Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

2. Basahin Ito Nang May Bukás na Isip

2. Basahin Ito Nang May Bukás na Isip

Kung Paano Mo Maiintindihan ang Bibliya

2. Basahin Ito Nang May Bukás na Isip

Sinabihan ka na ba ng isang kaibigan ng negatibong mga bagay tungkol sa isang tao na hindi mo pa nakikilala? Nang makilala mo ang taong iyon, nahirapan ka bang makita ang magaganda niyang katangian dahil sa sinabi ng kaibigan mo? Puwede ring mangyari iyan sa Bibliya.

NAGBABALA si apostol Pablo sa maaaring mangyari kung babasahin natin ang Bibliya nang hindi bukás ang ating isip. Ganito ang isinulat ni Pablo tungkol sa ilang Judio noong panahon niya: “Nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.”​—Roma 10:2.

Ayaw tanggapin ng ilang Judio noong unang siglo ang katotohanan na maliwanag na isinisiwalat ng Hebreong Kasulatan: ang pagkakakilanlan ng Mesiyas. Lahat ng hula tungkol sa Mesiyas na binabanggit sa Hebreong Kasulatan ay natupad kay Jesus ng Nazaret. Pero marami sa kaniyang mga kababayan ang hindi nakaunawa sa sinasabi ng Salita ng Diyos dahil sarado na ang kanilang isip sa mga bagay na naituro sa kanila.

Ano ang matututuhan natin dito? Mahalagang basahin ang Bibliya nang may bukás na isip. Hindi maiintindihan ng isang bumabasa ng Bibliya ang katotohanan kung sarado ang kaniyang isip.

Halimbawa, inilalarawan ng isang propesor ng mga pag-aaral sa relihiyon sa North Carolina, E.U.A., ang Bibliya bilang “isang aklat na isinulat ng mga tao, na may kaisipan ng tao, na karamihan ay nagkakasalungatan at hindi nagbibigay ng tamang patnubay sa buhay.” Kung ituturing ng isa ang Bibliya bilang “isang aklat na isinulat ng mga tao,” hindi kaya malamang na tanggihan niya ang patnubay o mga simulain na hindi niya gusto?

Sa kabaligtaran, pinasisigla tayo ng Bibliya na maingat itong pag-aralan. Gaya ng mga taga-Berea noong panahon ni Pablo, sinasabi ng Kasulatan: “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.” (Gawa 17:11) Tulad nila, baka kailangang maging bukás ang iyong isip para maintindihan mo ang Bibliya. Basahin ito nang may pananabik at tuklasin ang kamangha-manghang mensahe ng Awtor nito.