Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Mo Makakayanan ang Pamimighati

Kung Paano Mo Makakayanan ang Pamimighati

Kung Paano Mo Makakayanan ang Pamimighati

“Lumapit sa kanya [kay Jacob] ang lahat niyang anak na lalaki at babae para aliwin siya, ngunit hindi siya maaliw. ‘Hindi,’ wika niya, ‘magluluksa ako hanggang magkasama kami ng anak ko sa libingan.’ Kaya nanangis siya dahil sa kanyang anak.”​—GENESIS 37:35, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

GAYON na lamang ang pamimighati ng patriyarkang si Jacob dahil sa pagkamatay ng kaniyang anak. Para sa kaniya, magdadalamhati siya hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan. Tulad ni Jacob, baka madama mong napakasakit mamatayan ng isang minamahal anupat hindi na mawawala pa ang kirot na dulot nito. Ang gayon bang matinding pamimighati ay palatandaan ng kawalan ng pananampalataya sa Diyos? Hindi!

Inilalarawan ng Bibliya si Jacob bilang isang taong may pananampalataya. Pinapurihan si Jacob, gaya ng lolo niyang si Abraham at ng ama niyang si Isaac, dahil sa kaniyang pambihirang pananampalataya. (Hebreo 11:8, 9, 13) May pagkakataon pa ngang nakipagbuno siya sa isang anghel nang buong magdamag para bigyan siya ng pagpapala mula sa Diyos! (Genesis 32:24-30) Maliwanag na matibay ang kaugnayan ni Jacob sa Diyos. Kung gayon, ano ang matututuhan natin sa pamimighati ni Jacob? Makikita natin na kahit may matibay na pananampalataya sa Diyos ang isang tao, puwede pa rin siyang makadama ng matinding pamimighati at lumbay. Ang pamimighati ay normal at natural na reaksiyon kapag namatay ang isang minamahal.

Ano ang Pamimighati?

Maaari tayong maapektuhan ng pamimighati sa iba’t ibang paraan, ngunit para sa marami, ang pinakamahirap harapin ay ang naidudulot nitong matinding kirot sa damdamin. Kuning halimbawa ang karanasan ni Leonardo, na 14 anyos pa lamang nang biglang mamatay ang tatay niya dahil sa sakit sa puso at palahingahan. Hinding-hindi malilimutan ni Leonardo ang araw nang ibalita ito sa kaniya ng tiyahin niya. Noong una, ayaw niyang maniwala na talagang namatay ang tatay niya. Nakita niya ang bangkay ng kaniyang ama sa punerarya, pero parang guniguni lamang ito sa kaniya. Sa loob ng anim na buwan, hindi magawang umiyak ni Leonardo. Madalas na nakikita na lamang niya ang kaniyang sarili na hinihintay ang kaniyang ama na dumating galing sa trabaho. Umabot ng mga isang taon bago niya natanggap na patay na ang kaniyang ama. Pero ngayon, pakiramdam naman niya ay nag-iisa na lamang siya sa mundo. Kahit ang karaniwang mga bagay​—gaya ng pag-uwi sa kanilang bahay na walang tao​—ay nagpapaalaala sa kaniya na wala na ang kaniyang ama. Sa gayong mga pagkakataon, madalas na napapahagulhol na lamang siya. Talagang hinahanap-hanap niya ang kaniyang ama!

Gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Leonardo, maaaring maging napakatindi ng pamimighati. Mabuti na lamang at puwedeng makayanan ito. Pero kailangan ng panahon. Kung paanong nangangailangan ng panahon para maghilom ang isang malaking sugat, gayon din ang pangungulila. Baka kailanganin ng maraming buwan, ilang taon, o higit pa nga bago makayanan ang pamimighati. Pero ang matinding kirot na nadarama mo sa simula ay unti-unti ring mababawasan, at manunumbalik din ang sigla at kulay ng buhay.

