Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Dapat Iwasan ang Pagpapakalabis?

Bakit Dapat Iwasan ang Pagpapakalabis?

Bakit Dapat Iwasan ang Pagpapakalabis?

SI Jehova ang pinakamahusay na huwaran sa pagiging timbang. “Sakdal ang kaniyang gawa,” at hindi malupit ang kaniyang katarungan, sapagkat lagi itong may kalakip na awa. (Deuteronomio 32:4) Laging inuugitan ng simulain ang kaniyang pag-ibig, sapagkat sumusunod siya sa sakdal na mga batas. (Awit 89:14; 103:13, 14) Nilalang ang ating unang mga magulang na timbang sa lahat ng paraan. Wala silang hilig na magmalabis. Gayunman, nawala ang pagkatimbang na iyon nang magkasala sila at magkaroon ng “kapintasan” at maging di-sakdal.​—Deuteronomio 32:5.

Pag-isipan ito: Nakasakay ka na ba sa kotse o bisikleta na may malaking umbok ang isang parte ng gulong? Malamang na naging matagtag at di-ligtas ang biyahe mo dahil dito. Kailangan nang ayusin ang gulong na ito bago pa lumaki ang sira o tuluyan itong ma-flat. Sa katulad na paraan, marami ring depekto ang ating di-sakdal na personalidad. Kung hahayaan nating lumaki ang mga “umbok” na ito, magiging matagtag din at mapanganib pa nga ang ating pagtahak sa landas ng buhay.

Kung minsan, ang ating magagandang katangian ay nagiging disbentaha kapag napapalabis. Halimbawa, bagaman hinihiling ng Kautusang Mosaiko sa mga Israelita na lagyan nila ng palawit ang laylayan ng kanilang damit, labis namang “pinalalaki [ng mga Pariseo noong panahon ni Jesus] ang mga palawit ng kanilang mga kasuutan” para mapansin sila ng mga tao. Gusto nilang magtinging mas banal sila kaysa sa iba.​—Mateo 23:5; Bilang 15:38-40.

Sa ngayon, may ilang tao na gagawin ang lahat para mapansin sila, kahit magimbal pa ang iba. Para bang ipinagsisigawan nila: “Pansinin n’yo naman ako! Tao rin ako!” Pero ang kalabisan sa pananamit, saloobin, at kilos ay hindi sasapat sa tunay na mga pangangailangan ng isang Kristiyano.

Timbang na Saloobin sa Trabaho

Ang kasiya-siyang trabaho ay isa sa mga bagay na nagbibigay ng kabuluhan sa buhay nating lahat, saanman tayo nakatira. Nilalang tayo para masiyahan sa gayong trabaho. (Genesis 2:15) Kaya naman hinahatulan ng Bibliya ang katamaran. Tahasang sinabi ni apostol Pablo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.” (2 Tesalonica 3:10) Oo, hindi lamang karukhaan at kawalang-kasiyahan ang idinudulot ng katamaran sa trabaho. Magbubunga rin ito ng di-pagsang-ayon ng Diyos.

Sa kabilang panig, marami naman ang subsob sa kanilang trabaho at nagpapaalipin na rito. Maaga silang umaalis ng bahay at gabi na kung umuwi. Iniisip nila na para naman sa kanilang pamilya ang lahat ng kanilang ginagawa. Pero ang totoo, maaaring nagdurusa na ang kanilang pamilya. Sinabi ng isang babae na ang asawa ay madalas mag-overtime sa trabaho: “Handa kong ipagpalit ang lahat ng bagay sa marangyang bahay na ito para lamang makasama naming mag-iina ang asawa ko.” Dapat seryosong pag-isipan ng mga subsob sa trabaho ang karanasan mismo ni Haring Solomon: “Ako nga ay bumaling sa lahat ng aking mga gawa na ginawa ng aking mga kamay at sa pagpapagal na pinagpagalan kong maisagawa, at, narito! ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 2:11.

Oo, hindi tayo dapat maging tamad ni maging subsob man sa pagtatrabaho. Maaari tayong maging masisipag na manggagawa, pero dapat din nating tandaan na higit pa sa kaligayahan ang maaaring mawala kapag nagpapaalipin tayo sa trabaho.​—Eclesiastes 4:5, 6.

