upang makapagbata sa ating espirituwal na pakikidigma at magtagumpay.​—Roma 10:17.

Pananampalataya​—Hindi Lamang Basta Paniniwala sa Diyos

10. Ano ang kalakip sa tunay na pananampalataya?

10 Gaya ng ipinakita ng mga nag-ingat ng katapatan noong sinauna, ang pananampalatayang nagdudulot ng lakas ng loob at pagbabata ay hindi lamang basta paniniwala sa Diyos. (Santiago 2:19) Humihiling ito na makilala natin si Jehova bilang isang persona at lubos na magtiwala sa kaniya. (Awit 78:5-8; Kawikaan 3:5, 6) Nangangahulugan ito ng buong-pusong paniniwala natin na ang pagsunod sa mga kautusan at mga simulain ng Diyos ang pinakakapaki-pakinabang na landasin para sa atin. (Isaias 48:17, 18) Kasama rin sa pananampalataya ang lubos na pagtitiwala na tutuparin ni Jehova ang lahat ng kaniyang pangako at na siya ang magiging “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”​—Hebreo 11:1, 6; Isaias 55:11.

11. Sa anong paraan pinagpala sina Josue at Caleb dahil sa kanilang pananampalataya at lakas ng loob?

11 Ang gayong pananampalataya ay sumusulong. Lumalaki ito habang namumuhay tayo alinsunod sa katotohanan, habang ‘natitikman’ natin ang mga kapakinabangan nito, habang nakikita natin ang mga sagot sa ating mga panalangin at, sa iba pang paraan, habang nadarama natin ang pag-akay ni Jehova sa ating buhay. (Awit 34:8; 1 Juan 5:14, 15) Makatitiyak tayo na habang natitikman nina Josue at Caleb ang kabutihan ng Diyos, lalong sumidhi ang kanilang pananampalataya. (Josue 23:14) Isaalang-alang ang mga puntong ito: Nakayanan nila ang 40-taóng paglalakbay sa ilang, gaya ng ipinangako ng Diyos. (Bilang 14:27-30; 32:11, 12) Binigyan sila ng aktibong papel sa anim-na-taóng paglupig sa Canaan. Kahuli-hulihan, natamasa nila ang mahabang buhay at mabuting kalusugan at tinanggap pa nga nila ang kani-kanila mismong mga mana. Talaga ngang ginagantimpalaan ni Jehova ang mga tapat at lakas-loob na naglilingkod sa kaniya!​—Josue 14:6, 9-14; 19:49, 50; 24:29.

12. Paano ‘dinadakila ni Jehova ang kaniyang pananalita’?

12 Ang maibiging-kabaitan ng Diyos kina Josue at Caleb ay nagpapaalaala sa atin sa mga pananalita ng salmista: “Dinakila mo ang iyong pananalita nang higit pa sa iyong buong pangalan.” (Awit 138:2) Kapag ginagamit ni Jehova ang kaniyang pangalan bilang garantiya sa isang pangako, ang katuparan ng pangakong iyan ay ‘nadadakila’ dahil higit pa sa inaasahan ang nangyayari. (Efeso 3:20) Oo, hindi kailanman binibigo ni Jehova ang mga may “masidhing kaluguran” sa kaniya.​—Awit 37:3, 4.

Isang Lalaking ‘Lubos na Nagpalugod sa Diyos’

13, 14. Bakit kailangan ni Enoc ng pananampalataya at lakas ng loob?

13 Marami tayong matututuhan tungkol sa pananampalataya at lakas ng loob sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa halimbawang ipinakita ng isa pang saksi bago ang panahong Kristiyano​—si Enoc. Bago pa siya magsimulang humula, malamang na alam na ni Enoc na masusubok ang kaniyang pananampalataya at lakas ng loob. Bakit natin nasabi ito? Dahil noong una pa ay binanggit na ni Jehova sa Eden na magkakaroon ng alitan, o pagkapoot, sa pagitan ng mga naglilingkod sa Diyos at ng mga naglilingkod kay Satanas na Diyablo. (Genesis 3:15) Alam din ni Enoc na ang pagkapoot na ito ay nagsimula noong maagang bahagi ng kasaysayan ng tao nang paslangin ni Cain ang kaniyang kapatid na si Abel. Sa katunayan, ang kanilang Ama, si Adan, ay nabuhay pa nang halos 310 taon mula nang isilang si Enoc.​—Genesis 5:3-18.

