Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Takót Ka ba sa mga Patay?

Takót Ka ba sa mga Patay?

Takót Ka ba sa mga Patay?

“HINDI. Bakit naman ako matatakot?” Ito ang sagot ng marami sa tanong na iyan. Naniniwala sila na ang mga patay ay talagang wala nang buhay. Pero milyun-milyon ang kumbinsido na nabubuhay ang mga patay bilang mga espiritu.

Sa Benin, Kanlurang Aprika, marami ang naniniwala na ang patay ay maaaring bumalik para patayin ang ibang miyembro ng kanila mismong pamilya. Ibinebenta ng ilan ang kanilang mga ari-arian o nangungutang pa nga para ipambayad sa seremonya at sa handog na mga hayop para hindi sila gambalain ng kanilang namatay na mga kamag-anak. Ang ilan ay nagsasagawa ng espiritismo​—at kasama rito ang ideya na may espiritung bahagi ang tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng isa at na maaari itong makipagtalastasan sa mga buháy. May nakakatakot na mga karanasan naman ang iba na ipinalalagay nilang dahil sa impluwensiya ng espiritu ng mga patay.

Isa sa nakaranas ng gayon ay si Agboola, isang lalaki na naninirahan sa may hanggahan ng Benin at Nigeria. Ganito ang sabi niya: “Ang espiritismo ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay sa aming lugar. Kaugalian dito na hugasan ang mga bangkay upang ihanda ang mga ito para sa daigdig ng mga espiritu. Madalas na kinukuha ko ang natirang mga sabon at inihahalo rito ang ilang dahon. Pagkatapos, habang pinapahiran ko nito ang aking baril sa pangangaso, isisigaw ko naman kung anong hayop ang gusto kong mahuli. Marami ang gumagawa nito, at waring mabisa naman. Pero may ilang bagay hinggil sa espiritismo ang nakakatakot.

“Nang mamatay sa di-maipaliwanag na kadahilanan ang dalawa sa aking mga anak na lalaki, naghinala ako na may taong galít sa akin at kinukulam niya ang pamilya ko. Para makatiyak, pumunta ako sa isang matandang lalaki na kilalang espiritista. Sinabi niyang tama ang hinala ko. Ang masama pa rito, ipinaliwanag niya na naghihintay raw ngayon ang mga anak ko sa daigdig ng mga espiritu para maging mga lingkod ng pumatay sa kanila kapag namatay na ito. Sinabi pa niyang mamamatay rin ang ikatlo kong anak na lalaki gaya ng mga kuya niya. Pagkalipas ng ilang araw, namatay nga siya.”

Pagkatapos, nakilala ni Agboola si John, isang Saksi ni Jehova mula sa kalapít na Nigeria. Ipinaliwanag ni John mula sa Bibliya ang kalagayan ng mga patay. Dahil doon, nagbago ang buhay ni Agboola. Maaari din nitong mabago ang buhay mo.

Buháy ba ang mga Patay?

Sino ang higit na makasasagot sa tanong na ito? Walang taong makasasagot nito, gaanuman siya kahusay at katanyag. Masasagot lamang ito ni Jehova, ang Maylalang ng lahat ng nabubuhay na nilalang “sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Colosas 1:16) Nilalang niya ang mga anghel upang manirahan sa dako ng mga espiritu at ang mga tao’t hayop para naman tumahan sa lupa. (Awit 104:4, 23, 24) Nakasalalay sa Kaniya ang buhay ng lahat. (Apocalipsis 4:11) Kung gayon, tingnan natin kung ano ang sinasabi ng mismong Salita ng Diyos, ang Bibliya, hinggil sa kamatayan.

Si Jehova ang unang bumanggit ng tungkol sa kamatayan. Nagbabala siya na mamamatay sina Adan at Eva kung susuway sila sa kaniya. (Genesis 2:17) Ano ang ibig sabihin nito? Ganito ang paliwanag ni Jehova: “Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Kapag namatay ang isa, ang katawan niya ay babalik sa alabok. Ang kaniyang buhay ay titigil, o babalik, wika nga, sa Maylalang, ang Pinagmulan ng buhay. (Eclesiastes 12:7) Kaya sinasabi ng Awit 104:29, 30: “Kung aalisin mo ang kanilang espiritu, pumapanaw sila, at bumabalik sila sa alabok.”