Huwag Magpakalabis sa Kaluguran

Inihula ng Bibliya hinggil sa ating panahon: “Ang mga tao ay magiging . . . mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:2, 4) Ang paghahangad ng kaluguran ay isa sa pinakatusong pamamaraan ni Satanas para italikod ang mga tao sa Diyos. Marami ang nagpapakasasa sa paglilibang gaya ng mapanganib na mga isport. Parami nang parami ang gayong uri ng libangan pati na ang mga sumasali rito. Bakit gayon na lamang kapopular ang mga ito? Maraming tao ang nababagot sa kanilang buhay kaya humahanap sila ng higit pang katuwaan. Pero tumitindi ang panganib sa paghahanap nila ng katuwaan. Iniiwasan ng tapat na mga Kristiyano ang mapanganib na mga isport dahil iginagalang nila ang buhay at ang Nagkaloob nito.​—Awit 36:9.

Nang lalangin ng Diyos ang unang mag-asawa, saan niya sila inilagay? Sa halamanan ng Eden, na sa orihinal na wika, ay nangangahulugang “Kasiyahan,” o “Kaluguran.” (Genesis 2:8) Maliwanag na gusto ni Jehova na masiyahan ang mga tao.

Nag-iwan sa atin si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagkakaroon ng timbang na pananaw sa kaluguran. Itinalaga niya ang kaniyang buhay sa paggawa ng kalooban ni Jehova, at hindi siya kailanman lumabag sa mga batas at simulain ng Diyos. Inasikaso niya ang pangangailangan ng iba, kahit pagod na siya. (Mateo 14:13, 14) Oo, nagpaunlak si Jesus sa mga paanyaya sa pagkain at naglaan siya ng panahon para magpahinga. Sabihin pa, alam niyang may mga kaaway siya na pumupuna sa kaniya dahil sa paggawa ng mga bagay na ito. Sinabi nila sa kaniya: “Narito! Isang taong matakaw at mahilig uminom ng alak.” (Lucas 7:34; 10:38; 11:37) Pero hindi naniniwala si Jesus na kailangan mong pagkaitan ang iyong sarili ng lahat ng magagandang bagay sa buhay para lamang masabing totoo ang iyong debosyon sa Diyos.

Maliwanag na isang katalinuhang iwasan ang labis na paglilibang. Kung uunahin natin sa ating buhay ang kaluguran at paglilibang, hindi tayo magiging tunay na maligaya at maaari nating maipagwalang-bahala ang mas mahahalagang bagay, pati na ang ating kaugnayan sa Diyos. Gayunman, hindi natin dapat pagkaitan ang ating sarili ng lahat ng kaluguran ni punahin man ang iba na naglilibang sa timbang na paraan.​—Eclesiastes 2:24; 3:1-4.

Nagdudulot ng Kaligayahan ang Timbang na Pamumuhay

Isinulat ng alagad na si Santiago: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Santiago 3:2) Baka ganiyan mismo ang nararanasan natin habang sinisikap nating iwasan ang pagpapakalabis. Ano ang tutulong sa atin na makapanatiling timbang? Kailangang alamin natin ang ating magagandang katangian at mga kahinaan. Hindi madali ang gayong pagsusuri sa sarili. Baka napapalabis na tayo nang hindi natin namamalayan. Kaya isang katalinuhan na manatiling malapit sa ibang may-gulang na mga Kristiyano at makinig sa kanilang timbang na payo. (Galacia 6:1) Maaari tayong humingi ng payo sa isang pinagtitiwalaang kaibigan o makaranasang elder sa kongregasyon. Bukod sa Kasulatan mismo, ang gayong payo na salig sa Bibliya ay magsisilbing “salamin” para masuri natin kung timbang ba talaga tayo sa paningin ni Jehova.​—Santiago 1:22-25.

Mabuti na lamang at makaiiwas tayo sa pagpapakalabis. Sa pamamagitan ng determinasyon at ng pagpapala ni Jehova, maaari tayong maging timbang at maligaya. Bubuti ang kaugnayan natin sa ating Kristiyanong mga kapatid, at maaari pa nga tayong maging mas mahuhusay na huwaran sa mga taong pinangangaralan natin. Higit sa lahat, mas lalo nating matutularan ang ating timbang at maibiging Diyos, si Jehova.​—Efeso 5:1.

[Picture Credit Line sa pahina 28]

© Greg Epperson/​age fotostock