Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging “Masigasig sa Maiinam na Gawa”!

Maging “Masigasig sa Maiinam na Gawa”!

Maging “Masigasig sa Maiinam na Gawa”!

‘Ibinigay ni Jesus ang kaniyang sarili para sa atin upang mailigtas niya tayo mula sa bawat uri ng katampalasanan at linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.’​—TITO 2:14.

1. Ano ang nangyari nang dumating si Jesus sa templo noong Nisan 10, 33 C.E.?

NOON ay Nisan 10, 33 C.E., ilang araw na lamang at ipagdiriwang na ang Paskuwa. Nananabik na ang nagkakatipong mananamba sa templo sa Jerusalem. Ano kaya ang mangyayari kapag dumating na si Jesus? Ang tatlong manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Lucas ay nagpatunay na sa pangalawang pagkakataon, pinalayas ni Jesus ang mga nagtitinda at bumibili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga tagapagpalit ng salapi at ang mga bangkô ng mga nagtitinda ng kalapati. (Mat. 21:12; Mar. 11:15; Luc. 19:45) Kahit tatlong taon na ang nakalilipas nang unang gawin ito ni Jesus, hindi pa rin nagbago ang kaniyang sigasig.​—Juan 2:13-17.

2, 3. Bakit natin masasabing hindi lamang sa paglilinis ng templo masigasig si Jesus?

2 Hindi lamang tungkol sa sigasig ni Jesus sa paglilinis ng templo ang iniulat ni Mateo. Iniulat din niya na nagpagaling din si Jesus ng mga bulag at pilay. (Mat. 21:14) Binanggit ni Lucas ang tungkol sa iba pang ginawa ni Jesus. “Nagturo [si Jesus] sa templo araw-araw.” (Luc. 19:47; 20:1) Kaya talagang kitang-kita ang sigasig ni Jesus sa kaniyang ministeryo.

3 Nang maglaon, sumulat si apostol Pablo kay Tito at ipinaliwanag na ‘ibinigay ni Jesus ang kaniyang sarili para sa atin upang mailigtas niya tayo mula sa bawat uri ng katampalasanan at linisin para sa kaniyang sarili ang isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.’ (Tito 2:14) Paano tayo magiging “masigasig sa maiinam na gawa”? At paano tayo matutulungan ng halimbawa ng mabubuting hari ng Juda?

Sigasig sa Pangangaral at Pagtuturo

4, 5. Paano pinatunayan ng apat na hari ng Juda na masigasig sila sa maiinam na gawa?

4 Pare-parehong kumilos sina Asa, Jehosapat, Hezekias, at Josias para alisin ang idolatriya sa Juda. “Inalis [ni Asa] ang mga banyagang altar at ang matataas na dako at pinagdurug-durog ang mga sagradong haligi at pinagpuputol ang mga sagradong poste.” (2 Cro. 14:3) Dahil sa sigasig ni Jehosapat sa pagsamba kay Jehova, “inalis . . . niya ang matataas na dako at ang mga sagradong poste mula sa Juda.”​—2 Cro. 17:6; 19:3. *

5 Pagkatapos ng pitong-araw na pagdiriwang ng Paskuwa na isinaayos ni Hezekias sa Jerusalem, “ang lahat ng mga Israelita na nasumpungan doon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda, at pinagdurug-durog nila ang mga sagradong haligi at pinutol ang mga sagradong poste at ibinagsak ang matataas na dako at ang mga altar mula sa buong Juda at Benjamin at sa Efraim at Manases hanggang sa matapos sila.” (2 Cro. 31:1) Naging hari si Josias nang siya ay walong taóng gulang pa lamang. Sinasabi ng ulat: “At nang ikawalong taon ng kaniyang paghahari, habang siya ay bata pa, pinasimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno; at nang ikalabindalawang taon ay pinasimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem mula sa matataas na dako at mga sagradong poste at mga nililok na imahen at mga binubong estatuwa.” (2 Cro. 34:3) Talagang masigasig sa maiinam na gawa ang apat na haring ito.

