Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi Iiwan ni Jehova ang Kaniyang mga Matapat

Hindi Iiwan ni Jehova ang Kaniyang mga Matapat

Hindi Iiwan ni Jehova ang Kaniyang mga Matapat

‘Hindi iiwan ni Jehova ang kaniyang mga matapat. Hanggang sa panahong walang takda ay tiyak na babantayan sila.’​—AWIT 37:28.

1, 2. (a) Anong mga pangyayari noong ikasampung siglo B.C.E. ang sumubok sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos? (b) Sa anong tatlong situwasyon binantayan ni Jehova ang kaniyang mga matapat?

 IKASAMPUNG siglo B.C.E. noon at panahon iyon ng pagpapasiya. Muntik nang sumiklab ang isang gera sibil kung hindi lamang binigyan ng kaunting kalayaan ang di-kontentong mga tribo sa hilaga ng Israel. Kumilos agad ang kanilang bagong-hirang na hari, si Jeroboam, para palakasin ang kaniyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang bagong relihiyon ng Estado. Pilit niyang pinasusunod ang kaniyang mga sakop. Ano ang gagawin ng tapat na mga lingkod ni Jehova? Mananatili kaya silang tapat sa sinasamba nilang Diyos? Libu-libo ang nanatiling tapat, at binantayan sila ni Jehova habang napananatili nila ang kanilang integridad.​—1 Hari 12:1-33; 2 Cro. 11:13, 14.

2 Sa ngayon, sinusubok din ang katapatan ng mga lingkod ng Diyos. “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay,” ang babala ng Bibliya. “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” Magtatagumpay kaya tayo sa ‘paninindigan laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya’? (1 Ped. 5:8, 9) Suriin natin ang ilang pangyayari sa inagurasyon ni Haring Jeroboam noong 997 B.C.E. at tingnan kung ano ang matututuhan natin mula sa mga ito. Sa mahirap na panahong iyon, sinisiil ang mga tapat na lingkod ni Jehova. Nakahantad din sila sa impluwensiya ng apostasya habang nagsasagawa sila ng mahihirap na atas. Sa bawat isa sa mga situwasyong ito, hindi iniwan ni Jehova ang kaniyang mga matapat, at hindi rin naman niya sila iiwan sa ngayon.​—Awit 37:28.

Kapag Sinisiil

3. Bakit hindi mapaniil ang pamamahala ni Haring David?

3 Suriin muna natin ang mga kalagayan noong maging hari si Jeroboam. Sinasabi ng Kawikaan 29:2: “Kapag ang balakyot ang may hawak ng pamamahala, ang bayan ay nagbubuntunghininga.” Sa ilalim ng pamamahala ni Haring David ng sinaunang Israel, hindi nagbuntunghininga ang bayan. Hindi sakdal si David pero tapat siya sa Diyos at nagtiwala siya sa Kaniya. Ang pamamahala ni David ay hindi mapaniil. Nakipagtipan si Jehova kay David: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tiyak na magiging matatag hanggang sa panahong walang takda sa harap mo; ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.”​—2 Sam. 7:16.

4. Sa ano nakadepende ang tinatamasang mga pagpapala noon sa pamamahala ni Solomon?

4 Noong una, mapayapa at masagana ang kalagayan sa ilalim ng pamamahala ng anak ni David na si Solomon anupat angkop itong lumalarawan sa darating na Milenyong Paghahari ni Kristo Jesus. (Awit 72:1, 17) Wala ni isa man sa 12 tribo ng Israel noon ang may dahilan para maghimagsik. Pero ang tinatamasang mga pagpapala ni Solomon at ng kaniyang mga sakop ay may kondisyon. Sinabi ni Jehova kay Solomon: “Kung lalakad ka sa aking mga batas at isasagawa ang aking mga hudisyal na pasiya at talagang tutuparin ang lahat ng aking mga utos sa pamamagitan ng paglakad sa mga iyon, tiyak na tutuparin ko rin ang aking salita sa iyo na sinalita ko kay David na iyong ama; at tatahan nga ako sa gitna ng mga anak ni Israel, at hindi ko iiwan ang aking bayang Israel.”​—1 Hari 6:11-13.

