Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lahat ba ng Relihiyon ay Patungo sa Iisang Diyos?

Lahat ba ng Relihiyon ay Patungo sa Iisang Diyos?

Lahat ba ng Relihiyon ay Patungo sa Iisang Diyos?

“Mayroon akong sariling paniniwala, at hindi na ito mababago. Tutal, hindi naman mahalaga kung ano ang relihiyon mo dahil lahat ng ito ay patungo sa iisang Diyos.”

NARINIG mo na ba ang opinyong iyan? Maraming tao ang naniniwala na lahat ng relihiyon ay tutulong sa iyo na makilala ang Diyos at maunawaan ang layunin ng buhay. Naniniwala rin ang marami na may mabuti at masama sa bawat relihiyon at na walang makapagsasabi na sila lamang ang tunay na relihiyon at ang tanging daan patungo sa Diyos.

Ang gayong mga ideya ay popular ngayon sa mga taong liberal o naniniwala na mabuti naman ang lahat ng relihiyon. Sa katunayan, ang mga hindi naniniwala rito ay itinuturing na sarado ang isip at may pagtatangi pa nga. Ano sa palagay mo? Naniniwala ka bang ang lahat ng relihiyon ay patungo sa iisang Diyos? Mahalaga ba kung ano ang relihiyon ng isa?

May mga Pagkakaiba Nga Ba?

Ayon sa isang ensayklopidiya, may 9,900 relihiyon ngayon sa buong daigdig, ang ilan ay makikita sa maraming bahagi ng daigdig at may milyun-milyong miyembro. Tinatayang 70 porsiyento ng mga tao ang kabilang sa limang malalaking relihiyon​—Budismo, Hinduismo, Islam, Judaismo, at Kristiyanismo. Kung ang lahat ng relihiyon ay patungo sa iisang Diyos, tiyak na maraming pagkakatulad ang limang relihiyong ito sa kanilang mga turo, sa kanilang paglalarawan sa Diyos, at sa kanilang paliwanag tungkol sa layunin ng Diyos. Ano nga ba ang totoo?

Sinasabi ng teologong Romano Katoliko na si Hans Küng na nagkakaisa naman ang mga relihiyong ito sa kanilang paniniwala kung paano dapat pakitunguhan ang isa’t isa. Halimbawa, sang-ayon ang karamihan na masama ang pumatay, magsinungaling, magnakaw, at insesto, at itinuturo nila ang paggalang sa mga magulang gayundin ang pagmamahal sa mga anak. Pero sa ibang bagay, lalo na sa kanilang paglalarawan sa Diyos, lubhang magkakaiba ang turo nila.

Halimbawa, ang mga Hindu ay sumasamba sa maraming diyos, ang mga Budista naman ay sinasabing hindi nakatitiyak kung mayroon ngang Diyos. Itinuturo ng Islam na may iisang Diyos. Gayundin ang paniniwala ng ilang relihiyong Kristiyano, pero karamihan sa kanila ay nagsasabi ring ang Diyos ay isang Trinidad. Gayunman, magkakaiba pa rin ang paniniwala maging ng mga relihiyong Kristiyano na ito. Si Maria na ina ni Jesus ay sinasamba ng mga Katoliko pero hindi ng mga Protestante. Karaniwan nang ipinagbabawal ang birth control sa mga Katoliko pero hindi sa karamihan ng mga Protestante. At hindi naman magkasundo ang mga Protestante kung tama ba o mali ang homoseksuwalidad.

Makatuwiran bang isipin na ang mga relihiyong may iba’t ibang paniniwala ay sumasamba sa iisang Diyos? Hindi nga, sa halip, nalilito lamang ang mga tao kung sino ang Diyos at kung ano ang inaasahan niya sa mga sumasamba sa kaniya.

Pinagkakaisa ba Nito o Pinagwawatak-watak ang mga Tao?