Samantala, ang pamimighati ay sinasabing mahalagang bahagi ng paghihilom at pagkatutong harapin ang bagong kalagayan. May puwang na sa ating buhay. Kailangan nating matutong mabuhay nang wala ang taong iyon. Ang pamimighati ay makatutulong upang maipahayag mo ang iyong damdamin. Sabihin pa, hindi pare-pareho ang paraan ng pamimighati ng bawat isa. Pero waring totoo sa lahat ang isang bagay: Ang pagsisikap na pigilan ang iyong pamimighati ay maaaring makaapekto sa iyong isipan, damdamin, at kalusugan. Kaya paano mo maipahahayag ang pamimighati sa kapaki-pakinabang na mga paraan? May ilang praktikal na payo ang Bibliya. *

Kung Paano Makakayanan ang Pamimighati

Natuklasan ng maraming namimighati na malaki ang naitutulong ng pakikipag-usap upang masabi nila ang kanilang nadarama. Halimbawa, pansinin ang mga pananalita ng tauhan sa Bibliya na si Job, na namatayan ng lahat ng kaniyang sampung anak at nakaranas ng iba pang mga trahedya. Sinabi niya: “Ang aking kaluluwa ay talagang naririmarim sa aking buhay. Ako ay magbubulalas ng aking pagkabahala tungkol sa aking sarili. Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 1:2, 18, 19; 10:1) Pansinin na kailangang ‘ibulalas’ ni Job ang kaniyang mga ikinababahala. Paano niya ito gagawin? “Ako ay magsasalita,” ang sabi niya.

Si Paulo, na namatayan ng ina, ay nagsabi: “Ang isa sa mga bagay na nakatulong sa akin ay ang pakikipag-usap sa iba hinggil sa aking ina.” Kaya maaaring maibsan ang nadarama mong kirot kung ipakikipag-usap mo ito sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. (Kawikaan 17:17) Nang mamatay ang ina ni Yone, hiniling niya sa kaniyang mga Kristiyanong kapatid na dalawin siya nang mas madalas. “Natulungan ako ng pakikipag-usap sa iba na maibsan ang kirot na nadarama ko,” ang sabi niya. Baka makatulong din sa iyo ang pagsasabi ng iyong nadarama sa isang madamaying tagapakinig upang mas madali mo itong makayanan.

Makatutulong din ang pagsusulat upang masabi mo ang iyong nadarama. Baka mas madali para sa ilan na nahihirapang ipakipag-usap sa iba ang kanilang nadarama, na ipahayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsulat. Nang mamatay sina Saul at Jonatan, sumulat ang tapat na taong si David ng isang awit ng pamimighati kung saan ibinuhos niya ang kaniyang kalungkutan. Nang dakong huli, naging bahagi ng aklat ng Bibliya na Ikalawang Samuel ang makabagbag-damdaming panambitang ito.​—2 Samuel 1:17-27.

Makatutulong din ang pag-iyak upang maipahayag mo ang iyong nadarama. “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, isang panahon nga . . . ng pagtangis,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 3:1, 4) At talagang ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay ay “panahon ng pagtangis.” Hindi dapat ikahiya ang pagluha dahil sa pamimighati. Mababasa sa Bibliya ang maraming halimbawa ng tapat na mga lalaki at babae na malayang ipinahayag ang kanilang pamimighati sa pamamagitan ng pag-iyak. (Genesis 23:2; 2 Samuel 1:11, 12) “Lumuha” si Jesu-Kristo noong malapit na siya sa libingan ng kaniyang mahal na kaibigang si Lazaro, na namatay ilang araw pa lamang ang nakalilipas.​—Juan 11:33, 35.

Kailangan ng pagtitiis para makayanan ang pamimighati, dahil maaaring maging lubhang pabagu-bago ang iyong damdamin. Tandaan na hindi mo dapat ikahiya ang pagluha. Nasumpungan ng maraming tapat na indibiduwal na ang pagluha ay normal at nakatutulong sa unti-unting paghihilom ng kirot ng pamimighati.

