Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap ng Praktikal na Payo

Paghahanap ng Praktikal na Payo

Paghahanap ng Praktikal na Payo

KUNG kailangan mo ng payo, napakarami mong makukuha. Nariyan ang tinatawag na self-help na mga aklat. Isa ito sa mabilis na lumalaking negosyo sa ngayon. Sa mga bansang iba’t iba ang lahi ng mga taong nakatira gaya ng Britanya, Latin Amerika, Hapon, at Estados Unidos, pinakamabili ang self-help na mga aklat. Nauuso rin ang self-help na mga video, seminar, at mga programa sa TV. Naaakit dito ang mga tao dahil tumutulong ito sa kanila na malutas ang kanilang mga problema nang hindi na kailangan pang lumapit sa isang sikologo, marriage counselor, o isang ministro ng relihiyon. Tungkol saan ang mga ito?

Ilan sa pinakapopular na mga paksang tinatalakay ng self-help na mga aklat o mga programa ay kung paano magtatagumpay sa buhay, sa pag-ibig, at sa pagpapalaki ng mga anak. Karaniwan din ang mga paksa kung paano mahaharap ang depresyon, pagdadalamhati, at ang mga epekto ng diborsiyo. Marami rin ang naghahanap ng payo kung paano ihihinto ang paninigarilyo at lalabanan ang labis na pagkain at pag-inom. Praktikal ba ang mga payo? Kung minsan oo, pero madalas na hindi. Kaya makabubuting sundin ang babala ng Bibliya: “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita, ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 14:15.

Ibang-iba sa self-help na mga aklat ang mga manwal na nagtuturo ng mga kasanayan sa wika, potograpiya, accounting, at iba pa. Ang gayong mga manwal ay makatutulong sa isa na matuto ng mga kasanayan kahit hindi na siya kumuha ng pantanging kurso at mas mura pa. Ang self-help na mga aklat​—tungkol man ito sa negosyo, pag-aasawa, pagpapalaki ng mga anak, o mental na kalusugan​—ay karaniwang nagrerekomenda ng isang paraan ng pamumuhay o ilang pilosopiya. Kaya makabubuting itanong: ‘Kanino galing ang payo? Saan niya nakuha ang kaniyang impormasyon?’

Ang mga impormasyon ng mga manunulat na ito ay hindi laging mula sa mga pagsasaliksik. Ang mga payo na ibinibigay ng ilan ay yaong mga gustong marinig ng mga tao dahil alam nilang magiging mabili ito at kikita sila nang malaki rito. Aba, sa isang bansa lamang, mahigit walong bilyong dolyar ang kinikita sa self-help na mga aklat taun-taon!

Praktikal ba ang mga Ito?

Umaasa kang tatanggap ng praktikal na payo mula sa self-help na mga aklat. Pero kung minsan, mababaw o teoriya lamang ang mga payo nito. Karaniwan nang sasabihin sa iyo ng mga iyon: ‘Maging positibo ka lamang, magtatagumpay ka. Anuman ang gusto mo​—pera, mabuting kalusugan, o kasiya-siyang ugnayan​—makukuha mo ito kung positibo ka.’ Praktikal ba ang gayong payo? Tutulong ba ito sa iyo na matanggap ang realidad ng buhay at maharap ang mga kabiguang dulot nito?

Kuning halimbawa ang mga aklat tungkol sa mga ugnayan at pag-aasawa, na ilan sa pinakamabili sa ngayon. Nakatutulong ba ang mga ito sa mga tao upang magkaroon ng maligaya at matatag na pamilya? Hindi lagi. Ayon sa isang pagsusuri, ang awtor ng self-help na mga aklat tungkol sa pag-ibig na naging mabili sa Latin Amerika ay “nagtuturo sa mga mambabasa kung paano magkakaroon ng mabuting kaugnayan sa iba at pagpapahalaga sa sarili.” Sinasabi ng awtor na pahihirapan mo lamang ang iyong sarili kung magtitiyaga ka sa isang ugnayan na wala namang patutunguhan. Ang gusto niyang sabihin ay na mahalaga kung ano ang magpapasaya sa iyo sa halip na alamin ang mga problema at lutasin ang mga ito.

May mabubuting payo naman ang self-help na mga aklat. Gayunman, may mga payo rin itong nakasásamâ. Ang isang awtor ay maaaring magbigay ng magagandang mungkahi tungkol sa isang paksa samantalang ang payo naman niya sa ibang paksa ay maaaring magpalala lamang ng situwasyon. Imposibleng makahanap ng mabuting payo dahil sa marami at kadalasang nagkakasalungatang mga opinyon. Kaninong payo ang mapagkakatiwalaan mo? Tanungin ang iyong sarili: ‘Ang payo ba ay maingat na pinag-aralan, o personal na opinyon lamang ng awtor? Kumusta naman ang reputasyon ng awtor, naimpluwensiyahan kaya siya ng paghahangad na yumaman o maging tanyag?’

Ang isang patnubay na subók na ng panahon ay ang Bibliya. Nagbibigay ito ng praktikal na payo tungkol sa maraming paksang tinatalakay rin ng self-help na mga aklat. Natulungan nito ang milyun-milyon na sumunod sa payo: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip . . . Magbihis ng bagong personalidad.” (Efeso 4:23, 24) Tinutulungan tayo ng Bibliya na maunawaan ang mga dahilan ng ating mga problema at tinuturuan tayong malutas ang mga ito. Higit sa lahat, inuudyukan tayo nito na gawin ang tama. Paano? Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.