Kung ang lahat ng relihiyon ay patungo sa iisang Diyos, tiyak na makikita nating pinagkakaisa nila ang mga tao sa kapayapaan. Ganiyan nga ba ang kanilang ginagawa? Ipinakikita ng kasaysayan na sa halip na pagkaisahin ng relihiyon ang mga tao, ito pa nga ang pinagmumulan ng pagkakawatak-watak at pag-aaway. Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa.

Mula noong ika-11 hanggang ika-13 siglo, ang Sangkakristiyanuhan, o ang mga bansang nag-aangking Kristiyano, ay nakipagdigma sa mga Muslim sa sunud-sunod na Krusada. Sa Europa noong ika-17 siglo, nasangkot ang mga Katoliko at Protestante sa Tatlumpung Taóng Digmaan. Noong 1947, nang makalaya ang subkontinente ng India sa pananakop ng Gran Britanya, naglabanan ang mga Hindu at Muslim. Sa loob ng maraming taon, naglabanan ang mga Katoliko at Protestante sa Hilagang Ireland. Sa Gitnang Silangan, wala pa ring kapayapaan sa pagitan ng mga Judio at mga Muslim. Ang pinakamatindi sa lahat ay ang Digmaang Pandaigdig II, kung saan nasangkot ang limang malalaking relihiyon, anupat naglaban-laban pa nga ang mga miyembro ng iisang relihiyon sa magkabilang panig ng digmaan.

Maliwanag na hindi nagdulot ng kapayapaan at pagkakaisa ang mga relihiyon sa daigdig, ni inakay man nito ang mga tao patungo sa iisang Diyos. Sa halip, pinagwatak-watak nila ang sangkatauhan at nilito ang mga tao kung sino ang Diyos at kung paano siya sasambahin. Kaya sinumang nagnanais sumamba sa tunay na Diyos, dapat niyang piliing mabuti ang relihiyong sasamahan niya. Kaayon ito ng sinasabi ng Bibliya, ang isa sa pinakamatandang aklat tungkol sa relihiyon na nakilala ng tao.

Piliin Kung Sino ang Paglilingkuran Mo

Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na para malaman ang daang patungo sa tunay na Diyos, kailangang pag-isipan itong mabuti at pumili nang tama. Sinabi ni Josue, isang lingkod ng Diyos na Jehova, sa sinaunang bansang Israel: “Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo, kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabilang ibayo ng Ilog o ang mga diyos ng mga Amorita na sa kanilang lupain ay nananahanan kayo. Ngunit kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” Pagkalipas ng mga ilang taon, hinimok ni propeta Elias ang mga tao na pumili rin: “Hanggang kailan kayo iika-ika sa dalawang magkaibang opinyon? Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya; ngunit kung si Baal [diyos ng Canaanita], sumunod kayo sa kaniya.”​—Josue 24:15, 16; 1 Hari 18:21.

Idiniriin ng mga ito at ng ibang teksto sa Bibliya na kailangang pumili ang sinumang nagnanais maglingkod sa tunay na Diyos. Ganiyan din ang kalagayan sa ngayon. Kung nais nating sambahin at paglingkuran ang tunay na Diyos, kailangan din nating pumili nang tama. Ngunit ano ang makatutulong sa atin na pumili nang tama may kinalaman sa pagsamba? Paano natin makikilala ang tunay na mga mananamba?

Makikilala ang Tunay na mga Mananamba sa Kanilang mga Bunga

Ganito ang sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa tunay at huwad na mga mananamba: “Ang mga tao ay hindi pumipitas ng ubas mula sa mga tinik o ng igos mula sa mga dawag, hindi ba? Gayundin bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga; ang mabuting punungkahoy ay hindi makapamumunga ng walang-kabuluhang bunga, ni ang bulok na punungkahoy man ay makapagluluwal ng mainam na bunga. . . . Kung gayon nga, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” Ayon dito, ang tunay na mga mananamba ay makikilala sa kanilang mga bunga, o mga gawa. Anu-ano ang mga bungang ito?​—Mateo 7:16-20.

