Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Bakit ang isang babaing nawalan ng tiwala sa relihiyon ay gumugugol ngayon ng maraming oras sa pagtulong sa iba na matuto tungkol sa Diyos? Ano ang nagpakilos sa isang lalaking mahilig sa mararahas na isport na maging maibigin sa kapayapaan? Paano binago ng isang lalaking basag-ulero, sugapa sa droga at alak ang kaniyang buhay? Basahin kung ano ang kanilang sinabi.

MAIKLING TALAMBUHAY

PANGALAN: PENELOPE TOPLICESCU

EDAD: 40

BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA

DATING WALANG TIWALA SA RELIHIYON

ANG AKING NAKARAAN: Ipinanganak ako sa Sydney, Australia, ngunit nang ako’y dalawang taon pa lamang, lumipat kami sa New Guinea. Tumira kami sa Rabaul nang halos dalawang taon at walong taon sa Bougainville. Noong panahong iyon, wala pang TV sa New Guinea, kaya kami ng kapatid kong lalaki ay madalas mag-swimming, snorkeling, at magkamping.

Nang mga sampung taon na ako, naging interesado ako sa relihiyon. Katoliko si Inay, kaya iminungkahi niyang mag-aral ako ng Bibliya sa klase ng isang madre sa lugar namin. Naging Katoliko ako at nabinyagan sa edad na sampu.

Pero nang bumalik kami sa Australia at naging tin-edyer ako, kinuwestiyon ko ang mga itinuro sa akin tungkol sa relihiyon. Noong ako’y haiskul, pinag-aralan ko ang tungkol sa sinaunang kasaysayan, at kami ni Itay ay madalas mag-usap hinggil sa pinagmulan ng relihiyon at sa itinuturing naming mga alamat sa Bibliya. Nang maglaon, ayaw ko na sa Katoliko.

Naghiwalay ang aking mga magulang nang ako’y 16 anyos. Naging mahirap ito para kay Inay, kaya nang maglaon ay tumira akong kasama ni Itay at ng kaniyang kinakasama. Si Inay naman at ang kapatid kong lalaki ay lumipat sa ibang lugar sa Australia. Lungkot na lungkot ako noon. Dalawang taon ang lumipas bago ako muling naging malapít kay Inay. Nagsimula akong uminom ng alak, gumamit ng droga, at makipagparti. Huminto ako sa pag-aaral, nagtrabaho, at sinayang ko ang buhay ko sa imoral na pamumuhay noong ako ay mga edad 20.

Nang ako’y 25 anyos, muli kong pinag-isipan ang tungkol sa Bibliya. Nagkaroon ako ng bagong trabaho at nakilala ko si Liene, isang magandang babae na laging magalang sa kaniyang amo kahit na napakasungit nito sa kaniya. Nang tanungin ko siya kung bakit hindi siya sumasagot sa kaniyang amo, ipinaliwanag niya na siya ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at sinisikap niyang sundin ang mga simulain ng Bibliya. Inalok ako ni Liene na mag-aral ng Bibliya. Dahil hindi ko naintindihan ang sinabi niya, akala ko’y matututuhan ko ang lahat ng nalalaman niya sa Bibliya sa loob lamang ng isang oras. Nang gabing iyon, tatlong oras na sinagot ni Liene ang aking mga tanong tungkol sa Bibliya. Hangang-hanga ako dahil sinagot niya mula sa Bibliya ang lahat ng tanong ko.

Natatandaan ko pa nang gabing umuwi ako sa amin pagkatapos ng pag-uusap namin ni Liene, galit na galit ako sa Diyos dahil hindi niya agad ipinaalam sa akin ang katotohanan. Alam kong malinis sa moral ang mga Saksi at naisip kong huli na para magbago pa ako. Akala ko ri’y hindi ko kailanman magagawang mangaral sa bahay-bahay gaya ng ginagawa ng mga Saksi. Nagpatuloy ako sa pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi, pero ang motibo ko ay hanapan ng mali ang kanilang mga turo para hindi ako makonsiyensiya kung hihinto akong makipag-aral sa kanila. Isang araw, napag-isip-isip ko na wala akong makikitang mali sa kanila.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Habang natututo ako nang higit tungkol sa mga pamantayang moral ng Bibliya, lalo akong nakokonsiyensiya. Upang hindi ako bagabagin ng aking budhi, inihinto ko ang paggamit ng droga. Pero nangibang bansa ako at nagsimula na naman akong uminom at makipagparti. Waring tuwing sinisikap kong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya, bumabalik ako sa dati kong pamumuhay. Nananalangin ako kay Jehova, pero nakokonsiyensiya pa rin ako.