5, 6. Ano ang ibinunga ng kawalang-katapatan ni Solomon sa Diyos?

5 Noong matanda na si Solomon, hindi na siya naging tapat kay Jehova at nagsimula nang masangkot sa huwad na pagsamba. (1 Hari 11:4-6) Unti-unting tumigil si Solomon sa pagsunod sa mga kautusan ni Jehova at naging mapaniil. Gayon na lamang ito katindi anupat kahit patay na siya, patuloy pa ring nagrereklamo ang mga tao sa kaniyang anak at kahalili, si Rehoboam, at humihiling sila ng kaginhawahan. (1 Hari 12:4) Ano ang nadama ni Jehova sa kawalang-katapatan ni Solomon?

6 Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Si Jehova ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kaniyang puso ay kumiling upang lumayo [sa] Diyos ng Israel, na siyang nagpakita sa kaniya nang makalawang ulit.” Sinabi ni Jehova kay Solomon: “Sa dahilang . . . hindi mo tinupad ang aking tipan at ang aking mga batas na ibinigay ko bilang utos sa iyo, walang pagsalang pupunitin ko ang kaharian mula sa iyo, at ibibigay ko nga ito sa iyong lingkod.”​—1 Hari 11:9-11.

7. Bagaman itinakwil si Solomon, paano pinangalagaan ni Jehova ang Kaniyang mga matapat?

7 Pagkatapos, isinugo ni Jehova si propeta Ahias para pahiran ang isang tagapagligtas. Ang tagapagligtas na iyon ay si Jeroboam, isang mahusay na lalaking naging lingkod ni Haring Solomon. Bagaman nanatiling tapat si Jehova sa kaniyang pakikipagtipan kay David ukol sa Kaharian, pinahintulutan Niya na mahati sa dalawang grupo ang 12 tribo. Ibinigay kay Jeroboam ang sampung tribo; at nanatili naman ang dalawa sa linya ng pamilya ni David na kinakatawanan ni Haring Rehoboam. (1 Hari 11:29-37; 12:16, 17, 21) Sinabi ni Jehova kay Jeroboam: “Mangyayari nga, kung susundin mo ang lahat ng iuutos ko sa iyo, at lalakad ka nga sa aking mga daan at talagang gagawin ang tama sa aking paningin sa pamamagitan ng pagtupad sa aking mga batas at sa aking mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako rin ay sasaiyo, at ipagtatayo kita ng isang namamalaging sambahayan, gaya ng itinayo ko para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel.” (1 Hari 11:38) Kumilos si Jehova para sa kaniyang bayan at gumawa siya ng paraan para mapalaya sila mula sa paniniil.

8. Anong mga pagsubok ang sumisiil sa bayan ng Diyos sa ngayon?

8 Talamak sa ngayon ang paniniil at kawalang-katarungan. “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala,” ang sabi ng Eclesiastes 8:9. Ang sakim na komersiyo at tiwaling pamamahala ay maaaring magdulot ng mahirap na kalagayan sa ekonomiya. Ang mga lider ng pamahalaan, negosyo, at relihiyon ay karaniwan nang kakikitaan ng mababang moralidad. Kung gayon, tulad ng matuwid na si Lot, ang mga matapat ng Diyos sa ngayon ay ‘lubhang nababagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas.’ (2 Ped. 2:7) Karagdagan pa, kahit na sinisikap nating sumunod sa makadiyos na mga pamantayan nang hindi ginagambala ang iba, kadalasan nang nagiging tudlaan pa rin tayo ng pag-uusig ng mga palalong tagapamahala.​—2 Tim. 3:1-5, 12.

9. (a) Ano na ang nagawa ni Jehova para iligtas ang kaniyang bayan? (b) Bakit tayo makatitiyak na palaging magiging tapat si Jesus sa Diyos?

