Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Labanan “ang Espiritu ng Sanlibutan”

Labanan “ang Espiritu ng Sanlibutan”

Labanan “ang Espiritu ng Sanlibutan”

“Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos.”​—1 COR. 2:12.

1, 2. (a) Bakit may mga ibong kanaryo noon sa mga minahan sa Britanya? (b) Anong panganib ang napapaharap sa mga Kristiyano?

 NOONG taóng 1911, ipinatupad ng mga awtoridad sa Britanya ang isang batas na makapagliligtas sa buhay ng mga minero ng karbon. Iniutos na ang bawat minahan ay dapat na may dalawang ibong kanaryo. Sa anong dahilan? Kapag may sumabog sa loob ng minahan, dadalhin ng mga tagasagip ang mga ibong ito sa loob ng minahan. Ang maliliit na ibong ito ay sensitibo sa mga nakalalasong gas, tulad ng carbon monoxide. Kapag may nakalalasong gas sa hangin, ang mga ibon ay hindi napapakali at bigla na lamang bumabagsak. Napakahalaga ng ganitong palatandaan. Nakamamatay ang carbon monoxide. Wala itong kulay at amoy, at pinahihinto nito ang mga pulang selula ng dugo sa pagdadala ng oksiheno sa katawan. Kaya kung wala ang gayong babala, hindi mapapansin ng mga tagasagip ang panganib hanggang sa malason sila, mawalan ng malay, at tuluyan nang mamatay.

2 Sa espirituwal na diwa, napapaharap ang mga Kristiyano sa isang kalagayang tulad ng sa mga minero. Paano? Nang atasan ni Jesus ang mga alagad na ipangaral ang mabuting balita sa buong daigdig, alam niya na isusugo niya sila sa isang mapanganib na kapaligiran, isa na nasa kapangyarihan ni Satanas at ng espiritu ng sanlibutan. (Mat. 10:16; 1 Juan 5:19) Labis na nabahala si Jesus sa kaniyang mga alagad anupat noong gabi bago siya mamatay, nanalangin siya sa kaniyang Ama: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot.”​—Juan 17:15.

3, 4. Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at bakit tayo dapat maging interesado rito?

3 Binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod tungkol sa panganib ng pagiging hindi mapagbantay sa mga impluwensiya sa paligid nila na maaaring humantong sa kanilang kamatayan. Lalong mahalaga sa atin ang kaniyang sinabi, yamang nabubuhay na tayo sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Hinimok niya ang kaniyang mga alagad: ‘Manatili kayong gising upang magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.’ (Luc. 21:34-36) Gayunpaman, sinabi rin ni Jesus na maglalaan ang kaniyang Ama ng banal na espiritu para maalaala nila ang mga bagay na kanilang natutuhan, manatili silang mapagbantay sa panahon na kanilang kinabubuhayan, at magkaroon sila ng lakas ng loob.​—Juan 14:26.

4 Kumusta naman tayo? Matutulungan din ba tayo ng banal na espiritu sa ngayon? Kung oo, ano ang dapat nating gawin para makatanggap tayo nito? Ano ang espiritu ng sanlibutan, at paano ito kumikilos? At paano tayo magtatagumpay laban sa espiritung ito ng sanlibutan?​—Basahin ang 1 Corinto 2:12.

Banal na Espiritu o Espiritu ng Sanlibutan?

5, 6. Ano ang maaaring gawin ng banal na espiritu para sa atin, at ano ang dapat nating gawin para makatanggap nito?

5 Ang banal na espiritu ng Diyos ay ipinagkaloob sa mga Kristiyano noong unang siglo at ipinagkakaloob din ito sa atin sa ngayon. Maaari tayong bigyan nito ng lakas na gawin ang tama at magpatuloy sa paglilingkod kay Jehova. (Roma 12:11; Fil. 4:13) Nagluluwal din ito sa atin ng kalugud-lugod na mga katangian, gaya ng pag-ibig, kabaitan, at kabutihan, na bahagi ng “mga bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22, 23) Gayunpaman, hindi ipinagkakaloob ng Diyos na Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa mga taong ayaw tumanggap nito.