Kusang sumuway sina Adan at Eva kaya kamatayan ang hatol sa kanila. Pero hindi sila ang unang namatay kundi ang anak nilang si Abel. Pinatay siya ng kaniyang kuya na si Cain. (Genesis 4:8) Hindi natakot si Cain na baka gantihan siya ng kaniyang namatay na kapatid. Sa halip, natakot siya sa magagawa sa kaniya ng mga buháy.​—Genesis 4:10-16.

Makalipas ang maraming siglo, nagalit si Haring Herodes nang sabihin sa kaniya ng mga astrologo na ipinanganak sa kaniyang nasasakupang lupain ang “hari ng mga Judio.” Determinado si Herodes na patayin ang batang ito na posibleng maging karibal niya sa paghahari, kaya nagpakana siyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem na dalawang taóng gulang pababa. Pero isang anghel ang nagbabala kay Jose na “tumakas [siya] patungong Ehipto” kasama sina Jesus at Maria.​—Mateo 2:1-14.

Nang mamatay si Herodes, sinabi ng anghel kay Jose na bumalik na sa Israel, “sapagkat yaong mga naghahanap sa kaluluwa ng bata ay patay na.” (Mateo 2:19, 20) Alam ng anghel, na isang espiritu, na hindi na masasaktan ni Herodes si Jesus. Hindi natakot si Jose sa patay nang si Haring Herodes. Pero takót siya sa maaaring gawin ng mapaniil na anak ni Herodes na si Arquelao. Kaya nanirahan si Jose at ang kaniyang pamilya sa Galilea, na hindi sakop ng pamamahala ni Arquelao.​—Mateo 2:22.

Ang mga ulat na ito ay tumutulong sa atin na maunawaang walang kapangyarihan ang mga patay. Kung gayon, paano ipaliliwanag ang naging karanasan ni Agboola at ng iba pa?

“Mga Demonyo,” o Maruruming Espiritu

Nang adulto na si Jesus, napaharap siya sa masasamang espiritu. Nakilala ng mga ito si Jesus at tinawag siyang “Anak ng Diyos.” Kilala rin sila ni Jesus. Hindi sila espiritu ng mga patay. Sa halip, tinukoy sila ni Jesus na “mga demonyo,” o maruruming espiritu.​—Mateo 8:29-31; 10:8; Marcos 5:8.

Binabanggit ng Bibliya na may mga espiritu na tapat sa Diyos at may mga nagrebelde rin sa kaniya. Sinasabi ng aklat ng Genesis na nang palayasin ni Jehova ang masuwaying sina Adan at Eva sa hardin ng Eden, naglagay siya ng mga kerubin, o mga anghel, sa silangan ng hardin para walang sinuman na makapasok doon. (Genesis 3:24) Malamang na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita ang mga tao ng mga anghel.

Pagkalipas ng ilang panahon, may mga anghel na bumaba sa lupa at nagkatawang-tao. Hindi naman sila binigyan ni Jehova ng atas dito sa lupa pero ‘iniwan nila ang kanilang sariling wastong tahanang dako’ sa langit. (Judas 6) Makasarili ang motibo nila. Kumuha sila ng mga asawa na nagsilang ng kakaibang mga supling na tinatawag na Nefilim. Dahil sa mga Nefilim at sa kanilang rebelyosong mga ama, napuno ng karahasan at matinding kasamaan ang lupa. (Genesis 6:1-5) Para ayusin ang kalagayan, nagpadala si Jehova ng pangglobong Delubyo noong panahon ni Noe. Nalipol sa baha ang masasama pati na ang mga Nefilim. Ano naman ang nangyari sa mga anghel?

Dahil sa Baha, napilitan silang bumalik sa dako ng mga espiritu. Pero hindi na sila pinahintulutan ni Jehova na bumalik sa “kanilang orihinal na kalagayan.” (Judas 6) Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos . . . ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala, kundi, sa pamamagitan ng paghahagis sa kanila sa Tartaro, ibinulid sila sa mga hukay ng pusikit na kadiliman upang itaan sa paghuhukom.”​—2 Pedro 2:4.