9 Gayunman, makatitiyak tayo sa saligang katotohanang ito: Hindi iiwan ni Jehova ang kaniyang mga matapat! Isip-isipin na lamang ang nagawa na niyang mga hakbang para palitan ang tiwaling mga tagapamahala ng sanlibutan. Itinatag na ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus. Halos isang daang taon nang namamahala si Jesu-Kristo sa langit. Malapit na niyang alisin ang lahat ng paghihirap ng mga natatakot sa pangalan ng Diyos. (Basahin ang Apocalipsis 11:15-18.) Napatunayan na ni Jesus ang kaniyang katapatan sa Diyos hanggang sa kamatayan. Hindi niya kailanman bibiguin ang kaniyang mga sakop, di-tulad ni Solomon.​—Heb. 7:26; 1 Ped. 2:6.

10. (a) Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang Kaharian ng Diyos? (b) Kapag nasa ilalim ng mga pagsubok, sa ano tayo makaaasa?

10 Ang Kaharian ng Diyos ay isang literal na pamahalaan na tatapos sa lahat ng paniniil. Ang ating katapatan ay para sa Diyos na Jehova at sa kaniyang kaayusan. Dahil sa lubos na pagtitiwala sa Kaharian, itinatakwil natin ang pagka-di-makadiyos ng sanlibutang ito at buong-sigasig nating itinataguyod ang maiinam na gawa. (Tito 2:12-14) Sinisikap nating manatiling walang batik mula sa sanlibutang ito. (2 Ped. 3:14) Anumang pagsubok ang mapaharap sa atin ngayon, makapagtitiwala tayo na poprotektahan tayo ni Jehova mula sa espirituwal na mga panganib. (Basahin ang Awit 97:10.) Karagdagan pa, tinitiyak sa atin ng Awit 116:15: “Mahalaga sa paningin ni Jehova ang kamatayan ng kaniyang mga matapat.” Napakahalaga kay Jehova ng kaniyang mga lingkod, anupat hindi niya hahayaang malipol sila bilang isang grupo.

Kapag Nakahantad sa Impluwensiya ng Apostasya

11. Paano naging di-tapat si Jeroboam?

11 Nakapagdulot sana ng kaginhawahan sa bayan ng Diyos ang pamamahala ni Haring Jeroboam. Pero ang mga ginawa niya ay lalo pang sumubok sa kanilang katapatan sa Diyos. Yamang hindi kontento sa karangalan at pribilehiyong ibinigay na sa kaniya, si Jeroboam ay nagsimulang humanap ng mga paraan para palakasin ang kaniyang posisyon. “Kung ang bayang ito ay patuloy na aahon upang magharap ng mga hain sa bahay ni Jehova sa Jerusalem,” ang katuwiran niya, “ang puso ng bayang ito ay tiyak na babalik sa kanilang panginoon, kay Rehoboam na hari ng Juda; at tiyak na papatayin nila ako at babalik kay Rehoboam na hari ng Juda.” Kaya nagtatag si Jeroboam ng isang bagong relihiyon na nakasentro sa dalawang ginintuang guya. “Pagkatapos ay inilagay niya ang isa sa Bethel, at ang isa ay inilagay niya sa Dan. At ang bagay na ito ay naging sanhi ng pagkakasala, at ang bayan ay nagsimulang pumaroon sa harap niyaong isa hanggang sa Dan. At nagsimula siyang gumawa ng isang bahay ng matataas na dako at mag-atas ng mga saserdote mula sa bayan sa pangkalahatan, na hindi mula sa mga anak ni Levi.” Umimbento pa nga si Jeroboam ng “kapistahan para sa mga anak ni Israel,” at “naghandog siya sa ibabaw ng altar upang gumawa ng haing usok.”​—1 Hari 12:26-33.

12. Ano ang ginawa ng mga matapat ng Diyos na nasa hilagang kaharian nang magtatag si Jeroboam sa Israel ng pagsamba sa guya?

