Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Halimbawa ni Maria

Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Halimbawa ni Maria

Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Halimbawa ni Maria

Nadama mo na bang hindi mo kaya ang isang pananagutang ibinigay sa iyo o ang isang hamong biglang napaharap sa iyo? Pagod na pagod ka na ba sa pagtatrabaho araw-araw para lamang makaraos sa buhay? Maaaring isa ka sa milyun-milyon na nagugulumihanan at natatakot dahil kinailangan ninyong lumikas at iwan ang sariling bayan. At sino sa atin ang hindi pa nakaranas ng matinding kirot at pangungulila dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay?

ALAM mo ba na ang lahat ng iyan ay naranasan mismo ni Maria, ang ina ni Jesus? At hindi lang iyan, napagtagumpayan niya ang lahat ng iyon! Ano ang matututuhan natin sa halimbawa niya?

Tiyak na kilalang-kilala si Maria sa buong daigdig. At hindi nakapagtataka iyan dahil may pantanging papel siyang ginampanan sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. Bukod diyan, milyun-milyon ang sumasamba kay Maria. Lubha siyang iginagalang ng Simbahang Katoliko bilang minamahal na Ina at huwaran sa pananampalataya, pag-asa, at pagkakawanggawa. Itinuro din sa marami na si Maria ang tagapamagitan ng mga tao sa Diyos.

Ano naman ang pangmalas mo sa ina ni Jesus? At higit sa lahat, ano kaya ang pangmalas ng Diyos sa kaniya?

Isang Natatanging Atas

Si Maria, na anak ni Heli, ay kabilang sa tribo ng Juda sa Israel. Una siyang binanggit sa Bibliya kaugnay ng isang pambihirang pangyayari. Dinalaw siya ng isang anghel at sinabi sa kaniya: “Magandang araw, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.” Noong una, nagulumihanan si Maria at “nagsimulang mangatuwiran kung anong uri kaya ito ng pagbati.” Kaya sinabi sa kaniya ng anghel na napili siya para sa isang kahanga-hanga pero napakabigat na atas​—ang maglihi, magsilang, at magpalaki sa Anak ng Diyos.​—Lucas 1:26-33.

Isa ngang napakahalagang atas ang ipinagkatiwala sa dalagang ito! Ano ang naging reaksiyon niya? Maaaring naiisip ni Maria kung may maniniwala ba sa kaniyang pagdadalang-tao. Iiwan kaya siya ni Jose na kaniyang nobyo o kaya’y magiging kahiya-hiya dahil dito? (Deuteronomio 22:20-24) Hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang napakabigat na atas na ito.

Dahil sa matibay na pananampalataya ni Maria, nagpasakop siya sa kalooban ng kaniyang Diyos, si Jehova. Kumbinsido siya na hindi Niya siya pababayaan. Kaya nga naibulalas niya: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.” Handang harapin ni Maria ang mga hamong malapit na niyang danasin dahil alam niyang magdudulot ng karangalan sa Diyos ang natatanging atas na ito.​—Lucas 1:38.

Nang sabihin ni Maria kay Jose na nagdadalang-tao siya, gusto sanang makipaghiwalay ni Jose. Tiyak na napakasakit nito para sa kanilang dalawa. Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano katagal nilang tiniis ang napakahirap na situwasyong ito. Pero tiyak na nakahinga nang maluwag sina Maria at Jose noong magpakita ang anghel ni Jehova kay Jose. Ipinaliwanag ng mensaherong ito ng Diyos ang pambihirang pagdadalang-tao ni Maria, at inutusan si Jose na iuwi si Maria bilang kaniyang asawa.​—Mateo 1:19-24.