Nakatulong sa akin nang malaman ko ang tungkol sa nangyari kina Haring David at Bat-sheba at kung paanong pinatawad sila ni Jehova. Nagpakita si David ng lakas ng loob nang aminin niya ang kaniyang kasalanan noong siya’y payuhan, at hindi siya nagdahilan. At mapagpakumbaba niyang tinanggap ang disiplina. (2 Samuel 12:1-13) Sa tuwing nagkakamali ako, iniisip ko ang ulat na iyon at nagiging madali sa akin na humingi ng tawad kay Jehova. Mula noon, nananalangin ako bago pa ako matukso sa halip na pagkatapos gumawa ng kasalanan, at malaking tulong ito sa akin.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Talagang magagalitin ako. Pero natulungan ako ng Efeso 4:29-31 na makitang kailangan kong iwasan ang “mapait na saloobin at galit at poot.” Habang natututo akong kontrolin ang aking galit, natutuhan ko ring kontrolin ang aking dila. Bukod diyan, ang payo ni Jesus na “ang [inyong] salitang Oo ay mangahulugang Oo” ay nakatulong sa akin na maging determinado sa aking pasiya.​—Mateo 5:37.

Dati, ayaw ni Inay na nakikisama ako sa mga Saksi, pero nang maglaon ay sinabi niya na ipinagmamalaki niya ako. Sinabi pa nga niya, “Kung ano ka ngayon ay hindi dahil sa pagpapalaki sa iyo kundi dahil sa mga natutuhan mo tungkol kay Jehova.” Tuwang-tuwa akong marinig iyon sa kaniya.

Ang buhay ko ngayon ay may layunin at kabuluhan. Sa nakalipas na siyam na taon, kaming mag-asawa ay buong-panahong mga tagapagturo ng Bibliya. Oo, nangangaral ako sa bahay-bahay, at para sa akin, ito ang pinakamagandang nagawa ko sa aking buhay.

MAIKLING TALAMBUHAY

PANGALAN: DENIS BUSIGIN

EDAD: 30

BANSANG PINAGMULAN: RUSSIA

DATING MAHILIG SA KARATE

ANG AKING NAKARAAN: Ipinanganak ako sa lunsod ng Perm’ at lumaki ako sa Furmanov, isang lunsod na may 40,000 mamamayan sa rehiyon ng Ivanovo, Russia. Magandang lunsod ang Furmanov lalo na sa taglagas dahil kulay dilaw at pula ang maraming punungkahoy nito. Noong dekada ng 1980 at 1990, maraming krimen sa lunsod. Mahirap lang ang buhay namin. Nakatira kaming magkakasama ng mga magulang ko at ng aking nakababatang kapatid na lalaki sa isang apartment na may isang kuwarto, kaya napakasikip.

Sa edad na pito, nag-aral ako ng karate. Gustung-gusto ko ito, at dito nakasentro ang buhay ko. Lagi akong nasa gym, kaya lahat ng kaibigan ko ay mahilig sa isport. Sa edad na 15, naging red belter ako sa karate, at brown belter naman pagkalipas ng isang taon. Naging miyembro ako ng team ng karate na sumali sa paligsahan sa Russia at Eurasia. Alam kong may mararating ako, pero nagbago ang buhay ko noong ako ay 17 anyos.

Kaming magkakabarkada ay nakagawa ng isang krimen at nahuli. Nabilanggo ako nang dalawang taon. Mahirap ang buhay sa bilangguan. Pero doon ako unang nakakita ng Bibliya. Binasa ko ang Genesis, Mga Awit, at ang Bagong Tipan. Isinaulo ko pa nga ang Ama Namin at dinarasal ko ito gabi-gabi bago matulog sa pag-aakala kong makatutulong ito sa akin.

Nakalaya ako noong 2000, pero walang direksiyon at layunin ang buhay ko. Gumamit ako ng droga. Nang panahon ding iyon, namatay si Inay. Pinakamamahal ko siya, kaya napakasakit nito para sa akin. Sa kabila nito, naihinto ko ang paggamit ng droga at bumalik ako sa gym. Lumipat din ako sa lunsod ng Ivanovo. Nakapagtrabaho ako sa isang groseri. Ang isa sa mga nangangasiwa sa groseri ay isang Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag niya sa akin ang ilang katotohanan sa Bibliya at isinaayos niya na regular akong turuan sa Bibliya ng isa pang Saksi.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Sa aking pag-aaral ng Bibliya, lubha akong naantig nang matutuhan ko na layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa, at gusto kong mabuhay roon. Natutuhan ko na gusto ng Diyos na Jehova na mamuhay ang mga tao ayon sa kaniyang matataas na pamantayan. Buong buhay ko, sarili ko lang ang iniisip ko. Pero natutuhan kong gusto ni Jehova na isipin ko rin ang iba at maging mabait at maibigin sa kapayapaan​—mga katangiang hindi ko pa taglay noon.

