Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Diyos Lamang ang Makapagliligtas ng Lupa

Ang Diyos Lamang ang Makapagliligtas ng Lupa

Ang Diyos Lamang ang Makapagliligtas ng Lupa

“ISANG KUMIKINANG NA HIYAS NA KULAY ASUL AT PUTI.” Ganiyan inilarawan ng astronot na si Edgar Mitchell ang lupa habang pinagmamasdan niya ito sa madilim na kalawakan.

Napakaraming paghahandang ginawa ang Diyos sa lupa upang matahanan ito ng tao. Nang lalangin ito, sumigaw “sa pagpuri” ang mga anghel. (Job 38:7) Matapos pag-aralan ang kamangha-manghang mga bagay sa planetang ito, may dahilan din tayo para pumuri. Maraming masalimuot na ekosistema kung kaya posible ang buhay rito sa lupa. Sa isa sa pinakakilalang ekosistema, kailangan ng mga luntiang pananim ang sinag ng araw, carbon dioxide mula sa hangin, at tubig para makagawa ng pagkain. Dahil sa prosesong ito, ang kapaligiran ay nagkakaroon ng oksiheno​—isang napakahalagang bagay para mabuhay tayo.

Ipinakikita ng Bibliya na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao ang pangangalaga sa lupa. (Genesis 1:28; 2:15) Pero para manatiling balanse ang ekolohiya ng lupa, kailangang tama ang saloobin ng tao. Sa katunayan, kailangan niyang mahalin ang lupang tinatahanan niya. Kailangan din siyang magkaroon ng pagnanais na mapanatili itong maganda. Pero pinagkalooban ang tao ng kalayaang magpasiya, kaya may posibilidad na piliin niyang abusuhin ang lupa at sirain ito. At iyan nga ang nangyari. Dahil sa kasakiman at kawalang-ingat ng tao, kapaha-pahamak ang naging resulta.

Narito ang ilan lamang sa mga problema: (1) Dahil sa pagkalbo sa kagubatan, naaapektuhan ang kakayahan ng lupa na sipsipin ang carbon dioxide, na maaari namang magdulot ng mas malala at di-normal na lagay ng panahon. (2) Dahil sa sobrang paggamit ng pestisidyo, nauubos ang mga insekto na may napakahalagang papel sa ekolohiya, gaya ng naitutulong nito sa polinisasyon ng mga pananim. (3) Dahil sa walang-patumanggang pangingisda at polusyon sa dagat at mga ilog, halos masaid ang mga isda. (4) Dahil sa sakim na paggamit sa likas na yaman ng lupa, halos hindi na nito kayang tustusan pa ang susunod na mga henerasyon at sinasabing napapabilis nito ang pag-init ng globo. Sinasabi ng ilang dalubhasa sa kapaligiran na ang pagliit ng mga glacier at ang pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo sa Artiko at Antartiko ay ebidensiya ng pag-init ng globo.

Dahil sa pagdami ng likas na mga kasakunaan, maaaring sabihin ng ilan na gumaganti ang lupa, anupat nagdudulot ng kahapisan sa mga tao. Ibinigay sa atin ng Diyos ang lupa nang walang bayad kaya, sa diwa, pinatitira tayo dito nang libre. (Genesis 1:26-29) Pero ipinakikita ng mga pangyayari ngayon sa daigdig na hindi hangad ng marami na ingatan ang magandang lupang tirahan nila. Sa halip, abala ang tao sa kaniyang sakim na mga pagnanasa at gawain. Sa katunayan, pinatunayan ng tao na hindi sila karapat-dapat manirahan dito dahil ‘ipinapahamak nila ang lupa,’ gaya ng inihula sa Apocalipsis 11:18.

Ipinakikita ng mga hula sa Bibliya na sinabi ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ang Maylalang ng ekosistema na tumutustos sa buhay sa lupa, na dumating na ang panahon para “palayasin” ang mga hindi karapat-dapat manirahan dito. (Zefanias 1:14; Apocalipsis 19:11-15) Bago pa tuluyang masira ng tao ang lupa, kikilos ang Diyos​—mas maaga kaysa sa inaasahan natin. * (Mateo 24:44) Oo, ang Diyos lamang ang makapagliligtas ng lupa.

[Talababa]

^ par. 7 Para sa higit pang impormasyon hinggil sa pagkaapurahan ng panahon, tingnan ang brosyur na Patuloy na Magbantay! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.