Mahihirap na Panahon

Sa ngayon, maraming nagdadalang-tao ang naghahanda na ilang buwan pa bago ipanganak ang kanilang sanggol, at marahil gayon din ang ginawa ni Maria. Ito ang magiging panganay niyang anak. Pero dahil sa di-inaasahang mga pangyayari, nasira ang mga plano niya. Nag-utos ng sensus si Cesar Augusto na humihiling sa lahat na magparehistro sa sarili nilang bayan. Kaya isinama ni Jose si Maria, na siyam na buwan nang buntis noon, at naglakbay ng mga 150 kilometro sakay marahil ng isang asno! Napakaraming tao sa Betlehem, at kailangan ni Maria ng isang pribadong lugar para doon manganak, pero ang bakante lamang noon ay isang sabsaban. Tiyak na mahirap para kay Maria na manganak sa isang sabsaban. Malamang na nahihiya siya at natatakot pa nga.

Sa mahirap na panahong iyon ng kaniyang buhay, siguradong ibinuhos ni Maria ang kaniyang niloloob kay Jehova, anupat nagtitiwalang pangangalagaan siya at ang kaniyang sanggol. Nang maglaon, ilang pastol ang dumating, at sabik na sabik silang makita ang sanggol. Ikinuwento nila na sinabi ng mga anghel na ang batang ito ang “Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon.” Pagkatapos, mababasa natin: “Pinasimulang ingatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na bumubuo ng mga palagay sa kaniyang puso.” Binulay-bulay ni Maria ang mga salitang ito, at napalakas siya dahil dito.​—Lucas 2:11, 16-19.

Kumusta naman tayo? Malamang na makararanas din tayo ng mga paghihirap sa buhay. Bukod diyan, ipinakikita ng Bibliya na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay maaaring sumapit sa sinuman sa atin, anupat magdudulot ng iba’t ibang uri ng paghihirap at hamon sa ating buhay. (Eclesiastes 9:11) Kung mangyayari iyan, maghihinanakit ba tayo at sisisihin ang Diyos? Hindi ba’t mas mabuting tularan ang saloobin ni Maria at maging mas malapít sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kaniyang Salita, ang Bibliya, at pagbubulay-bulay sa ating mga natututuhan? Tiyak na tutulong ito sa atin na mabata ang mga pagsubok.

Mahirap at Malayo sa Sariling Bayan

May iba pang mga hamon na napaharap kay Maria​—kasama na ang kahirapan at ang biglaang pag-alis sa kaniyang sariling bayan. Naranasan mo na rin ba ito? Ayon sa isang ulat, “kalahati ng daigdig​—halos tatlong bilyong tao​—ang nagsisikap na mapagkasya sa bawat araw ang wala pang dalawang dolyar,” at milyun-milyon ang nagpapakahirap na makaraos kahit naninirahan sila sa mga bansang waring mayayaman naman. Kumusta ka naman? Pagod na pagod ka na ba sa kakakayod para lamang makapaglaan ng pagkain, pananamit, at tirahan sa iyong pamilya, anupat kung minsa’y nadarama mong hindi mo na kaya?

Gaya ng ipinahihiwatig ng Bibliya, masasabing mahirap sina Jose at Maria. Paano natin nalaman? Isa sa mga impormasyong binanggit sa mga Ebanghelyo​—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan​—tungkol sa mag-asawang ito ay nagsasabing 40 araw matapos manganak si Maria, siya at si Jose ay nagpunta sa templo para maghandog ayon sa hinihiling ng kautusan​—“isang pares ng batu-bato o dalawang inakáy na kalapati.” * (Lucas 2:22-24) Ang haing ito ay inihahandog lamang ng mahihirap na hindi kayang maghain ng batang lalaking tupa. Kaya malamang na nagsusumikap sina Jose at Maria para makaraos sa buhay. Sa kabila nito, nagawa nilang maging maligaya ang kanilang pamilya at punô ng pagmamahalan. Walang-alinlangan na pangunahin sa kanila ang pagsamba sa Diyos.​—Deuteronomio 6:6, 7.