Una, pinagkakaisa ng tunay na pagsamba ang mga miyembro nito sa pag-ibig. Ipinaliwanag ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” Dapat ipakita ng tunay na mga tagasunod ni Kristo ang pag-ibig sa isa’t isa sa namumukod-tanging paraan anupat makikilala sila ng mga nagmamasid bilang tunay na mga mananamba.​—Juan 13:34, 35.

Dahil dito, hindi nakikipagdigma ang tunay na mga Kristiyano. Sinusunod ba ng mga miyembro ng relihiyon ang pamantayang ito? Noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova ang tanging relihiyon na matatag na tumangging sumuporta sa anumang paraan sa digmaan. Ganito ang isinulat ni Dr. Hanns Lilje, dating obispo ng relihiyong Protestante sa Hannover, Alemanya, tungkol sa mga Saksi: “Talagang masasabi nilang sila lamang ang relihiyong tumangging magsundalo noong Third Reich.” Sa digmaang iyon, mas pinili pa ng mga Saksi sa maraming lupain na magdusa sa halip na sumuporta rito.

Ano pang ibang bunga ang nasa isip ni Jesus na magpapakilala sa tunay na mga alagad? Ganito pinasimulan ni Jesus ang kilaláng Panalangin ng Panginoon: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Unang binanggit ni Jesus ang pagpapabanal sa personal na pangalan ng Diyos na Jehova. Hiniling niya na sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, mangyari sana ang kalooban ni Jehova. Anong relihiyon ang nagpapakilala sa pangalan ni Jehova at naghahayag na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng mga tao para maging mapayapa ang lupa? Ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian sa 236 na bansa at teritoryo, at namamahagi sila ng mga literatura sa mahigit 470 wika.​—Mateo 6:9, 10.

Bukod diyan, gaya ni Jesus, hindi nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova sa mga usaping pampulitika at panlipunan. “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan,” ang sabi ni Jesus hinggil sa kaniyang mga alagad. Isa pa, tinatanggap ng mga Saksi ang Bibliya bilang Salita ng Diyos at kumbinsido sila na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—Juan 17:14, 17; 2 Timoteo 3:16, 17.

Naiiba ang Tunay na Relihiyon

Ang mapagsakripisyong pag-ibig, pagnanais na mapabanal ang pangalan ni Jehova, paghahayag ng Kaharian ng Diyos, pagiging hiwalay sa sanlibutan, at ang pananampalataya sa Bibliya ang mga bungang nagpapakilala sa tunay na mga mananamba. Iyan din ang dahilan kung bakit naiiba ang tunay na mga mananamba. Ganito ang nasabi ng isang babae na ilang beses nang nakausap ng mga Saksi ni Jehova: “Marami akong alam na relihiyon, at magkakapareho silang lahat. Kayo lamang ang naiiba.”

Maliwanag, hindi patungo sa iisang Diyos ang lahat ng relihiyon. Isang grupo lamang ang naiiba sa lahat​—ang mga Saksi ni Jehova, na mahigit pitong milyon na ngayon sa buong daigdig. Sa pamamagitan ng pangangaral at pagsunod sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, nagawa nila ang hindi nagawa ng ibang grupo o organisasyon​—ang pagkaisahin ang mga taong may iba’t ibang nasyonalidad, wika, etnikong pinagmulan, at lahi sa pagsamba sa iisang tunay na Diyos, si Jehova. Malulugod silang tulungan kang malaman ang tungkol sa tunay na Diyos, ang kaniyang mga hinihiling sa iyo, at magkaroon ng kapayapaan at katiwasayan dahil sa pagsamba sa Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya. Hindi ba sulit na tunguhin iyan?

[Larawan sa pahina 14]

Paring ortodokso habang binabasbasan ang mga sundalo sa Ukraine noong 2004

[Credit Line]

GENIA SAVILOV/AFP/Getty Images

[Larawan sa pahina 15]

Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang lahat ng tao na matuto tungkol sa Diyos at sa kaniyang Kaharian

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Page 12: Buddhist woman: © Yan Liao/Alamy; Hindu holy man: © imagebroker/Alamy; page 13: Man reading Koran: Mohamed Amin/Camerapix; Jewish man: Todd Bolen/Bible Places.com