Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinamaan ng Sakuna ang Solomon Islands

Tinamaan ng Sakuna ang Solomon Islands

Tinamaan ng Sakuna ang Solomon Islands

Noong Lunes, Abril 2, 2007, isang lindol na may lakas na 8.1 ang yumanig sa mga isla sa Solomon Islands, isang kapuluan sa tropiko sa hilagang-silangan ng Australia. Sa loob lamang ng ilang minuto, ang mga isla sa Western Province ay hinampas ng napakalalaking alon, ang ilan ay iniulat na sampung metro ang taas, anupat 52 katao ang namatay at 6,000 ang nawalan ng tirahan.

Isa sa pinakamatinding napinsala ang Gizo, isang bayan sa baybayin ng Ghizo Island na mga 7,000 ang naninirahan, 45 kilometro lamang ang layo mula sa sentro ng lindol. Isang maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Gizo ang handa na para sa pagdiriwang ng taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus nang gabing iyon. (1 Corinto 11:23–26) Gaya ng dati, maganda ang sikat ng araw at kalmado ang dagat. Pero pagsapit ng 7:39 n.u., bigla na lamang lumindol.

Lindol!

Si Ron Parkinson, isang elder sa kongregasyon, at ang kaniyang asawang si Dorothy ay naghahanda ng almusal nang lumindol. “Nagmistulang sumasayaw na puno ng niyog ang aming bahay pero hindi ito bumagsak,” ang sabi ni Ron. “Napakaingay. Nagbagsakan ang mga paminggalan, muwebles, piyano, at iba pang mga gamit sa bahay. Nahirapan kaming makalabas. Nasugatan si Dorothy nang makatapak siya ng basag na bote.”

Dali-dali ring lumabas ang mga misyonerong sina Tony at Christine Shaw na nakatira sa malapit. “Napakalakas ng pagyanig kaya natumba ako at hindi makatayo,” ang sabi ni Christine. “Nakalutang ang mga bahay sa dagat. Tinangay ang mga ito ng isang napakalaking alon. Sakay ng kanilang mga bangka, walang tigil ang mga tao sa paghahanap sa mga nakaligtas. Pagkatapos, lumindol uli nang malakas​—at sinundan ito ng isa pa. Nagpatuloy ang mga pagyanig sa loob ng limang araw. Nakakatakot!”

Sinundan ng Tsunami

Si Patson Baea ay nasa kanilang bahay sa isla ng Sepo Hite, mga anim na kilometro ang layo mula sa Gizo, nang lumindol. Ano ang nangyari kay Patson at sa kaniyang pamilya nang dumating ang sakuna?

Naaalaala ni Patson ang masaklap na nangyari sa kanila: “Tinakbo ko ang aking asawang si Naomi at aming apat na anak na nasa baybayin. Natumba sila dahil sa lindol pero ligtas naman sila. Nanginginig ang mga bata, at ang ilan ay umiiyak. Agad namin silang pinakalma ni Naomi.

“Napansin kong kakaiba ang galaw ng dagat. Tiyak na may paparating na tsunami. Malamang na lumubog ang aming maliit na isla. Delikado rin ang situwasyon ng nanay kong si Evalyn, na nakatira sa isang maliit na isla sa di-kalayuan. Pinasakay ko agad ang aking pamilya sa aming bangkang de-motor at pinuntahan namin siya para iligtas.

“Hindi pa kami nakalalayo nang iangat ng isang napakalaking alon ang aming bangka. Napakaalon ng dagat. Nang makarating kami kay Inay, tulala siya at di-alam ang gagawin at takot na takot kaya ayaw niyang lumusong sa tubig. Nilangoy ni Naomi at ng aking 15-taóng-gulang na anak na si Jeremy ang napakaalong dagat at tinulungan siyang makasakay sa bangka. Saka ko pinaharurot ang bangka palaot.

“Sa pagkakataong ito, umurong na nang husto ang dagat anupat makikita na ang mga bahura ng korales sa palibot ng mga isla. Saka biglang dumaluyong ang tubig at binaha ang dalawang isla. Nawasak ang bahay bakasyunan namin sa tabing-dagat. Pinasok din ng tubig ang aming bahay, anupat sinira ang marami sa aming mga gamit. Nang kumalma na ang dagat, isinalba namin ang aming mga Bibliya at aklat-awitan at nagpunta kami sa Gizo.”

Puro wasak na mga bahay ang makikita sa baybayin at nagkalat ang mga bangkay. Pinakamalaki ang pinsala sa kanlurang bahagi ng Ghizo Island. Di-kukulangin sa 13 nayon ang lubusang winasak ng isang alon na iniulat na umabot nang limang metro ang taas!

Nang gabing iyon, 22 katao ang nagtipon sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Gizo para sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Mabuti na lamang at walang isa man sa mga dumalo ang malubhang nasaktan. “Nawalan ng kuryente at nasira ang aming mga gasera,” ang sabi ni Ron na binanggit kanina. “Kaya nagpahayag si Brother Shaw sa liwanag ng flashlight. Sa gitna ng dilim, para kaming isang koro nang sabay-sabay naming awitin nang malakas ang mga awit ng pasasalamat kay Jehova.”

Pagtulong sa mga Nasalanta

Nang mabalitaan sa Honiara, ang kapital ng bansa, ang tungkol sa sakuna, kumilos agad ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova roon para magpadala ng tulong sa mga nasalanta. Sa pamamagitan ng telepono, nalaman agad na ligtas ang karamihan ng mga Saksi sa mga apektadong lugar. Nagpadala ng maaasahang mga indibiduwal para hanapin ang nag-iisang Saksi na nakatira sa Choiseul Island. Natagpuan siya na nasa mabuting kalagayan. Nagpadala rin ng pondo sa Gizo para ipambili ng mga kinakailangang suplay.