6. Bakit maitutulad ang ating ministeryo sa mga ginawang pagkilos ng apat na tapat na hari ng Juda?

6 Sa ngayon, tinutulungan din natin ang mga tao na makalaya sa mga turo ng huwad na relihiyon, kasama na ang idolatriya. Sa pamamagitan ng ating pagbabahay-bahay, nakakausap natin ang lahat ng uri ng tao. (1 Tim. 2:4) Naaalaala ng isang kabataang babae na taga-Asia kung paano nagsasagawa ng mga ritwal ang kaniyang ina sa harap ng napakaraming imahen sa kanilang bahay. Dahil naiisip niyang hindi naman maaaring kumatawan ang lahat ng imaheng ito sa tunay na Diyos, madalas siyang manalangin na sana’y makilala niya ang tunay na Diyos. Minsan, nang buksan niya ang kanilang pinto, nakita niya ang dalawang Saksi na handang tumulong sa kaniya na malaman ang pangalan ng tunay na Diyos, Jehova. Tuwang-tuwa siya na matutuhan din ang katotohanan tungkol sa mga idolo! Ngayon ay kapuri-puri ang ipinapakita niyang sigasig sa ministeryo para tulungan ang mga tao na matuto tungkol kay Jehova.​—Awit 83:18; 115:4-8; 1 Juan 5:21.

7. Paano natin matutularan ang mga lumilibot sa lupain noong panahon ni Jehosapat upang magturo?

7 Kapag tayo ay nagbabahay-bahay, lubusan ba nating nagagawa ang ating teritoryo? Kapansin-pansin, nagsugo si Jehosapat ng limang prinsipe, siyam na Levita, at dalawang saserdote noong ikatlong taon ng kaniyang paghahari. Inutusan niya silang lumibot sa lahat ng lunsod upang turuan ang mga tao hinggil sa kautusan ni Jehova. Talagang naging matagumpay ang kanilang kampanya yamang natakot kay Jehova ang mga nakapaligid na bansa. (Basahin ang 2 Cronica 17:9, 10.) Kung susubukan nating magbahay-bahay ng iba’t ibang oras at araw, maaari nating makausap ang iba’t ibang miyembro ng isang sambahayan.

8. Paano natin mapalalawak ang ating pangangaral?

8 Maraming lingkod ng Diyos ngayon ang handang lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Magagawa mo rin ba iyan? Kung hindi, bakit hindi mo subukang mangaral sa mga taong nagsasalita ng ibang wika sa inyong teritoryo? Isaalang-alang ang halimbawa ni Ron na 81 taóng gulang. Dahil maraming dayuhan sa kanilang teritoryo, natutuhan niyang bumati sa 32 wika! Kamakailan, may nakasalubong siyang mag-asawang Aprikano at binati niya sila sa kanilang wika, ang Yoruba. Tinanong ng mag-asawa si Ron kung nakapunta na siya sa Aprika. Nang sabihin ni Ron na hindi pa, tinanong nila siya kung paano siya natuto ng kanilang wika. Dahil diyan, nakapangaral siya sa kanila. Tinanggap nila ang mga magasin at ibinigay ang kanilang adres. Ibinigay naman ito ni Ron sa lokal na kongregasyon para maturuan sa Bibliya ang mag-asawa.

9. Bakit mahalaga na magbasa ng Bibliya kapag tayo ay nasa ministeryo? Magbigay ng halimbawa.

9 Dala-dala ng mga tagapagturong nagparoo’t parito sa lupain sa utos ni Jehosapat ang “aklat ng kautusan ni Jehova.” Sa buong daigdig, nagsisikap tayong turuan ang mga tao tungkol sa Bibliya, ang Salita ng Diyos. Sinisikap nating ipabasa mismo ang mga teksto sa Bibliya kapag tayo ay nasa ministeryo. Halimbawa, si Linda, isang Saksi, ay may nakausap na may-bahay na nagsabing hindi siya puwedeng makipag-usap nang matagal dahil kailangan niyang asikasuhin ang kaniyang asawang na-istrok. Sinabi pa nito: “Hindi ko alam kung ano ang ginawa ko para parusahan ako ng Diyos nang ganito.” Sinabi ni Linda: “Mayroon lang sana akong gustong ipabasa sa iyo.” Pagkatapos ay binasa niya ang Santiago 1:13 at idinagdag: “Lahat ng pagdurusang nararanasan natin at ng mga mahal natin sa buhay ay hindi parusa ng Diyos.” Dahil diyan, niyakap siya nang mahigpit ng may-bahay. Sinabi ni Linda: “Sa tulong ng Bibliya, nakapagbibigay ako ng kaaliwan sa iba. Kung minsan, hindi pa kailanman narinig ng may-bahay ang tekstong binabasa natin sa Bibliya.” Dahil sa pag-uusap na iyan, nakipag-aral ng Bibliya ang may-bahay.

Mga Kabataang Masigasig sa Paglilingkod

10. Bakit mabuting halimbawa si Josias sa mga kabataan ngayon?

10 Kung isasaalang-alang nating muli ang halimbawa ni Josias, makikita natin na itinaguyod niya ang tunay na pagsamba sa murang edad. Mga 20 taóng gulang siya nang simulan niya ang kaniyang malawakang kampanya laban sa idolatriya. (Basahin ang 2 Cronica 34:1-3.) Sa ngayon, napakaraming kabataan ang nagpapakita ng gayunding sigasig sa kanilang ministeryo.