14 Ngunit sa kabila nito, si Enoc ay lakas-loob na “lumakad . . . kasama ng tunay na Diyos” at hinatulan ang “nakapangingilabot na mga bagay” na sinasabi ng mga tao laban kay Jehova. (Genesis 5:22; Judas 14, 15) Maliwanag na dahil sa walang-takot na paninindigang ito para sa tunay na pagsamba, nagkaroon ng maraming kaaway si Enoc, anupat nanganib ang kaniyang buhay. Sa pagkakataong iyon, iniligtas ni Jehova ang kaniyang propeta mula sa hapdi ng kamatayan. Matapos isiwalat kay Enoc na “lubos niyang napalugdan ang Diyos,” “inilipat” siya ni Jehova mula sa buhay tungo sa kamatayan, marahil nang mawalan siya ng diwa gaya ng isang propeta.​—Hebreo 11:5, 13; Genesis 5:24.

15. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Enoc para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon?

15 Karaka-raka matapos banggitin ang paglilipat kay Enoc, muling idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng pananampalataya, na sinasabi: “Bukod diyan, kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan . . . nang lubos [ang Diyos].” (Hebreo 11:6) Oo, ang pagkakaroon ng pananampalataya ang nagbigay kay Enoc ng lakas ng loob upang lumakad na kasama ni Jehova at ihayag ang Kaniyang mensahe ng paghatol sa isang di-makadiyos na sanlibutan. Sa bagay na ito, nagpakita si Enoc ng mainam na halimbawa para sa atin. Mayroon din tayong nakakatulad na gawain na kailangang isakatuparan sa isang sanlibutan na salansang sa tunay na pagsamba at lipos ng bawat uri ng kasamaan.​—Awit 92:7; Mateo 24:14; Apocalipsis 12:17.

Lakas ng Loob Dahil sa Makadiyos na Takot

16, 17. Sino si Obadias, at anong kalagayan ang napaharap sa kaniya?

16 Bukod sa pananampalataya, may isa pang katangian na nagdudulot ng lakas ng loob, samakatuwid nga, ang mapitagang pagkatakot sa Diyos. Isaalang-alang natin ang namumukod-tanging halimbawa ng isang taong may-takot sa Diyos na nabuhay noong panahon ni propeta Elias at ni Haring Ahab, na namahala sa hilagang kaharian ng Israel. Noong panahon ng pamamahala ni Ahab, labis-labis na pinasamâ ng pagsamba kay Baal ang hilagang kaharian. Sa katunayan, 450 propeta ni Baal at 400 propeta ng sagradong poste, na isang sagisag ng ari ng lalaki, ang “kumakain sa mesa ni Jezebel,” ang asawa ni Ahab.​—1 Hari 16:30-33; 18:19.

17 Sinikap ni Jezebel, isang malupit na kaaway ni Jehova, na alisin sa lupain ang tunay na pagsamba. Pinaslang niya ang ilan sa mga propeta ni Jehova at sinikap pa ngang patayin si Elias, na sa patnubay ng Diyos ay nakatakas patawid sa kabilang ibayo ng Jordan. (1 Hari 17:1-3; 18:13) Naguguniguni mo ba kung gaano kahirap itaguyod noon sa hilagang kaharian ang dalisay na pagsamba? Ang masaklap pa nito, paano kung nagtatrabaho ka mismo sa palasyo ng hari? Iyan ang kalagayang napaharap sa may-takot-sa-Diyos na si Obadias, * na katiwala sa bahay ni Ahab.​—1 Hari 18:3.