12 Ano na ang gagawin ngayon ng mga matapat ng Diyos sa hilagang kaharian? Gaya ng kanilang tapat na mga ninuno, hindi nag-aksaya ng panahon ang mga Levita na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa kanila sa teritoryo ng hilagang kaharian. (Ex. 32:26-28; Bil. 35:6-8; Deut. 33:8, 9) Iniwan nila ang kanilang mga mana at lumipat sila sa timog ng Juda kung saan maipagpapatuloy nila ang pagsamba kay Jehova nang walang hadlang. (2 Cro. 11:13, 14) Pinili ng ibang mga Israelita na pansamantalang naninirahan sa Juda na manatili roon sa halip na umuwi pa. (2 Cro. 10:17) Tiniyak ni Jehova na mapanatiling bukás ang daan pabalik sa tunay na pagsamba upang sa mga susunod na henerasyon, talikuran ng ibang nasa hilagang kaharian ang pagsamba sa guya at bumalik sa Juda.​—2 Cro. 15:9-15.

13. Sa ating panahon, paano sinubok ng impluwensiya ng apostasya ang bayan ng Diyos?

13 Nanganganib ang bayan ng Diyos sa ngayon mula sa impluwensiya ng apostasya. May ilang tagapamahala na nagtatag ng sarili nilang relihiyon ng Estado anupat ginigipit ang kanilang mga sakop na tanggapin ito. Inangkin naman ng klero ng Sangkakristiyanuhan at ng iba pang mga pangahas ang espirituwal na pagkasaserdote. Gayunman, tanging sa mga tunay na Kristiyano lamang tayo makakakita ng mga tunay na pinahiran na siyang bumubuo sa “isang maharlikang pagkasaserdote.”​—1 Ped. 2:9; Apoc. 14:1-5.

14. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa apostasya?

14 Tulad ng tapat na mga Levita noong ikasampung siglo B.C.E., ang mga matapat ng Diyos sa ngayon ay hindi nalilinlang ng apostasya. Agad itong iniiwasan at itinatakwil ng mga pinahiran at ng kanilang mga kasamahang Kristiyano. (Basahin ang Roma 16:17.) Bagaman handa tayong magpasakop sa mga awtoridad ng pamahalaan, nananatili pa rin tayong neutral sa mga alitan sa sanlibutan at tapat sa Kaharian ng Diyos. (Juan 18:36; Roma 13:1-8) Itinatakwil natin ang maling pag-aangkin ng mga nagsasabing lingkod sila ng Diyos pero winawalang-dangal naman ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.​—Tito 1:16.

15. Bakit karapat-dapat sa ating katapatan ang “tapat at maingat na alipin”?

15 Isipin din ang katotohanang gumawa ng paraan si Jehova para makalabas, wika nga, ang mga tapat-pusong tao mula sa balakyot na sanlibutang ito tungo sa ginawa niyang espirituwal na paraiso. (2 Cor. 12:1-4) Dahil sa lubos na pasasalamat, nananatili tayong malapít sa “tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon.” Inatasan ni Kristo ang aliping ito “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mat. 24:45-47) Kung gayon, hindi man natin naiintindihan bilang indibiduwal ang isang partikular na desisyon ng uring alipin, wala tayong dahilan para itakwil ito at bumalik sa sanlibutan ni Satanas. Sa halip, ang pagkamatapat ang magpapakilos sa atin na magpakumbaba at maghintay ng paglilinaw ni Jehova sa mga bagay-bagay.

Kapag Nagsasagawa ng Bigay-Diyos na mga Atas

16. Anong atas ang tinanggap ng isang propeta mula sa Juda?

16 Hinatulan ni Jehova si Jeroboam dahil sa kaniyang apostatang mga gawa. Inatasan niya ang isang propeta mula sa Juda para maglakbay pahilaga sa Bethel at makipagkita kay Jeroboam habang nangangasiwa ito sa kaniyang altar. Isang matinding mensahe ng kapahamakan ang sasabihin ng propeta kay Jeroboam. Talagang mahirap na atas ito.​—1 Hari 13:1-3.

