Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Si Jesus ay nangaral sa buong lupain ng Israel. Kaya bakit nasabi ni apostol Pedro na ‘kumilos sa kawalang-alam’ ang mga Judio at ang kanilang mga tagapamahala nang ipapatay nila si Jesus?​—Gawa 3:17.

Nang makipag-usap si apostol Pedro sa isang grupo ng mga Judio tungkol sa kanilang naging papel sa kamatayan ng Mesiyas, sinabi niya: “Alam ko na kumilos kayo sa kawalang-alam, gaya rin ng ginawa ng inyong mga tagapamahala.” (Gawa 3:14-17) Maaaring hindi naunawaan ng ilang Judio na si Jesus ang Mesiyas o maging ang kaniyang turo. Ang iba naman ay hindi kumilala kay Jesus bilang Mesiyas dahil sa kawalan ng pagnanais na palugdan ang Diyos, pagtatangi, inggit, at poot.

Isaalang-alang kung paano nakaapekto ang kawalan ng pagnanais na palugdan si Jehova sa naging pangmalas ng marami sa turo ni Jesus. Madalas gumamit si Jesus ng ilustrasyon at ipinaliwanag ito sa lahat ng gusto pang matuto. Gayunman, hindi nagsikap ang ilan na maunawaan ang sinabi ni Jesus anupat iniwan nila siya. Halimbawa, maging ang ilang alagad ay natisod dahil sa ilustrasyong ginamit niya. (Juan 6:52-66) Hindi nila natanto na sinubok lamang ni Jesus kung handa nilang baguhin ang kanilang pag-iisip at pagkilos. (Isa. 6:9, 10; 44:18; Mat. 13:10-15) Binale-wala rin nila ang hula tungkol sa paggamit ng Mesiyas ng mga ilustrasyon sa kaniyang pagtuturo.​—Awit 78:2.

Dahil sa pagtatangi, hindi tinanggap ng iba ang turo ni Jesus. Nang magturo siya sa sinagoga sa kaniyang sariling bayan, ang Nazaret, ang mga tao ay “namangha.” Pero sa halip na tanggapin siya bilang Mesiyas, kinuwestiyon nila ang kaniyang pinagmulan: “Saan kinuha ng taong ito ang ganitong mga bagay? . . . Ito ang karpintero na anak ni Maria at ang kapatid nina Santiago at Jose at Hudas at Simon, hindi ba? At ang kaniyang mga kapatid na babae ay naritong kasama natin, hindi ba?” (Mar. 6:1-3) Dahil sa kaniyang hamak na pinagmulan, binale-wala ng mga taga-Nazaret ang turo ni Jesus.

Kumusta naman ang mga lider ng relihiyon? Dahil sa pagtatangi, karamihan sa kanila ay halos hindi nagbigay-pansin kay Jesus. (Juan 7:47-52) Hindi rin nila tinanggap ang kaniyang turo dahil nainggit sila sa atensiyong ibinigay ng mga tao sa kaniya. (Mar. 15:10) At marami sa kilalang mga tao noon ang tiyak na nagalit nang tuligsain niya ang kanilang pagpapaimbabaw at panlilinlang. (Mat. 23:13-36) Dahil pinili nilang maging walang alam, tahasan silang hinatulan ni Jesus. Sinabi niya: “Sa aba ninyo na mga bihasa sa Kautusan, sapagkat inalis ninyo ang susi ng kaalaman; kayo mismo ay hindi pumasok [sa Kaharian], at yaong mga pumapasok ay hinadlangan ninyo!”​—Luc. 11:37-52.

Sa loob ng tatlo at kalahating taon, ipinangaral ni Jesus sa lupain ang mabuting balita. Marami rin siyang sinanay para sa gawaing ito. (Luc. 9:1, 2; 10:1, 16, 17) Napakahusay ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa gawaing ito kaya nasabi ng mga Pariseo: “Tingnan ninyo! Ang sanlibutan ay sumunod na sa kaniya.” (Juan 12:19) Kaya hindi talaga masasabing walang alam ang karamihan sa mga Judio. Pero nanatili silang ‘walang alam’ sa pagiging Mesiyas ni Jesus. Maaari sana nilang palalimin ang kanilang kaalaman at pag-ibig sa Mesiyas, pero hindi nila ito ginawa. Tumulong pa nga ang ilan para maipapatay si Jesus. Kaya pinayuhan sila ni apostol Pedro: “Magsisi kayo, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapaginhawa ay dumating mula sa mismong persona ni Jehova at upang isugo niya ang Kristo na hinirang para sa inyo, si Jesus.” (Gawa 3:19, 20) Kaya libu-libong Judio ang nagsimulang magbigay-pansin, kasama na ang “isang malaking pulutong ng mga saserdote.” Hindi na sila kumilos sa kawalang-alam. Sa halip, nagsisi sila at sa gayon ay natamo ang pagsang-ayon ni Jehova.​—Gawa 2:41; 4:4; 5:14; 6:7.