18. Paano naging isang namumukod-tanging mananamba ni Jehova si Obadias?

18 Tiyak na nag-ingat si Obadias sa kaniyang pagsamba kay Jehova. Gayunman, hindi siya nakipagkompromiso. Sa katunayan, sinasabi sa atin ng 1 Hari 18:3: “Si Obadias nga ay may malaking pagkatakot kay Jehova.” Oo, talagang pambihira ang pagkatakot ni Obadias sa Diyos! Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot namang ito ang nagbigay sa kaniya ng namumukod-tanging lakas ng loob, gaya ng makikita karaka-raka matapos paslangin ni Jezebel ang mga propeta ni Jehova.

19. Ano ang ginawa ni Obadias na nagpapakita ng kaniyang lakas ng loob?

19 Mababasa natin: “Nangyari, nang lipulin ni Jezebel ang mga propeta ni Jehova, si Obadias ay kumuha ng isang daang propeta at itinago niya sila nang lima-limampu sa isang yungib, at pinaglaanan niya sila ng tinapay at tubig.” (1 Hari 18:4) Gaya ng maguguniguni mo, napakapanganib ng ginawa niyang palihim na pagpapakain sa sandaan katao. Hindi lamang dapat iwasan ni Obadias na mahuli siya nina Ahab at Jezebel, kailangan din niyang iwasang mahalata ng 850 huwad na propeta na madalas magpunta sa palasyo. Bukod diyan, walang-alinlangang sasamantalahin ng maraming iba pang huwad na mananamba sa lupain, mula sa mga magbubukid hanggang sa mga prinsipe, ang anumang pagkakataon para ilantad si Obadias upang matamo ang pabor ng hari at reyna. Magkagayunman, kahit na nasa paligid lamang ang lahat ng idolatrosong ito, lakas-loob na inasikaso ni Obadias ang pangangailangan ng mga propeta ni Jehova. Napakalakas ngang puwersa ng pagkatakot sa Diyos!

20. Paano nakatulong kay Obadias ang kaniyang makadiyos na takot, at paano ka makikinabang sa kaniyang halimbawa?

20 Palibhasa’y nagpakita si Obadias ng lakas ng loob dahil sa makadiyos na takot, maliwanag na ipinagsanggalang siya ni Jehova mula sa kaniyang mga kaaway. Ganito ang sabi ng Kawikaan 29:25: “Ang panginginig sa harap ng mga tao ang siyang nag-uumang ng silo, ngunit siyang nagtitiwala kay Jehova ay ipagsasanggalang.” Si Obadias ay pangkaraniwang tao lamang; takót siyang mahuli at mapatay, gaya rin ng maaaring madama natin. (1 Hari 18:7-9, 12) Magkagayunman, ang makadiyos na takot ang nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob upang mapaglabanan ang anumang pagkatakot sa tao na maaaring nadama niya. Si Obadias ay isang mainam na halimbawa para sa atin, lalo na sa mga sumasamba kay Jehova na nanganganib ang kalayaan o maging ang kanilang buhay. (Mateo 24:9) Oo, pagsikapan nawa nating lahat na paglingkuran si Jehova “nang may makadiyos na takot at sindak.”​—Hebreo 12:28.

21. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

21 Hindi lamang ang pananampalataya at makadiyos na takot ang mga katangian na nagdudulot ng lakas ng loob; ang pag-ibig ay higit pang mas malakas na puwersa. “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip,” ang isinulat ni Pablo. (2 Timoteo 1:7) Sa susunod na artikulo, aalamin natin kung paano tayo matutulungan ng pag-ibig na maglingkod kay Jehova nang may lakas ng loob sa mapanganib na mga huling araw na ito.​—2 Timoteo 3:1.

[Talababa]

^ par. 17 Hindi siya si propeta Obadias.

Masasagot Mo Ba?

• Ano ang nakatulong kina Josue at Caleb na magkaroon ng lakas ng loob?

• Ano ang kalakip sa tunay na pananampalataya?

• Bakit hindi natakot si Enoc sa paghahayag ng mensahe ng paghatol ng Diyos?

• Paano nagdudulot ng lakas ng loob ang makadiyos na takot?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16, 17]

Iniutos ni Jehova kay Josue: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay”

[Larawan sa pahina 18]

Pinangalagaan at ipinagsanggalang ni Obadias ang mga propeta ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 19]

May-katapangang sinalita ni Enoc ang salita ng Diyos