Ang Tartaro ay hindi talaga isang lugar; ito ay isang abang kalagayan kung saan limitado ang magagawa ng mga anghel na iyon. Hindi na puwedeng magkatawang-tao ang mga demonyo, pero malakas pa rin ang kanilang kapangyarihan at impluwensiya sa isip at buhay ng mga tao. Maaari silang sumanib sa mga tao at hayop. (Mateo 12:43-45; Lucas 8:27-33) Nagkukunwari din silang espiritu ng mga patay para linlangin ang mga tao. Bakit? Para hadlangan ang mga tao na sumamba kay Jehova sa paraang kinalulugdan niya at lituhin sila sa tunay na kalagayan ng mga patay.

Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Takot

Nakita ni Agboola na makatuwiran ang paliwanag ng Bibliya hinggil sa kamatayan at sa mga espiritu. Naunawaan niya na kailangan pa niyang matuto nang higit. Nagbasa siya ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon kasama ni John. Naaliw si Agboola nang malaman niyang ang kaniyang mga anak ay natutulog sa libingan at hindi naghihintay sa dako ng mga espiritu para maging mga lingkod ng pumatay sa kanila.​—Juan 11:11-13.

Di-nagtagal, naunawaan ni Agboola na kailangan siyang tumigil sa mga gawaing may kinalaman sa espiritismo. Sinunog niya ang lahat ng kaniyang mga pag-aari na may kaugnayan sa okultismo. (Gawa 19:19) Binabalaan siya ng ilan sa komunidad na magagalit ang mga espiritu. Pero hindi natakot si Agboola. Sinunod niya ang payo sa Efeso 6:11, 12: “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos . . . sapagkat tayo ay may pakikipagbuno . . . laban sa balakyot na mga puwersang espiritu.” Kasama sa espirituwal na kagayakang pandigmang ito ang katotohanan, katuwiran, mabuting balita ng kapayapaan, pananampalataya, at ang tabak ng espiritu, ang Salita ng Diyos. Ang baluting ito ay makapangyarihan at nagmumula sa Diyos!

Nilayuan si Agboola ng ilan sa kaniyang mga kaibigan at kamag-anak nang ihinto niya ang mga kaugaliang kaugnay ng espiritismo. Pero nang dumalo siya sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa lugar nila, nagkaroon siya ng bagong mga kaibigan, na naniniwala sa itinuturo ng Bibliya.

Alam na ngayon ni Agboola na malapit nang alisin ni Jehova ang kasamaan sa lupa at patigilin ang mga demonyo sa kanilang mga gawain. Di-magtatagal, lubusan Niya silang lilipulin. (Apocalipsis 20:1, 2, 10) Bubuhaying muli ng Diyos sa lupa ang “lahat ng mga nasa alaalang libingan.” (Juan 5:28, 29) Kasama rito sina Abel, ang inosenteng mga bata na ipinapatay ni Haring Herodes, at milyun-milyong iba pa. Naniniwala rin si Agboola na makakasama rin ang tatlo niyang anak. Maaari ding makasama rito ang mga namatay mong mahal sa buhay. Titiyakin sa atin ng lahat ng bubuhaying muling iyon na mula nang mamatay sila hanggang sa kanilang pagkabuhay-muli, wala talaga silang malay​—hindi nila alam ang mga seremonya na ginawa para sa kanila.

Walang dahilan para matakot ka sa mga patay. Sa halip, makaaasa ka na makakasama mong muli ang mga namatay mong mahal sa buhay. Samantala, bakit hindi ka mag-aral ng Bibliya para mapatibay ang iyong pananampalataya? Makisama sa mga taong naniniwala sa itinuturo ng Bibliya. Kung sa paanuman ay nakikisangkot ka sa espiritismo, itigil ito kaagad. Ingatan ang iyong sarili mula sa mga demonyo sa pamamagitan ng pagsusuot ng “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” (Efeso 6:11) Malulugod na tumulong sa iyo ang mga Saksi ni Jehova. Nag-aalok sila ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *

Hindi na takót sa mga patay si Agboola, at natutuhan niya kung paano labanan ang mga demonyo. Sinabi niya: “Hindi ko alam kung sino ang may kagagawan ng pagkamatay ng aking tatlong anak na lalaki. Pero mula nang maglingkod ako kay Jehova, nagkaroon ako ng pito pang anak. At wala ni isa mang espiritu ang nananakit sa kanila.”

[Talababa]

^ par. 25 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 13]

Hindi na takót sa patay si Agboola, at natutuhan niya kung paano labanan ang mga demonyo

[Larawan sa pahina 12]

Hindi natakot si Cain na baka gantihan siya ng kaniyang namatay na kapatid