6 Kung gayon, makatuwiran lamang na itanong natin, ‘Ano ang maaari kong gawin para makatanggap ako ng banal na espiritu?’ Ipinakikita ng Bibliya na marami tayong puwedeng gawin para makatanggap nito. Ang isang simple pero mahalagang hakbang ay hilingin ito sa Diyos. (Basahin ang Lucas 11:13.) Ang isa pang kapaki-pakinabang na hakbang ay ang pag-aaral at pagkakapit ng payo mula sa Salita na kinasihan ng espiritu ng Diyos. (2 Tim. 3:16) Siyempre pa, hindi sapat na basahin lamang ng isa ang Bibliya para tumanggap ng espiritu ng Diyos. Pero kung pag-aaralan ng isang tapat na Kristiyano ang Salita ng Diyos, matututuhan niya at madali niyang maisasapuso at maikakapit ang mga simulain ng kinasihang Salita. Napakahalaga rin na kilalanin natin na hinirang ni Jehova si Jesus bilang Kaniyang kinatawan at isa na ginagamit ng Diyos para maglaan ng kaniyang espiritu. (Col. 2:6) Kung gayon, dapat nating tularan si Jesus at mamuhay kaayon ng kaniyang mga turo. (1 Ped. 2:21) Habang pinagsisikapan nating tularan ang Kristo, makatitiyak tayo na matatanggap natin ang banal na espiritu.

7. Paano naiimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ang mga indibiduwal?

7 Sa kabaligtaran, naiimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ang mga tao na tularan ang personalidad ni Satanas. (Basahin ang Efeso 2:1-3.) Nakikita ang pagkilos ng espiritu ng sanlibutan sa maraming paraan. Gaya ng makikita sa paligid natin sa ngayon, inuudyukan ng espiritu ng sanlibutan ang mga tao na labagin ang mga pamantayan ng Diyos. Itinataguyod nito “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa.” (1 Juan 2:16) Iniluluwal nito ang mga gawa ng laman, gaya ng pakikiapid, idolatriya, espiritismo, paninibugho, mga silakbo ng galit, at paglalasing. (Gal. 5:19-21) At itinataguyod nito ang apostatang mga turo na lumalapastangan sa kung ano ang banal. (2 Tim. 2:14-18) Kaya tiyak na habang hinahayaan ng isang tao na maimpluwensiyahan siya ng espiritu ng sanlibutan, lalo naman niyang natutularan ang personalidad ni Satanas.

8. Anong pagpili ang napapaharap sa ating lahat?

8 Imposibleng mabuhay tayo nang hindi naiimpluwensiyahan ng iba. Kaya dapat magpasiya ang bawat indibiduwal kung ano ang hahayaan niyang umimpluwensiya sa kaniyang buhay​—ang banal na espiritu o ang espiritu ng sanlibutan. Ang mga naimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ay puwedeng makalaya sa impluwensiya nito at hayaan ang banal na espiritu ang gumabay sa kanilang buhay. Gayunpaman, posible ring kabaligtaran nito ang mangyari. Ang mga nagpapaakay sa banal na espiritu ay maaaring masilo ng espiritu ng sanlibutan. (Fil. 3:18, 19) Isaalang-alang natin kung paano natin malalabanan ang espiritu ng sanlibutan.

Alamin ang mga Palatandaan

9-11. Ano ang ilan sa mga palatandaan na nagpapahiwatig na posibleng naaapektuhan na tayo ng espiritu ng sanlibutan?

9 Ang mga Britanong minero ng karbon na naunang binanggit ay gumamit ng mga ibong kanaryo para magbigay sa kanila ng palatandaan na may nakalalasong gas sa minahan. Kapag nakita ng isang minero na bigla na lamang bumagsak ang ibon, kailangan niyang kumilos kaagad para makaligtas. Sa espirituwal na diwa, ano ang ilan sa mga palatandaang nagpapahiwatig na naiimpluwensiyahan na tayo ng espiritu ng sanlibutan?

