Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Namatay ang Isang Minamahal

Kapag Namatay ang Isang Minamahal

Kapag Namatay ang Isang Minamahal

Noong Martes, Hulyo 17, 2007, mga alas siyete ng gabi, dumulas ang mga gulong ng isang pampasaherong eroplano sa runway ng pinakaabalang paliparan sa Brazil, na nasa sentro ng São Paulo. Tumawid ang eroplano sa isang pangunahing lansangan at bumangga sa isang bodega ng kargamento. Mga 200 katao ang namatay sa aksidenteng iyon.

ANG inilarawan bilang pinakamalubhang sakuna sa kasaysayan ng pampasaherong eroplano sa Brazil ay hindi na mabubura sa alaala ng mga nawalan ng mahal sa buhay. Isa si Claudete sa mga namatayan. Nanonood siya ng telebisyon nang makita niya ang balita tungkol sa bumagsak na eroplano. Nakasakay sa eroplanong iyon ang kaniyang anak na si Renato. Siya ay 26 anyos lamang at plano na niyang magpakasal sa Oktubre. Paulit-ulit siyang tinawagan ni Claudete sa kaniyang cellphone, pero walang sumasagot. Napaupo na lamang si Claudete sa sahig at napahagulhol.

Namatay ang kasintahan ni Antje sa isang masaklap na aksidente sa sasakyan noong Enero 1986. Nang mabalitaan niya ang nangyari, natulala siya. “Hindi talaga ako makapaniwala noong una. Pakiramdam ko, isang masamang panaginip lang iyon at bigla na lamang akong magigising at malalamang hindi iyon totoo. Nanginginig ako at parang may sumuntok sa sikmura ko dahil sa matinding kirot.” Sa sumunod na tatlong taon, nakaranas ng depresyon si Antje. Kahit mahigit 20 taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang aksidente, nanginginig pa rin siya kapag naaalaala niya ang nangyari.

Hindi kayang ilarawan ng salita ang napakatinding pagkabigla at kawalang pag-asa na maaaring madama ng isa. Baka hindi niya matanggap ang nangyari o wala na siyang maramdaman dahil sa masaklap at di-inaasahang pagkamatay ng isang minamahal. Ngunit kahit inaasahan pa ang kamatayan ng isang mahal sa buhay, halimbawa, dahil sa matagal na pagkakasakit, maaaring matindi pa rin ang madamang pamimighati. Walang sinuman ang talagang makapagsasabi na handa na siyang mamatayan ng isang minamahal. Namatay ang nanay ni Nanci noong 2002 matapos ang matagal na pagkakasakit. Pero nang mismong araw na mamatay ang kaniyang ina, napaupo na lamang si Nanci sa sahig ng ospital at natulala. Para sa kaniya, waring wala nang kabuluhan ang buhay. Limang taon na ang lumipas, pero naiiyak pa rin siya kapag naiisip niya ang kaniyang ina.

“Hindi kailanman nawawala ang kirot na nadarama ng mga tao dahil sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay, nakakasanayan na lamang nila ito,” ang sabi ni Dra. Holly G. Prigerson. Kung namatayan ka na ng mahal sa buhay, inaasahan mo man ito o hindi, maaaring maitanong mo: ‘Normal lang ba ang mamighati? Paano ko haharapin ang pagkamatay ng isang minamahal? Makikita ko pa bang muli ang aking mahal sa buhay?’ Tatalakayin ang mga ito sa susunod na artikulo pati na ang iba pang posibleng tanong mo.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

EVERTON DE FREITAS/AFP/Getty Images