Hindi pa natatagalan matapos ipanganak si Jesus, muli na namang nagbago ang buhay ni Maria. Sinabi ng anghel kay Jose na dalhin niya ang kaniyang pamilya at tumakas tungo sa Ehipto. (Mateo 2:13-15) Ito ang ikalawang beses na kailangang iwan ni Maria ang nakasanayan niyang lugar. Pero sa pagkakataong ito, papunta siya sa isang banyagang bansa. Maraming Judio sa Ehipto kaya malamang na nanirahan sina Maria at Jose kasama ng mga kababayan nila. Gayunman, ang paninirahan sa isang banyagang bansa ay nakakapanibago at hindi madali. Isa ka ba at ang iyong pamilya sa milyun-milyon na iniwan ang sariling bayan, marahil para sa kapakanan ng mga anak o para makaiwas sa panganib? Kung gayon, mauunawaan mo ang ilan sa mga hamong napaharap kay Maria sa Ehipto.

Isang Tapat na Asawa at Ina

Bukod sa ulat hinggil sa kapanganakan at pagiging sanggol ni Jesus, wala nang gaanong nabanggit tungkol kay Maria sa Ebanghelyo. Pero alam natin na mga anim pa ang naging anak nina Maria at Jose. Maaaring pagtakhan mo ito. Pero pansinin ang binabanggit ng mga Ebanghelyo.

Malaki ang paggalang ni Jose sa pribilehiyo ni Maria na ipagbuntis ang Anak ng Diyos. Dahil dito, hindi niya sinipingan si Maria hangga’t hindi naipanganganak si Jesus. Sinasabi ng Mateo 1:25 na ‘hindi nakipagtalik si Jose kay Maria hanggang sa ito ay makapagsilang ng isang anak na lalaki.’ Ang salitang “hanggang” sa talatang ito ay nagpapahiwatig na matapos ipanganak si Jesus, sina Jose at Maria ay nagkaroon na ng normal na seksuwal na ugnayan bilang mag-asawa. Dahil dito, sinasabi ng ulat ng Ebanghelyo na nagkaroon si Maria ng mga anak kay Jose, mga lalaki at babae. Sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ay mga kapatid ni Jesus sa ina. Nagkaroon din si Maria ng mga anak na babae. (Mateo 13:55, 56) Pero ang mga kapatid na ito ni Jesus ay ipinaglihi ni Maria sa likas na paraan. *

Palaisip sa espirituwal si Maria. Bagaman hindi hinihiling ng Kautusan na dumalo ang mga babae sa pagdiriwang ng Paskuwa, nakaugalian na ni Maria na sumama kay Jose sa taunang paglalakbay sa Jerusalem para sa kapistahan. (Lucas 2:41) Ang paglalakbay na ito taun-taon ay halos 300 kilometro papunta’t pauwi​—kasama pa nila ang kanilang lumalaking pamilya! Pero walang-alinlangang masayang okasyon ito para sa kanilang pamilya.

Tinutularan ng maraming babae sa ngayon ang magandang halimbawa ni Maria. Masisipag sila at may-pagsasakripisyo nilang ginagawa ang kanilang maka-Kasulatang mga pananagutan. Madalas na gayon na lamang ang ipinakikitang pagtitiis, pagbabata, at kapakumbabaan ng tapat na mga asawang ito! Ang pagbubulay-bulay sa saloobin ni Maria ang nakatulong sa kanila na unahin ang mga bagay may kaugnayan sa Diyos bago ang sarili nilang kaalwanan at kasiyahan. Alam nila, gaya ni Maria, na ang pagsamba sa Diyos kasama ng buong pamilya ay nakapagpapatibay at nakapagpapatatag sa ugnayan ng pamilya.

Minsan, nang pabalik na sina Maria at Jose mula sa kapistahan sa Jerusalem​—malamang na kasama na ngayon ang iba pa nilang anak​—napansin nilang wala ang 12-anyos na si Jesus. Isip-isipin na lamang ang pag-aalala at pagkabahala ni Maria sa loob ng tatlong araw habang hinahanap niya ang kaniyang anak! Nang sa wakas ay matagpuan siya nina Maria at Jose sa templo, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?” Muli, sinasabi ng ulat na “pinakaingatan [ni Maria] ang lahat ng mga pananalitang ito sa kaniyang puso.” Muling ipinakikita nito na napakahalaga para kay Maria na maunawaan ang pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay. Maingat niyang binulay-bulay ang lahat ng nangyari kay Jesus. Pagkalipas ng ilang taon, malinaw pa niyang naaalaala ang lahat ng nangyaring iyon sa buhay ni Jesus, at malamang na inilahad niya iyon sa mga manunulat ng Ebanghelyo.​—Lucas 2:41-52.