10 Nang matutuhan natin ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos at ialay ang ating buhay kay Jehova, malamang na sabik na sabik tayong basahin ang Bibliya. Malamang na madalas at marubdob tayong manalangin. At gustung-gusto nating dumalo sa mga pulong ng kongregasyon, na itinuturing ang bawat pulong bilang pinagmumulan ng espirituwal na kaginhawahan, tulad ng isang malamig na tubig sa isang taong uhaw na uhaw. Nakatulong sa atin ang gayong mga bagay para makalaya sa espiritu ng sanlibutan at patuloy na makaiwas dito.

11 Sinisikap pa rin ba nating basahin ang Bibliya araw-araw? (Awit 1:2) Madalas at marubdob pa rin ba tayong nananalangin? Nananabik pa rin ba tayo sa mga pulong sa kongregasyon anupat dinadaluhan ang lahat ng pagpupulong bawat linggo? (Awit 84:10) O baka naman hindi na natin nagagawa ang ilan sa mabubuting kaugaliang ito? Siyempre pa, baka marami tayong pananagutan na gumugugol ng ating panahon at lakas, at maaaring maging hamon para sa atin na mapanatili ang isang mainam na espirituwal na rutin. Pero kung napapabayaan na natin ang ilan sa mabubuting kaugalian sa ating pagsamba, hindi kaya naaapektuhan na tayo ng espiritu ng sanlibutan? Kung gayon, handa ba tayong magsikap nang husto para manumbalik ang dating mabubuting kaugalian natin?

Huwag Pabigatan ang Sarili

12. Ayon sa ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad, sino ang dapat nilang “bigyang-pansin,” at bakit?

12 Ano pa ang maaari nating gawin para labanan ang espiritu ng sanlibutan? Nang payuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na “manatiling gising,” kabibigay pa lamang niya ng babala hinggil sa ilang espesipikong panganib. “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili,” ang sabi niya, “na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo.”​—Luc. 21:34, 35.

13, 14. Anu-ano ang angkop na itanong natin sa ating sarili tungkol sa pagkain at pag-inom?

13 Pag-isipan ang babalang iyon ni Jesus. Hinatulan ba niya ang kasiyahan sa pagkain at pag-inom? Hindi! Batid niya ang mga salita ni Solomon: “Nalaman ko na wala nang mas mabuti sa kanila kundi ang magsaya at gumawa ng mabuti habang ang isa ay nabubuhay; at na ang bawat tao rin ay kumain at uminom nga at magtamasa ng kabutihan dahil sa lahat ng kaniyang pagpapagal. Iyon ang kaloob ng Diyos.” (Ecles. 3:12, 13) Gayunman, alam ni Jesus na inuudyukan ng espiritu ng sanlibutan ang mga tao na mawalan ng pagpipigil sa sarili sa mga bagay na ito.

14 Paano tayo makatitiyak na hindi pa tayo nabulag ng espiritu ng sanlibutan sa panganib ng labis na pagkain at labis na pag-inom? Maaari nating itanong: ‘Paano ako tumutugon kapag nakabasa ako ng payo mula sa Bibliya o mula sa ating mga publikasyon tungkol sa katakawan? Iniisip ko ba na ang payong iyon ay napakahigpit o hindi mahalaga, anupat marahil ay ipinagmamatuwid ko pa ang mga ginagawa ko? * Kung umiinom ako ng alak, ano ang pangmalas ko sa payo hinggil sa pag-inom nang katamtaman at pag-iwas sa ‘paglalasing’? Binabale-wala ko ba ang gayong payo, at ikinakatuwiran pa nga na hindi naman ito kumakapit sa akin? Kung nababahala ang iba sa aking pag-inom, nangangatuwiran ba ako o nagagalit? Hinihikayat ko ba ang iba na maliitin ang gayong payo ng Bibliya?’ Oo, makikita sa saloobin ng isang tao kung talagang naaapektuhan na siya ng espiritu ng sanlibutan.​—Ihambing ang Roma 13:11-14.