11-13. Anu-ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng mga kabataan ngayon na masigasig na naglilingkod kay Jehova?

11 Si Hannah na taga-Inglatera ay 13 taóng gulang at nag-aaral ng wikang Pranses. Nalaman niya na may isang grupong nagsasalita ng Pranses sa isang karatig-bayan. Sinamahan siya ng kaniyang ama na dumalo sa mga pagpupulong doon. Ngayon ay 18 taóng gulang na si Hannah at isang regular pioneer na masigasig na nangangaral sa mga nagsasalita ng Pranses. Maaari ka rin bang mag-aral ng ibang wika para tulungan ang ibang tao na matuto tungkol kay Jehova?

12 Tuwang-tuwa si Rachel na mapanood ang video na Pursue Goals That Honor God. Ganito ang sinabi niya tungkol sa kaniyang saloobin nang magsimula siyang maglingkod kay Jehova noong 1995: “Akala ko ay masulong na ako sa espirituwal.” Idinagdag pa niya: “Pagkatapos kong mapanood ang drama, naisip ko na sa loob ng mahabang panahon parang naging rutin na lang ang aking pagsamba. Kailangan kong manindigan sa katotohanan at magsikap na seryosohin ang aking ministeryo at personal na pag-aaral.” Ngayon ay mas masigasig na si Rachel sa paglilingkod kay Jehova. Ano ang naging resulta? “Mas naging malapít ako kay Jehova. Mas naging taimtim ang aking panalangin. Mas naging seryoso ako sa personal na pag-aaral kaya talagang nakikinabang ako at naging buháy na buháy sa akin ang mga ulat ng Bibliya. Talagang naging kasiya-siya sa akin ang ministeryo at natutuwa akong makita na naaaliw ang iba sa mga salita ni Jehova.”

13 Napasigla ang kabataang si Luke ng isa pang drama, Young People Ask​—What Will I Do With My Life? Pagkatapos itong mapanood, sumulat si Luke: “Napakilos ako nito na pag-isipang mabuti kung ano ba talaga ang gusto ko sa aking buhay.” Inamin niya: “Noon, hinimok ako ng iba na kumuha ng mataas na edukasyon para maging maalwan ang aking buhay at saka ko na lang pagtuunan ang espirituwal na mga tunguhin. Ang gayong kaisipan ay hindi nakatutulong para sumulong sa espirituwal ang isang tao.” Kayong mga kabataang Saksi, bakit hindi gamitin ang inyong natutuhan sa paaralan para mapalawak ang inyong ministeryo gaya ng ginawa ni Hannah? Bakit hindi tularan ang halimbawa ni Rachel na masigasig na nagtaguyod ng mga tunguhin na talagang nagpaparangal sa Diyos? Tularan si Luke na umiwas sa silo na naglalagay sa panganib sa maraming kabataan.

Masigasig na Sumunod sa mga Babala

14. Anong uri ng pagsamba ang katanggap-tanggap kay Jehova? Bakit isang hamon na panatilihin ito ngayon?

14 Kailangang maging malinis ang bayan ni Jehova para maging katanggap-tanggap ang kanilang pagsamba sa kaniya. Nagbabala si Isaias: “Lumayo kayo, lumayo kayo, lumabas kayo riyan, huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi; lumabas kayo mula sa gitna niya [ang Babilonya], manatili kayong malinis, kayong mga nagdadala ng mga kagamitan ni Jehova.” (Isa. 52:11) Maraming taon bago isulat ni Isaias ang mga salitang ito, itinaguyod ng mabuting hari na si Asa ang kampanya para alisin ang imoralidad sa Juda. (Basahin ang 1 Hari 15:11-13.) At pagkalipas ng maraming siglo, sinabi ni apostol Pablo kay Tito na ibinigay ni Jesus ang kaniyang sarili para linisin ang kaniyang mga tagasunod upang gawing “isang bayan na katangi-tanging kaniya, masigasig sa maiinam na gawa.” (Tito 2:14) Sa lipunang ito ngayon na laganap ang imoralidad, mahirap manatiling malinis sa moral lalo na para sa mga kabataan. Halimbawa, ang lahat ng lingkod ng Diyos, bata man o matanda, ay dapat magsikap na umiwas sa pornograpya na makikita sa mga billboard, TV, pelikula, at lalo na sa Internet.

