Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus

Tungkol sa Tunay na Diyos

Tungkol sa Tunay na Diyos

May pangalan ba ang Diyos?

Itinuro ni Jesus na may pangalan ang Diyos. Sinabi ni Jesus: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’” (Mateo 6:9) Ipinakikilala sa Bibliya na ang pangalan ng Diyos ay Jehova. (Awit 83:18) May kinalaman sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama sa panalangin: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan.”​—Juan 17:26.

Sino si Jehova?

Tinawag ni Jesus si Jehova bilang “ang tanging tunay na Diyos” dahil si Jehova ang Maylalang. (Juan 17:3) Sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae?” (Mateo 19:4) Sinabi rin ni Jesus: “Ang Diyos ay Espiritu.” (Juan 4:24) Kaya hindi natin nakikita ang Diyos.​—Exodo 33:17-20.

Ano ang hinihiling sa atin ng Diyos?

Nang tanungin si Jesus kung alin ang pinakadakilang utos, sumagot siya: “Ang una ay, ‘Dinggin mo, O Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.’ Ang ikalawa ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”​—Marcos 12:28-31.

Paano natin maipakikitang iniibig natin ang Diyos?

Sinabi ni Jesus: “Iniibig ko ang Ama.” Paano niya ipinakita ang kaniyang pag-ibig? “Kung ano ang utos na ibinigay sa akin ng Ama,” ang sabi niya, “gayon ang aking ginagawa.” (Juan 14:31) Sinabi rin niya: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:29) Para mapasaya ang Diyos, kailangan natin siyang makilala. Habang ipinananalangin ang kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.”​—Juan 17:3; 1 Timoteo 2:4.

Paano natin makikilala ang Diyos?

Ang isang paraan para makilala ang Diyos ay kung pagmamasdan natin ang kaniyang mga ginawa. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, sapagkat hindi sila naghahasik ng binhi o gumagapas o nagtitipon sa mga kamalig; gayunman ay pinakakain sila ng inyong makalangit na Ama. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” Ang ibig sabihin ni Jesus? Hindi dapat maging dahilan ang pagkabahala sa ating materyal na mga pangangailangan para hindi na tayo maglingkod sa Diyos.​—Mateo 6:26-33.

Ang pinakamagandang paraan para makilala si Jehova ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Tinawag ni Jesus ang Kasulatan bilang ang “salita ng Diyos.” (Lucas 8:21) Sinabi ni Jesus sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.”​—Juan 17:17; 2 Pedro 1:20, 21.

Tinulungan ni Jesus ang mga tao na malaman ang katotohanan tungkol kay Jehova. Tungkol kay Jesus, ganito ang sinabi ng isa sa kaniyang mga alagad: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?” (Lucas 24:32) Para makilala ang Diyos, dapat tayong maging mapagpakumbaba at handang magpaturo. Sinabi ni Jesus: “Malibang kayo ay manumbalik at maging gaya ng mga bata, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit.”​—Mateo 18:3.

Bakit nagpapasaya ang kaalaman tungkol sa Diyos?

Sinasapatan ng Diyos ang ating pangangailangang maunawaan ang layunin ng buhay. Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Itinuturo sa atin ni Jehova ang pinakamagandang paraan ng pamumuhay. “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” ang sabi ni Jesus.​—Lucas 11:28; Isaias 11:9.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 1 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *

[Talababa]

^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 16]

“Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan.”​—Juan 17:26

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Makikilala natin si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang mga nilalang at ng Bibliya