Huwag Magpadaig sa Kabalisahan

15. Nagbabala si Jesus laban sa anong tendensiya ng mga tao?

15 Ang isa pang napakahalagang hakbang para labanan ang espiritu ng sanlibutan ay may kinalaman sa pagharap sa kabalisahan. Alam ni Jesus na dahil hindi tayo sakdal, may tendensiya tayong mabalisa sa ating pang-araw-araw na pangangailangan. Maibigin niyang sinabi sa kaniyang mga alagad: “Huwag na kayong mabalisa.” (Mat. 6:25) Makatuwiran namang mabahala tayo sa mahahalagang bagay, tulad ng mga gawaing nagpapalugod sa Diyos, pagtupad sa mga pananagutang Kristiyano, at paglalaan ng mga pangangailangan ng ating pamilya. (1 Cor. 7:32-34) Kung gayon, ano ang matututuhan natin sa babala ni Jesus?

16. Ano ang epekto ng espiritu ng sanlibutan sa maraming tao?

16 Dahil itinatampok ng espiritu ng sanlibutan ang pagpaparangya sa kabuhayan ng isa, marami ang nababalisa sa mga bagay na walang kabuluhan. Pinaniniwala tayo nito na magiging panatag ang ating buhay kapag may pera tayo at na masusukat ang kahalagahan ng isang tao, hindi sa kaniyang espirituwal na mga katangian, kundi sa dami at kalidad ng kaniyang mga pag-aari. Ang mga nalinlang ng ganitong propaganda ay handang magpaalipin sa sanlibutan magkamal lamang ng kayamanan at laging nababalisa tungkol sa pagkakamit ng pinakabago at pinakasikat na mga produkto. (Kaw. 18:11) Ang gayong pilipit na pananaw sa materyal na mga bagay ay pinagmumulan ng kabalisahan anupat napipigilan nito ang isang Kristiyano na sumulong sa espirituwal.​—Basahin ang Mateo 13:18, 22.

17. Ano ang dapat nating gawin para hindi tayo madaig ng kabalisahan?

17 Hindi tayo madaraig ng kabalisahan kung susundin natin ang utos ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang . . . katuwiran [ng Diyos].” Tinitiyak sa atin ni Jesus na kung gagawin natin ito, idaragdag sa atin ang mga bagay na kailangang-kailangan natin. (Mat. 6:33) Paano natin maipakikita na nagtitiwala tayo sa pangakong ito? Ang isang paraan ay hanapin muna ang katuwiran ng Diyos​—sundin ang pamantayan ng Diyos pagdating sa pinansiyal na mga bagay. Halimbawa, hindi tayo nandaraya sa pagbabayad ng buwis o nagsisinungaling kahit sa maliliit na bagay sa ating transaksiyon sa negosyo. Sinisikap nating tuparin ang ating mga kasunduan sa negosyo, anupat ang ating “Oo ay mangahulugang Oo” kung tungkol sa pagbabayad ng ating mga utang. (Mat. 5:37; Awit 37:21) Ang gayong pagkamatapat ay maaaring hindi magpayaman sa isang tao, subalit magdudulot naman ito sa kaniya ng pagsang-ayon ng Diyos, isang malinis na budhi, at lubhang makababawas sa kaniyang kabalisahan.

18. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa atin, at paano tayo makikinabang kapag tinularan natin siya?