Nagbata ng Pagdurusa at Pangungulila

Ano na ang nangyari kay Jose, ang ama-amahan ni Jesus? Matapos siyang mabanggit sa pangyayaring iyon sa buhay ng batang si Jesus, wala nang iba pang naiulat tungkol kay Jose sa Ebanghelyo. Iniisip ng ilan na ang di-pagbanggit na ito kay Jose ay nagpapahiwatig na namatay siya mga ilang panahon bago simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo. * Sa paanuman, waring balo na si Maria noong papatapos na ang ministeryo ni Jesus. Nang malapit nang mamatay si Jesus, ipinagkatiwala niya kay apostol Juan ang kaniyang ina. (Juan 19:26, 27) Malamang na hindi ito gagawin ni Jesus kung buháy pa si Jose.

Maraming naranasan sina Maria at Jose: Dinalaw sila ng mga anghel, tumakas mula sa isang maniniil, ilang beses na nagpalipat-lipat ng tirahan, at nagpalaki ng mga anak. Tiyak na maraming gabi rin nilang pinag-usapan ang tungkol kay Jesus, na iniisip kung ano ang mangyayari sa kaniya sa hinaharap at kung wasto ba ang kanilang pagpapalaki at pagsasanay sa kaniya. Pero ngayon, mag-isa na lamang si Maria.

Namatayan ka na rin ba ng asawa? Nangungulila ka pa rin ba at nasasaktan kahit maraming taon na ang lumipas? Walang-alinlangang naaliw si Maria dahil sa kaniyang pananampalataya at sa pagkaalam na magkakaroon ng pagkabuhay-muli. * (Juan 5:28, 29) Pero hindi ito nangangahulugan na wala nang mga problema si Maria. Gaya ng maraming nagsosolong magulang sa ngayon, mag-isa niyang hinarap ang mga hamon sa pagpapalaki sa kaniyang mga anak.

Makatuwirang isipin na noong mamatay si Jose, si Jesus na ang pangunahing naglaan ng pangangailangan ng pamilya. Nang malalaki na ang mga kapatid ni Jesus, tinanggap na rin nila ang kani-kanilang pananagutan sa pamilya. Noong “mga tatlumpung taóng gulang” na si Jesus, humiwalay na siya sa kaniyang pamilya at sinimulan ang kaniyang ministeryo. (Lucas 3:23) Magkahalong lungkot at saya ang nadarama ng maraming magulang kapag nagsarili na ang isa nilang anak. Napakalaking panahon, pagsisikap, at pagmamahal ang ibinigay nila sa kanilang mga anak kung kaya talagang mangungulila sila kapag humiwalay na ang mga ito. May mga anak ka na bang humiwalay sa inyo para abutin ang kanilang mga tunguhin? Ipinagmamalaki mo ba sila pero kung minsa’y naiisip mo rin na sana’y kapiling mo lamang sila? Maiintindihan mo ngayon kung ano ang maaaring nadama ni Maria nang umalis na ng tahanan si Jesus.

Hindi Inaasahang mga Pagsubok

Ang isa sa mga pagsubok na dumating kay Maria ay malamang na hindi niya sukat akalain. Habang nangangaral si Jesus, marami siyang naging tagasunod​—pero hindi ang kaniyang sariling mga kapatid. “Ang kaniyang mga kapatid, sa katunayan, ay hindi nananampalataya sa kaniya,” ang sabi ng Kasulatan. (Juan 7:5) Walang-alinlangang sinabi sa kanila ni Maria ang sinabi sa kaniya ng anghel​—na si Jesus ay “Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) Pero para kina Santiago, Jose, Simon, at Judas, si Jesus ay kuya lamang nila. Kaya ang pamilya ni Maria ay nabahagi sa magkaibang pangmalas sa relihiyon.