Maging Malapít sa Diyos

Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Ang isa sa pangunahing paraan ng paglapit sa Diyos ay ang pananalangin. Huwag maliitin ang kahalagahan nito! Ganito ang nakaaaliw na pangako ng Bibliya: “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.” (Awit 34:18) Tinitiyak din nito sa atin: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Pag-isipan ito. Gaya ng nalaman na natin, napatunayan ng marami na nakatulong sa kanila ang pagsasabi ng nadarama nila sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. Hindi ba’t lalong makatutulong kung ibubuhos mo ang iyong nadarama sa Diyos na nangangakong aaliwin ang ating puso?​—2 Tesalonica 2:16, 17.

Si Paulo, na nabanggit na, ay nagsabi: “Kapag hindi ko na matiis ang kirot at parang hindi ko na makaya ito, lumuluhod ako at nananalangin sa Diyos. Nagsusumamo ako sa kaniya na tulungan ako.” Kumbinsido si Paulo na nakatulong sa kaniya ang pananalangin. Baka masumpungan mo rin na bilang sagot sa iyong marubdob na mga panalangin, ipagkakaloob sa iyo ng “Diyos ng buong kaaliwan” ang kinakailangan mong lakas at tibay ng loob upang makayanan ito.​—2 Corinto 1:3, 4; Roma 12:12.

Ang Pag-asang Pagkabuhay-Muli

Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.” (Juan 11:25) Itinuturo ng Bibliya na muling mabubuhay ang mga patay. * Noong narito pa sa lupa si Jesus, ipinakita niya na kaya niyang bumuhay ng mga patay. Sa isang pagkakataon, binuhay niyang muli ang isang 12 anyos na batang babae. Ano ang naging reaksiyon ng mga magulang ng bata? “Halos mawala sila sa kanilang sarili sa napakasidhing kagalakan.” (Marcos 5:42) Sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, bubuhaying-muli ng makalangit na Haring si Jesu-Kristo ang di-mabilang na mga tao upang manirahan dito sa lupa​—ngunit sa panahong umiiral na ang kapayapaan at katuwiran. (Gawa 24:15; 2 Pedro 3:13) Isipin na lamang ang napakasidhing kagalakang madarama natin kapag binuhay-muli ang mga patay at muli nilang nakapiling ang kanilang mga mahal sa buhay!

Inilagay ni Claudete, na namatayan ng anak dahil sa aksidente sa eroplano, ang litrato ng kaniyang anak na si Renato sa pintuan ng kanilang repridyeretor. Madalas niyang tinitingnan ang larawan at sinasabi sa kaniyang sarili, ‘Magkikita tayong muli, sa pagkabuhay-muli.’ Inilalarawan naman ni Leonardo sa kaniyang isipan na muling mabubuhay ang kaniyang ama sa bagong sanlibutang ipinangako ng Diyos. Oo, ang pag-asang pagkabuhay-muli ay isang tunay na kaaliwan para sa kanila at sa maraming iba pa na namatayan ng mahal sa buhay. Maaari din itong maging kaaliwan sa iyo!

[Mga talababa]

^ Para sa pagtalakay kung paano matutulungan ang mga anak na maharap ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay, tingnan ang artikulong “Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati,” sa pahina 18 hanggang 20 ng magasing ito.

^ Para sa higit pang pagtalakay sa pag-asang pagkabuhay-muli na nasa Bibliya, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/​Larawan sa pahina 7]

“Ang Diyos ng Buong Kaaliwan”

“Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan.”​—2 Corinto 1:3.

Ipinakikita ng talatang ito sa Bibliya na matutulungan ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod na makayanan ang anumang problema o hamon na maaaring mapaharap sa kanila. Ang isang paraan na mailalaan ni Jehova ang kaaliwang ito ay sa pamamagitan ng isang kaibigan o mahal sa buhay na kapareho mo ng pananampalataya.