Nang may serbisyo na ng eroplano noong Huwebes, dumating sa Gizo ang mga kinatawan ng sangay. “Nagdala kami ng ilang kahon ng suplay,” ang sabi ni Craig Tucker, miyembro ng Komite ng Sangay. “Naiwan ang bagahe ng ibang mga pasahero dahil limitado lamang ang puwedeng dalhin pero tuwang-tuwa kami nang malaman naming lahat ng aming kahon ay nakarating nang ligtas. Kasama ang mga iyon sa mga unang kargada ng mga tulong na dumating sa lugar ng sakuna. Pagkaraan ng dalawang araw, dumating ang karagdagang mga suplay sakay ng bangka.”

Samantala, sina Tony Shaw at Patson Baea, kasama ang iba pang mga Saksi mula sa Gizo, ay bumiyahe nang dalawang oras sakay ng bangka para tulungan ang mga Saksing nakatira sa malayong isla ng Ranongga. Dahil sa lakas ng lindol, umangat ang islang ito, na 32 kilometro ang haba at 8 kilometro ang lapad, nang mahigit 2 metro mula sa dagat! Lumilitaw na nagkaroon ng tsunami sa kalapit na mga isla dahil sa biglang paggalaw ng tubig sa palibot ng islang ito.

“Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa kongregasyong iyon nang makita kami,” ang sabi ni Tony. “Ligtas naman sila at sa labas ng bahay na lamang nakatira dahil sa takot sa kasunod na mga pagyanig. Kami ang unang nakapagdala ng mga tulong na suplay sakay ng bangka. Bago kami umalis, sama-sama kaming nanalangin nang taos-puso kay Jehova bilang pasasalamat.”

Ganito ang sabi ni Patson: “Pagkalipas ng ilang araw, bumalik kami sa Ranongga para dalhin ang karagdagang mga suplay at hanapin ang isang pamilyang Saksi na nakatira sa isang dulong bahagi ng isla. Sa wakas, natagpuan namin si Matthew Itu at ang kaniyang pamilya na nagtayo ng tolda sa kakahuyan. Napaluha sila sa galak dahil hindi raw namin sila nalimutan! Winasak ng lindol ang kanilang bahay pati na ang karamihan ng mga gusali sa kanilang nayon. Pero ang una nilang inisip ay ang mapalitan ang kanilang mga Bibliya na nawala dahil sa sakuna.”

Papuri Mula sa mga Nagmamasid

Ang gayong pag-ibig Kristiyano ay napansin ng iba. “Isang peryodista na naging mapamuna sa mga ginagawang pangkalahatang pagtulong sa mga nasalanta ng lindol ang nasorpresa at humanga nang malaman niyang nakapagpadala agad ang mga Saksi ni Jehova ng mga pagkain, lona, at iba pang pangangailangan sa kanilang mga miyembro ilang araw lamang mula nang lumindol,” ang sabi ni Craig Tucker. “Positibo ang naging komento ng mga naninirahan sa nayon ng Ranongga sa ating mabilis na pagtulong pero inireklamo naman nila ang kakulangan ng tulong mula sa kanilang sariling simbahan,” ang sabi pa ni Patson. Isang babae ang bumulalas, “Napakabilis tumulong ng inyong organisasyon!”

Tinulungan din ng mga Saksi ang kanilang mga kapitbahay. “Habang dumadalaw sa isang ginawang pansamantalang ospital sa Gizo, nakita namin ang mag-asawang nakausap namin kamakailan,” ang sabi ni Christine Shaw. “Pareho silang nasaktan at natrauma nang husto. Nabitiwan ng babae ang kaniyang apo dahil sa paghampas ng tsunami at nalunod ang bata. Umuwi kami agad para kuhanan sila ng kinakailangang pagkain at damit. Ang laki ng pasasalamat nila.”

Totoo, higit pa sa materyal na tulong ang kailangan ng mga biktima ng sakuna. Kailangang-kailangan nila ng kaaliwan na tanging ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, lamang ang makapagbibigay. “Sinasabi ng ilang ministro ng relihiyon na pinaparusahan ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang mga kasalanan,” ang sabi ni Ron. “Pero ipinakita namin sa kanila mula sa Bibliya na hindi kailanman ang Diyos ang pinagmumulan ng kasamaan. Marami ang nagpasalamat sa amin dahil sa espirituwal na kaaliwang ito.”​—2 Corinto 1:3, 4; Santiago 1:13. *

[Talababa]

^ Tingnan ang artikulong “‘Bakit?’​—Pagsagot sa Pinakamahirap sa Lahat ng Tanong,” sa Nobyembre 2006 na isyu ng Gumising!, pahina 3–9. Daan-daang kopya ng isyung ito ang ipinamahagi sa Gizo pagkatapos ng sakuna.

[Dayagram/​Mga Mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Choiseul

Ghizo

Gizo

Ranongga

HONIARA

AUSTRALIA

[Larawan sa pahina 15]

Ang pamilya Baea sakay ng kanilang bangkang de-motor

[Larawan sa pahina 15]

Pinsala ng tsunami sa Gizo

[Larawan sa pahina 15]

Ang Kingdom Hall na ito lamang ang gusaling naiwang nakatayo sa Lale sa Ranongga Island