Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Hindi Ko Pa Oras”

“Hindi Ko Pa Oras”

“Hindi Ko Pa Oras”

Nawalan ng kontrol ang drayber ng isang malaking trak ng basura kung kaya sumampa ang trak sa bangketa. Nahagip nito ang isang mag-asawa at isang 23-taóng-gulang na lalaking naglalakad sa bangketa. Ayon sa ulat ng isang diyaryo sa New York City, agad na namatay ang mag-asawa at ang lalaki naman ay nawalan ng malay. Nang magkamalay ang lalaki at nakita niya ang nangyari, ang unang sumagi sa isip niya ay: ‘Hindi ako makapaniwala. Diyos ko, iligtas po ninyo ako.’ Sinabi niya, “Hindi ko pa po oras.”

MARAHIL ay nakarinig ka na ng ganitong kuwento. Kapag muntik-muntikan nang mamatay ang isang tao sa isang sakuna, sinasabi ng iba, ‘Hindi pa niya oras,’ pero kapag namatay naman ang isang tao sa di-pangkaraniwang aksidente, sinasabi nila, ‘Oras na niya’ o ‘Kalooban iyan ng Diyos.’ Ito man ay ipinalalagay nilang dahil sa tadhana, suwerte, kapalaran, o kalooban ng Diyos, halos iisa lamang ang paniniwala ng marami. Naniniwala ang maraming tao na ang mga pangyayari sa kanilang buhay at ang kinahinatnan nito ay nakatadhana at na wala na silang magagawa pa rito. Hindi na bago ang ganitong reaksiyon ni nangyayari lamang ito kapag may namatay o naaksidente.

Halimbawa, naniniwala ang sinaunang mga taga-Babilonya na ang mga pangyayari sa buhay ng tao ay kontrolado ng mga bituin at ng mga galaw nito. Kaya tumitingin sila ng mga tanda sa kalangitan para pumatnubay sa kanila. Sumasamba naman ang mga Griego at Romano sa mga diyosa ng kapalaran, na kung minsan ay tila mas nakahihigit pa ang kapangyarihang magdala ng suwerte o kamalasan sa mga tao kaysa sa kagustuhan ng kanilang pangunahing mga diyos na sina Zeus at Jupiter.

Sa Silangan, naniniwala ang mga Hindu at Budista na ang nangyayari ngayon sa isang tao ay resulta ng ginawa niya sa nakaraan niyang buhay, at depende sa ginagawa niya ngayon ang mararanasan niya sa susunod na buhay. Naniniwala rin sa tadhana ang ibang relihiyon​—kabilang na ang maraming relihiyon sa Sangkakristiyanuhan.

Kaya hindi nga kataka-taka na kahit sa ating sinasabing modernong panahon, naniniwala pa rin ang maraming tao na ang kanilang kalagayan sa buhay, ang nangyayari sa kanila sa araw-araw, at ang kahihinatnan nila ay pawang kontrolado ng tadhana at na wala na silang gaanong magagawa pa rito. Iyan din ba ang paniniwala mo sa buhay? Talaga bang nakatadhana ang mga pangyayari sa buhay, ang mga tagumpay at kabiguan, maging ang kapanganakan at kamatayan? Nakatadhana ba ang iyong buhay? Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Ken Murray/New York Daily News