Naaalaala pa ni Leonardo, na namatayan ng ama, ang isang karanasan na nagbigay sa kaniya ng lakas at kaaliwan. Kararating lamang niya sa bahay nila nang maalaala niyang wala palang tao roon, kaya hindi na niya napigilang mapahagulhol. Nagpunta siya sa isang kalapit na parke, naupo sa isang bangko, at nagpatuloy sa pag-iyak. Habang umiiyak, nagsumamo siya sa Diyos na tulungan siya. Biglang-bigla, isang van ang huminto malapit sa kaniya, at namukhaan ni Leonardo na ang drayber pala nito ay isa sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano. Naghahatid ng produkto ang kapatid at nagkamali lamang siya ng nilikuan. Sapat na ang makita siya ni Leonardo upang maaliw ito.

Minsan naman, isang balong lalaki ang nangungulila at lumung-lumo. Iyak siya nang iyak dahil parang pinagsakluban siya ng langit at lupa. Nagsumamo siya sa Diyos na tulungan siya. Habang nananalangin siya, tumunog ang telepono. Ang kaniyang apong babae ang tumawag. Naaalaala pa niya: “Ang aming maikling pag-uusap ay sapat na para magkaroon uli ako ng lakas ng loob. Hindi ko talaga maiwasang isipin na ang kaniyang tawag ang sagot sa panalangin ng isang humihingi ng tulong.”

[Kahon sa pahina 9]

Pagbibigay ng Kaaliwan sa Iba

“[Ang Diyos ang] umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian, upang maaliw namin yaong mga nasa anumang uri ng kapighatian sa pamamagitan ng kaaliwan na ipinang-aaliw din naman sa amin ng Diyos.”​—2 Corinto 1:4.

Naranasan mismo ng maraming tunay na Kristiyano ang kahulugan ng mga pananalitang iyan. Palibhasa’y inaliw sila ng iba upang makayanan ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay, nasumpungan nilang nasa kalagayan naman sila ngayon para magbigay ng pampatibay-loob at kaaliwan sa iba.

Kuning halimbawa si Claudete, na regular na dumadalaw sa iba upang ibahagi ang kaniyang mga paniniwala na salig sa Bibliya. Bago mamatay ang anak ni Claudete, dinadalaw niya ang isang babae na namatayan ng anak dahil sa lukemya. Natutuwa ang babae sa mga pagdalaw na ito, pero para sa kaniya, hindi kailanman maiintindihan ni Claudete ang kirot na nadarama niya. Gayunpaman, nang mamatay ang anak ni Claudete, dinalaw ng babae si Claudete upang alamin kung may pananampalataya pa rin siya sa Diyos ngayong namatay ang anak niya. Palibhasa’y humanga sa matibay na pananampalataya ni Claudete, regular nang nakikipag-aral ng Bibliya sa kaniya ang babaing ito at nakadarama ng malaking kaaliwan mula sa Salita ng Diyos.

Nang mamatay ang ama ni Leonardo, nagpasiya siyang mag-aral ng sign language upang maibahagi niya ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya sa mga bingi. Nakita niya na lubha siyang nakinabang sa kaniyang mga pagsisikap na tulungan ang mga bingi. Sinabi niya: “Ang isa sa mga bagay na nakatulong sa akin na makayanan ang pamimighati ay ang pagnanais kong tulungan ang mga bingi na matuto tungkol sa Diyos. Malaking panahon at pagsisikap ang inilaan ko para tulungan sila. Ang aking kalungkutan ay napalitan ng kagalakan nang makita kong nabautismuhan ang aking unang estudyante sa Bibliya! Ang totoo, ngayon na lang uli ako nakadama ng matinding kaligayahan mula nang mamatay ang tatay ko.”​—Gawa 20:35.

[Larawan sa pahina 5]

Maaaring maibsan ang iyong nadarama kung ipakikipag-usap mo ito sa iba

[Larawan sa pahina 6]

Makatutulong ang pagsusulat upang maipahayag mo ang iyong pamimighati

[Larawan sa pahina 6]

Maaaring pagmulan ng tunay na kaaliwan ang pagbabasa ng tungkol sa pag-asang pagkabuhay-muli

[Larawan sa pahina 8, 9]

Nangako si Jesus na bubuhayin niyang muli ang mga nananampalataya sa kaniya