18 Kung nais nating unahin sa ating buhay ang Kaharian, kailangan nating alamin kung ano ang dapat na maging priyoridad natin. Kunin nating halimbawa si Jesus. May mga pagkakataong nagsuot siya ng kasuutan na maganda ang kalidad. (Juan 19:23) Nasiyahan din naman siya sa pagkain at pag-inom ng alak kasama ang mabubuting kaibigan. (Mat. 11:18, 19) Subalit ang mga pag-aari at libangan ay tulad lamang ng mga pampalasa sa kaniyang buhay, hindi ang kaniyang pangunahing pagkain. Ang pagkain ni Jesus ay gawin ang kalooban ni Jehova. (Juan 4:34-36) Talagang kasiya-siya ang buhay kapag tinularan natin ang halimbawa ni Jesus! Nasisiyahan tayo kapag ginagamit natin ang Kasulatan upang aliwin ang mga taong naaapi. Natatamasa natin ang pag-ibig at suporta ng kongregasyon. At napasasaya natin ang puso ni Jehova. Kapag wasto ang ating mga priyoridad, hindi tayo nagiging alipin ng kaluguran at materyal na mga bagay. Sa halip, ginagamit natin ang mga ito sa ating pagsamba kay Jehova. Kaya kung lagi tayong abala sa mga gawaing sumusuporta sa Kaharian ng Diyos, hindi tayo madaling madaraig ng espiritu ng sanlibutan.

Patuloy na ‘Isaisip ang Espiritu’

19-21. Paano natin patuloy na ‘isasaisip ang espiritu,’ at bakit dapat nating gawin ito?

19 Ang ikinikilos natin ay bunga ng ating iniisip. Ang sinasabi ng karamihan na di-pinag-isipang mga pagkilos ay kadalasan nang udyok ng makalamang pag-iisip. Kaya pinaaalalahanan tayo ni apostol Pablo na kailangan nating bantayan ang ating pag-iisip. Isinulat niya: “Yaong mga kaayon ng laman ay nagtutuon ng kanilang mga kaisipan sa mga bagay ng laman, ngunit yaong mga kaayon ng espiritu ay sa mga bagay ng espiritu.”​—Roma 8:5.

20 Paano natin maiiwasang maimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ang ating pag-iisip at sa gayo’y maingatan ang ating pagkilos? Dapat nating gawin ang ating buong makakaya para hindi makapasok sa ating isipan ang propaganda ng sanlibutan. Halimbawa, kapag pumipili ng libangan, ayaw nating madungisan ang ating isipan ng mga programang nagtatampok ng imoralidad o karahasan. Batid natin na kapag marumi ang isipan ng isang tao, hindi kikilos ang banal, o malinis, na espiritu ng Diyos sa kaniyang isipan. (Awit 11:5; 2 Cor. 6:15-18) Karagdagan pa, hinahayaan nating kumilos ang espiritu ng Diyos sa ating isipan sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Bibliya, pananalangin, pagbubulay-bulay, at pagdalo sa mga pulong. At gumagawa tayo kasama ng espiritung ito habang regular tayong nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano.

21 Oo, dapat nating labanan ang espiritu ng sanlibutan at ang makalamang mga pagnanasang itinataguyod nito. Pero sulit ang pagsisikap na ito sapagkat, gaya ng sinabi ni Pablo, “ang pagsasaisip ng laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagsasaisip ng espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan.”​—Roma 8:6.

[Talababa]

^ Ang katakawan ay isang saloobin na nagpapakita ng kasakiman o labis na pagpapakasasa sa pagkain. Kaya hindi sa laki ng katawan ng isa nakikita ang katakawan kundi sa kaniyang saloobin sa pagkain. Ang isang tao ay maaaring katamtaman ang laki ng katawan, o payat pa nga, pero matakaw. Sa kabilang panig naman, ang sobrang timbang ng ilan ay dahil sa isang karamdaman, o ang kanilang katabaan ay maaaring namana. Samakatuwid, ang katakawan ay nakadepende, hindi sa timbang ng isang tao, kundi sa sobrang kasakiman sa pagkain.​—Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Nobyembre 1, 2004, isyu ng Ang Bantayan.

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang dapat nating gawin para makatanggap tayo ng banal na espiritu?

• Paano tayo maaaring maimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan?

• Paano natin malalabanan ang espiritu ng sanlibutan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

Manalangin para sa banal na espiritu bago pumasok sa trabaho o sa paaralan

[Mga larawan sa pahina 23]

Dapat nating panatilihing malinis ang ating isipan, maging tapat sa negosyo, at maging katamtaman sa pagkain at pag-inom