Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Kinukuha ba ng Diyos ang mga Bata para Maging mga Anghel sa Langit?

Kinukuha ba ng Diyos ang mga Bata para Maging mga Anghel sa Langit?

Kapag namatay ang isang bata, maaaring aliwin ng mga kaibigan ang namimighating pamilya sa pagsasabing, “Kailangan ng Diyos ng isa pang anghel sa langit.” Makatuwiran ba iyan?

Kung totoo ngang kinukuha ng Diyos ang mga bata dahil kailangan niya ng mga anghel sa langit, ipahihiwatig nito na wala siyang damdamin at malupit pa nga. Ibang-iba naman ang sinasabi ng Bibliya. (Job 34:10) Hindi basta kukunin ng isang mahabaging ama ang isang bata sa mga magulang nito para lamang dumami ang kaniyang mga anak. Pero higit na mahabagin si Jehova kaysa sa sinumang magulang, yamang pangunahing katangian niya ang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Dahil sa dakila niyang pag-ibig, hindi niya kailanman magagawa ang gayong kalupitan.

Tanungin ang iyong sarili, ‘Kailangan ba ng Diyos ng higit pang mga anghel sa langit?’ Sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng gawa ng Diyos ay mabuti at sakdal. (Deuteronomio 32:4) Walang pagkukulang at sakdal ang pagkakalalang ni Jehova sa milyun-milyong anghel. (Daniel 7:10) Nagkamali ba ang Diyos sa pagtantiya sa bilang ng mga anghel na kailangan niya? Imposible! Hindi kailanman magkakamali ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Oo, pumili ng mga tao si Jehova para maging mga espiritung nilalang upang maging bahagi ng kaniyang Kaharian sa langit, pero hindi sila ang maliliit na bata na namatay.​—Apocalipsis 5:9, 10.

Hindi rin kinukuha ng Diyos ang mga bata sa lupa para maging mga anghel sa langit dahil hindi ito kaayon ng orihinal na layunin ng Diyos para sa mga bata. Sa hardin ng Eden, sinabi ng Diyos kina Adan at Eva: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28) Ang mga bata ay kaloob ng Diyos at mahalaga sa kaniyang layunin na punuin ang lupa ng matuwid na mga tao. Hindi niya kailanman nilayon na mamatay ang mga bata at maging mga anghel. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang mga bata ay “mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Babawiin ba ni Jehova, na Diyos ng pag-ibig, ang regalong ibinigay niya sa mga magulang? Tiyak na hindi!

Ang maagang pagkamatay ng isang bata ay nagdudulot ng matinding kirot, hinagpis, at kalungkutan. Ano, kung gayon, ang pag-asa ng nagdadalamhating mga magulang? Ipinapangako ng Bibliya na bubuhaying muli ng Diyos ang milyun-milyon sa paraiso dito mismo sa lupa. Gunigunihin ang mga bata​—binuhay-muli na may malulusog na katawan​—na muling kapiling ng kanilang mga mahal sa buhay. (Juan 5:28, 29) Kalooban ng Diyos na lumaki ang mga bata, masiyahan sa buhay, at matuto tungkol sa kaniya at sa layunin niya para sa lupa. Kaya ang mga batang namatay ay hindi nagiging mga anghel sa langit, sa halip naghihintay sila ng pagkabuhay-muli sa isang paraisong lupa. Sa panahong iyon, ang mga bata’t matanda ay masisiyahan sa pagsamba sa Diyos na Jehova nang walang hanggan sa ilalim ng maibiging pangangalaga ng ating Maylalang.