Pinanghinaan ba ng loob si Maria at nawalan ng pag-asa? Hinding-hindi! Nang minsang nangangaral si Jesus sa Galilea, nagpunta siya sa isang bahay para kumain, at isang pulutong ang nagkatipon para makinig sa kaniya. Sino ang naroroon sa labas at naghahanap sa kaniya? Si Maria at ang mga kapatid ni Jesus. Kaya kapag malapit lamang si Jesus sa bahay nila, sumusunod si Maria at maliwanag na isinasama niya ang iba pa niyang mga anak, maaaring umaasa na magbabago ang kanilang saloobin sa kapatid nila.​—Mateo 12:46, 47.

Maaaring napapaharap ka rin sa gayong hamon​—sinisikap mong tularan si Jesus samantalang ayaw naman itong gawin ng mga kapamilya mo. Huwag kang masiraan ng loob, at huwag kang huminto sa pagtulong sa iyong mga kapamilya na sundan si Jesus! Gaya ni Maria, marami rin ang nagtiyaga nang ilang taon bago nila nakita ang pagbabago sa kanilang mga kapamilya. Ang gayong pagbabata ay mahalaga sa Diyos, tumugon man ang iba o hindi.​—1 Pedro 3:1, 2.

Ang Pinakamatinding Pagsubok

Ang huling pagsubok na napaharap kay Maria, gaya ng iniulat sa Kasulatan, ang walang-alinlangang pinakamasakit sa kaniya. Nasaksihan niya ang paghihirap at kamatayan ng kaniyang minamahal na anak matapos itong itakwil ng kaniyang mga kababayan. Ang kamatayan ng isang anak, bata man ito o adulto na, ay inilalarawan bilang ang “pinakamalaking kawalan,” ang “pinakanakapanlulumong kamatayan.” Gaya ng inihula mga ilang dekada na ang nakalilipas, nadama ni Maria na para bang may tabak na tumagos sa kaniya!​—Lucas 2:34, 35.

Hinayaan ba ni Maria na humina ang kaniyang loob o ang kaniyang pananampalataya kay Jehova dahil sa huling pagsubok na ito? Hindi. Nang muling banggitin si Maria sa ulat ng Bibliya, mababasa nating kasama siya ng mga alagad ni Jesus at “nagpapatuloy sa pananalangin.” At hindi siya nag-iisa. Kasama na niya ang iba niyang mga anak na lalaki na noong panahong iyon ay nanampalataya na rin sa kanilang kuya. Tiyak na nakaaliw iyan kay Maria! *​—Gawa 1:14.

Kasiya-siya ang naging buhay ni Maria bilang isang tapat na babae, asawa, at ina. Marami siyang magagandang karanasan sa paglilingkod sa Diyos. Napagtagumpayan niya ang maraming pagsubok at mga hamon. Kapag napapaharap tayo sa di-inaasahang mga hamon o nababahala sa mga problema sa pamilya, tiyak na matututo tayo sa kaniyang halimbawa ng tapat na pagbabata.​—Hebreo 10:36.

Pero dapat bang pag-ukulan ng pantanging debosyon si Maria? Dapat bang sambahin si Maria dahil iniulat ng Bibliya na may pantanging papel siyang ginagampanan?

[Mga talababa]

^ par. 17 Ang isa sa mga ibon ay inihain bilang handog ukol sa kasalanan. (Levitico 12:6, 8) Nang maghain nito si Maria, kinikilala niya na namana niya, gaya ng lahat ng ibang di-sakdal na tao, ang epekto ng kasalanan ng unang taong si Adan.​—Roma 5:12.