15. Ano ang makatutulong sa atin para mapoot sa masama?

15 Ang ating sigasig sa pagsunod sa mga babala ng Diyos ay tutulong sa atin na mapoot sa masama. (Awit 97:10; Roma 12:9) Kailangang mapoot tayo sa pornograpya para “makalaya sa malakas na puwersa, o pang-akit nito,” ang sinabi ng isang Kristiyano. Halimbawa, kailangan ng mas malakas na puwersa para maihiwalay ang bakal sa magnet. Sa katulad na paraan, kailangan ng mas malakas na puwersa para malabanan ang pornograpya. Kaya kung nauunawaan natin ang pinsalang maaaring idulot ng pornograpya sa atin, mapopoot tayo rito. Isang brother ang nagsikap na maalis ang kaniyang hilig na magbukas ng mga pornographic site sa Internet. Inilipat niya ang kaniyang computer sa lugar na nakikita ng kaniyang pamilya. Bukod diyan, mas naging determinado siyang alisin ang hilig na ito at sa halip ay maging masigasig sa maiinam na gawa. Gumawa pa siya ng isang hakbang. Yamang kailangan niyang gumamit ng Internet dahil sa kaniyang negosyo, ipinasiya niyang gumamit lamang nito kapag kasama ang kaniyang asawa.

Ang Kahalagahan ng Mabuting Paggawi

16, 17. Ano ang maaaring maging epekto sa iba ng ating mainam na paggawi? Magbigay ng halimbawa.

16 Talaga ngang hinahangaan ng mga nagmamasid ang napakainam na paggawi ng mga kabataang naglilingkod kay Jehova! (Basahin ang 1 Pedro 2:12.) Isang lalaki ang nagbago ng pananaw sa mga Saksi ni Jehova pagkatapos niyang kumpunihin nang buong araw ang isang makinang pang-imprenta sa Bethel sa London. Nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ang asawa ng lalaki at napansin nito ang pagbabagong iyon. Dati, ayaw ng lalaki na may dumadalaw na Saksi sa kanilang bahay. Pero pagkatapos niyang magtrabaho sa Bethel, puring-puri niya ang mga Saksi dahil sa napakabait nilang pakikitungo sa kaniya. Sinabi niyang walang nagmumura. Lahat ay matiisin at mapayapa. Partikular niyang hinangaan ang kasipagan ng mga kabataang kapatid doon kahit na wala silang suweldo, anupat ginagamit ang kanilang panahon at lakas para maipahayag ang mabuting balita.

17 Sa katulad na paraan, ang ating mga kapatid na may sekular na trabaho para suportahan ang kanilang pamilya ay mahuhusay na empleado. (Col. 3:23, 24) Kadalasan nang nagdudulot ito ng kasiguruhan sa trabaho dahil pinahahalagahan ng mga amo ang kanilang mainam na paggawi kaya’t ayaw nilang mawala sila bilang mga empleado.

18. Paano tayo magiging “masigasig sa maiinam na gawa”?

18 Ang ating pagtitiwala kay Jehova, pagsunod sa kaniyang mga tagubilin, at pangangalaga sa mga dako ng ating pagsamba ay ilang paraan para maipakita ang ating sigasig sa bahay ni Jehova. Karagdagan pa, gusto rin nating makibahagi sa abot ng ating makakaya sa pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Bata man tayo o matanda, kung patuloy tayong manghahawakan sa malinis na pamantayan sa ating pagsamba, aani tayo ng maraming pagpapala. At makikilala tayo bilang mga taong “masigasig sa maiinam na gawa.”​—Tito 2:14.

[Talababa]

^ par. 4 Maaaring ang inalis ni Asa ay ang matataas na dako para sa pagsamba sa mga huwad na diyos at hindi yaong ginagamit ng mga tao para sambahin si Jehova. O maaari namang itinayong muli ang matataas na dakong ito sa huling mga taon ng paghahari ni Asa at ito ang inalis ng kaniyang anak na si Jehosapat.​—1 Hari 15:14; 2 Cro. 15:17.

Mula sa mga halimbawa noong panahon ng Bibliya at sa ngayon, ano ang natutuhan mo tungkol sa

• kung paano magpapakita ng sigasig sa pangangaral at pagtuturo?

• kung paano magiging “masigasig sa maiinam na gawa” ang mga kabataang Kristiyano?

• kung paano maaalis ang nakapipinsalang mga hilig?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 13]

Lagi mo bang ginagamit ang iyong Bibliya sa ministeryo?

[Larawan sa pahina 15]

Kung mag-aaral ka ng ibang wika habang estudyante ka pa, maaari mong mapalawak ang iyong ministeryo