Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa kaniyang liham sa mga Hebreo, binanggit ni apostol Pablo “ang pagpapatong ng mga kamay.” Ang tinutukoy ba niya ay ang paghirang ng matatanda o ang iba pang bagay?​—Heb. 6:2.

Walang dahilan para maging dogmatiko, subalit ang malamang na tinutukoy ni Pablo ay ang pagpapatong ng mga kamay upang maipasa ang mga kaloob ng espiritu.

Binabanggit ng Bibliya na may kaugnayan ang pagpapatong ng mga kamay sa paghirang sa mga tao para bumalikat ng teokratikong mga pananagutan. “Ipinatong ni Moises ang kaniyang kamay” kay Josue para hirangin siya bilang kahalili niya. (Deut. 34:9) Sa kongregasyong Kristiyano, inatasan ang ilang kuwalipikadong lalaki sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. (Gawa 6:6; 1 Tim. 4:14) Nagpayo si Pablo kay Timoteo na huwag magmadali sa pagpapatong ng mga kamay sa sinumang tao.​—1 Tim. 5:22.

Gayunpaman, hinimok ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang’ ngayong iniwan na nila “ang pang-unang doktrina.” Pagkatapos ay itinala niya “ang pagsisisi mula sa patay na mga gawa, at pananampalataya sa Diyos, ang turo tungkol sa mga bautismo at ang pagpapatong ng mga kamay.” (Heb. 6:1, 2) Ang paghirang ba sa matatanda sa kongregasyon ay isa lamang pang-una, o panimulang bagay anupat kailangan munang maging matanda ang isang Kristiyano bago siya sumulong sa pagkamaygulang? Hindi. Ang pagiging matanda sa kongregasyon ay isang tunguhin na dapat abutin ng mga may-gulang na kapatid na lalaki at isang pribilehiyo na dapat nilang patuloy na pahalagahan at seryosohin.​—1 Tim. 3:1.

Subalit may isa pang gamit ang pagpapatong ng mga kamay. Noong unang siglo, itinakwil ni Jehova ang likas na Israel bilang ang kaniyang bayan at sa halip ay ibinigay ang kaniyang pagpapala sa espirituwal na Israel, ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Mat. 21:43; Gawa 15:14; Gal. 6:16) Pinatutunayan ito ng makahimalang mga kaloob ng espiritu, tulad ng pagsasalita ng mga wika. (1 Cor. 12:4-11) Nang maging mananampalataya si Cornelio at ang kaniyang sambahayan, tumanggap ang mga baguhang ito ng banal na espiritu, gaya ng ipinakita ng kanilang kakayahang ‘magsalita ng mga wika.’​—Gawa 10:44-46.

Kung minsan, naipapasa ang makahimalang mga kaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Nang ipangaral ni Felipe ang mabuting balita sa Samaria, marami ang nabautismuhan. Pagkatapos, isinugo roon ng lupong tagapamahala sina apostol Pedro at Juan. Bakit? Mababasa natin: “Nang magkagayon ay ipinatong [nina Pedro at Juan] sa [mga bagong bautisado] ang kanilang mga kamay, at nagsimula silang tumanggap ng banal na espiritu.” Tiyak na nangangahulugan ito na tinanggap ng mga bagong bautisado ang mga kaloob ng espiritu, mga kakayahang kitang-kita ng iba. Alam natin ito dahil nakita ng sakim na si Simon​—isa na dating nagsasagawa ng mga sining ng mahika​—​ang pagkilos ng espiritu at gusto niyang bilhin ang kakayahang magpatong ng mga kamay sa mga tao para mabigyan niya sila ng banal na espiritu o ng kapangyarihang gumawa ng himala. (Gawa 8:5-20) Nang maglaon, 12 lalaki ang nabautismuhan sa Efeso. Mababasa natin: “Nang ipatong ni Pablo sa kanila ang kaniyang mga kamay, ang banal na espiritu ay bumaba sa kanila, at nagsimula silang magsalita ng mga wika at manghula.”​—Gawa 19:1-7; ihambing ang 2 Timoteo 1:6.

Kaya sa Hebreo 6:2, lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang pagpapatong ng mga kamay sa mga bagong mananampalataya upang maipasa sa mga ito ang mga kaloob ng espiritu.