Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Di-kumukupas na Regalo Mula sa Maylalang

Di-kumukupas na Regalo Mula sa Maylalang

Di-kumukupas na Regalo Mula sa Maylalang

HINDI ka ba namamangha na ang mga elementong sinasabi ng mga siyentipiko na kailangan para magkaroon ng buhay saanmang planeta ay binabanggit o tuwirang ipinahihiwatig sa unang kabanata ng Bibliya? Anu-ano ang mga ito?

Para mabuhay, kailangan ang saganang tubig, gaya ng binabanggit sa Genesis 1:2. Kailangang tama ang temperatura para manatiling likido ang tubig sa planeta. Para mangyari ito, dapat na nasa tamang distansiya ang planeta mula sa araw. Paulit-ulit na itinatawag-pansin ng ulat ng Genesis ang araw at ang epekto nito sa lupa.

Upang matirhan ng tao, kailangang may eksaktong proporsiyon ng mga gas ang atmospera ng isang planeta. Binabanggit sa Genesis 1:6-8 ang napakahalagang katangiang ito. Ang malalagong pananim, na inilalarawan sa Genesis 1:11, 12, ang pangunahing pinagmumulan ng oksiheno. Upang mabuhay ang napakaraming iba’t ibang uri ng hayop, kailangang may tuyong mga kontinente at mabungang lupain ang isang planeta, gaya ng inilalarawan sa Genesis 1:9-12. Pinakahuli, para maging katamtaman ang lagay ng panahon, ang isang planeta ay kailangang nakahilig at nananatili sa tamang anggulo, na siyang kalagayan ng lupa dahil sa epekto ng grabidad ng buwan. Tinutukoy sa Genesis 1:14, 16 ang satelayt na ito at ang ilan sa mga pakinabang dito.

Paano naitawag-pansin ng sinaunang manunulat na si Moises ang mga bagay na ito nang walang tulong ng makabagong siyensiya? May pambihirang talino lamang ba si Moises kung kaya nalaman niya ang kahalagahan ng mga ito? Ang totoo, ipinaalam ito sa kaniya ng Maylalang ng langit at lupa. Kapansin-pansin ito dahil tumpak ang ulat ng Genesis pagdating sa siyensiya.

Tinitiyak ng Bibliya na may dahilan kung bakit nilalang ang kamangha-manghang mga bagay na nakikita natin sa uniberso. “Kung tungkol sa langit, ang langit ay kay Jehova,” ang sabi ng Awit 115:16, “ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.” Ganito naman ang sinasabi ng isa pang awit: “Itinatag niya ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Kung dinisenyo at nilikha ng Maylalang ang uniberso at ang ating magandang planeta, makatuwiran lamang na maniwalang may kakayahan siyang sustinihan ito. Ibig sabihin, makatitiyak ka sa katuparan ng napakagandang pangako: “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) Sa katunayan, “hindi . . . nilalang [ng Diyos] na walang kabuluhan [ang lupa],” kundi ‘inanyuan ito upang tahanan’ magpakailanman ng mga taong nagpapahalaga at kumikilala sa kaniyang mga gawa.​—Isaias 45:18.

Ayon sa Kasulatan, pumarito si Jesus upang turuan tayo tungkol sa Diyos at sa Kaniyang layuning bigyan ng walang-hanggang buhay ang masunuring sangkatauhan. (Juan 3:16) Makatitiyak tayo na malapit nang “ipahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa,” samantalang ililigtas naman niya ang mapagpayapang mga tao mula sa lahat ng bansa na tumatanggap sa kaniyang mga paglalaan para sa kaligtasan. (Apocalipsis 7:9, 14; 11:18) Kaysaya nga ng buhay habang patuloy na natutuklasan at nasisiyahan ang mga tao magpakailanman sa kamangha-manghang paglalang ng Diyos!​—Eclesiastes 3:11; Roma 8:21.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

NASA photo