Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

1. Hingin ang Tulong ng Diyos

1. Hingin ang Tulong ng Diyos

Kung Paano Mo Maiintindihan ang Bibliya

1. Hingin ang Tulong ng Diyos

“Noon, nagbabasa ako ng Bibliya bago matulog,” ang sabi ni Ninfa na taga-Italya. “Kasi alam ko na Salita ito ng Diyos, at kahit hindi ako nasisiyahan sa pagbabasa, gusto kong malaman kung ano ang isinulat ng Diyos sa Bibliya. Balak kong basahin ang buong Bibliya. Noong una, masarap itong basahin, pero nang bandang huli, nahirapan na akong intindihin ito, kaya itinigil ko na ang pagbabasa.”

KATULAD ka rin ba ni Ninfa? Maraming tao ang ganiyan. Pero gaya ng nabasa natin sa naunang artikulo, gusto ng Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova, na maintindihan mo ang kaniyang Salita. Gayunman, paano mo ito maiintindihan? Una, hingin ang tulong ng Diyos.

Ang mga apostol ni Jesus ay itinuring na “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” dahil hindi sila nag-aral sa mga paaralang rabiniko para sa relihiyosong pagsasanay. (Gawa 4:13) Pero tiniyak sa kanila ni Jesus na maaari nilang maintindihan ang Salita ng Diyos. Paano? Ipinaliwanag ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay.” (Juan 14:26) Ginamit ng Diyos ang banal na espiritung ito, o aktibong puwersa, upang lalangin ang lupa at ang lahat ng nabubuhay rito. (Genesis 1:2) Ginamit din niya ito upang patnubayan ang mga 40 lalaki na isulat ang kaniyang mga kaisipan sa Bibliya. (2 Pedro 1:20, 21) Matutulungan din ng espiritung iyan ang mga taong gustong maunawaan ang Bibliya.

Paano mo matatanggap ang banal na espiritu ng Diyos? Dapat mong hingin ito nang may pananampalataya. Sa katunayan, kailangang patuloy mo itong hingin. “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo,” ang sabi ni Jesus. “Kung kayo . . . ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:9, 13) Tiyak na ibibigay ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu sa mga taimtim na humihingi nito. Ang aktibong puwersang iyan ay makatutulong sa iyo na maintindihan ang mga isinulat sa Bibliya libu-libong taon na ang nakalipas. Ang espiritu ng Diyos ay makapagbibigay rin sa iyo ng karunungan upang maikapit mo sa iyong buhay ang nakapagpapakilos na mensahe ng Bibliya.​—Hebreo 4:12; Santiago 1:5, 6.

Kaya sa tuwing babasahin mo ang Bibliya, manalangin sa Diyos at hingin ang tulong ng banal na espiritu para maintindihan mo ang kaniyang Salita.