17. Paano ipinagsanggalang ni Jehova ang kaniyang mensahero?

17 Galit na galit si Jeroboam nang marinig niya ang kahatulan ni Jehova. Iniunat niya ang kaniyang kamay sa kinatawan ng Diyos at isinigaw sa mga lalaking naroroon: “Hulihin ninyo siya!” Pero sa isang iglap, bago pa man sila makakilos, “natuyot ang . . . kamay na iniunat niya laban sa kaniya, at hindi na niya iyon maiurong. At ang altar ay nabaak anupat ang abo ng taba ay natapon mula sa altar.” Napilitan si Jeroboam na hilingin sa propeta na palambutin ang mukha ni Jehova at ipanalanging manauli ang natuyot niyang kamay. Gayon nga ang ginawa ng propeta, at ang kamay ay gumaling. Sa gayong paraan ipinagsanggalang ni Jehova ang kaniyang mensahero mula sa kapahamakan.​—1 Hari 13:4-6.

18. Paano tayo binabantayan ni Jehova habang walang-takot tayong nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya?

18 Habang tapat tayong nakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad, napapaharap tayo kung minsan sa di-maganda, o pagalit pa nga, na pagtugon ng mga tao. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Pero hindi natin dapat kailanman hayaang mabawasan ang ating sigasig sa ministeryo dahil sa takot na tanggihan tayo ng mga tao. Gaya ng di-pinanganlang propeta noong panahon ni Jeroboam, mayroon tayong “pribilehiyo ng walang-takot na pag-uukol ng sagradong paglilingkod [kay Jehova] taglay ang pagkamatapat.” * (Luc. 1:74, 75) Bagaman hindi na tayo ngayon umaasa sa mga himala, patuloy pa rin si Jehova sa pagsasanggalang sa atin bilang kaniyang mga Saksi sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at mga anghel. (Basahin ang Juan 14:15-17; Apocalipsis 14:6.) Hinding-hindi iiwan ng Diyos ang mga patuloy na nagsasalita ng kaniyang salita nang walang takot.​—Fil. 1:14, 28.

Babantayan ni Jehova ang Kaniyang mga Matapat

19, 20. (a) Bakit tayo makatitiyak na hindi tayo iiwan ni Jehova? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?

19 Si Jehova ang ating matapat na Diyos. (Apoc. 15:4; 16:5) Siya ay “matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:17) At tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Babantayan niya ang mismong daan ng kaniyang mga matapat.” (Kaw. 2:8) Kapag napapaharap sa mga pagsubok o apostasya o kapag nagsasagawa ng mahirap na atas, makaaasa ang mga matapat ng Diyos sa patnubay at suporta ni Jehova.

20 Ito ang dapat pag-isipan ng bawat isa sa atin ngayon: Ano ang tutulong sa akin para mapanatili ko ang aking katapatan kay Jehova anumang pagsubok o tukso ang mapaharap sa akin? Sa ibang salita, paano ko mapatatatag ang aking katapatan sa Diyos?

[Talababa]

^ Tatalakayin sa susunod na artikulo kung nagpatuloy sa pagsunod kay Jehova ang propeta o hindi at kung ano ang nangyari sa kaniya.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano ipinakita ni Jehova na hindi niya iniiwan ang kaniyang mga matapat kapag sila ay sinisiil?

• Ano ang dapat na maging reaksiyon natin sa apostasya?

• Paano binabantayan ni Jehova ang kaniyang mga matapat habang sila ay nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mapa/​Larawan sa pahina 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

HILAGANG KAHARIAN (Jeroboam)

Dan

SIKEM

Bethel

TIMUGANG KAHARIAN (Rehoboam)

JERUSALEM

[Larawan]

Hindi iniwan ni Jehova ang kaniyang mga matapat nang pasimulan ni Jeroboam ang pagsamba sa guya

[Larawan sa pahina 3]

Ang tinatamasang mga pagpapala ni Solomon at ng kaniyang mga sakop ay may kondisyon