^ par. 26 Kapansin-pansin ang hindi pagbanggit kay Jose sa ulat ng ministeryo ni Jesus yamang nabanggit naman ang iba niyang kapamilya​—ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki at babae. Halimbawa, sa kasalan sa Cana, mababasa nating abala si Maria at nag-aasikaso pa nga sa mga gawain, pero wala roon si Jose. (Juan 2:1-11) Sa isa pang pangyayari, mababasa natin na tinukoy ng mga kababayan ni Kristo ang lalaking si Jesus na “anak ni Maria,” hindi anak ni Jose.​—Marcos 6:3.

^ par. 28 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

 May mga Kapatid ba si Jesus?

Oo, may mga kapatid si Jesus. Pinabubulaanan ng ilang teologo ang katotohanang iyan, bagaman malinaw itong binabanggit nang ilang ulit sa mga Ebanghelyo. (Mateo 12:46, 47; 13:54-56; Marcos 6:3) Ngunit may dalawang bagay na napansin ang mga iskolar ng Bibliya hinggil sa mga teoriya na hindi nagkaroon ng ibang anak si Maria. Una, may motibo sa likuran ng gayong mga teoriya​—para itaguyod ang turo ng simbahan na nanatiling birhen si Maria sa buong buhay niya, isang doktrina na lumitaw nang maglaon. Ikalawa, ang mga teoriyang ito ay walang basehan at hindi makatuwiran.

Halimbawa, ang isa sa gayong mga teoriya ay nagpapahiwatig na ang tinatawag na mga “kapatid” ni Jesus ay mga kapatid niya sa ama​—mga anak ni Jose sa una niyang asawa. Walang matatag na basehan ang ideyang ito dahil mangangahulugan ito na si Jesus ay walang legal na karapatan bilang panganay​—ang maging tagapagmana sa paghahari ni David.​—2 Samuel 7:12, 13.

Ayon naman sa isa pang teoriya, ang mga kapatid daw na ito ni Jesus ay talagang mga pinsan niya, bagaman magkakaibang salita ang ginamit ng Griegong Kasulatan para sa “kapatid,” “pinsan,” at “kamag-anak.” Kaya ayon sa iskolar na si Frank E. Gaebelein, ang mga teoriyang ito ng mga teologo ay hindi makatotohanan. Ganito ang konklusyon niya: “Ang pinakasimpleng kahulugan ng salitang ‘kapatid’ . . . ay na tumutukoy ito sa mga anak na lalaki nina Maria at Jose at kung gayon, sa mga kapatid ni Jesus sa ina.”

[Kahon sa pahina 7]

May Lakas ng Loob na Magbago

Ipinanganak si Maria sa pamilyang Judio, at kabilang siya sa relihiyong Judio. Pumupunta siya sa sinagoga sa kanilang lugar, gaya ng tawag sa dako ng pagsamba ng mga Judio, at sa templo sa Jerusalem. Pero habang lumalago ang kaalaman ni Maria hinggil sa mga layunin ng Diyos, nakita niyang hindi na sinasang-ayunan ng Diyos ang mga tradisyon ng kaniyang mga ninuno. Ipinapatay pa nga ng mga Judiong lider ng relihiyon ang kaniyang Anak, ang Mesiyas. Bago mangyari ito, sinabi sa kanila ni Jesus: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mateo 23:38) Inalis ng Diyos ang kaniyang pagsang-ayon sa relihiyong kinalakhan ni Maria.​—Galacia 2:15, 16.

Nang itatag ang kongregasyong Kristiyano, si Maria ay malamang na 50 anyos noon o higit pa. Ano kaya ang ginawa niya? Ikinatuwiran ba niya na ang relihiyosong sistema ng mga Judio ang nakagisnan niya at hindi niya iiwan ang tradisyon ng kaniyang mga ninuno? Sinabi ba niyang matanda na siya para magbago? Siyempre hindi! Naunawaan ni Maria na nasa kongregasyong Kristiyano na ngayon ang pagsang-ayon ng Diyos, kaya mayroon siyang pananampalataya at lakas ng loob na magbago.

[Larawan sa pahina 5]

Lumilikas sila patungong Ehipto

[Larawan sa pahina 8]

Ang pinakamasakit na pangyayaring mararanasan ng isang ina