Habang binubulay-bulay ko ang lahat ng ginawa sa akin ni Jehova​—gaya ng pagbibigay ng kaniyang Anak bilang hain para sa aking mga kasalanan​—binago ko ang aking buhay bilang pagtanaw ng utang na loob sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos. Halimbawa, natutuhan ko sa Awit 11:5 na kinapopootan ni Jehova ang karahasan. Kaya hindi na ako nanood ng mga programa sa TV na nagtatampok ng karahasan at pagkapoot. At inihinto ko rin ang mararahas na isport kahit napakahirap nito para sa akin. Ang simulain sa 1 Corinto 15:33 ay nakatulong sa akin na maunawaang may malaking impluwensiya sa akin ang pinipili kong mga kasama. Napatunayan kong totoo ang simulaing ito nang makulong ako. Kaya nagpasiya akong huwag nang makisama sa mga taong mahilig sa mararahas na isport.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Ang pakikisama at pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa akin na maging tapat. Halimbawa, natutuhan ko sa Hebreo 13:5 na kailangan kong maging kontento at labanan ang pag-ibig sa salapi. Ang pagsunod sa payong ito ay nakatulong sa akin na huwag nang magsinungaling at magnakaw.

Mahalaga sa akin ang mga kaibigan. Nakita ko noon kung paano nasisira ng kasakiman o takot ang pagkakaibigan. Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sakdal, pero nakita kong iginagalang nila ang mga pamantayan ng Diyos at sinisikap nilang sundin ang payo niya kung paano makikitungo sa iba. Mayroon na ako ngayong tunay na mga kaibigan.

Naiisip ko, ‘Ano na kaya ang buhay ko kung hindi ko sinunod ang mga pamantayan ng Bibliya?’ Malamang na nakakulong na naman ako o baka nagdurusa ang iba dahil sa akin. Pero ngayon, mayroon akong isang magandang asawa at dalawang anak na lalaki. Bilang isang pamilya, masaya kaming tumutulong sa iba na matuto ng katotohanan tungkol sa Diyos.

MAIKLING TALAMBUHAY

PANGALAN: JOSÉ CARLOS PEREIRA DA SILVA

EDAD: 31

BANSANG PINAGMULAN: BRAZIL

DATING BASAG-ULERO

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa iskwater ng Americana, São Paulo. Marumi ang lugar pati na ang tubig. Kilala sa karahasan at krimen ang lugar na ito.

Lumaki akong marahas at agresibo. Lagi akong nasasangkot sa mga away sa kalye, kaya kinatatakutan ako sa aming lugar. Kitang-kita sa aking pananamit, pag-aayos, at pagkilos na siga ako. Malakas akong uminom, kaya madalas akong mawalan ng malay dahil sa kalasingan. Gaya ng mga kuya ko, gumagamit ako ng droga. Sa katunayan, isa sa mga kuya ko ang namatay sa sobrang dosis ng droga.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang makilala ko ang mga Saksi ni Jehova, ipinakita nila sa akin mula sa Bibliya na gagawing paraiso ng Diyos ang buong lupa. (Lucas 23:42, 43; Apocalipsis 21:3, 4) Natutuhan ko ring walang anumang nalalaman ang mga patay, kaya hindi pinarurusahan ng Diyos ang masasama sa maapoy na impiyerno. (Eclesiastes 9:5, 6) Kaylaking ginhawa nito sa akin. Dahil sa natutuhan ko tungkol sa Diyos, gusto kong magbago. Pero hindi madaling magbago​—ihinto ang paggamit ng droga, pag-inom, pakikipag-away, at pagmumura na nakagawian ko na.

Gayunman, lubha akong napatibay ng pananalita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 6:9-11. Ipinakikita ng teksto na ang ilang Kristiyano noong unang siglo ay dating may masasamang bisyo na gaya ko. Pero sinasabi rin ng tekstong iyon: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit ipinahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.” May pag-asa pa pala akong magbago para mapalugdan ang Diyos.

Nang makisama ako sa mga Saksi ni Jehova, kumbinsido akong sila ang tunay na relihiyon. Alam nilang dati akong basag-ulero at agresibo, pero magiliw pa rin nila akong tinanggap.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Kung hindi ako nag-aral ng Bibliya at nagbago, malamang na patay na ako ngayon. Sa halip, natulungan ko ang isa sa aking mga kuya na matutuhan ang Bibliya at ihinto ang pagkasugapa niya sa droga. Nahikayat ko rin ang iba ko pang kamag-anak na mag-aral ng Bibliya. Labis akong nagpapasalamat na inialay ko ang aking buhay sa paglilingkod sa Diyos, na lubhang nagmamalasakit sa atin!

[Blurb sa pahina 24]

“Nananalangin ako bago pa ako matukso sa halip na pagkatapos gumawa ng kasalanan, at malaking tulong ito sa akin”